Ang Kapangyarihan ng Pera
Ni Apolinario Villalobos
Nababalita na naman ang tungkol sa kapabayaan ng mga tauhan ng New Bilibid Prison dahil sa paglabas-pasok ng malalaking taong nakabilanggo sa maximum security pa mandin. Ang ginawang dahilan na wari ay naabuso na ay ang pagpapa-ospital. Ang mga bilanggo ay nalamang gumagamit pa ng cell phone at may mga bisitang wala sa listahan ng mga dapat bumisita.
Noon pang nabisto ang paglabas-masok ng dating gobernador ng Batangas na si Leviste ay napuna na ang kaluwagang ito ng National Bilibid Prison. Nang pumunta nga ang isang senador ay naghanap ng operating manual at wala yata silang naipakita, ibig sabihin walang sinusunod na standard na mga patakaran, kaya kung may paglabag, sila ay nagtuturuan.
Subali’t may operating manual man o wala, may isang malakas na dahilan na nagpapaluwag ng pamamalakad ng bilangguan. Ito ay ang kapangyarihan ng pera. Nalaman kasi na pinapagamit ng ilang prison guards ang kanilang cell phone sa mga bilanggo kapalit ng malaking halaga. Kaya pala daw, maski nasa loob na ang isang drug lord, nakakapag-utos pa ito sa kanyang mga tauhan na nasa labas ng bilangguan.
Sa isang interview, sinabi ng isang taga-DOJ na ililipat na ang bilangguan sa isang lugar sa Nueva Ecija. Aba, eh di, lalong masaya para sa mga mabibigat na mga bilanggo dahil malayo na sila sa mga mata ng mga taong nagbabantay sa kanila. Maluwag na nilang magagawa ang gusto nila. Baka magsunud-sunuran pa ang pagtakas nila.
Ang korapsyon sa pamamalakad ng mga bilangguan ay bahagi lamang ng korapsyon sa kabuuhan na nakikita sa pamahalaan ng Pilipinas. At, siyempre ang pinakaugat ay pera. Kaya hangga’t may mga taga-pamahalaang patuloy na magpapatalo sa kapangyarihan ng pera, ang korapsyon ay hindi mawawala sa ating bansa. Sa bandang huli, ang mga Pilipino ang kawawa, lalo na yong naghihirap na.