Ang DOJ, DBM at BIR
Ni Apolinario Villalobos
Nitong huling mga araw kung ilang beses ininterbyu ang pamunuan ng Department of Justice na nagsabing may mga resulta ng imbestigasyon tungkol sa PDAF at nagtuturo sa mga kakutsaba sa loob ng DBM. Ngayon lang nila nalaman? Noon pa man malinaw pa sa sikat ng araw na kung walang kakutsaba sa DBM ay hindi malalaman ng mga NGO at mga mambabatas na meron silang makukurakot na pera ng bayan. DBM lamang ang nakakaalam ng proseso sa pagpalabas ng mga pondo at kung magkano ang maaari nilang magamit sa mga proyekto. Sila rin ang nakakaalam kung paano mapadali ang pagpapalabas, at kung ano pang ahensiya ng gobyerno ang maaaring mag-implementa ng mga proyekto na dati ay diretso, pero ngayon ay idinadaan sa mga NGO. Kaya siguro natatawa lang si Napoles at mga inaakusahan na mga mambabatas dahil alam nila na mahina ang mga ahensiyang humahawak ng kaso. Kung anu-anong flow chart ang pinapakita sa media para ipaalam marahil na ganoon sila ka-teknikal, pero hindi nila pinansin noon ang DBM na siyang nasa gitna ng lahat ng mga pangyayari. Ngayon nagkukumahog sila sa pagsabi na may kakutsaba sa loob ng DBM, patunay ang mga pekeng SARO na may kaparehong detalye ng mga nasa original na SARO. Simple lang: pag may “SARO” na, pwedeng “bayaran” ng PDAF broker tulad ni Napoles ang mambabatas ng “down payment”, kaya kailangan ang peke para makuha agad ang pera, at pag na-release na ang budget, saka ibibigay ang balance sa mambabatas – in cash. Sa puntong ito mapapalitan na ang pekeng SARO ng original na talagang pirmado na kaya nga nakapag-release na ng pondo. Sino ang pwedeng gumawa nito? EH di ang mga taga-loob ng DBM! At paano nga pala ang ginawa ng DBM na dalawang budget sa iisang SARO? Kaya halos umiyak yong kongresman na taga-Mindanaw (yong palaging nagba-bike pag pumasok sa kamara), dahil ang kakarampot niyang PDAF ay “isinakay” sa SARO ng isang ahensiya na bilyon perang tinutukoy kaya sa kanya na-reflect ang malaking halaga at nakaligtas ang ahensiya. Naghugas kamay ang DBM pagkatapos mabisto ang nangyari. May ginawa ba sa empleyado o mga empleyado na may kagagawan? Wala akong nalaman tungkol dito. Ngayon, sinasabi ng DOJ, may kakutsaba sa DBM…ganoon sila ka-“talino”!
Wala talagang binatbat pagdating sa common sense ang mga ahensiya ng gobyerno kaya naubos na ang buhok ng isang tao sa “itaas” sa kakakamot ng kanyang ulo. Tulad ng BIR na kung hindi ba naman pahamak, ay kung bakit itinayming ang kaso ni Pacquiao sa pag-uwi nito galing sa isang matagumpay na laban kay Rios. Inaadhika ni Pacquiao ang pagtulong sa mga nasalanta ng Yolanda, pero ito ang BIR, ini-freeze ang pera ng tao kaya tuloy nagkanda-utang ng perang pambili ng mga ibibigay sa mga biktima ng Yolanda. Dikta ng simpleng analisa at common sense ay kung hindi nagbayad ng tax si Pacquiao noong dalawang taong tinutukoy ng BIR, hindi na siya dapat nagkaroon ng laban ng sumunod na taon (2010). Istrikto ang Amerika pagdating sa buwis kaya kung hindi nagbayad si Pacquiao noong 2008 at 2009, dapat nasita na siya ng IRS ng Amerika noong 2010. Bakit pinagpipiltan ngayon ng BIR na hindi nga nagbayad si Pacquiao. May dahilan ba? Nakakawala tuloy ng respeto ang ginagawang ito ng BIR na idinadaan ang lahat sa pagngisi! Ngayon, yong tao sa “itaas” ang napagbubuntunan ng galit ng tao. Kawawa naman….