Mabuti Pa Noong Unang Panahon

Mabuti Pa Noong Unang Panahon

Ni Apolinario Villalobos

 

Mabuti pa noong unang panahon

Mga ninuno nating tadtad man ng tattoo

Nagnganganga, nakabahag, walang siphayo.

 

Mabuti pa noong unang panahon

Payak ang takbo ng isip, walang pag-iimbot

Na sa pangangamkam ng ibang lupa’y umaabot.

 

Mabuti pa noong unang panahon

Magkakatabing kaharian ay nagtutulungan

Sa pangangailangan ng iba’y malugod ang bigayan.

 

Mabuti pa noong unang panahon

Ang mga bundok ay nababalot ng kagubatan

Masaya pati mga ibong nagliliparan sa kalawakan.

 

Mabuti pa noong unang panahon

Ginto’t pilak, ‘di pinapansin, walang gahaman

‘Di tulad ngayon, pamantayan ng buhay ay yaman.

 

Mabuti pa noong unang panahon

Kung magdasal sila ay diretso sa Amang Poon

‘Di tulad ngayon, tao’y kasanib sa iba’t ibang kampon.

 

Mabuti pa noong unang panahon

Pagtiwala sa kapwa ay di basta-basta nasisira

‘Di tulad ngayon, dangal ay kayang lusawin ng pera.

 

Mabuti pa noong unang panahon

Sa malawak na gubat, may pagkaing makukuha

‘Di tulad ngayon, mga bundok at pastulan, kalbo na.

 

Mabuti pa noong unang panahon

Masarap samyuhin ang hanging sariwa, malinis

‘Di tulad ngayon, amoy nito, animo’y pagkaing panis.

 

Mabuti pa noong unang panahon

Tubig na iniinom, sa ilog ay maaari nang salukin

‘Di tulad ngayon, pinakuluan lang ang dapat inumin.

 

Magsikap Na Lang…Huwag Nang Umasa sa Pamahalaan

Magsikap Na Lang

…Huwag Nang Umasa sa Pamahalaan

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang kasabihang, “pinangakuan na nga, gusto ay tuparin pa”, ay totoo at nangyayari sa Pilipinas. Para hindi maramdaman ang sakit ng katotohanang ito, sinasabi ito sa pabirong paraan na ang tinutukoy ay ang mga nakaupo ngayon sa pamahalaan na noong nangangampanya pa lang ay nangako ng mga kung anu-ano. Ang talagang tumatak sa isip ng tao ay ang “tuwid na daan” at “kayo ang boss ko”. Hindi ngayon mahanap ang tuwid na daan. Ang nakikita ay mga lubak-lubak na daan na gawa sa mahinang klase ng semento at aspalto. Yong iba, ni drowing wala, pero ang pondo wala na. Ang nagpapa-utos ay nagbago ng pananalita dahil mahina yata ang pandinig sa mga hinaing ng sambayanang Pilipino.

 

Kaya ang pinakamagandang gawin ay magkanya-kanyang sikap na lang…huwag umasa sa mga ampaw na pangako, hindi lang ng namumuno kundi pati na ang mamababatas na karamihan ay sangkot pa yata sa nakawan sa kaban ng bayan (iyan ang pinagpipilitan nila). Kung aasahan silang mga nagsasayang ng oras sa Senado at Kongreso sa pagpapagalingan sa pagsalita, maninigas ang taong bayan sa gutom- nakanganga at kumakalam ang sikmura.

 

Hayaan na lang na gumawa ng paraan ang mga kawawang guro sa malalayong bayan at baryo na magamit ang giray-giray na mga paaralan na ang mga butas sa dingding ay kasinglaki ng bintana at ang uka sa bubungan ay kasinlaki ng banyera. Pagtiyagaan na lang nila ang mga gulanit nang pahina ng mga libro na ang porma ay ginawang workbook upang pagkitaan ng mga tiwali sa kagawaran. Magtiyaga na lang din ang mga estudyanteng tumawid sa mga umiindayog na tulay na yari sa kawayan o lubid , o di kaya ay tumawid sa rumaragasang ilog, dahil ang ipinangakong tulay na hanggang drowing na nga lang ay sa tubig pa ginawa… ay nalusaw! Pagtiyagaan na rin ng mga estudyanteng ito ang pagtahak sa hanggang tuhod na putik sa pagbaba nila mula sa tinitirhan sa gilid ng bundok, makapasok lang sa eskwela.

 

Mismong mga guro ang nagsasabi na kulang ang mga silid-aralan, libro at upuan, pinagpipilitan pa rin ng mga taga gobyerno na wala na raw problema. Pati mga TV stations nagpapakita ng tunay na sitwasyon, ayaw pa ring patalo ng mga nasa gobyerno. Iyan ang nakakabilib na fighting spirit nila. Hindi tuloy malaman ngayon kung sino ang tanga! Sa Pilipinas lang nangyayari yan!

 

Ang mga tao, lalo na yong kapus sa budget, dapat maging maabilidad na lang upang mapagkasya ang kinikita kung meron man, sa mga pang-araw araw na pangangailangan. Mabuti nga at tumigil na sa kababando sa TV ang mga taga-gobyerno na hindi daw tumaas ang presyo ng bigas at mga pangunahing bilihin sa mga palengke, dahil lalo lang nilang sinasaktan ang taong bayan. Nagbigay ng dagdag sa sweldo sa mga minimum wage earners, kakarampot naman, parang nagbigay ng kendi sa batang umiiyak!

 

Nagpipilit pa ang mga nasa gobyerno na tumaas daw ang kita ng bansa o yong gross revenue. Paanong hindi tumaas, eh ang pinagbatayan ng survey ay panahon ng eleksyon kung kelan ay kaliwa’t kanan ang bilihan ng boto kaya ang bulsa ng mga tao ay namimintog sa pera na ang kapalit ay boto nila. Tumaas din daw ang employment, pero ang ang tinutukoy ay seasonal namang trabaho na kontraktwal, at pagkalipas ng limang buwan ay goodbye na ang mga manggagawa sa mga factory, na pinagkitaan nila ng minimum wage, na ang epektong ginhawa sa kanila ay minimum din, kung meron man, dahil kung tutuusin ay wala talaga.

 

Kung ilang taon na ang banta ng mga Tsino sa unti-unti nilang pananakop ng ilang bahagi ng ating bansa. Dahil sa kabaitan ng ating pangulo, hindi kumibo at umasa sa international tribunal para sa mga kasong ito. Nagpatumpik-tumpik, hanggang kung kelan may airstrip na yong na-reclaim na isang bahura ay saka nagsalita nang nagsalita ng tungkol sa kalayaan ng Pilipino na hindi basta-basta mayuyurakan. Inasahan yata ang mga Amerikano na wala namang malinaw na pangako tungkol sa pagdipensa ng ating bansa kung sakali mang may mangyaring hindi maganda.

 

Ang gobyerno, hindi na tinitingnan ng may respeto. Lahat na lang ng sangay nito ay tadtad ng katiwalian. Ang pinakahuli ay ang ahensiyang nagtuturo dapat ng magandang asal – ang nakatuka sa edukasyon. Dito raw ay may natuklasang bilihan ng mga sinaunang computer na Pentium IV sa halagang Php400,000.00 noon pang 2010. Bakit ngayon lang lumabas? Ganoon na ba kakupad ang Commission on Audit? Itinago ba ang findings at nadiskubre lang? Ang Pentium IV na mga computer ay antique na, binili pa! Ganoon yata ka-antigo ang pananaw nila sa pagtuturo. Kaya siguro karamihan sa mga mag-aaral, natututo na lang mangopya sa mga internet para makagawa ng assignment. Kawawa ang mga kabataang Pilipino. Ang kinabukasan nila ay nalalagay sa alanganin dahil sa pagkagahaman ng mga taong dapat ay tumutugaygay sa kanila.

 

Para hindi naman siguro magmukhang timawa, ang pinakamagandang gawin ng sambayanan ay magsikap ng kanya-kanya. Dumiskarte sa maayos namang paraan upang mabuhay. Magtipid sa paraang hindi nasasakripisyo ang kalusugan. At, pinakamahalaga, mag-aral ng Mandarin, Fookienese, o Korean upang makatawad ng malaki sa mga tindahang naglilipana na pag-aari ng mga banyaga!

 

Tayo ay Pilipino, masikap at mabait kaya inaabuso, subali’t sa diskarte ay nabubuhay. Pampalubag loob man ang mga katagang yan, tanggapin na lang upang hindi magka-locked jaw dahil sa panggagalaiti ng bagang, at upang hindi biglang tumimbuwang na lang dahil sa pagtaas presyon. Kung sinusubukan man tayo dahil para sa mga pangyayari sa ating paligid, ipakita natin na kaya nating harapin ang lahat. Hindi tayo pikon, dahil ang pikon ay talo!…at palaging manalig sa Kanya!

Gumuhong Bantayog ng EDSA People Power…gumuhong pag-asa

Gumuhong Bantayog ng EDSA People Power

…gumuhong pag-asa

Ni Apolinario Villalobos

 

Akala ng karamihang Pilipino, sa pagkawala ng diktaturya sa Pilipinas at sa pagkaluklok kay Gng. Cory Aquino, ang pangarap na pag-ahon sa kahirapan ay matutupad na. Hindi magkamayaw ang mga tao sa pagbunyi. Yong isang heneral ay napatalon pa na naging trademark niya. Subali’t iilang buwan pa lamang sa kanyang pwesto ang bagong nakadilaw na pangulo, ay inulan na ng pagpuna dahil sa mga taong nakapaligid sa kanya. Nagkaroon agad siya ng sariling mga “ladies in waiting” na katulad ni Gng. Imelda Marcos. Wala rin palang pinagbago, sabi nila. At may mga nakahalata na para siyang dinidiktahan ng mga tagapayo, kaya ang nangyari, nagkaroon ng mga hindi naman nagtagumpay na kudeta.

 

Inasahang ilalatag ni Gng. Aquino ang pundasyon para sa mas matatag na kalayaan ng Pilipinas tungo sa pagbabago at kaunlaran. Ang mga ito ay kalayaan mula sa gutom, kalayaan mula sa kamangmangan, at higit sa lahat, kalayaan mula sa mga mangangamkam na nasa pamahalaan. Subali’t natingga na nga ang mga dapat ay pangkaunlarang proyekto, ninakaw pa ang mga pondo. Ang mga taong manlilinlang na mahilig magpalit ng kulay na parang hunyango, depende sa kung sino ang nakaupo, ay nasa poder pa rin. Kaya ano pang pagbabago ang asahan?

 

Sa kasamaang palad, at ang nakapanghihinayang, ang mga tao na sana ay may mga adhikain para sa pagbabago ay namayapa nang wala sa panahon tulad nina dating Senador Raul Rocco at dating DILG Secretary Jess Robredo. May ibang buhay pa at maski hilahod na, ay pilit pa ring sumasama sa mga rally kaya napapasama sa nabobombahan ng tubig, tulad ni dating Senador Taῆada. Yong iba naman na nandiyan lang sa tabi-tabi ay nanonood lang ng mga pangyayari, lumalantad lang kung sa palagay nila ay ligtas sila at kung maraming TV kamerang nakatutok.

 

Ang mga ilang nakaraang taon ng pagdiriwang ng EDSA People Power ay nilangaw. Nagkahalataan na hindi naman pala talaga para sa masang Pilipino ang “people power” na ito. Kaya nga ang selebrasyon ay sa Ayala Avenue ng mayamang distritong komersiyal ng Makati. Para bang ikinahiya na ito ng ordinaryong mamamayang Pilipino. Yong iba ngang nasa stage noong unang “people power” ay wala nang kibo na para bang isa na lang itong nakakahiyang yugto ng buhay nila o di kaya ay isang masamang panaginip, isang bangungot. Nagkawalaan ng kusa, kaya yong isa na sana ay kasama sa selebrason, naglabas ng sama ng loob sa TV at nagsabi na hindi naman daw siya inimbita!

 

Marami ang nagpumilit na makatulong upang mabago ang mga maling sistema ng gobyerno na umaabot sa corruption ng namamahala ng ilang ahensiya kaya nagkaroon ng palasak na katawagang “whistle blower”. Nandiyan si Sandra Cam, at iba pang limot na ang pangalan o nagtago na lang dahil naramdaman nila na walang saysay ang ginawa nilang pagsakripisyo. Ang hindi makalimutan ay si Kabungsuan Makilala na nagbunyag ng katiwalian sa pamamalakad ng National Bilibid Prison o “Muntinglupa”. Si Sandra Cam ay palaban kaya hanggang ngayong may issue sa pagwaldas ng pork barrel fund, ay nandiyan pa rin siya at sumusuporta sa mga whistle blowers. Si Kabungsuan Makilala na may magandang pangarap sa buhay at sa Pilipinas kaya iniwan ang probinsiyang Sultan Kudarat upang makapag-ambag ng kaalaman sa pagpatakbo ng Muntinglupa, ay pinili na lang na tumahimik muna. Subali’t sa panibagong pagkabunyag ng mga katiwalian sa Muntinglupa, para na rin siyang nanalo sa mga pinaglaban niya noon. Lumalabas na tama pala talaga siya!

 

Kaliwa’t kanan ang mga nakaambang panganib sa Pilipinas. Nariyan ang patuloy na banta ng panganib mula sa hagupit ng Inang Kalikasan. Nariyan ang banta ng Tsina na gustong kumamkam ng ilang bahagi ng ating bansa. Nariyan ang hindi pantay na patakaran sa pagpapatupad ng pandaigdigang kalakalan. Nariyan ang banta ng gutom dahil sa kawalan ng trabaho ng karamihan sa mga Pilipino. At higit sa lahat, nariyan ang mga nakawan sa kaban ng bayan, na ang paglilitis sa mga sinasabing sangkot ay maaaring abutin ng kung ilang panunungkulan o administrasyon pa pagkatapos ng kay Presidente Pnoy.

 

Ang bantayog sana ng EDSA People Power ay pinakahuling sagisag ng ating kasarinlan at katapangan. Subali’t dahil sa pagkaguho nito na hindi kayang itayo ng mga nasa katungkulan dahil sa pagkawala ng tiwala sa kanila ng taong bayan, ang magagawa ng huling nabanggit ay gumawa ng paraan upang magtayo ng panibagong bantayog. Kung ano man ito, ay dapat abangan…