Walang Kadala-dala ang Pamahalaan

Walang Kadala-dala Ang Pamahalaan

ni Apolinario Villalobos

 

Maraming indulto ang inabot ng mga Pilipino dahil sa mga palpak na batas, mga desisyon ng pamahalaan at kalamyaan ng mga ahensiya nito. Hindi naman humihingi ng paraiso ang taong bayan, sa halip ay isang buhay na matiwasay at may sapat na kaginhawahan lamang. Subali’t dahil nakita ang ugaling mapagbigay at kaluwagan ng mga Pilipino, sinamantala naman ito ng mga abusadong opisyal ng pamahalaan at mismong mga mambababatas, lalo na nang mga walang silbing mga ahensiya.

 

Nang ibinenta ang Petron sa mga banyaga at dini-regulate ang kontrol sa langis, ginhawa daw ang katumbas ng mga ito para sa mga gumagamit, at tuloy, buong bayan na rin ang makikinabang. Hindi lumaon, naramdaman na ang epekto – masamang epekto, na hinayaang lumala hanggang sa kasalukuyan. Ang problema ay naging dambuhalang halimaw na hindi masawata.

 

Nang ibinenta naman ang mga pangunahing serbisyo ng tubig at kuryente sa mga pribadong kumpanya, sabi ng pamahalaan, para sa kabutihan din daw ng taong bayan dahil, tadtad daw ang mga ahensiyang ito ng katiwalaan at nalulugi naman. Pinapalabas ng pamahalaan na kapakanan lang ng bayan ang kanilang inisip kaya ginawa itong desisyon. Kalaunan, animo naboldyak ang mga Pilipino nang ipinakita ng mga pribadong kumpanya ang kawalan nila ng simpatiya sa taong bayan, sa pamamagitan ng regular na pagpapasirit ng singilin. Nagdagdag pa sila ng mga patakaran na halos ay sumakal sa mga taong bayan. Lalong lumala ang kalagayan ng taong bayan.

 

Ang sinimulang kaluwagan ng Department of Agriculture sa pag-angkat ng bigas ay hindi na rin nakontrol. Nasilipan ng mga butas na naging dahilan ng talamak na ismagling. Sa mga pagdinig ng mga kaso kunwari, ng mga nahuling may pakana, nagkabistuhan ng kawalan ng kapangyarihan ng ahensiya upang masawata ang illegal na gawain. May nangyari na kaya sa mga kaso? Dahil sa mga kasong ito, lalong lumutang ang kagalingan ni Duterte bilang isang mapagkakatiwalaan na mayor ng isang lungsod- ang Davao. Wala namang ginawa ang mga pamahalaang may mga port rin na sangkot sa kaso, tahimik lang.

 

Sumali ang Pilipinas sa World Trade Organization upang gumanda daw ang takbo ng mga negosyo sa Pilipinas. Gumanda nga ang mga negosyo, pero mga negosyo naman ng mga dayuhan na itinatag dito upang gatasan ang mga mamamayan ng kapiranggot nilang pera, dahil ang mga kinikita ng mga negosyanteng ito ay sa mga bangko ng bansa naman nila dinideposito. Hindi kaya ng mga produktong Pilipino ang mga produkto ng ibang bansa, kaya lumalabas, talo ang bansa pagdating sa ganitong sistema ng “palitan”. Samantala, ang mga negosyo ng karamihan sa mga Pilipino ay yong nasa bilao o di kaya ay yong nakalatag sa bangketa pa rin. Ganyan kapalpak mag-analisa ang mga magagaling na “think tank” daw ng gobyerno.

 

May nabasa siguro sa internet ang ibang mambabatas na utak-tungaw tungkol sa pagkapa-legal ng marijuana sa isang estado ng Amerika, dahil ginagamit daw na gamot. Gustong gayahin, kaya nagsulong ng batas na kapareho noong nasa Amerika. Gaya-gaya talaga! Ang hindi naisip ng kung sino mang mambabatas na nagtutulak upang maging legal ang marijuana sa bansa, ay ang pagiging talamak na nito kahit illegal, kung maging legal pa kaya? Ang mga tiwaling Pilipino ay maabilidad, kaya gagawa talaga ng paraan upang maikutan ang batas na magpapa-legal ng marijuana sa bansa. Hindi iniisip ng mambabatas na lahat ng mga batas sa Pilipinas ay may katapat na “diskarte” upang mapagkitaan sa illegal na paraan. Yong panghuhuli nga lang ng mga driver eh, napagkikitaan pa. Maski pa sabihing maayos na ang pagda-drive, may ilang mga pulis talaga na gumagawa ng paraan upang makapanita at tuloy ay makapag-tong. Bakit kailangan pang magbulag-bulagan sa ganitong mga nangyayari?

 

Ang kagawaran ng edukasyon, nagtutulak na tanggalin ang mga asignaturang “History” at “Pilipino” sa libel na K-12. Wala na yata silang maisip na maayos para sa paglinang ng kaalaman ng mga kabataan, pati ang aspeto ng pagiging makabayan nila ay pinakialaman na. Sa ngayon nga lang na itinuturo ang Pilipino, ang mga bata ay nag-aanimo Amerikano sa pagsalita ng sariling wika, paano na kung tanggalin na ito nang tuluyan? Kung sa ngayon marami ang hindi nakakaalam kung sino si Tandang Sora, paano na kung wala na ang History o Kasaysayan? Hindi na sila nagkasya sa pagsira ng porma ng mga textbooks na ginawang workbooks upang taun-taon ay obligadong bumili ng bago ang mga magulang, pati ang mga dapat ituro sa mga bata ay gusto pang sirain. Hindi na nga nila maapula ang mga eskwelahan na nagpapataw ng mga hindi makatarungang gastusan, lulusawin pa nila ang mga pundasyon ng kultura ng lahing Pilipino – ang pambansang wika at Kasaysayan nito!

 

Walang kadala-dala ang pamahalaan sa mga pagkakamali na patung-patong kung manahin sa mga nakaraang administrasyon. Sana ang gawin ng bagong namumuno ay gawan ng paraan upang maayos ang mga kapalpakan ng nakaraang administrasyon, sa halip na batuhin ito ng katakut-takot na sisi. Parang ang gustong palabasin ay hindi malala ang mga kapalpakan ng kasalukuyan kung ihambing sa nakaraan, ganoong pareho lang naman na kapahamakan ang idinulot sa taong bayan.

 

 

 

Dito Sa Aming Bansang Pilipinas

Dito sa Aming Bansang Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa aming bansa, ang mga tao ay tuliro na, nalilito sa maya’t maya ay pagdating ng kung anu-anong problema. Naturingang may gobyerno na pinamumunuan ng inasahang tao na galing sa pamilya ng marurunong at makabayan. Subali’t ayon na rin sa mga sinasabi ng karamihan sa mga Pilipino, lalo na ang mga hilahod na sa hirap, wala palang binatbat.

 

Hayagan nang nakikita ang kahinaan ng mga itinalaga ng presidente sa mga ahensiya ng pamahalaan, pero ayaw pa rin niyang tanggalin. Nakakahiyang maitala sa mga pahina ng kasaysayan ng Pilipinas na ang presyo ng bawang at luya ay umabot sa libel na halos hindi na kayanin ng Pilipino…ang pinakamurang bigas na produkto mismo ng Pilipinong magsasaka ay hindi bababa sa 40pesos ang bawa’t kilo…inasahan ang inaangkat na bigas galing sa ibang bansa na kung itinda sa mga palengke ay hanggang dalawang kilo lang bawa’t mamimili…ang langis ay maya’t maya ang pagtaas ng presyo…ang halaga ng kuryente ay halos hindi kayanin ng mga Pilipino. At, sa lahat ng iyan, ang sinasabi ng tagapagsalita ng pangulo ay tiis-tiis na lang daw muna! Iyan ang maitatala sa mga pahina ng kasaysayan ng aming bansa.

 

Puro babala ang ginagawa ng gobyerno sa mga tiwali na pinagtatawanan lamang ng mga rice hoarders at cartel ng langis. Ang mga smugglers, binalaan din…hanggang doon rin lang. Kaya dahil nakita ang kahinaan ng gobyerno nagpipiyesta ang mga magnanakaw – mga negosyante na karamihan ay mga dayuhan at mismong mga opisyal ng pamahalaan, na parehong walang konsiyensiya. Idagdag pa rito ang pag-amin ng mga ahensiya na talagang wala silang kontrol sa mga nangyayari, kaya lalong napapangisi sa pagkagahaman ang mga tiwali.

 

Sinasabing may nakumpiskang libu-libong toneladang bawang ang sisirain daw dahil hindi dumaan sa proseso upang malaman kung kontamindado o hindi ng kung anong mikrobyo kaya “sisirain” daw. Sabi yan ng tapagsalita ng gobyerno…sabi ni Juan – neknek mo! Bakit hindi na lang i-proseso kaysa dakdak sila ng dakdak. Kamala-mala mo yong mga container “nawala”, hindi mahagilap tulad ng nangyari noon sa libong toneladang bigas na smuggled na tiningga rin sa Batangas port subali’t “nawala”, hindi rin mahagilap at ang mga taong nagpabaya, hindi man lang naparasuhan.

 

Bababa rin daw ang mga nagtaasang presyo, sabi ng tagapagsalita ng Malakanyang. Baka ang tinutukoy niya ay ibang bansa, dahil dito sa Pilipinas ang mga nagtataasang presyo ay hindi na ibinababa, nakatala yan sa mga records. Ang sinasabing nagtaasang presyo ng langis hindi na bumaba…pati iba pang basic commodities. Siguro nananaginip yong nagsalita. Dito nga lang sa ating bansa nangyari ang pagbigay ng control sa mga basic commodities sa mga pribadong negosyante. Kaya 24 oras man ang mga rally at maglupasay man sila sa kalsada sa karereklamo, hindi mangyayari ang hinihinging pagbaba ng mga presyo…dito lang yan sa Pilipinas!

 

Dito sa aming bansang Pilipinas, mayroon din namang hindi nag-aalala sa gitna ng mga pangyayari. Sila yong mga Pilipino na ang pinagkitaan ay ang kahinaan ng kapwa nila Pilipino. Sila yong mga nakaupo sa gobyerno na naturingang mambabatas nguni’t puro naman pambubutas naman ang ginagawa. Sila yong malayo pa ang break ng mga session ay halos hindi na makita sa mga bulwagan ng senado at kongreso. Sila yong akala mo ay tumutulong sa mga kababayan sa pamamagitan ng sectoral projects…pinagkitaan lang pala, kaya hanggang papel lang ang inabot.

 

Dito sa aming bansa, may isang pang-Guinness Book of World Records na kuwento. Ito ay yong tungkol sa babae na hindi nakatapos ng kolehiyo pero nakakahawak sa leeg ng mga pulitiko, na nilagyan na yata niya ng tag price bawa’t isa. Magaling yata sa sales talk dahil bandang huli inamin niya na naguyo niya ang isang pulitiko upang turuan siya kung paanong masikwat ang pondo ng bayan. Magaling ding umarte…dahil pinipilit niyang palabasing wala na siyang pera kaya ang gastos sa pagtanggal ng matris at obaryo niya na wala pang 100thousand pesos ay hindi daw niya kaya! Napapaikutan ang mga imbistigador kaya yong iba pa niyang mga deposito at ari-arian ay hindi man lang nagalaw. Talagang matalino dahil nagawa pa niyang manuhol maski nasa ospital siya. Dito lang sa aming bansang Pilipinas nangyayari ang mga iyan…at marami pang ibang kabalbalan!

Mga Ugaling “Palusot” at “Pwede Na”

Ang Mga Ugaling “Palusot”

At “Pwede Na”

Ni Apolinario Villalobos

 

Kung pag-isipang mabuti, hindi sana umabot sa puntong wala nang kalutasan ang mga problema na animo ay kanser na unti-unting kumalat sa ating kultura kung hindi pinairal ang nakasanayang ugali na “palusot” at “pwede na”.

 

Ang mga kasong pagnanakaw sa gobyerno ay nagsimula sa “pinalusot” o pinalampas na maliliit na kaso. Nang mapansin na wala man lang parusa na naipataw dahil sa mga masamang ginawa, dinagdagan ang katiwalian hanggang sa naging bahagi na ng pagkatao. Yong mga ibinoto naman na napagkitaan ng hindi maayos na pagtupad sa mga ipinangakong proyekto, ibinoto uli… “pwede na”, namudmod naman kasi ng pera.

 

Ang napapansin sa mga Pilipino, kung sa ibang bansa daw magtrabaho, talagang matinding kagalingan ang pinapakita sa mga amo, subali’t kung dito naman sa Pilipinas, palaging nagpapalusot ng katamaran, at mga malasadong accomplishments na pinagpipilitang pwede na. Dito sa Pilipinas, may tinatawag na Monday at Friday sickness – palusot ng mga mahilig gumimik kung weekend. May mga bus na nadidisgrasya dahil kahi’t kalbo na ang gulong ay patatakbuhin pa rin, dahil “pwede na”.

 

Sa isang banda, ang dalawang mga ugali ay nakakatulong ng malaki sa mga Pilipino na biktima ng kabalbalan ng mga nasa pamahalaan, kaya kailangan nilang gumawa ng paraan upang mabuhay. Ang iba ay nagpapalusot ng mga paraan upang maiwasan ang mga pagsita sa ginagawa nilang pagnenegosyo sa bangketa, yong ang mga kalakal ay pinagkakasya sa bilao. At upang malamnan ang kumakalam na sikmura, sa umaga ay pwede na ang tig-isang pandesal sa bawa’t miyembro ng pamilya na isinawsaw sa iisang tasa ng kape…sa tanghali ay pwede na ang kanin na tinaktakan ng toyo, at sa gabi ay pwede nang ulam ang isang balot ng instant noodles na niluto sa limang coffee mug na tubig, may pangsabaw lang sa tutong na kanin upang lumambot maski konti.

 

 

 

 

 

 

Ang Mga Bokasyon o Propesyon Sa Kasalukuyang Panahon ng Pilipinas

Ang Mga Bokasyon o Propesyon

Sa kasalukuyang Panahon ng Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

 

Lahat tayo ay may pangarap sa buhay na nagsimula noong tayo ay nagkaroon ng muwang o sariling pag-iisip. Kadalasan ang pangarap natin noong ating kabataan ay naimpluwensiyahan ng sulsol ng mga mahal natin sa buhay, tulad ng magulang o nakakatandang kapatid. Maaari din na ito ay nahubog dahil sa nakita natin sa ibang tao na nakagiliwan natin. Habang lumalaki tayo, pabago-bago din ang mga pangarap dahil lumalawak na rin ang abot ng ating pananaw.

 

Subali’t sa panahon ngayon, marami na ang mga impluwesiyang-labas na nakakatulong sa paggawa ng desisyon kung ano ang propesyon na gusto talaga o ang bokasyon na tutuparin. Isa na dito ay ang kakayahan ng magulang sa pagtustos sa pag-aaral ng anak at ang kinakailangang trabaho sa iba’t ibang larangan, at higit sa lahat, ay kung ano ang kursong makakasiguro ng malaking sweldo. Kaya sa pagpili, hindi maiwasang madugtungan ang desisyon ng mga salitang “na lang”.

 

Sa panahon pa rin ngayon, dahil sa sitwasyong kawalan ng maayos na trabaho sa Pilipinas, marami ang kumukuha ng kurso na kailangan ng ibang bansa tulad ng pagiging nurse, na kung minalas dahil sa illegal recruitment, sa halip na ospital ay home for the aged ang bagsak, hindi pa legal ang estado ng trabaho. Ang pangangailangan ng nurse sa ibang bansa ay halimbawa lamang kung paano nadidiktahan ng pangangailangan ang mga dapat sanang kurso na ituro sa mga kolehiyo at unibersidad. Subali’t tila bulag ang mga nagpapatakbo ng mga eskwelahan dahil sa halip na tugunan ang mga pangangailangan sa teknikal na mga kurso ay mga pang-opisina ang nilalatag upang pagpilian ng mga estudyante. Kaya ang madalas na mangyari ay ang hindi pagtugma ng tinapos sa mga bakanteng trabaho.

 

Ang mga pinakapalasak na mga sosyal na kurso ay abogasya, accountancy, at management. Kung hindi man makapag-abroad, ang mga naging abogado ay maaaring pumasok sa pulitika at tumakbo bilang mayor muna, pagkatapos ay gobernador, pagkatapos ay kongresman, at pagkatapos ay senador. Kung medyo malakas ang hatak upang tumakbo bilang presidente, pero kailangang magfund-raising muna…gamit ang pork barrel. Yong mga abogadong may simpleng pangarap lang naman, pwedeng magbukas kunwari ng bupete o law office, pero ang gagawin ay mag-notarize lang, sigurado pa ang kita, maski walang hawakang kaso. Mahirap kasing mag-research at magsulat ng mga kung ilang pahinang mga dokumento para sa mga hearing.

 

Ang mga naging accountant o CPA, maaaring mag-apply pa rin sa anumang ahensiya ng gobyerno dahil ang ganitong propesyon na pwedeng magmadyik ng mga financial report ang kailangan upang maitago ang napitik na pondo. Lalo na sa ahensiyang namamahala ng budget ng gobyerno, kailangang magaling sa pagpalipat-lipat ng pondo upang maitago ang halaga ang pinitik na pondo, yong magaling magbura ng paper trails.

 

Ang management course naman, pwede pa rin sa gobyerno dahil nangangailangan ng magaling na mangasiwa ng mga pinangakong patung-patong at hindi natupad na mga proyekto, yong mga may budget na ay nasa papel pa rin. Kailangang maayos ang pag-manage ng mga filing cabinet na namumutok sa mga patay na mga dokumento at para hindi malito ang mga pamunuan kung ano yong dapat nang warat-waratin sa pamamagitan ng shredding machine, o kung ano yong kunwari ay active file na maipapakita sa media kung may maurirat na reporter na magtanong.

 

Yon namang gusto ay matikas ang dating, pagpupulis na lang ang papasukin lalo na yong mga dating drug addict na na-rehabilitate na daw. Kung sa pwesto na, tiyak, piyesta na sa mga nakumpiskang droga, may nai-enjoy na, may negosyo. Ganito ang katwiran ng isang nakilala kong pulis na PO1 pa lang. Bangag pa yata nang mamilosopo sa pagbigay ng katwiran. Alam ko naman kasi na hindi lahat ng pulis ay baluktot ang pagkatao. Meron ngang nagtitiyagang umupa ng maliit na kwarto sa mga iskwater na lugar upang makatipid at mapagkasya ang sweldo. Sila ang mga kahi’t minsan ay hindi gumawa ng kung anong kamalasaduhan madagdagan lang ang kita. Marami ang ganitong klaseng matitinong pulis, nadadamay lang dahil sa mga naligaw na bulok sa kanilang hanay.

 

Meron akong nakilala na seminarista, gusto daw niyang magpari na lang dahil konting salita lang, pera na agad. Kinilabutan ako sa sinabi niya. Subali’t giit niya, ang pagpapari ay katulad lang din naman ng ibang trabaho. Kaya yong iba nga daw na hindi makatiis sa tawag ng kamunduhan ay naghuhubad na lang sotana upang mag-asawa. Sa pagmimisa daw kasi ngayon, may mga sobre nang nakalaan talaga sa pari – kanya lang. Sa tantiya niya, kung kada Linggo ay magmimisa daw siya sa apat na kapilya o simbahan at bawa’t isa ay may maipong mga sobre na ang kabuuhang laman ay dalawang libo man lang, tumataginting na walong libo ang kita niya. Idagdag pa rito ang mga basbas sa patay at mga pabinyag sa ibang araw naman– hindi bababa sa 60thousand ang kikitain niya sa isang buwan – para na rin daw siyang manager ng isang kumpanya. Mag-iipon daw siya bago mag-asawa.

 

Ang pinakamagaling na propesyon sa tingin ko ay ang pagiging titser. May kahirapan lang dahil maliit ang sweldo at kadalasang sakit na makukuha dito ay TB o sakit sa baga, o di kaya ay cancer sa larynx o lalamunan. Huwag nang banggitin ang ulcer, dahil talagang sa umpisa pa lang ay garantisado nang magkakaroon nito ang titser. Ganoon din ang sakit sa bato dahil sa pagpigil sa pag-ihi. Pwede rin ang cancer ng colon dahil sa pagpigil sa pagdumi kaya madalas ay nagreresulta sa pagtitibi. Ang malaking problema nga lang ngayon, marami na ang nagtatanong kung sino ang mga titser ng mga tiwaling mambabatas at opisyal sa gobyerno, dahil pumalpak daw sila sa pagturo sa mga ito! Mabuti nga lang at sa mga rally, hindi nasisisi ang mga titser ng mga militante sa pagbatikos nila sa mga tiwaling opisyal at mambabatas. Ibig sabihin, sa mga propesyon, ito pa rin ang pinakarespetado. Subali’t para sa ibang makukulit na militante, dapat daw na kanta ng mga tinutukoy na titser ay: “Saan ako Nagkamali?”.