Bakit Hindi Gumawa ng Mga Bagong Dam?

Bakit Hindi Gumawa ng Mga Bagong Dam?

Ni Apolinario Villalobos

 

Kawawa ang mga mababang lugar sa Maynila, kasama na diyan ang mga karatig probinsiya, bayan at siyudad dahil nagdurusa sa baha tuwing sumapit ang panahon ng tag-ulan. Kung tag-init naman, ang mga bayang umaasa sa palayan ay napuputulan ng patubig, at ang mga tao naman ay naghihirap sa pagpila dahil tinitipid ang tubig. Ang nagpapabahang tubig galing sa mga kabundukan ay hindi na kayang ipunin ng mga dam, kaya pinapaalpas na nagreresulta naman sa pagbaha ng mga mababang bayan. Ang ginagawa ng gobyerno ay gumawa ng mga deke na kung ilang beses nang napatunayang inutil, dahil marupok at pinagkitaan lang. May gagawin na naman para harangan ang apaw ng Laguna Lake, at ang pinakaibabaw ng deke, gagawing highway. Paano yong bahagi ng lawa na hindi masasakop ng deke?, eh, di mamemerwisyo din sa ibang mga bayan!

 

Bakit hindi na lang gumawa ng mga karagdagang maliliit na dam sa tabi ng mga kasalukuyang dam at lawa ng Laguna upang makatulong sa pag-imbak ng tubig ulan? Tatlo pa ang magandang resulta nito: hindi magkakaubusan ng patubig sa palayan tuwing tag-init, hindi na rin matetengga ang mga power generators tuwing kahalintulad na panahon, dahil umaasa lang sa mga dam, at mababawasan o tuluyang maiwasan ang pagbaha tuwing panahon ng ulan. Malaking halaga ng pera ang hinayaang manakaw sa kaban ng bayan na kung ipunin ay nakatulong sana sa ganitong proyekto. Isa sanang leksiyon, subali’t bakit parang bantulot ang gobyerno sa paggawa ng isang masinsing pag-aaral tungkol dito? Dahil ba ang mga deke ay madaling kumisyunan? Kaya taun-taon ay may kita ang mga duhapang sa gobyerno? Nagtatanong lang si Juan!

 

 

Ang “Close…Open, Close…Open”

Ang “Close…Open, Close…Open”

Ni Apolinario Villalobos

 

Para sa mga Pilipino, ang pinakapalasak na unang leksiyon na itinuturo sa isang bata, kahit sanggol pa lang ay ang pagturo ng “close…open”, iminumuwestra sa kanyang kamao kung paano gawin. Liban pa ito sa pagpapa-cute ng mata o pagpapangiti. Subalit ang napatatak yata ng malalim sa isip ng bata ay ang “close…open”.

 

Kalaunan, ang mga lumaki at naging propesyonal na at sinuwerteng maging bahagi ng pamahalaan sa ano mang paraan, subalit tiwali, ay unconsciously nagagamit ang “close… open”, subalit pabaligtad, nagiging “open.. close” – sa pagbukas…sara ng mga maliliit na kaha muna upang mang-umit ng lamang pera. Ang mga lalong sinwerte na maging opisyal, hindi lang maliliit na kaha ang ino-“open…close” kundi mga folder ng financial records at projects upang malaman kung gaano kalaki ang makokomisyon. Ang lalo pang sinuwerte upang maging kongresista o senador, kaban na ng bayan ang ino-“open…close”. Ang tawag diyan ay progress!

 

Ang mga minalas na kakasuhan daw, nag-oopen ng bibig upang ipagpilitang wala silang kasalanan, subalit para sa mga Pilipinong nagsawa na sa kamalasaduhan nila, closed na ang mga tenga. May mga pinik-ap na kaya in-“open” ang pinto ng maaliwalas nilang kwartong maliit upang doon ay magmuni-muni kung “closed” na ba sa kanila ang pinto ng pag-asa.

 

Samantala, “open…close” ang pinto ng kwarto nila para sa walang patid na mga kapamilya at mga alipures na pilit nang-uuto sa kanila na kaya pa daw nilang tumakbo dahil popular sila. Dapat sa mga temang na mga alipures na namimintog ang mga bulsa ng mga perang inabot sa kanila upang maging consistent na supporter daw, ay i-close na lang ang kanilang mga bibig.