Ang Marijuana

Ang Marijuana

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa kahiligan ng Pilipinong makisabay sa mga nangyayari sa ibang bansa, pati ang paggamit ng marijuana bilang gamot ay pinagpipilitan na rin. Ang Amerika nga kung saan ay mayroong estado na nag-legalize ito, ay nagsasabi na hindi pa lubusang tiyak kung may maganda ngang resultang makukuha bilang gamot dahil nakaka-adik, ang ilang Pilipino na padalus-dalos ay nag-aastang kumpleto na sa kaalaman tungkol sa damong ito.

 

Ang isang pinakadelikadong maaaring mangyari kung i-legalize ito sa Pilipinas ay ang pag-abuso nito. Pinagpipilitan na hindi daw. Ang mga makulit ay hindi yata nagbabasa ng mga diyaryo tungkol sa mga nakumpiskang shabu… legal ang pagkakumpiska ng mga taong gobyerno, subalit saan humantong ang iba? – sa kalye, binenta ng mga tiwaling mga tauhan mismo ng ahensiya. Ibig sabihin hindi maaasahan ang sistema ng Pilipinas tungkol sa mga bagay na nasisilip na maaaring pagkitaan. Maabilidad ang mga tiwaling Pilipino. Ang kaban nga ng bayan kahit na bantay –sarado napagnanakawan pa!

 

Kung sakali, anong ahensiya ang magsi-secure ng marijuana? Department of Health ba? Problema yan…dahil ang ahensiya ay marami ding problema na hindi nga nila masolusyunan tulad ng mga expired na gamot at kakulangan ng health workers, to name a few, dadagdagan pa ng mga bulto ng marijuana na pangangalagaan nila.

 

Kung sakali pa rin, siguro ang simbahan na lang ang pakiusapang mangalaga. Ang problema naman, ang simbahan ay may mga problema din tungkol sa mga pari nila na hindi masawata sa fund-raising para sa mga shrine daw, at kung anu-ano pa. Baka maisipan ng mga tiwaling pari na magbenta na rin nito upang may pangtustos sa mayamanin nilang lifestyle.

 

At, huling sakali pa, ano ang gagawin sa mga taong nagamot sa sakit ngunit naging dependent naman o adik sa marijuana? Siguro may balak magpagawa ang grupong ito ng mga drug den sa iba’t ibang lugar ng bansa, para sa mga “sustaining” users na pinaglalaban nila!

 

 

Mama…Papa!

Mama….Papa!

(isang horror na kwento)

Sini-share ni Apolinario Villalobos

 

Ang kahindik-hindik na kuwentong ito ay kalat na pati sa radyo. Kuwento ito ng mag-asawang nagkaroon ng anak na hinulaang, bawa’t pangalan na masasambit niya ay kamatayan ang katumbas sa tinutukoy na tao. Kaya ang sanggol ay ayaw nilang turuang magsalita, lalo na ng “mama” at “papa” dahil baka mamatay sila.

 

Subalit habang lumalaki ang sanggol, marami itong natutunang salita. Isang araw, habang nasa duyan ito, nasambit niya ang “mama”. Biglang nagkisay ang kanyang mama na noon ay nagluluto sa kusina. Natakot ang papa niya at mga kapatid kaya, mula noon nilagyan ng plaster ang bibig niya.

 

Isang araw, hindi nila napansing natanggal ang plaster sa bibig niya, habang nasa duyan uli. Ang papa niya ay kasalukuyang bumibili ng taho sa labas para sa ibang mga anak nito. Umiyak ang bata, nataranta sila subali’t hindi na nila naagapan pa ang bibig ng bata na sumisigaw ng “papa”. Nabitawan ng papa niya ang dalawang basong taho at napaupo, para siguro kung bumagsak siya upang mamatay, hindi masakit.

 

Ilang minuto ang lumipas, walag nangyari sa papa niya. Sa labas naman, nagkagulo dahil biglang bumagsak ang magtataho…patay!

GAmitan ng Pera ang Paglutas ng Mga Problema

Gamitan ng Pera ang Paglutas ng Mga Problema

Ni Apolinario Villalobos

 

Kung nagbibigay ng pabuya sa mga makakapagturo sa mga “wanted” na kriminal, bakit hindi gawin ito upang maituro kung sino ang nagho-hoard ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas, bawang, sibuyas, asukal at iba pa. Siguradong maraming mahuhuli dahil ang mga bodega ay hindi naman makakatakbo. Baka ang magturo ay mga trabahador pa ng mga hoarder.

 

Gawin nang pera sa pera ang paglutas sa problema. Gawin din ito sa mga smugglers at siguradong ang magtuturo ay mga porters na nagtatrabaho sa pantalan. Hindi kasi maaaring walang lumulutang na mga kwento tungkol sa mga bagay na ito. Ang mga nagtatrabaho sa opisina pangakuan ng promotion kung makakapagreport ng katiwalian sa kanilang opisina…siguradong maraming ulo ng mga namumuno sa mga ahensiya ang gugulong!

 

Huwag tipirin ang pabuyang ibibigay dahil hindi hamak na pinsala ang binibigay ng mga ismagling at hoarding, hindi lamang sa ekonomiya ng bansa kundi pati sa buhay ng mga taong hilahod na sa hirap. At mga gawaing ito ay mas masahol pa sa pagpatay ng isang tao, dahil buong bansa ang sinasaklaw.

 

Ang isang milyong pisong pabuya sa bawa’t imagler o hoarder na maituro ay barya lamang kung kung ihambing sa mga kinita ng mga gahamang taong ito at pinsalang idinulot nila sa pamayanang Pilipino. Ang problema lang, baka yong mga taong dapat magpatupad nito ay siya ring sangkot…

 

 

Ang Pagkawala ng Respeto sa Gobyerno

Ang Pagkawala ng Respeto sa Gobyerno

Ni Apolinario Villalobos

 

Ito ay isa lamang obserbasyon….na may kalinawan naman. Kapansin-pansin na ang taong bayan ay wala na halos tiwala sa gobyerno. Kahi’t sa barangay, may mga ayaw na ring lumapit dahil kung may reklamo, iba-blotter lang naman daw, kaya kadalasan, diretso rin sa pulis ang mga kaso, at pagdating naman sa pulis, pagkatapos na ma-blotter uli, diretso sa pagpa-inquest, at pagkatapos ay ang nakakadismayang nangyayari…ang pagbayad ng piyansa, kaya ang maysalang nagnakaw, maski huli na sa akto, laya uli! Ang mga piyansa kakarampot na kayang bayaran ng ordinaryong snatcher. Bakit hindi ang bagay na ito ang rebisahen upang mabago ang mga halaga ng piyansa?

 

Kapag may sunog sa Maynila at sa mga kalapit na lugar, ang unang dumarating ay mga Chinese volunteers. Kung may reklamo sa pulis at kailangang habulin nito, kung minsan ang humihingi ng tulong ay hinihingan din ng panggasolina ng police car…kapos daw kasi sa budget. Talamak ang hingian ng lagay sa LTO, iyan ang sinasabi mismo ng mga may transaksiyon. Hindi masawata ng nasabing ahensiya ang mga fixer na naglilipana sa labas ng opisina. Isama pa dito ang mga reklamo laban sa Bureau of Customs, DSW, Department of Education, Culture and Sports, at iba pa.

 

Nang pumutok ang eskandalo tungkol sa pork barrel ng mga senador at mga kongresista, tumaas ang antas ng pagkawala ng respeto sa gobyerno. Nadagdagan ang blackeye ng dati nang bistadong tadtad ng anomalyang mga ahensiya tulad ng Department of Agriculture at National Food Authority. Gumapang paakyat ang kawalan ng respeto sa akala ng marami ay malinis na Department of the Budget and Management, na siyang itinuturong pugad ng katiwalian. Pinagpipilitan pa ni Janet Napoles na ang mismong hepe ng ahensiya ang nagturo sa kanya kung paanong makakulimbat sa kaban ng bayan.

 

Pati Malakanyang ay hindi nakaligtas sa mga pagbatikos. Unang hinagupit ang kanyang mga secretary at mga spokesperson na ayon sa media ay animo mga miyembro daw ng Student Council. Kung magsalita daw ang mga spokesperson niya parang nagsasambit na minemorays na talumpati – walang damdamin, walang laman. Ano pa nga ba at siyempre, natumbok din ang presidente mismo na ang talumpati tuwing State of the Nation address ay walang kwenta. Ang talumpati ay dapat na nagsasalamin sa kanyang isip, kaya ano pa nga ba daw ang aasahan sa kanya bilang presidente na maski isang ipinangako ay walang natupad?

 

Malungkot isipin na kung kaylan may banta sa seguridad ng teritoryo ng bansa at patuloy na pagbulusok ng ekonomiya, taliwas sa sinasabing nag-improve daw, lalo namang tumitindi ang kawalan ng tiwala sa presidente, sa kanyang administrasyon, at sa kabuuhan ng gobyerno. Sabi nga ng iba, hindi na kayang bolahin ng mga talumpati ng presidente ang taong bayan na patutuloy na naghihirap, samantalang nagpapasarap naman ang mga taong nasa poder sa pagnakaw ng pondo ng bayan, at ang iba pa nga daw sa kanila ay kaalyado niya.

 

Ang malaking tanong ay kung maibabalik pa ang nawalang tiwala, at kung sino ang dapat sisihin sa pagkawalang ito. Palagay ko ay iisa lang ang hula ng mga tao…magkakapareho, at hindi sila nagkamali, kahit na hindi banggitin kung sino.