Kalayaan

Isang tula para sa kalayaan ng Pilipinas…ng Pilipino…

 

Kalayaan

ni Apolinario Villalobos

 

Minimithi ng lahat, itong kalayaan kung tawagin

Walang pagkagapos sa tanikala, pati damdamin

Mitsa ng pag-aklas noon pa mang unang panahon

At ang sindi’y nag-aapoy sa lahat ng pagkakataon.

 

Maraming buhay ang naibuwis dahil sa kalayaan

Masagana ring dugo ang dumanak sa mga digmaan

Dahil ang sindi ng mitsa ay hindi maaaring patayin

Ng mapang-abuso, at mga nanunupil ng damdamin.

 

Dahil sa kalayaan ay marami na ring tao ang nakilala

Mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa inang bansa

Mga pangalan ay naitala sa mga pahina ng kasaysayan

Hindi mababaon sa burak ng limot, magpakaylan man.

 

Hitik ang Pilipinas sa mga bayani, may tapang at talino

May paninindigan silang maipagmamalaki nating ninuno

Mga dayuha’y di pa man dumating sa ating dalampasigan

Malalim nang nakatanim sa puso at diwa nila ang kalayaan.

 

Subali’t ngayo’y ibang klaseng kalayaaan ang pinaglalaban –

Kalayaan mula sa pagkagahaman ng ilan nating kababayan

Pagkagahaman sa kayamanang kaydali nilang nakukulimbat

Sa kaban ng bayan na natira para sa Pilipino’y hindi na sapat.

 

Sa bagong panahon ay ibang pakikibaka ang ginagawa natin –

Laban sa mga garapal at may masidhing sakim na damdamin

Nabulagan ng kinang ng yaman na kung ituring nila ay kanila

Nakakahiyang mga Pilipino, walang puso, walang konsiyensiya!

 

 

 

 

Kapit-bisig Tayo sa Pagsulong

Happy Kalayaan Day!!!

 

 

Kapit-bisig Tayo sa Pagsulong

Ni Apolinario Villalobos

 

Huwag sayangin ang pinaghirapang kalayaan

Na upang matamo’y maraming buhay ang naibuwis

Dumanak din ang masaganang dugo

Sa ati’y pamana ng ating mga ninuno.

 

Mga banyaga’y nagpumilit, sa atin ito’y maagaw

Subali’t ‘di nagpanaig, mga ninuno nating matapang

Nag-iisa itong pundasyon ng karangalan –

Karangalan ng ating lahi, ng Inang Bayan.

 

Kapit-bisig tayo sa pagsulong upang makipaglaban

Huwag hayaan, ito’y maagaw sa atin ng ganoon na lang

Ng mga banyagang nais ay likas na yaman-

Yamang pamana sa atin ng Inang Kalikasan.

Kapit-bisig tayo sa pagsulong laban sa mangangamkam

Mga tiwaling opisyal, animo’y mga tuko sa pamahalaan

Hindi nagpapatinag sa kapangyarihang hawak –

Na kung humawak, akala mo’y tuko o bayawak.

 

 

Kuwento ng Isang Pag-ibig…ni Talama at Roming Saavedra

Kuwento ng Isang Pag-ibig

(para kay Talama at Roming Saavedra)

 

Ang pag-usbong ng pag-ibig –

Ay mga taon ang binibilang upang yumabong

Hindi lang iilan ang nakiramdam ng matagal

na sinabayan din ng mataimtim niland dasal.

 

Nangyari ito kay Talama’t Roming

Nagsimula sa mga kuwentuhang magkaibigan

Bawa’t isa ay nakiramdam kung saan ito aabot

Ang friendship kaya, may espesyal na idudulot?

 

Matagal na suyuan ang nangyari –

Si Talama ay nakitaan pa rin ng pagkamatimtiman

Dahil ‘di siya basta na lang umu-oo ng ganoon kadali

Sa katagalan ibinigay din na may matamis pang ngiti.

 

Hindi biro ang hirap na dinanas –

Nitong si Roming, makuha lang ang tiwala ni Talama

Sa kaiisip ng mga pagsuyo, utak niya’y halos matigang

Nang mapa-oo, dinig niya dito’y nakakatulig na “bang!”

 

Ano pa nga ba at ang kuwento –

Ni Talama at Roming ay talaga namang napakakulay

Idagdag pa nga diyan ang yugto nang magsisidatingan

Ang mga supling, na sa pangarap nila ay mga katuparan.

 

 

 

Tag-ulan na Naman…

Tag-ulan na Naman

Ni Apolinario Villalobos

 

Tag-ulan na naman. Tulad ng inaasahan, kikilos na naman ang pamahalaan sa paglinis ng mga daluyan ng tubig sa kalakahang Maynila. At, “papasyal” na naman sa mga “buhay na boto”, nakatira sa tabi ng mga estero at ilog na halos nagsisi-apawan na sa basura. At lalabas sa TV ang tagapagsalita ng Malakanyang upang magsambit ng mga pangako sa pagpapalipat ng mga informal settlers sa mga relocation sites. Paulit- ulit na sinasabi, taon-taon na lang, na may pondo naman daw na magagamit. Ang tanong naman ng taong bayan…nasaan?

 

Tag-ulan na naman. Nakailang taon na rin ang lumipas para sa mga biktima ng karahasan sa Zamboanga, pero hanggang ngayon, nasa evacuation center pa rin sila. Marami na rin ang namatay sa sakit dulot ng hindi malinis at masikip nilang kapaligiran. Nakailang buwan na rin makalipas ang bagyong Yolanda, ang mga taga-Leyte at Samar ay nakatira pa rin sa mainit na tolda at gigiray-giray na pinagtagpi-tagping yero…ang pagpatayo ng kanilang tirahan, ginawang negosyo ng mga tiwaling taga-pamahalaan, pinagkitaan.

 

Tag-ulan na naman. Ang mga nasirang paaralan noong nakaraang mga bagyo, nakatayo pa rin, hindi ginalaw, wala raw pondo. Baka ang ibig sabihin nila ay wala nang natirang pondo sa kaban ng bayan dahil ibinulsa ng mga magnanakaw na kapit-tuko sa katungkulan. Ang mga tulay na nilaylay ng pinakahuling bagyo…laylay pa rin, yong iba ay putol, kaya ang mga apektadong tao tumatawid sa mga rumaragasang ilog o nakikipagsapalan sa mga kawayan at lubid na mga tulay, umiindayog sa bigat nila at ihip ng hangin.

 

Tag-ulan na naman. Nakatuon na naman ang pansin sa PAG-ASA na siyang nagbibigay ng mahahalagang impormasyon tungkol sa panahon. Napansin ang pag-alis ng mga batikang tauhan na nagsisi-bakwetan tungo sa mga trabaho sa gitnang silangan na ang sweldo ay halos apat na doble sa laki kung ihambing sa tinatanggap nila mula sa pamahalaan ng Pilipinas. Sa liit ng opisina at sa kakuntian ng mga empleyado, hindi pa matupad-tupad ng gobyerno ang pinangakong angkop na sweldo.

 

Tag-ulan na naman. Magkakaalaman na naman kung ano ang kakulangan sa mga gamit ng mga rescue agencies ng pamahalaan. Malalaman na kulang pala ang salbabida, ang mga bangkang de motor, at kung anu-ano pa. Magtuturuan kung saan naputol ang daloy ng pondo na dapat ay nagamit sa pagbili ng mga gamit. Yong ibang ahensiya, walang pera, umaasa sa mga donasyon…subali’t ang pera sa kaban ng bayan ay naibubulsa ng mga duhapang….

 

Tag-ulan na naman. Sisinghap –singhap at giginawin na naman si Juan, biktima ng baha at bagyo, maghihintay ng kakarampot na relief goods mula sa Department of Social Welfare (DSW).(Dagdag kaalaman: noong unang panahon ang tawag sa DSW ay Social Welfare Agency (SWA). Pinalitan dahil naisip ng mga Pilipino noong unang panahon na mas angkop daw tawaging SWApang. Nakakahiya kaya naging Department of Social Welfare and Development (DSWD), hanggang bandang huli tinanggal ang “development”…siguro naisip ng ahensya, mas angkop kung wala nito…dapat lang talaga, dahil wala namang nangyayari sa tulong na dapat ay ibinibigay sa nangangailan…walang development. Maski pa nabago ang pangalan ng ahensiya, wala pa ring nabago sa mga pamamalakad nito – ampaw pa rin siya.