Mga Pag-iingat na Dapat Tandaan
Ni Apolinario Villalobos
Ang mundo ngayon ay tila nadidiktahan ng kasabihang “matira ang matibay”, na para namang may katotohanan. Sa kapal ng dumi sa hangin, kung mahina ang baga ng isang tao ay talagang hindi tatagal ang kanyang buhay. Sa dami ng lason na nakapaloob sa lahat halos ng pagkain maski na yong sinasabing “organic vegetables”, talagang hindi tatagal ang isang tao kung mahina ang kanyang bituka o sikmura. Sa dami ng mga krimen na minu-minuto ay nangyayari sa lahat ng panig ng mundo, talagang hindi tatagal ang isang tao kung hindi siya magaling umiwas. At sa dami ng mga taong tiwali ang kaisipang puno ng kasamaan sa kanyang kapwa, marami ang mapapahamak kung wala silang kaalaman sa pagsalungat.
May mga simple ring mga pag-iingat na kaakibat ng araw-araw nating pamumuhay at ginagawa. Kadalasan, hindi natin nabibigyan ng pansin ang mga bagay na ito, kaya nauulit nang hindi natin napapansin. Ang nabanggit ay isang ugali ng tao na dapat mabago. Hindi dapat sukatin ang pag-iingat sa “laki” o “kahalagahan” ng isang bagay na ating ginagawa. Dapat nating alalahanin na ang malaki ay nagsisimula sa maliit. At, may kasabihan na ang pagsisisi ay palaging nasa huli.
Ang kabaligtaran ng pag-iingat ay padalus-dalos, na direktang ibig sabihin ay kawalan ng pag-iingat. Lahat ng bagay ay pinag-iisipan muna bago gawin, subali’t sa isang taong padalus-dalos ang ugaling nakasanayan, walang pag-aalangan sa lahat ng kanyang mga ginagawa, at hindi rin alintana kung ang mga ito ba ay magkakaroon ng hindi magandang resulta o kapahamakan. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga dapat pag-iingatan upang maiwasan ang pagsisisi dahil huli na ang lahat:
- Mga pinaggagastusan. Maraming tao ang walang pakundangan kung gumastos ng pera, lalo pa kung mayroon silang regular na inaasahan. Kasama dito ang ibang empleyado na umaasa sa buwanang sweldo, subali’t binibigyan pa ng halaga ang mga makabagong gadgets tulad ng cellphone, laptop, ipad, alahas at kung anu-ano pang luho na hindi naman talagang kailangan. Sa may mga kayang magpundar ng house at lot sana, mas ginugusto pa nila ang magpundar ng kotse maski nangungupahan lamang sila sa isang maliit na apartment o kwarto. Dahil dito, hindi rin sila nakakapag-ipon. Kapag nawalan ng trabaho, ang mga luhong naipundar ay isa-isa ring nilang nabebenta sa napakaliit na halaga upang may magastos para sa mga pangangailangan habang naghahanap ng bagong trabaho.
- Mga Kaibigan. May mga taong nakapaligid sa atin na akala natin, lahat ay kaibigan. Subali’t nakakalungkot isiping ang iba sa kanila ay nagmamanman upang may mapansing mapupuna na maaaring magamit nila sa paninira sa atin bandang huli. Mayroon ding naiinggit sa nakamit nating tagumpay at pilit nanggagaya kaya ginagamit ang pakikipagkaibigan upang magmanman sa lahat ng kilos natin. Sila ang mga taong akala natin ay kaibigan subali’t pumipigil sa tuluy-tuloy nating pag-angat sa buhay. Nasasabi ko ito dahil, nangyari sa akin mismo, at may mga nakausap din ako na nakadanas ng mga kaparehong pangyayari.
- Paggawa ng Desisyon. May mga desisyon tayong ginagawa na kung minsan ay hindi pinag-isipang mabuti. Dito pumapasok ang pagiging padalus-dalos natin na nagre-resulta sa mga pangyayaring pinagsisisihan natin bandang huli. Kung minsan din, dahil sa kayabangan o pride, nais nating ipakita sa iba na kaya nating gumawa ng desisyon kahi’t hindi sumangguni sa iba. Nangyayari ito kalimitan sa mga taong biglang umasenso ang buhay. Dahil sa pagkakaroon nila ng maraming pera, pakiramdam nila ay makapangyarihan na sila at matalino, kaya wala na silang pakialam sa iba. Pati ang mga taong dati nilang nilalapitan noong naghihirap pa sila at hinihingan ng tulong sa paggawa ng desisyon ay itinuring na nilang “bayaran”…ibig sabihin, may katumbas nang halaga ang pakikisama. Iniisip na kasi ng mga taong biglang yumaman na baka lang sila utangan o hingan ng tulong.
- Pagpapakita ng pagkamaka-Diyos. Walang masamang magpakita sa iba ng pagkataong maka-Diyos. Yon nga lang, sana ay ilagay sa tamang ayos. May iba kasi na sobra ang ipinapakita na para bang nagpapahiwatig na sila lang ang may karapatang makaligtas sa mga kasalanan dahil hindi sila lumiliban sa pagsamba sa Diyos. Lalong maganda sana kung itong mga tao ay maging taos sa ipinapakita nila sa iba. Yong iba kasi, maski bago lang lumabas sa sambahan at may masalubong sa daan, natutuwa pang makipag-usap na ang paksa ay paninira sa ibang tao.
- Pagbili ng mga bargain items. Malaking katipiran ang mga bargain items na nabibili natin sa mga malls o bangketa. Subali’t kung minsan ito ay nagdudulot sa atin ng pinsala. Iilang beses nang naibalita ang tungkol sa mga bina-bargain na mga gamit pampaganda na nabibili sa bangketa na galing Tsina, yon pala ay may lason kaya maraming labi o bibig ang namaga dahil sa paggamit ng pekeng lipstick, mga pisngi na nagkapeklat ng animo mga mapa dahil sa mga pekeng make-up. May mga nakausap na akong nakabili ng mga alahas lalo na kwintas na sinadyang putulin upang palabasing “hablot” o nakaw kaya nabili nila ng mura, binayaran nila ng kung ilang piso lamang, yon pala peke na ang halaga ay bente pesos lamang. Meron ding nakabili ng mga “imported” na toothpaste, nakaw din daw kaya mura, at madalian ang transaksyon dahil baka matunugan ng pulis. Pagcheck sa bahay, ang mga toothpaste, tumigas sa tube at maski anong pindot, walang lumalabas dahil peke na expired pa. Ang matindi ay ang nakausap ko na nasira ang sinus o yong bahagi sa loob ng ilong. Isa siyang addict na nakabili ng pekeng shabu na ang halaga ay halos ¼ lang ng halaga ng street price. Dahil sa katakawan, pagdating sa kanyang kwarto, sininghot agad ito ng malalim at matagal. Nawalan siya ng malay. Nagising siya sa ospital na. Ang nabili pala niya ay tawas! Yong isa naman, tuwang-tuwa sa murang “marijuana” na nabili daw niya sa akala niya ay batang tanga. Pag-uwi, nagsindi agad, yon pala, ang nabili niya ay pinatuyong dahon ng papaya!
- Pagbayad sa mga promo services upang magpabago ang anyo. Sa panahon ngayon, pagandahang lalaki at babae ang kalimitang nangyayari dahil sa kagustuhan ng ilan na makaporma na mabuti. Dahil dito nagsulputan ang iba’t ibang mga klinika na may mga promo services. May isa akong kaibigan na sa kagustuhang tumangos ang ilong, nagpa-opera at pumayag na mabutingting ito ng “doctor”. Mura ang bayad niya subali’t isang linggo na, masakit pa rin daw ang ilong niya at parang may uhog o sipon na lumalabas. Nang ipa-check up niya sa isang doctor talaga, ang lumalabas pala ay nana o pus, na-empeksyon pala ang ilong niya. Yong isa namang kausap ko, nagpa-tattoo ng kilay, mura daw dahil may libreng kasama na “facial”. Dahil sa haba ng pila sa parlor, kabilang siya sa mga huling inayusan kaya inabot ng gabi. Tuwang-tuwa siya dahil nakadale siya ng murang kilay na tattoo. Kinabukasan, nang nag-aayos siya habang nagsasalamin, napansin niyang mas mataas ang kaliwang kilay kaysa kanang kilay niya! Yong isa pa, gustong magmukhang Sophia Loren kay nagpakapal ng nguso, yong uso daw ngayon. May promo ang isang beauty clinic kaya susubukan niya. Maski sinabihan ko na siya na hindi bagay sa kanya, itinuloy pa rin dahil sa katigasan ng ulo. Nang tawagan niya ako makalipas ang ilang linggo, hindi ko nakilala ang boses niya dahil naging ngongo kung magsalita, puntahan ko daw siya. Laking gulat ko nang makita ko siya na ang nguso ay parang pinapak ng langgam at sabi niya, “may namunol yanang ungat ngaya hirap ako magsalita” (may naputol yatang ugat kaya hirap ako magsalita). Isa pang kaibigan kong nagmomodel sa isang night club ang gustong magpatambok ng puwit, kaya nakiusap sa isang doctor na bigyan siya ng discount. Nangyari ang gusto niya, subali’t nadisgrasya ang puwit niya kaya hindi na makapagsuot ng bikini, dahil sa pamamaga na kalaunan ay nagkaroon ng nana. Nang gumaling siya pagkatapos ng ilang buwang gamutan, lalong naging “flat” ang puwit kaya wala nang nagti-table at hindi na rin siya nakakasayaw na nakabikini kaya tinanggal siya. Nagtitinda na lang siya ngayon ng barbecue at sigarilyo sa paradahan ng tricycle malapit sa club na dating pinapasukan niya.
- Mga pekeng recruiter. Sa bagay na ito, dapat mag-ingat ang mga desperadong magtrabaho sa abroad kahit umabot sa puntong magsangla ng bahay or magbenta ng kalabaw. Nakakadenggoy din ang mga ito ng mga bagong graduate na kumakagat sa mga pangakong magandang trabaho, yon pala, sa mga beerhouse ang bagsak.
- Mga announcement ng panalo sa pamamagitan ng text message at email. Kaya ko binanggit ito ay dahil ilang beses na akong nakatanggap ng ganitong mga mensahe, pero kailangan ko daw munang magpadala sa kanila ng php100 mahigit na load o magpadala sa kanila ng bank account ko. Yong ibang message ay galing sa mga foreigner na pinamanahan daw ng milyon-milyong dolyar at naghahanap ng matutulungan o mapaglalagakan ng namanang pera kaya kailangan ding padalhan sila ng dollar bank account. Ang mga nabanggit ay hindi dapat bigyan ng pansin dahil mga raket.
Habang tayo ay nabubuhay hindi natin maiwasan ang mga pagsubok at tukso na madalas nating nasasalubong sa pagtahak natin ng mga daan na hindi na nga matuwid ay lubak-lubak pa, kaya dapat lang mag-ingat ng todo upang tumagal pa tayo dito sa ibabaw ng mundo. Gumawa na lang tayo ng sarili nating paraan upang malampasan ang mga pagsubok na ito dahil napansin na nating ang dapat asahan sa ating pamahalaan ay hindi nangyayari. Kaya nating gawin ito… dahil Pilipino tayo.