ANTONETTE…nakadanas mangalakal at tumira sa bangketa, hanggang maging eskolar sa kolehiyo

ANTONETTE…NAKADANAS MANGALAKAL AT
TUMIRA SA BANGKETA, HANGGANG MAGINS ESKOLAR SA KOLEHIYO
Ni Apolinario Villalobos

Si Antonette ay nag-iisang anak ni Minda na nagtitinda ng kape, tinapay at tsitserya sa bangketa malapit sa Sta. Monica St. ng Ermita na nai-blog ko two days ago. Nahiya akong tanungin noong unang nag-usap kami kung single mom si Minda pero mabuti na lang at siya mismo ang nagsabi na maliit pa si Antonette ay namatay na ang tatay nito nang magkita kami uli. Bumalik ako sa puwesto ni Minda upang maghatid ng kumot at ilang gamit. Mabuti rin at napaunlakan ang pakiusap kong makita si Antonette kaya walang kaabug-abog na sindundo siya ni Minda mula sa inuupahan nilang maliit na kuwarto.

Sa mabilis na pag-uusap namin ni Antonette, nalaman kong eskolar pala siya, kaya sa isang semester ay mahigit lang ng kaunti sa sampung libong piso lang binabayaran sa Universidad de Manila subalit malaki ang nagagastos pa rin sa mga project at iba pang requirements para sa kurso niyang Business Administration. Ang allowance niya sa isang araw ay 150pesos. Second year na siya at napansin ko ang hawak niyang lumang cellphone na inamin niyang ginagamit niya sa kanyang pag-research. Tulad ng ginagawa ng ibang mga kinakapus na estudyante, naghahanap siya ng libreng wifi site upang makapag-browse. Hindi nila kaya ang bayad sa internet café na ang singil ay hindi bababa sa 30pesos kada oras. Hindi ko na tinanong kung saan galing ang cellphone dahil baka isipin niyang masyado akong maurirat.

Nang makiusap ako kung pwede akong sumama sa kanya sa inuupahan nilang kuwarto ay malugod niya akong pinagbigyan. Mula sa puwesto ng nanay niya ay nilakad namin ang di-kalayuang kanto ng Sta. Monica at pumasok kami sa isang maliit na sidestreet. Naalala ko ang mga eskinita sa Baseco compound na pinapasok ko habang binabaybay namin ang eskinitang maputik at sa isang gilid ay mga barung-barong. Akala ko, nang pumasok kami sa isang maliit na pinto, nandoon na ang kuwarto. Ang ground floor ay marami ring maliliit na kuwarto. Pumasok pa kami sa isang maliit na pinto bago itinuro ni Antonette ang butas sa itaas na animo ay manhole lang sa laki. Ito ang “lulusutan” papunta sa “second floor”.

Sa tabi ng matarik o halos patayong hagdan papunta sa “second floor” ay may isa pang kuwarto na ang pinakatakip ay kurtina. Hahawiin ko sana out of curiosity kung hindi ko narinig ang, “may tao pa kuya”….CR pala! Unang “lumusot” si Antonette sa butas papunta sa “kuwarto” niya at sumunod ako. Dahil sa kalakihan ko ay halos hindi ako kasya at kinabahan pa ako dahil sa dulas ng matarik na hagdanang gawa lang sa maliliit na pinagtagpi-tagping kahoy.

Ang kuwarto ay talagang maliit. Kung ako siguro ang hihiga sa loob ay nakalabas ang mga paa ko sa pinto. Para lang itong malaking cabinet. Walang bintana at ang pinanggagalingan ng hangin ay isang maliit na electric fan. Ang upa sa kuwarto ay 1,500 pesos isang buwan, libre nga lang ang tubig at ilaw kaya pinagtitiyagaan ng mag-ina. Ang nakakabahala lang ay kung magkaroon ng sunog. Siguradong lahat ng nakatira sa lugar na yon ay masasawi.

Nang bumalik ako kay Minda, tinanong ko siya kung bakit wala halos siyang paninda ganoong maaga pa. Wala raw siyang pambili at ayaw pa muna siyang pautangin ng Bombay at nagpaparinig pa daw ito na mahirap maningil kaya dapat ay magbayad pa daw muna siya ng balance. Nag-alala nga daw siya dahil sa sinabi ng anak na aabot na sa mahigit 600pesos ang mga kailangan para sa kanyang mga kailangan sa eskwelahan. Mabuti na lang at hindi ko pa nagastos ang 500pesos na pambili sana ng mga payong kaya inabot ko na muna sa kanya upang magamit nila. Pati ang payong na gamit ko ay iniwan ko kay Antonette dahil wala pala itong payong. Dahil kulang na ang pamasahe ko pauwi sa Cavite, pinagkasya ko ang mga barya hanggang sa Buendia (Pasay) at dahil umuulan ay patakbu-takbo ako upang makarating sa bahay ng isang kaibigan na inutangan ko ng pera para magamit sa pagbili ng mga payong sa Baclaran bago umuwi sa Cavite. Mabuti na lang at inabot ko ang kaibigan kong paalis na sana kung hindi bumagsak ang ulan. Ang mga payong ay para sa mga pinangakuan kong mga estudyante noon pa, at ang iba ay pambenta ng mag-asawang may sanggol na nakilala ko sa Luneta.

Babalikan ko sina Minda upang dalhin kay Antonette ang mga gamit na naitabi ko na magagamit niya tulad ng laptop bag dahil ang ginagamit niya ay maliit na backpack lang….

Ang Baha sa Manila, Ang Manila Bay, Ang Pasig River, at “High Tide”

ANG BAHA SA MANILA, ANG MANILA BAY,  ANG PASIG RIVER,  AT “HIGH TIDE”

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang baha sa Manila ay hindi dahil lang sa tuloy-tuloy na malakas na ulan nang kung ilang araw kundi dahil sa kawalan ng labasan ng tubig kung sumabay ang “high tide” o pagtaas ng tubig sa dagat kaya natatakpan  ang mga outlet o labasan ng tubig mula sa mga establisemento tulad ng hotel, restaurants, carinderias, at mga tirahan ng mga tao tulad ng mga bahay at  condominiums. Ang iba ay dumidiretso sa Manila Bay at ang iba ay lumalabas muna sa Pasig River.

 

Ang  tubig ng Pasig River ay sa Manila Bay dumadaloy o lumalabas. Maraming bayan ang dinadaan ng Pasig River na nakadugtong din sa Laguna de Bay at Marikina River kaya lahat ng mga bayan  na umaasa sa Pasig River bilang labasan ng tubig o outlet ay apektado din ng baha. Kapag high tide kaya tumataas ang tubig sa Manila Bay, hindi na nakakalabas dito ang tubig mula sa Pasig River, at kung sinabayan ng malakas na ulan, baha ang resulta.

 

Ang mga dating labasan ng tubig mula sa mga lumang bahay at business establishments sa Manila na sinimulang gawin noong panahon ng Kastila ay masyadong mababa kaya bumabalik sa mga ito ang tubig kapag hindi makalabas sa Pasig River kung high tide o tumaas ang tubig sa Manila Bay, KAHIT WALANG ULAN.

 

Hindi lang Manila ang apektado ng high tide na nagsasanhi ng baha kundi pati na rin ang Las Pinas, Paranaque at Cavite na ang ang hantungan ng dumadaloy mula sa drainage system nila ay  Manila Bay. Nang magkaroon ng reclamation project sa Manila Bay na tinayuan ng isang maunlad na distrito, nangyari ang pinangangambahan ng mga taga-Paranque  at ilang bahagi ng Las Pinas dahil “nasakal” ang dati ay maluwag na daluyan ng tubig mula sa mga ito patungo sa Manila Bay, kaya mabilis ang pagkaroon ng baha sa kanila kung tag-ulan.

 

Ang Marikina River ay nagdudugtong sa  Pasig River kaya kung bumalik ang tubig mula sa Manila tuwing high tide na sinabayan ng malakas na ulan, matinding baha din ang resulta.  Ang mga ilog na mula sa bulubunduking bahagi ng Rizal ay sa Marikina River din dumadaloy kaya nakakadagdag sila sa mabilis na pagtaas ng tubig na sanhi ng mabilis na pag-apaw.

 

HIGIT SA LAHAT, MAS MABABA ANG MANILA KAYSA WATER LEVEL NG DAGAT NA NOON PA LANG AY ALAM NA….AT DAHIL MAS MABABA KUNG IHAMBING SA IBA PANG MGA NAKAPALIGID NA BAYAN,  ITO ANG   PINAKALABASAN NG TUBIG MULA SA PASIG RIVER PAPUNTA SA MANILA BAY.

(The image of the Pasig River is from the Google archive.)

PASIG RIVER 1

 

Sa Pag-unlad ng mga Bayan, Uunlad din ang Buong Bansa…pero, maayos na sistema ang kailangan

SA PAG-UNLAD NG MGA BAYAN, UUNLAD DIN ANG BUONG BANSA

…pero, maayos na sistema ang kailangan

Ni Apolinario Villalobos

 

Upang mapaunlad ang mga bayan, ang unang dapat bigyan ng pansin ay ang “purchasing power” ng mamamayan o kakayaha nilang bumili. Paano silang magkaroon nito?…dapat ay may pinagkikitaan sila kahit paano sa anumang malinis na paraan – pagtinda sa palengke na may puwesto o sa bangketa man lang kung market day, pagtulak ng karitong may paninda, paglibot ng mga paninda gamit ang “topdown”. Kapag  kumikita ng maayos ang mga mamamayan, sisigla ang malalaking grocery, mga mall, mga kainan, etc. Kapag nakita ito ng mga investors, magtatayo sila ng mga negosyo, ng mga building na magiging opisina. Kapag lalo pang sumigla ang negosyo, lalo pang lalaki ang kikitain ng mga LGu sa pamamagitan ng buwis. Kapag malaki ang buwis ng mga LGU marami na silang magagawang project….basta hindi lang mahaluan ng corruption.

 

Hindi dahil “malinis” sa paningin ang isang bayan ay maganda na itong palatandaan na umuunlad ito. Ang ibig kong sabihin sa “malinis” ay ang RESULTA NG WALANG PATUMANGGANG PAGTANGGAL SA MALILIIT NA NEGOSYANTE SA KANILANG KINALALAGYAN KUNG WALA SILANG MALILIPATAN….YAN ANG DAPAT NA ISAALANG-ALANG NG LGU. HINDI DAPAT BASTA  MAGTANGGAL KUNG WALANG MAPAGLILIPATAN SA KANILA. ANO ANG GAGAWIN NITO SA MGA MAGUGUTOM DAHIL WALA NANG MAPAGKIKITAAN?

 

Kapag nawalan ng mapagkikitaan ang mga dislocated na maliliit na mga negosyante, istambay ang labas nila dahil walang ginagawa at dahil ayaw nilang magutom ang pamilya may mag-iisip na gagawa ng masama – magnakaw, magtulak ng shabu, ang mga anak na babaeng tumigil sa pag-aaral ay papasok sa mga beer house, ang mga anak na lalaki na tumigil sa pag-aaral ay magiging call boy o batang holdaper o runner ng mga nagbebenta ng shabu. Marami akong nakausap na ganyan sa Manila slum areas kaya ko sini-share. Yong walang ganyang karanasan na napagdaanan ko, huwag mamilosopo. May kasabihang “kapit sa patalim” at ganyan ang nangyayari kapag ang tao ay hindi na makatiis ng gutom.

 

KAPAG MAUNLAD ANG MGA BAYAN, SIGURADONG UUNLAD ANG BUONG BANSA…PERO DAPAT AY MAY MAAYOS NA SISTEMANG PAGBATAYAN…HINDI PABARA-BARANG PERSONAL NA KAGUSTUHAN LANG NG MGA OPISYAL UPANG MAGING SIKAT.

 

 

MADAM GUIARIYA M. KUDA of PANDAG, MAGUINDANAO (PHILIPPINES)

MADAM GUIARIYA M. KUDA….NAGING BARANGAY CHAIRPERSON AT  MAYOR NG PANDAG, MAGUINDANAO, AT NAG-ARARO NG BUKID NANG MAGING BIYUDA

Ni Apolinario Villalobos

 

Para akong nakahukay ng ginto ng makilala ko si Madam Guiariya sa terminal ng mga multi-cab na nagbibiyahe sa Datu Paglas at Buluan. Ang unang nakatawag ng aking pansin ay ang kanyang damit at mukha na kahit may mga kulubot ay nakikitaan pa rin ng ganda. Malaki ang pasasalamat ko nang pumayag siyang makunan ko ng larawan at nakipag-usap pa sa akin.

 

Noon ko nalaman na dati pala siyang barangay chairperson ng Pandag, Maguindanao at naging mayor nito nang mai-angat sa pagiging bayan. Dating barangay ng Buluan, Maguindanao ang Pandag. Sa pag-uusap namin ay nabanggit niyang nadanasan din niyang mag-araro ng kanilang bukid nang siya ay mabiyuda, sabay pakita ng kanyang mga kamay na nakitaan ko ng mga bakas ng humilom na sugat sa pagkakahawak ng bakal na araro. Masayang kausap si Madam Guiariya at napansin ko rin ang maliksi niyang pagkilos sa kabila ng kanyang gulang na 76 na taon….at sa kanyang pananalita ay mahahalata ang kanyang talino.