Talagang Walang Koordinasyon sa Pagitan ng Mga Ahensiya

Talagang Walang Koordinasyon

Sa Pagitan ng Mga Ahensiya

Ni Apolinario Villalobos

 

Kaya madalas nagkakabulilyaso ang gobyerno ay dahil sa kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya nito. Ang isa na namang patunay ay ang pagpuslit ng ibang mga sangkot sa PDAF scam, patungo sa ibang bansa upang makaiwas sa mga asunto. Parang wala lang na sinabi noong mga taga-airport na wala naman daw silang official na listahan ng mga taong sangkot at kung sakali man, kailangan pa ring tsekin ang mga pangalan, middle name, apelyido, birthday at iba pang detalye dahil marami daw taong magkakapareho ang pangalan. Ngayon lang nila naisip ito, eh, nakapuslit na nga yong mga taong tinutukoy! Para ano pa ang gagawin nila? Para mapabalik sila kung ang mga bansang pinuntahan ay may extradition treaty? Maghihintay na naman kaya panibagong aksaya na naman ng panahon! Ang katangahan nga naman!

 

Ang hindi maintindihan ay kung bakit ang Department of Justice ay hindi nakikipag-koordinasyon sa NBI at airport upang maayos ang mga tunay na identities na palagi na lang problema kaya natatakasan ang gobyerno ng mga taong may kaso. Ito namang airport authorities dapat nagkusa na lang din ng sarili nilang aksiyon upang makatulong, dahil ang kaso ay mabigat, hindi basta-basta. Dahil sa nangyari, talagang malinaw pa sa liwanag ng araw na maraming butas ang sistema ng gobyerno. May mga standard procedures nga ang mga ahensiya pero para lang sa panloob nilang gamit, walang nakakabit na procedures para sa mga sitwasyon na may involvement ang ibang ahensiya…ibig sabihin, kanya-kanya!

 

Ang ganitong kawalan ng pakialam ng mga ahensiya sa isa’t isa ay nagpapakita lamang ng karupukan ng sistema ng gobyerno ng Pilipinas. Simple nga lang na pagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo ay nabubulilyaso pa. Mabuti na lang at may mga Foundation ng mga malalaking kumpanya tulad ng dalawang malalaking media networks na kumikilos, ang ABS-CBN at GMA7. Kung wala ang dalawa at iba pang mga ahensiya, tulad ng Red Cross at mga grupo ng iba’t ibang simbahan, ang mga nasalanta, dobleng dilubyo ang maaaring madanasan…pangalawang dilubyo ang kapabayaan ng gobyerno.

 

Ang nakakatawa, kadalasan, mismong Malakanyang ay makakaalam na lang sa pamamagitan ng TV na may ginawa na pala ang isang ahensiya, dahil nga walang koordinasyon sa kanila. Kalimitan, kapag ininterbyu ang isag namumuno sa ahensiya kung ano ang masasabi niya sa isang isyu, ang sagot: “ah, nabasa ko nga sa diyaryo na…….”. Mabuti na lang pala at may diyaryo, eh, kung wala, lalo siyang nagmukhang tanga!

 

Dahil mga “matatalino” ang mga tauhan ng pangulo sa Malakanyang, dapat maunawaan nila ang kahalagahan ng koordinasyon, pero, sa tingin ng nakararaming Pilipino, dahil sa kawalan nila ng karanasan, talagang hindi nila ito mauunawaan, kaya ang bulilyaso nila, patung-patong! Ang paborito nilang sambitin…tiis-tiis lang muna!

Ang Pagtatampo at Panunumbat

Ang Pagtatampo at Panunumbat

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang tampo at sumbat ay mga negatibong bahagi ng buhay ng tao. Hindi ito dapat bigyan ng kahit na kapirasong puwang sa ating puso at kaisipan. Ang taong may tampo, lalo na yong mga nagbabatay nito sa ay “akala” ay nalalabuan ng isipan. Lalong hindi magandang pairalin ang sumbat dahil ang lahat ng kabutihang ating nagawa sa ating kapwa ay hindi dapat gawing sangkalan upang umasa ng katapat sa anumang paraan. At pinakalalong hindi maganda na ang tampo ng isang tao ay sasabayan niya ng panunumbat.

 

Ang negatibong ugali ang dahilan kung bakit ang Pilipinas ay hindi makausad. Parehong ang mga talunan at nanalo ay nagpapairal ng mga ito sa kanilang damdamin at isip. Ang tampo ng mga talunan ay walang kinikilalang kapamilya, kamag-anak o kaibigan. Lahat ng inakala ng talunan na hindi bomoto sa kanya, para sa kanya ay traidor at hindi tunay na kadugo o kaibigan – mga kaaway. Susundan ito ng mga panunumbat sa mga taong binigyan niya ng pera kapalit ang kanilang boto.

 

Sa kabilang banda, kahi’t na ang mga nanalo ay ayaw pa ring paawat sa paglabas ng himutok laban sa mga hindi bomoto sa kanila, at sinasabayan din ng panunumbat. Dito na nag-uumpisa ang hindi pag-usad ng kanyang pumunuan. Sa halip na makuha ang pakikipagtulungan ng lahat, ini-itsapwera niya ang mga hindi bomoto sa kanya, na nagiging pabigat tuloy sa kanya. Hindi siya ligtas sa mga pagpuna ng mga hindi niya tinutulungan na hindi bomoto sa kanya. Nagkakaroon ng tuloy ng hidwaan sa magkabilang panig – yong mga bomoto sa kanya at yong hindi.

 

Ganito kadumi ang pulitika sa Pilipinas. Dahil sa tampuhan at sumbatan, mga taong bayan ang naapektuhan. Nadadamay sila at hindi tuloy nabibiyayaan ng mga nakalaan sa kanila, halimbawa na lang kung ang lokal na mga opisyal ay kontra-partido. Ganito din ang dahilan ng hindi pag-usad ng pamahalaan dahil sa maya’t mayang sumbat ng kasalukuyang pamunuan, sa nakaraang administrasyon. Naturingang mga tituladong tao, subali’t ang sentido kumon ay kapiranggot. Sila- sila na marurunong daw ay nagtataka kung bakit kaliwa’t kanan ang mga problema. Iyan ang resulta ng sobrang dunong, na sa pag-alagwa ay naging ampaw ang utak!

Ang Lugaw na May Twist

Ang Lugaw na May Twist

Ni Apolinario Villalobos

 

Dahil talagang walang mapapala sa mga tau-tauhan ng gobyerno pagdating sa mga isyung may kinalaman sa pagkain lalo na sa bigas, kailangan nang dumiskarte ang Pilipino. Hatiin ang konsumo ng kanin, at upang magawa ito, maglugaw sa halip na magsaing. Ang tamang bulto ng nalutong bigas ay lumalabas kapag ito ay nilugaw dahil sa pagkakahakab ng mga butil. Kung isasaing ang bigas, naluluto ito ng siksik. Ibig sabihin, ang katumbas ng isang cup na sinaing ay dalawang cup ng nilugaw . Kaya pala ang mga intsik na lugaw ang kinakain ay hindi matataba o obese dahil tama lang ang dami ng kaning lugaw ang pumapasok sa katawan nila, samantalang ang mga taong nasanay sa sinaing ay doble ang dami ng pumapasok sa katawan. At, kaya naman pala maraming kanin ang naaaksaya, talagang sobrang di-hamak ang naihahain sa harapan ng mga kumakain nito.

 

Ang kainaman ng lugaw kapag kinain, ay sigurado na ring may papasok sa katawan na kailangang dami ng tubig, dahil masabaw ito. At, upang lalong makatipid sa gas panluto at oras, kung gulay ang iuulam, maaari na ring isabay ang mga ito sa pagluto. Para lang nagluto ng arroz caldo pero hindi manok ang inihalo kundi mga gulay. Para hindi malamog ang mga gulay, hintaying halos malapit nang maluto ang lugaw bago ilagay ang mga gulay na ang pagkasunud-sunod sa paglagay sa lutuan ay depende sa tagal ng kanilang paglambot. Kung karne ang panghalo, unahing iluto muna ang karne upang lumambot bago ilagay ang bigas. Tantiyahin ang dami ng tubig upang hindi matuyuan. Ang isa pang pwedeng gamitin sa halip na karne ay buto-buto, dahil di-hamak na masustansiya din ito. Ang pagtimpla ay maaaring gawin habang niluluto ang lugaw na parang nagluluto ng regular na arroz caldo.

 

Ang itinuro ko sa mga kaibigan ko sa Tondong hindi makatiis na hindi kumain ng ulam na may karne, ay bumili na lang sa karinderya ng mga ito at ihalo sa lugaw na iluluto, piliin ang menudo, giniling o iba pang ulam na ang halo ay tinadtad na karne. Sa isang kilong bigas na lulugawin, ang dalawang order na menudo na binili sa karinderya ay sapat nang panghalo. Maaari rin magluto ng dinilisang lugaw. Isangag muna sa konting mantika ang dilis sa kaldero at kung luto na, haluan ng sibuyas at bawang, at isangkutsa, dagdagan ng tubig na ang dami ay panlugaw, at ihalo ang bigas. Kung halos matuyuan, dagdagan ng tubig, hanggang maluto. Ang mga lutong lugaw ay pwede rin sa mga seasoned citizens na halos hindi na makanguya ng pagkain dahil sa kawalan ng ngipin o may mahinang pustiso.

 

Sa pagluto ng lugaw, gumamit ng ordinaryong bigas na pinakamura maski ang magandang klase ng NFA rice, at para bumango, sapawan ng ilang pirasong dahon ng pandan. Dapat alalahanin ng mga kinakapos sa budget na lahat ng paraan ay dapat subukin upang makaraos. Ganito dapat ang payo, hindi tulad ng parunggit ng isang taga-Malakanyang na nagsabing ang gusto daw ng mga naghihirap na Pilipino ay bigas na libre at mabango! Ang sinabi niyang ito ay nag-ugat sa reklamo ng mga mamimili tungkol sa isang variety ng NFA rice na talaga namang amoy gamot na maaaring inisprey dito upang hindi masira ng mga kutong-bigas! Siya kaya ang hainan ng ganitong klaseng nilutong bigas? Baka itakwil niya ang kanin! Siya rin yong nagsabi ng “tiis-tiis muna”. Siya kaya ang gutumin? Matitiis kaya niya? Malamang na sa panlalambot ng kanyang mga tuhod, maski daang matuwid na sinasabi ng pinagsisilbihan niya ay hindi niya kayang bagtasin!

 

May nag-share sa akin ng isang Bisayang incantation upang matanggal ang kamalasan sa buhay na dulot ng mga taong madudunong daw, ito ay: “hawã, hawã… pesteng yawã!” (go away, go away… devil pest!). Isa itong verbal therapy…pwedeng i-chant. Pero huwag gawin habang kumakain ng lugaw na masarap na ay masustansiya pa, at baka hindi matunawan.