Ang Kahabaan ng Buhay
Ni Apolinario Villalobos
Dalawang kasabihan ang alam ko tungkol sa kahabaan ng buhay, ang tungkol sa pusa na may siyam na buhay daw, at ang tungkol sa masamang damo na matagal daw mamatay. Nabanggit ko ito dahil sa mga pangyayari mula pa noong ako ay bata pa na nagdulot ng kapahamakan sa akin.
Noong ako ay wala pa sa gulang upang mag-aral, natumbahan ako ng bangko habang natutulog sa ilalim ng mesang kainan. Swak sa aking noo ang gilid ng bangko na nagpagising sa akin subali’t sandali lang ang sakit na naramdaman ko. Iyon nga lang naalimpungatan ako. Hanggang ngayon, may mababaw na gatla ang gitna ng aking noo. Nang minsan namang umakyat ako sa puno ng balimbing ng aming kapitbahay ang isang sangang nahawakan ko ay tuyo pala kaya ito ay naputol at ako ay nahulog, unang tumama ang aking likod kaya naudlot ang aking paghinga ng ilang sandali. Kinabukasan, bumitin akong patiwarik sa puno ng aming kaimito, nakaangkla lamang ang mga nakatiklop na paa sa sanga, dahil ginaya ko ang napanood kong flying trapeze sa karnabal. Nahulog ako, dibdib naman ang nauna.
Noong nasa grade 1 ako, sumama akong maligo sa isang maliit na “ilog” (actually, malalim at malaking irrigation canal ito). Hindi ako marunong lumangoy subali’t dahil may nakita akong ibang bata na naglalangoy-aso, naisip kong kaya ko rin kaya lumundag ako sa tubig, lampas tao pala at malakas pa ang agos. Habang inaanod ako, panay naman inom ko ng tubig, hindi makasigaw pero kumakaway, kaya kinawayan din ako ng iba. Mabuti na lang at sumabit ako sa mga nakalaylay na mga talahib na agad kong kinapitan. Sa bahay naman, lumusot ako sa sahig na kawayan ng aming batalan, diretso sa maburak na lupa. Naligo na lang ako at nang magtanungan kung bakit may butas ang batalan, hindi ako kumibo, maski pa sa akin sila nakatingin.
Noong minsang natulog ako na suot ang malaking shorts ng aking kuya, ginamitan ko ng imperdible ang garter upang mahigpitan ang baywang. Nagising ako bandang madaling araw dahil may naramdaman akong sakit sa aking tagiliran. Iyon pala, nakalas ang imperdible at bumaon ang talim sa buto ko sa balakang. Nabunot ko nga subali’t medyo may kahirapan. Nang tanungin ako kung bakit may dugo ang shorts kinabukasan, sinabi ko na lang na nasugatan ang baywang ko sa tindi ng kamot.
Noong na-assign ako sa Romblon nang pumasok ako sa PAL, ugali kong maligo sa dagat na ilang hakbang lang ang layo mula sa bahay na tinirhan naming mga empleyado. Isang hapong malalaki ang alon, pinilit ko pa ring lumangoy kaya natangay ako sa malayo. Mabuti na lang at may dumaang mangingisda kaya isinakay ako sa bangka niya at dinala sa tabi. Naging kainuman ko ng tuba ang mangingisda mula noon.
Nang inilipat ako sa Maynila mula sa Romblon, napatira ako sa Paraῆaque at dahil sa pakikisama ko, madalas akong makipag-inuman sa mga istambay. Isang beses nahaluan kami sa inuman ng isang makulit. Sa inis ko binigwasan ko siya pero dahil nakainom ako, hindi ko tinamaan ang gusto kong tamaan, mali pa ang porma ng kamao ko, kaya ang nangyari mata niya ang pumutok, lumubog naman ang dalawang “knuckle bones” ko, may pilay ako sa kamay at sumikip pa ang dibdib ko sa sobrang galit kaya itinakbo ako sa ospital. Mabuti daw nadala agad ako dahil heart attack pala ang inabot ko. Tumakas din ako mula sa ospital, kaya muntik na akong matanggal sa trabaho.
Nang magkaroon ako ng second hand na “beetle” (Volkswagen) na sasakyan, tatlo ang hindi magandang karanasan ko sa pagmaneho nito. Una ay nang masira ang daluyan ng langis patungo sa brake nito na ang tagas ay nagsimula pala pag-alis ko pa lang sa opisina hanggang umabot sa unang traffic light na tinigilan ko sa Roxas Boulevard. Mabuti na lang at nakita ng cigarette vendor kaya itinabi ko. Sumunod ay nang mabangga ako ng rumaragasang sasakyan mula sa isang intersection, at ang pangatlo ay nang lumipad ako sa ere at umikot ng dalawang beses bago lumapag sa maputik na palayan dahil sa pag-iwas sa trak na sumalubong sa akin, nag-overtake kasi siya sa sinusundan niyang kotse. Ang pangyayari ay nakita ng mga istambay at akala nila ay patay na ako. Sandaling black out ang nadanasan ko. Nakahawak pa rin ako sa manibela pero nakalas sa braso ko ang aking relo pati mga sapatos ko ay sa likod ng kotse ko na nakita. Inabot kong umiindayog pa ang rosary na bigay ni Celso Dapo, kasama ko sa trabaho, na binili niya sa Jerusalem noong pumunta siya doon. Ang rosary ay gawa sa olive wood, at ang isang “decade” nito ay sobra ng isang butil…na itinuring kong signos ng isa pang buhay para sa akin.
Sa isang lugar naman sa Cavite na ginawang relocation site ng mga naunang iskwater mula sa Tondo noong dekada otsenta, may isang grupo ng mga pamilya na madalas kong pasyalan dahil sa proyekto kong “goat dispersal”. Maaga pa umiinom na ang karamihan sa mga kalalakihan. May isang taong naging malapit sa akin at nagtapat na tagabili daw siya ng droga ng isang grupo, pero gusto na niyang magbago. Tinutukan ko siya at ang pamilya niya upang matulungan ng lubos. Ang hindi ko alam, markado na pala siya at balak nang itumba, kaya matagal siyang nawala upang magtago. Ang mali niya ay nang bumalik dahil may nagsabi sa kanya na makikipiyesta daw ako sa lugar nila. Ugali na kasi niyang ihatid ako sa hintayan ng jeep kapag ako ay pauwi na. Nang gabing iyon na ihahatid na niya ako, hinarang kami ng isang kotse na binabaan ng tatlong lalaking may mga mahahabang baril at kinaladkad siya upang ipasok sa nasabing kotse. Nang humarang ako, itinulak ako ng isa sa kanila sabay sabing sumunod na lang daw ako. Nang mahimasmasan ako sa pagkatulala, bumalik ako sa bahay na aking pinanggalingan, subalit iilang hakbang pa lang ang nagawa ko, may narinig na kong sunud-sunod na mga putok. Sabi nila, na-salvage daw ang kaibigan ko, nadamay siguro ako kung pinairal ko ang kakulitan ko.
Kasama ako sa grupong PAL Mountaineering Club. Noong umakyat kami sa Mt. Hibok-Hibok sa Camiguin, araw na Biyernes trese, gumulong ako sa mabatong dalisdis nito dahil nakipaghabulan ako sa mga kasama ko habang pababa na kami. Tumilapon ang kamerang dala ko, ang backpack at relo. Dalawang beses tumama ang ulo ko sa malalaking bato. Nahilo ako at matagal bago makatayo nang tumigil ako sa paggulong. May naramdaman akong kirot sa kaliwang bahagi ng ulo ko pero hindi ko pinansin dahil wala namang dugo. Ngayon, bumabalik ang kirot tuwing matindi ang init o kung makalog maski bahagya ang ulo ko.
Sa Quiapo, noong minsang mamasyal ako, may nadaanan akong nagkakagulong umpukan ng mga tao. Nag-uusyuso pala sa isang nagwawalang babae na may kutsilyo at halatang lasing. Nagsisisigaw at umiiyak dahil niloko daw siya ng isang lalaki, binuntis pa siya. Pati pulis hindi makalapit. Nang marinig ko siyang magmura sa Bisayang Cebuano, naisip kong kausapin siya sa dialect na yon, sumagot naman nguni’t pasigaw. Nang palagay ko ay nakukuha ko ang tiwala niya, nilapitan ko at sinubukang kunin ang kutsilyo, nguni’t matagal bago ibinigay, nag-amba pang ako ay sasaksakin. Nang naibigay na sa akin ang kutsilyo, niyakap ko siya at ipinasok sa isang malapit na restaurant upang kausapin. Halos hindi kami magkaintindihan dahil panay ang iyak niya, minumura pati ang Maynila. Hinuthutan kasi siya ng lalaki at kaya siya nandoon ay upang hulihin niya sa pinupuntahang babae, subali’t hindi niya inabutan. Nang may mabanggit siya tungkol sa balak niyang pag-uwi na lang, sinabi kong handa akong bigyan siya ng pamasahe at baon. Doon pa lang siya nahimasmasan. Inihatid ko siya sa boarding house niya sa Sampaloc at kinabukasan, maaga pa ay sinundo ko upang ihatid sa piyer upang sumakay sa barkong biyaheng patungo sa Cebu. Nagpasalamat ako sa boss kong inutangan ko ng pera.
Kung magbabalik-tanaw ako, malaki ang pasalamat ko na sa probinsiya ako nakapagtapos ng pag-aaral kahi’t nakapasa ako sa scholarship exam ng Mindanao State Univesity (MSU) sa Marawi Cit at UP-Diliman. May scholarship nga wala namang perang pang-allowance, kaya sa amin na ako nag-aral. Dahil sa ugali at mga prinsipyo ko, ngayon ko naisip na malamang hindi ako nakapagtapos ng kolehiyo at malamang napasama ako sa mga grupong makakaliwa kung sa MSU o UP ako nag-aral. At, malamang sa malamang….patay na ako at nakabaon sa walang tandang hukay sa dalisdis ng hindi matukoy na bundok.
Noong panahong patapos na ako ng kolehiyo at bago pa lang ibinaba ang Martial Law, pinatawag lahat ng mga estudyante sa plasa upang makinig sa paliwanag ng mayor tungkol sa layunin ni Marcos. Pagkatapos niyang magsalita, nagtanong siya kung mayroon sa hanay ng mga estudyanteng gustong ring magsalita, itinulak ako ng mga classmate ko sa stage. Habang nagsasalita ako, nasa tabi ko ang mayor at narinig ko ang tanong sa kanya ng kanyang bodyguard na: “ano mayor, desisyunan ko na ini? (ano mayor, dedesisyunan ko na ito?)”. Sabi ng mayor, huwag dahil kilala ko ang pamilya ng batang ito. Subali’t sandali lang may narinig nang mga putok mula sa hindi kalayuan. Mabuti na lang hinila ako ng mga classmate ko pababa ng stage. Nalaman namin, nanakot lang pala ang nagpaputok na isa sa mga bodyguard ng mayor.
Hindi pa rin ako nadala. Nang pumunta ang isang babaeng popular na makakaliwa sa amin, upang mangampanya laban sa Martial Law, “nakulong” siya at hindi makalabas sa dami ng checkpoints. Kinausap ako ng isang madre upang hingan ng tulong. Nakahanap ako ng jeep na masasakyan niya, awa ng Diyos, nakalusot siya sa dalawang checkpoints dahil may kasamang mga madre. Ako naman binuntutan mula noon ng MISG.
Napakarami pang gusot ang aking napasukan dahil sa katakawan ko sa adventure pero nagpapasalamat ako at nakakaya pa ng pising hawak ko. Kung minsan, hindi maintindihan ang buhay…
Like this:
Like Loading...