Anndi

Anndi

(para kay Anndi Ydemne)

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa iyong matipit at malambing na ngiti
Ang lumbay sa puso nami’y napapawi
Naughty ang iyong tingin, may sinasabi
Understood, hindi man bumuka ang labi.

May kapilyahan ka rin paminsan-minsan
Lalo na’t ang gusto mo’y hindi pagbigyan
Ano pa nga ba’t kami yata’y alipin mo na –
Dahil sa idinulot mo sa aming saya’t ligaya.

Talinong aming napansin sa ‘yong ipinapakita
Sana’y lalo pang yumabong, lalong umalagwa
Upang iyong magamit laban sa mga pagsubok
At sa pag-usad ng panahon, ito’y ‘di marurupok.

Rose Marie

ANG PAGPUPUNYAGI NI ROSE MARIE

By Apolinario B Villalobos

 

Guhit ng kapalarang baku-bako

Mula sa pagkabata’y nagdulot ng mga siphayo

Pinagkaitan ng liwanag upang malinis na landas

Sana’y kanyang matahak tungo sa magandang bukas –

Iyan si Rose Marie na lagi nang pagdurusa ang kaakibat.

 

Sa murang gulang, hindi angkop na pagsikap

Ay kanya nang naranasan, katuwang ng ina na tulad niya

Pagsuong sa masalimuot na buhay ay hindi inalintana

Tanging lakas na nahuhugot ay galing sa Dakilang Lumikha –

Iyan si Rose Marie na ang pananalig sa Diyos ay hindi mauuga.

 

Sa pagputok ng liwanag ng haring araw sa silangan

Bitbit ay timbang lalagyan ng kaning baboy mula sa mga karehan

At sa pagtirik ng araw hanggang kinahapunan

Pag-babarker para sa mga dyipni naman ang pagdidiskitahan –

Iyan si Rose Marie na sa maghapo’y walang kapaguran.

 

Minsang dumating sa buhay niya ang akala’y matamis na kabanata

Nguni’t tanso pala ang mapagkunwaring lalaking sa kanya’y umalipusta

Dahil laking gulat niya nang isang umaga sa kanyang paggising

Inirog niya’t binantayog, gumuho sa kahinaan ng paninindigan –

Iyan si Rose Marie na wari’y ayaw hiwalayan ng mapait na kapalaran.

 

Sa kabila ng mga siphayong sa buhay niya’y dumating

Ang pagsisikap ay lalo pa niyang pinag-igting

Mga supling ay nagpatindi ng lakas, nagbigay ng inspirasyon

Upang talikuran ang malungkot, madilim na kahapon –

Iyan si Rose Marie, ang babaeng pinatatag ng panahon.

 

Maginhawa na ang kanyang buhay ngayon.

Ang tanong: ilan kayang Rose Marie mayroon ang sandaigdigan?

Mga tuldok lamang sa hindi mahulugang karayom na sangkatauhan

Ilan pa kaya ang tulad niyang kahi’t halos gulapay na’y ‘di man lang dumaing?

Ilan pa kaya ang tulad niya na ang tanging kalasag ay dasal na taimtim?

 

 

(Ang tulang ito ay ginawa para magbigay ng inspirasyon sa mga babaeng hindi nawawalan ng pag-asa sa buhay. )

Ang Pagkikita

This is a tri-lingual poetry (Filipino, English and Bisya-Davao), to commemorate the reunion of Mindanao Palers held at the North Palm Hotel and Garden in Davao city on March 3, 2013…..

 

 

Ang Pagkikita

Ni Apolinario Villalobos

 

 

Sa paglipas ng mahabang panahon

Lahat kami’y nagkaroon ng pagkakataon –

Magkita, magkumustahan, at magtawanan

May mugtong mga mata, dala ng kasiyahan.

 

Mula sa kung saang bayan at bansa

Sa eroplano’y sumakay, iba’y sa bus nagtiyaga

Excited lahat kaya ngiti sa labi’y di nawawala

Sa pagkatayo, sakit ng tuhod ay di alintana.

 

Ano pa nga ba’t lahat kami ay maligaya

Iba’y di makapaniwala, naganap na pagkikita

Na maaaring ulitin, at kung kaylan man yan

Talagang mangyayari, ngayong gabi magkakaalaman.

 

 

The Reunion

 

After so many years, each one on his own

Now came the day of the most awaited reunion

Filling the air with greetings and hearty laughter

While reddish eyes held on to a threatening tear.

 

Some came with haste, took flights that sliced the air

Some took the bus, long trip they patiently bear

Some drove their cars, although with failing sight

Finally at North Palm Hotel, all blushed with delight.

 

What a night! Every one excited, bursting with happiness

Some could not believe, with awe just stared at the space

Somebody asked, will this happen again? When and where?

I said, definitely -yes, and from Deo, we will hear next year!

 

 

Ang Pagkita-kita

 

Sa pagligad ug wa namatngong dugay nga panahon

Pasalamat mi ug daku sa pagdangat aning tini-on

Tanan mi nalipay sa pagkita-kita karong gabii

Excited ang tanan, paghiyom dili mawala sa labi.

 

Ang uban nagdali, kalit nisakay sa eroplano

Ang uban nisakay sa bus, bisan ug kapoy kaayo

Ang uban ni-drive sa kotse bisan ug hina mga mata

Sa North Palm Hotel ni-abot bisag nagkaang-kaang na!

 

Wala’y katapusang kalipayan ang gibatyag sa tanan

Ang uban dili makatuo, bisag ang gutom gipasagdan

Naa’y nangutana, kaning mga nahitabo mausab pa kaha?

Ingon nako, huwat ra mo – huwat sa text ni Deo Escarilla!

Ang Maging Bargain Hunter

Ang Maging Bargain Hunter

Ni Apolinario Villalobos

 

Isa sa mga prinsipyo ko sa buhay ay ang pagtitipid. Nakalakhan ko kasi ang kahirapan kaya nasanay na ako. Sa pamimili sa mga regular na outlets tulad ng department stores, inuuna kong puntahan ang mga bargain section. Kung mamalengke naman, sa mga de-bilao ako bumibili dahil nakatipid na ako, nakatulong pa sa mga bata o matandang nagtitinda.

 

Nang minsan pumunta ako sa isang maliit na department store, pasara na sila at dahil last day ng sale, nakipagsiksikan ako. May nabili akong isang pares na sapatos, tiyempo naman dahil brown na kailangan ko talaga, 50% discounted pa, at dahil madalian, pasara na kasi sila, sandali ko lang tiningnan bago binalot. Kinabukasan nang ilabas ko upang isuot, nagulat ako dahil ang kaliwa ay dark brown, at ang kanan ay light brown, hindi rin magkasing-taas ang mga takong, yon nga lang pareho ang design talaga. Noon ko naalala na medyo may kadiliman sa section ng mga sapatos ng department store. Noon ko rin tinanggap ang katotohanang humihina na talaga ang paningin ko.

 

Ang Recto naman na kilalang bilihan ng mga second hand books, sinubukan kong pasyalan upang mamili ng old issues ng National Geographic. Nang pauwi na ako, may nasalubong akong tin-edyer na may dalang maliit na supot na plastic, laman ay apat na pirasong family size na Colgate. Sabi ng bata, pabenta ng nanay niya. Inakala ko agad na baka na-shoplift kaya tinanggihan ko subali’t nagmakaawa ang bata dahil pambili daw ng bigas. Binili ko na lang, dinagdagan ko pa ang bayad dahil sa awa. Pagdating sa bahay, inilabas ko ang isa at itinabi upang magamit namin kapag naubos na ang kasalukuyang ginagamit, at ang tatlo ay pinamigay ko sa mga kumpare ko. Kinabukasan sabi ng isang kumpareng nabigyan ko, matigas daw ang Colgate, pinakita sa akin at nang pindutin ko matigas nga. May lumabas nga pero katas. Yon pala, sobra-sobrang expired na kaya tumigas sa tube. Pinagbabawi ko ang mga pinamigay ko at upang mabawi naman ang pagkahiya, inimbita ko ang mga nabigyan ko sa bahay upang mag-inuman na lang. Naging triple ang gastos ko dahil ang lakas uminom ng mga kumpare ko.

 

Hindi ko lang maalala kung anong buwan noong mapadaan ako sa isang Chinese shrine sa Harrison St. ng Pasay. May nakita akong maraming tao sa labas, puro Chinese, maraming mga pagkaing dala. Akala ko may “tiyangge” sa loob kaya pumasok ako maski siksikan. Halos mahilo ako sa amoy ng mga nasindihang joss sticks. Tiniis ko lang dahil gusto kong makabili ng mga binabargen kung saan man sila nakapwesto. Sa loob, nagtaka ako dahil wala akong makitang pwestong nagbebenta at ang tinutumbok ng mga pila ay malaking altar kung saan ay nilalagay ang mga nasindihang joss sticks. May nag-abot sa akin ng dalawang may sindi na, kaya nakigaya na lang ako at yumuku-yuko na rin ng ilang beses sa harap ng altar bago ko inilagay ang may sinding mga joss sticks sa lagayan. Malaking pasalamat ko nang nakalabas ako, subali’t basa sa pawis ang t-shirt na dumikit na sa aking katawan. Noon ko nalaman na araw pala ng patay nila!

 

Mahilig din ako sa pabango kaya isa ito sa mga hinahanting ko sa mga “sale”. Noong minsang pumunta ako sa Sta. Cruz, malapit sa Avenida upang sumama sa kaibigan kong photographer na kukuha ng shots ng mga nasunog na magkakatabing building, may nakita akong nakalatag sa isang di kalayuang bangketa – mga pabango, at “agaw” daw sa sunog. Dahil mura at kilala ang mga tatak, bumili ako ng dalawa, pang-reserba. Tatlong linggo nakalipas, nakita ko na naman ang tindera malapit sa isang nasunog na bahay sa Taft Avenue, naglatag na naman ng mga pabango. Nagsi-sales talk sa mga tao, “agaw” daw sa sunog ang mga paninda niya, itinuro ang sunog na bahay. May nahalata ako dahil ang tinuturong nasunog ay bahay, hindi department store tulad noong una ko siyang makita sa Sta. Cruz. Pagdating ko sa bahay, tsinek ko ang mga pabangong nabili ko sa tindera noon. Laking gulat ko dahil ang naamoy ko ay iisang klase na parang may halong kalamansi pa, kahit magkaiba pa ang ang tatak ng dalawang bote! Mga peke pala at ginawang dahilan ang sunog upang lumabas na original ang mga pabango!

 

Sa Avenida pa rin, nakabili ako ng maraming BIC ballpen na mura, galing daw kasi sa bodega. Puro nasa “original” na lagayan pang may tatak din. Tinodo ko na ang pagbili para ipamigay sa mga anak ng mga kaibigan kong nag-aaral. Pagdating sa bahay, pinagbubuksan ko ang mga lagayan upang paghati-hatiin sa mga bata. Sinubukan kong gamitin ang isa…ayaw sumulat at maganit, hindi dumudulas sa papel. Tinesting ko ang lahat…at nalaman ko na ang lahat ay hindi sumusulat…expired at tumigas tulad din ng Colgate na nabili ko noon!

 

Sa kabila ng mga nakakagutay-budget na mga pangyayari sa aking buhay, hindi pa rin ako nadadala. Itinuturing ko na lang silang mga kulay na nagpapatingkad sa aking buhay upang hindi ito maging monochrome…na kung sa pagkain naman, para silang Magic Sarap o vetsin na nagdadagdag ng lasa. Ang payo ko lang…huwag akong gayahin.