Kalayaan

Isang tula para sa kalayaan ng Pilipinas…ng Pilipino…

 

Kalayaan

ni Apolinario Villalobos

 

Minimithi ng lahat, itong kalayaan kung tawagin

Walang pagkagapos sa tanikala, pati damdamin

Mitsa ng pag-aklas noon pa mang unang panahon

At ang sindi’y nag-aapoy sa lahat  ng pagkakataon.

 

Maraming buhay ang naibuwis dahil sa kalayaan

Masagana ring dugo ang dumanak sa mga digmaan

Dahil ang sindi ng mitsa ay hindi maaaring patayin

Ng mapang-abuso, at mga nanunupil ng damdamin.

 

Dahil sa kalayaan ay marami na ring tao ang nakilala

Mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa inang bansa

Mga pangalan ay naitala sa mga pahina ng kasaysayan

Hindi mababaon sa burak ng limot, magpakaylan man.

 

Hitik ang Pilipinas sa mga bayani, may tapang at talino

May paninindigan silang maipagmamalaki nating ninuno

Mga  dayuha’y di pa man dumating sa ating dalampasigan

Malalim nang nakatanim sa puso at diwa nila ang kalayaan.

 

Subali’t ngayo’y ibang klaseng kalayaaan ang pinaglalaban –

Kalayaan mula sa pagkagahaman ng ilan nating kababayan

Pagkagahaman sa kayamanang kaydali nilang nakukulimbat

Sa kaban ng bayan na natira para sa Pilipino’y hindi na sapat.

 

Sa bagong panahon ay ibang pakikibaka ang ginagawa natin –

Laban sa mga garapal at may masidhing sakim na damdamin

Nabulagan ng kinang ng yaman na kung ituring nila ay kanila

Nakakahiyang mga Pilipino, walang puso, walang konsiyensiya!

 

Delikadesa…ano yun?

Delikadesa….ano yun?

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang delikadesa ay mahalagang bahagi ng isang kultura. Ito ang pundasyon ng dangal. Ito ang nagsisilbing harang bago umabot ang isang bagay sa punto na magreresulta sa kahihiyan ng isang tao. Sa ibang kultura, lalo na ng mga Asyano, ito ay katumbas ng buhay. Subali’t ang hindi maunawaan ay kung bakit tila nawawala ito sa kultura ng Pilipino. Marami ang nagtatanong kung bakit. Ang matindi, dahil sa ganitong kalakaran ngayon, ni hindi na ito nauunawaan ng mga bata. Malamang nga ay ni hindi ito nababanggit sa mga eskwelahan bilang bahagi ng pagtuturo.

 

Ang kawalan ng delikadesa ng isang tao ay pagpapakita niya ng katigasan ng loob. Pagpapakita niya ito ng pagmamarunong at kakapalan ng mukha dahil sa pagkawala na ng kanyang hiya. Ang pinakamagandang mga halimbawa ay sa larangan ng pulitika at sa pamamalakad ng gobyerno sa Pilipinas. Ang mga talaga din namang nakabali ng mga patakaran at batas ay kung anu-ano ang binabanggit na dahilan upang makalusot sa mga kaso. Galit pa kunwari dahil napupulitika daw sila. Yong iba naman, dahil abugado, nagsasabi na alam nila ang ginagawa nila at naaayon sa batas.

 

Ang isang gobernador na nailuklok ng mga tao kaya nanalo ay nagpipilit na hindi siya pwedeng palitan o bumaba ng pwesto dahil sa dahilang siya ang gusto ng tao at wala nang iba – maski pa hayagang malaki ang ginawa niyang paglabag sa batas na may kinalaman sa paggastos nang nakaraang eleksiyon. Ang mga namumuno ng mga ahensiya na pormalidad na lang ang pag-imbestiga sa kanila dahil maliwanag pa sa sikat ng araw ang kasalanan, ayaw ding patinag sa pwesto dahil hindi naman daw sila pinapababa ng pangulo ng Pilipinas na siyang nagtalaga sa kanila. Ang mga mambabatas naman na nagpipilit na hangga’t hindi daw napatunayan ng hukumang nagkasala ay ayaw ring patinag sa pwesto, kahi’t ang korapsiyon nila ay hantad na hantad na simula pa nang sila may mamili ng boto nang nakaraang eleksiyon.

 

May nakikita kasing halimbawa at kinukunsinte ng nasa itaas…yan ang mga dahilan kung bakit talamak ang ugaling kahiyaan at pagkawala ng delikadesa. At yan din ang nakikita ng mga bata kaya kung tanungin sila kung alam nila ang ibig sabihin ng delikadesa, ang sagot nila ay…ano yun?