The Common Sense…mother of all senses

The Common Sense

…mother of all senses

By Apolinario Villalobos

 

Before anything is felt by the other senses,

the common sense sends cautions…

 

-that burns can result from touching fire

-that gazing at the sun damages the eye

-that smelling glue can just be repugnant

-that no bitter taste can please the tongue.

 

Common sense is always disregarded,

almost always, forgotten it’s with us…

 

-causing others think, only they should live

-causing others to just take, and not to give

-causing others to act with wild insatiability –

-resulting to the loss of other people’s dignity.

Isang Pagbabalik-tanaw

Isang Pagbabalik-tanaw

Ni Apolinario Villalobos

 

Upang maiwasan ang sobra-sobrang paninisi sa bagong administrasyon, maganda rin sigurong rebyuhin ang mga nakaraan upang maunawaan kung paanong nagkaugat ang korapsyon sa ating bansa. Gawin ang pagbalik- tanaw, kahi’t pahapyaw man lang.

 

Bago dumating ang mga Kastila, may mga original nang Pilipino, na talagang purong dugong Pilipino ang naninirahan sa mga isla ng Pilipinas, kanya-kanya nga lang sila ng teritoryo. Hindi nagkakaisa sa ilaim ng iisang lider, subali’t maganda ang samahan. Nang dumating ang mga Kastila, nakapagdiwang ng Misa sa isang isla na ngayon ay pinagtatalunan pa kung yong Limasawa ba ng Leyte o Masao sa Butuan. May nag-alburutong isang datu, si Lapu-lapu ng Mactan, kaya naputol ang misyon ni Magellan. Nang dumating si Ruy Lopez de Villalobos, naipangalan sa hari ng Espanya ang mga isla – unang pangangamkam.

 

Naging Kristiyano ang ilang mga Pilipino dahil naguyo sila ng mga misyonaryo. May mga Pilipinang inanakan ng mga prayle – unang pangbabastardo. Itinayo ang Intramuros upang maihiwalay sa mga tsino at mga katutubo na naninirahan sa tabi ng Ilog-Pasig ang mga Kastila – unang deskriminasyon.

 

Nang magkaroon ng kumpul-kumpol ng mga “rebelde” sa pangunguna ng Katipunan na itinatag ni Andres Bonifacio, nabahala ang mga Kastila kaya sinupil lahat ng mga inaakala nila ay pag-aaklas laban sa kanila. Pinabaril ng mga Kastila si Jose Rizal sa Bagumbayan (Luneta) sa kanyang mga kababayang mga sundalo – unang kabayanihan.

 

Namatay si Bonifacio sa Mt. Buntis dahil sa pulitika, lumutang si Emilio Aguinaldo na ipinagpatuloy ang pakipaglaban sa mga Kastila. Napapayag siyang ma-exile sa Hongkong. Nagkaroon ng kasunduan ang Espanya at mga Amerikano na nagdaos pa ng moro-morong “digmaan”, yon pala ay binenta na ng Espanya ang Pilipinas sa Amerika – unang pagtraidor sa tiwalang ibinigay ng Pilipino sa Amerika na akala ni Aguinaldo ay tutulong sa upang labanan ang mga Kastila.

 

Nagkaroon ng ikalawang digmaang pandaigdig, iniwan ng mga Amerikano ang mga Pilipino sa kamay ng mga Hapon. May pangakong “I shall return…” kaya’t hinayaan munang magahasa ng mga Hapon ang karangalan ng Pilipinas, lalo na ng mga Pilipina, na naging comfort women ng mga Hapong sundalo. Nakabalik nga si MacArthur, subali’t hindi pa rin lubusang pinaubaya sa mga Pilipino ang pag-enjoy sa tinatawag na demokrasya, kaya tawag sa mga Amerikano ay “big American brother”, at ang tawag sa Pilipino ay “little brown brother” – pangalawang deskriminasyon.

 

Kinopya ng Pilipinas ang saligang batas ng Amerika, nagkaroon ng mga eleksiyon na nagluklok ng mga presidente. Lumitaw na hindi pa handa ang mga Pilipino sa tinatawag na demokrasya, maraming dispalenghadong programa. Ang tinaguriang “mambo President”, si Magsaysay, namatay sa pagbagsak ng eroplanong sinakyan niya. Ang sabi ng iba, sinadya daw na pabagsakin ang eroplano – unang manipestasyon ng “dirty politics” sa bansa.

 

Nagsunuran ang ibang eleksiyon, may mga kwento ng mga kandidato na ginagawan ng kaso ng mga nakaupo sa administrasyon, upang makulong dahil kalaban sa pulitika. Ang isang kwento ay tungkol sa isang nagrebyu para sa pagsusulit ng abogasya sa loob ng kulungan. Nakapasa naman, topnotcher pa! Pinaglaban niya ang kaso niya sa korte, nanalo siya, absuwelto. Tumakbong senador, umiral ang emosyong Pilipino na mahilig sa madramang nobela, nanalo siya. Dahil matalino daw, nanalo ding presidente ng bansa. Siya si Ferdinand Marcos. Nang nakita daw niyang hindi na kaya ng demokrasya ang pagkontrol sa mga katiwalian, gumamit siya ng kamay na bakal… nagdeklara ng Martial Law – kung ilang dekadang umiral. May mga napansin nang gulangan, nakawan, korapsyon wika nga sa ilalim ng kanyang pamumuno. Subali’t under control daw. Maraming proyekto ang mga naipatayo, tulad ng Cultural Center Complex, mga pagamutan para sa mga maysakit sa bato at puso, LRT, Coastal Road, at marami pang iba. Marami ring pumaligid sa pamilya… mga taga-bulong daw, lalo na sa First Lady.

 

Pinababa si Marcos dahil pinapatay daw niya si Ninoy Aquino. Umiral na naman ang emosyon ng Pilipino. Pinalitan siya ng biyuda ni Ninoy, na iniluklok daw ng People Power na pinakialaman din ng isang Obispo, ang namayapang Jaime Sin na nanawagan ng mga tao upang suportahan ang biyuda. Maraming dumating, nagpiknik sa EDSA, nagpista sa pagbenta ang mga sidewalk vendors dahil maraming dumating na walang pagkaing dala. Nang maupo na si Gng. Cory, marami ang natuwa dahil ang akala nila ay mawawala na ang korapsyon pati ang mga taong mahilig umaligid-ligid at tumambay sa Malakanyang. Napansin ng ilang militante sa Armed Forces ng bansa na wala namang nangyaring maganda kaya nagkaroon ng maliitang kudeta. Domoble ang napansing dami ng korapsyon, dahil nasilip ang kahinaan ng pamunuan na umasa sa mga dati nang nasa poder at sanay sa paggawa ng kamalasaduhan. Walang mga konkretong proyekto para sa bansa.

 

Nagkaroon ng bagong presidente, si Fidel Ramos. Sa ilalim ng kanyang administrasyon, kaliwa’t kanan ang bentahan ng mga properties ng gobyerno, kasama na ang mga ahensiyang nagpapatakbo ng mga pangunahing serbisyo tulad ng kuryente at tubig, napasakamay ng mga pribadong kumpanya na may mga kasamang banyaga sa korporasyon. Mabuti na lang at hindi natuloy ang para sa Manila Hotel. Kasama sa plano ang mga ospital at base military sa pagitan ng Makati, Pateros, at Pasig (may Global City na doon ngayon). Kasama itong mga bentahan sa hangarin ng bagong pamunuan na makasabay sa trend ng globalization na sinalihan ng Pilipinas, na bandang huli ay napansing hindi rin nakabuti, sa halip ay lalo lang nagpadami ng mga nagugutom dahil sa pagsirit ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin. Na-deregulate ang pagkontrol sa langis na siyang pinakamalaking indulto. Nagkaroon ng “open skies” kaya nagdagsaan ang mga international airlines sa bansa, tumiklop ang Philippine Airlines, hindi nakaya ang kumpetisyon. Wala ring nagawang mga konkretong proyekto para sa bansa, ang mga korapsyon lalong namayagpag daw, komisyunang kaliwa’t kanan sa pagbenta ng mga propredad ng bansa – unang pagkanulo sa soberinya pang-ekonomiya ng Pilipinas.

 

Nagkaroon ng artistang presidente, si Joseph Estrada, bise- presidente ang ekonomista daw na si Gloria Arroyo, propesora pa. Maraming artista ang nahirang na tumulong sa kanya kasama na yong nagpa-popular ng kasabihang, “weather- weather lang, yan….”. Hindi natapos ang termino ni Joseph Estrada dahil sa kaliwa’t kanang napansin daw na bulilyaso…na-impeach. Nadamay sa mga kontrobersiya ang may ginintuang boses na si Nora Aunor – unang patunay na nakakahila ang pagiging tanyag.

 

Pumalit si Gloria na nagsabi agad na hindi tatakbong presidente, subali’t bago matapos ang minanang trabaho mula sa na-impeach na si Joseph Estrada, may divine intervention daw na tumulong sa kanya upang magdesisyon siyang tumakbo na lang. Tumakbo nga at sinubukan ng mga tao, parang okey naman, subali’t sa umpisa lang pala. Unti-unting nabisto ang mga palihim daw na mga transaksyon, dawit pa ang asawa. Nang mawala sa puwesto, nagsingawan ang mga baho, umalingasaw, matindi.

 

Nang maupo ang isa na namang Aquino, si Noynoy Aquino, nangakong makikinig daw sa mga utos ng mga tao. At ang mga Pilipino ay aakayin niya sa matuwid na daan. Lumampas lang ng kaunti sa kalahati ng kanyang termino, naglitawan ang mga kasong kahindik-hindik! Animo sinakluban ng langit ang sambayanan…na feeling ay parang inagawan ng pagkain. Nakawin ba naman ng mga taong pinagkatiwalaan nila ang pera ng bayan…mga taong ibinoto dahil matatalino daw. Yon pala, ginamit ang katalinuhan upang mapaikutan ang mga batas! Kasama daw diyan yong mga itinalaga mismo ng pangulo sa mga puwesto! Ito na ang pinakamatinding pagkanulo ng gobyerno sa tiwala ng taong-bayan!

 

Hindi marinig ng pangulo ang mga utos ng taong bayan… natatalo ng lakas ng mga bulong ng mga nakapaligid sa kanya, mga miyembro daw ng Student Council, ng mga dating classmate, ng mga kabarilan sa shooting range, at ng kung anu-ano pang bintang ng media. Hindi rin niya maakay ang sambayan tungo sa tuwid na daan dahil wala pang na-construct na maski kapirasong distansiyang ganitong matinong highway o kalsada man lang. Ang mga nagawa kasing yari sa aspalto, ilang ulan lang, animo ay binagsakan ng pira-pirasong bomba, kaya uka-uka. Ang mga yari sa semento, dahil sa kanipisan, ilang buwan lang animo ay binarikos sa dami ng mga crack na sanga-sanga.

 

Nagsimula sa isang maliit na korapsyon, lumala nang lumala. Yan ang kuwento ng Pilipinas…ng animo ay ginahasa na ating Inang Bansa!…isang malungkot na pagbabalik-tanaw, na mas malungkot pa sa isang Korean nobela, na kinahihiligan ng mga Pilipino, na ang iba ay nagtataas ng mga nakatikom na kamay sa harap ng TV camera at sumisigaw na inosente ang mahal nilang……alam nyo na! Hindi daw nagnakaw…inosente, hangga’t hindi napatunayan! …walang nakakita, lalo na yong babaeng may piring nga naman sa mga mata! Sige na nga!

 

 

(Pasensiya na sa kahabaan ng diskurso…nadala lang ng kanyang damdamin ang nagsulat, nagka-stiff neck nga sa kalilingon sa mga nakaraan. Lalong pasensiya, sa mga gumagamit ng smartphone sa pagbasa na hindi sana nag-overheat. Nag-take chance lang ang sumulat dahil libre ang mag-post.)

 

Huwag Ismulin ang Maliliit

Huwag Ismulin ang Maliliit

Ni Apolinario Villalobos

 

Kung meron mang dapat pasalamatan sa pagkabunyag ng dambuhalang PDAF scam, ay walang iba kundi ang maliit na personal na away ng magpinsang Janet Lim Napoles at Benhur Luy. Simple lang naman sana ang away nila na nag-ugat sa hinalang gulangan. Nakiayon kay Luy ang iba pang tauhan ni Napoles at naglabas na rin ng mga hinaing tulad ng hindi nila pagtanggap ng angkop na bahagi ng mga nakulimbat nilang pera. May nagsabi na maski Christmas bonus ay halos ayaw ibigay sa kanila, at kung magbigay man ay kakarampot, ganoong kung mamahagi si Napoles sa ibang tao ay halos walang humpay.

 

Ito marahil ngayon ang hindi nakakapagpatulog kay Napoles na abot- langit ang pagsisisi dahil sa abot-langit din niyang kaduhapangan sa salapi…pero huli na. Ang mga hiningi lang naman sana ng mga tauhan niya ay barya kung ihahambing sa mga nakulimbat nila – mga butal ng bungkos-bungkos na perang naipon sa tagal ng panahong pagnanakaw sa kaban ng bayan. Ang mga pulitikong sangkot na nabisto, maaaring nagngingitngit sa galit, at kung nakamamatay lang siguro ang pagmumura, matagal nang nangisay si Napoles, sa dami ng nagmumura sa kanya!

 

Ito ay isang malaking leksiyon, na hindi dapat ismulin ang anumang maliit. Alalahanin na nakakapuwing ang isang butil ng alikabok. Maraming maliliit na naging dambuhala sa kasaysayan. Nariyan si Napoleon Bonaparte, si Adolf Hitler, si Gloria Macapagal Arroyo…mga naging dambuhala dahil sa mga kahindik-hindik na paraan ng kanilang pamumuno, tulad ng pagmamalupit, pagpatay at kaso ng pagnakaw. Si Mother Theresa ay maliit ding babae, wala pa halos limang piye, subali’t naging dambuhala sa kanyang pagmamahal sa kapwa hanggang sa kanyang katandaan, kaya naging santo.

 

Ang mga kuto na maliit ay nakakapagdulot ng pinsala kapag ito ay hindi naapula. Gagawin nitong baku-bako ang ulong ginawa nilang “colony”. May isang klase ng kuto naman na namumuhay sa bigas, kaya libong sako ng mga naimbak na mga ito ang pinagtatapon na lang dahil hindi naipamahagi sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Ang hinala ng iba, nagkaubusan yata ng mga plastik bag na may tatak na DSW kaya hindi narepak!

 

Ang mga kinatatakutan ng buong mundo ay ang halos hindi makitang mga mikrobyo, mga virus, na masambit lang ang pangalan ay nagpapatayo na ng balahibo. Ang mga ito ay dapat ipagbalewala dahil nakatala sa kasaysayan ang pagkalipol ng milyon-milyong tao dahil sa paglipana ng mga ito, at hindi nasawata dahil sa kakulangan sa kaalaman sa medisina.

 

Si Nora Aunor na hanggang ngayon ay may bitbit na kamalasan kaya nalampasan na naman ng pagkakataon upang mahirang na National Artist ay maliit din, subalit dambuhala ang kasikatan dahil sa ginintuang boses at kahusayan sa pag-arte. Malamang umiral na naman ang pulitika kaya hindi na naman siya nahirang. Close kasi siya kay Joseph Estrada. At, may nagsabi na karamihan yata sa mga involved sa pagpili ay maka-Vilma, kaya sori na lang si Nora!

 

Marami pang bagay na maliliit na hindi dapat ismulin dahil may kasabihang ang isang malaki ay nagsisimula sa maliit….walang piso kung walang mga sentimo. Ang masama lang, may mga maliliit na hangarin na naging dambuhala. Tulad ng hangaring maging Presidente ng Homeowners’ Association, na naging hangarin upang maging Barangay Chairman, na naging hangaring maging Mayor, na naging hangaring maging Gobernador, na naging hangaring maging Kongresman o Senador, hanggang umabot sa hangaring maging Presidente kaya nakaisip kung paanong mag-fund raising sa pinakamabilis na paraan upang may panggastos sa eleksiyon. Ang ending…”pagtira” sa isang maliit na kwarto. Hindi ito kulungan na kung ituring para sa mahihirap ay “ob-lo”. Ang maliit na kwarto ay kumpleto rin naman, pati nga mga gwardiya may mahahaba pang baril. Yan ang resulta ng hinangad na pangarap…nagsimula sa maliit.

 

Kaya, ang taong hindi marunong mangalaga ng maski anong maliit na hangarin ay napipinsala…na ang kapalit ay pagsisising walang katapusan…hanggang kamatayan… dahil nawalan na ng pera, nasira pa ang pinakaiingat-ingatang pangalan… hindi makakalimutan ng taong bayan, dahil nakatala sa kasaysayan!

 

Shortage at Pananamantala…pareho lang

Shortage at Pananamantala…pareho lang

Ni Apolinario Villalobos

 

Kailan lang ay nagsalita na naman ang mga taga-gobyerno na wala naman daw talagang shortage sa bigas, hanggang Setyembre pa nga daw ang stock. Baka ang tinutukoy nitong mga taga-NFA at Department of Agriculture ay ang NFA rice na binibili sa ibang bansa, na nakaugalian nang pagkitaan, sabi nila. Paano ang commercial rice? Wala daw talagang shortage, at malamang ay pananamantala lamang.

 

Ginagawa nilang tanga ang taong bayan, samantalang pareho lang naman ang pananamantala at shortage – magkapatid na pinsala sa mga Pilipino. Kung walang nanananamtala, walang shortage. Simple lang naman, dahil kung walang nagho-hoard o nagtatago na isang panananamantala, wala talagang shortage. Ano ang ginagawa ng mga ahensiyang may kinalaman dito sa mga taong nananamantala o nagtatago ng mga bigas? Wala! Dahil palagi nilang sinasabi, wala daw silang kapangyarihan. Kung ganoon pala, dapat lusawin na ang NFA at Department of Agriculture at National Police o Armed Forces of the Philippines na lang ang pakontrolin ng mga bagay na may kinalaman sa pagkain dahil may kapangyarihan silang manghuli. Yong mga inutil at kapal-mukhang kapit-tuko sa mga ahensiya, dapat ay pinapakain ng ipa!

 

Hindi na sila dapat nag-iinspiksyun sa mga palengke na may karay-karay pang mga TV cameras at reporters dahil napapamura lang ang mga nanonood. Para lang nilang nilalagyan ng asin ang sugat na pinagdudusahan ng mga Pilipino. Nagsasayang lamang sila ng panahon dahil wala naman pala silang mga konkretong magagawa. Ang simple nga lang na pagbenta ng NFA rice sa mga palengke ng kung ilang oras lang ng limitadong dami ng bigas ay hindi nila masita, magsasabi pa sila ng mga banta sa mga nananamantalang mga negosyante daw.

 

Hanggan kaylan kaya magtitiis ang sambayanan sa kapabayaan ng mga taong-gobyerno na inutil?!

Kasabihan ng “Matatalinong” Pilipino

Mga Kasabihan ng “ Matatalinong” Pilipino

Ni Apolinario Villalobos

 

“Patay ang evacuees kung ilang araw na hindi mabigyan ng relief goods…sorry na lang.”

 

“Dahil kontra-partido ka, manigas ka…wala kang assistance na maaasahan.”

 

“Dapat palitan ang balot ng relief goods, para masabing nagtatrabaho rin kami.”

 

“Hangga’t kayang kumita sa isang project, lubus-lubusin na…dagdagan pa…oooppssss!”

 

“Huwag pakialaman ang aking mga kaibigan na inilagay ko sa pwesto.”

 

“Tiisin ang gutom kung tumaas ang presyo ng bigas, dahil susunod ang iba….sure yan.”

 

“Hangal na mga Pilipino…gustong bigas ay libre na, mabango pa!”

 

“Kung walang kamera at reporter, walang inspeksiyon ng palengke.”

 

“Mangisay kayo sa pagkain ng bilasang isda, pati karneng bocha dahil wala kayong pera.”

 

“Eh, ano kung may amoy ang bigas…importante, kumita kami.”

 

“Tiisin ang dilim kung naputulan ng kuryente…mangutang kayo pambayad sa MERALCO.”

 

“Bahala kayong umalingasaw kung naputulan ng tubig dahil walang pambayad.”

 

“Goodbye muna…biyahe kami sa Amerika…marami yata kaming nakurakot…inggit lang kayo.”

 

“Kung kapit-tuko ako sa pwesto, gumaya na lang kayo…eyebags, gusto nyo”?

 

“Mainggit kayo sa magandang boses ko…ganda pa ng goodbye song ko.”

 

“Kung ayaw ninyo ng matuwid na daan, ang San Juanico Bridge na lang ang itutuwid ko.”

 

“Hayaan na yang mga Tsino, darating din sila sa atin ng mapayapa…ang iba nandito na nga.”

 

“Hayaang hakutin ng Tsino ang black sand, iniihian at iniiputan lang naman dito sa atin.”

 

“Maganda ang kalbong bundok, walang gubat na mapagtaguan ang mga bandido.”

 

“Ang lumalabas ng bilibid para magpa-ospital, hindi kasama sa bilang ng kakain…tipid!”

 

“Kung hindi sana nabisto, nadagdagan pera namin ngayon….kung malasin nga naman.”

 

“Kung type mo ang buhok ko, magpa-highlight ka rin.”

 

“Oh, my God, may nakapuslit na naman sa ibang bansa…saan kami nagkamali…na naman?”

 

“Hindi ako ang nagturo sa kanya…accountant ako, hindi guro…pwede ba?”

 

“Akala ko hindi kaban ng bayan ang nabuksan ko…akala ko box ng make up…’di ko kasalanan.”

 

“Wala na akong pera, pati puri, dahil ako’y minus matris at obaryu na, ‘di na ako mabubuntis.”

 

“Yong nakita nyong mga alahas, sa 168-Divisoria ko lang nabili, pero imported galing Tsina.”

 

“Hindi ninyo ako magagalaw, lahing bayani yata ako…Joke! Joke! Joke!”

 

 

Ang Posas

Ang Posas

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi dapat tingnan ang posas bilang gamit lang sa pagkontrol ng umaalmang taong hinuhuli. Ito ay simbolo ng poder ng kapulisan, katulad ng sa huwes na merong maliit na kahoy na pamukpok maliban sa imahen ni Binibining Hustisya, at ang mga eskwelahan na may aklat, panulat na yari sa balahibo ng ibon, at sulộ. Kaya ang taong hinuhuli ay dapat posasan. Marami na kasing pangyayari lalo na sa paghuli ng mga taong may sinasabi o yong may katungkulan sa pamahalaan, o yong mayaman, na hindi na pinoposasan.

 

Ito ay paalala lamang sa mga kapulisan na baka madala ng kanilang damdaming maawain sa mga taong nakikiusap na huwag posasan kung huhulihin. Lahat na nga ng mga nangyayari sa gobyerno ay puro palpak na, pati ba naman ang pagposas sa huhulihin, na bahagi naman ng patakaran ay “palulusutin” pa? Kapag nagpadala sila sa pakiusap, nangangahulugan lang na ang posas ay para sa mahihirap lamang na mga taong hinuhuli!

 

Kung ang demokrasya ng Pilipinas ay halaw sa demokrasya ng Amerika, malaking kaibahan ang makikita. Doon, walang sinisino ang mga kapulisan sa pagsita at paghuli. Lahat ay pinoposasan dahil kasama sa tinatawag na standard operations procedure o SOP. Sa Pilipinas, iba ang nakikita…kung mayaman ang huhulihin, wala nang posas may entourage pang kasama papunta sa presinto!

 

Ang posas ay isang maliit na bagay na magpapatunay kung sa Pilipinas ay may hustisya nga para sa lahat…o dalawang klase – para sa mahirap at para sa mayaman.