ELEONOR DEMANDANTE…masigasig na biyuda sa pagtaguyod ng 7 anak

ELEONOR DEMANDANTE-DIAZ…masigasig na biyuda

sa pagtaguyod ng 7 anak

Ni Apolinario Villalobos

 

Nang mabiyuda si Eleonor ay naiwan sa kanyang pagtaguyod ang 7 niyang anak subalit hindi siya pinanghinaan ng loob dahil ayon sa kanya ay binibigyan siya ng lakas ng kanyang gabay na si “Seῆor Santo Niῆo. Noong buhay pa ang asawa niyang si Dione, ang pinagkikitaan nito ay pagkakargador (magkaibigan sila ni Totong na tatay ni Mailyn Akoy) kay Swana at sa Fit Mart. Nagsimulang magtinda si Eleonor ng buko juice at banana cue sa lilim ng isang puno ng mahogany sa terminal ng mga sasakyang nagbibiyahe sa Buluan, sa pag-asang makakatulong siya sa kanyang asawa. Pumuputok pa lang daw ang araw sa silangan ay naghahanap naman daw ng mabibiling murang buko ang panganay nilang anak.

 

Ang isa namang anak na nasa elementary pa lang noon ay hindi alam ni Eleonor na nagpo-porter daw sa palengke. Naawa kasi siya sa magulang nila na halos wala nang pahinga sa pagkayod upang mapakain silang magkakapatid at mapag-aral sa kolehiyo ang nakakatanda niyang mga kapatid.

 

Nang pumanaw ang padre de pamilyang si Dione ay lalo pang pinaigting ng magkakapatid ang pagtulong sa kanilang nanay. Ang mga nag-aaral ay dumidiretso sa puwesto nila ng banana cue upang tumulong hanggang hapon. Hindi rin sila nakatikim ng perang baon para sa miryenda o pananghalian….ang binabaon nila ang ilang pirasong piniritong saging at umiinom na lang mula sa gripo.

 

Sa kasalukuyan ay may nakatapos na sa magkakapatid at ang mga nag-aaral pa ay tumutulong pa rin sa pagluto at pagtinda ng banana cue. Ayaw nang pagtrabahuhin ng magkakapatid ang kanilang nanay sa puwesto dahil sa marami na itong nararamdamang hindi maganda na malamang ay sanhi ng init na galing sa lutuan. Madalas na rin daw kasi itong hingalin.

 

Sa maghapon ay nakakaubos ang magkakapatid ng hanggang 4 na buwig ng saging dahil sa dami ng mga suki nila. Talagang tinotodo ng magkakapatid ang pagkayod dahil nangangailangan na rin ng mga gamot ang kanilang nanay.

 

Ang magkakapatid na nagmamahal ng matindi sa kanilang nanay ay sina, JORGE, JO-EN, JAKE, DIANE, DIONE JR., JOEL, at DANIEL