DONATO “BONDYING” VILLASOR JARABELO….sorbetero na nakapagpatapos ng limang anak sa kolehiyo
ni Apolinario Villalobos
Naging curious ako sa nasabing sorbetero noong isang taon pa nang ituro siya sa akin ng pamangkin ko at nagsabing nakapagpatapos siya ng limang anak sa kolehiyo mula sa kinita sa pagtinda ng ice cream. Kung bibilangin ang tagal ng pagtinda niya ay aabot sa 40 taon. Ang sorbetero ay si “Bondying” pero ang tawag sa kanya ng mga taga-Quirino Central School na suki niya ay “Boss” o di kaya ay “Bossing”.
Nakalimutan ko na sana si Bondying kung hindi ako nakabili ng ice cream sandwich sa kanyang pamangkin na naglalako na rin sa Quirino. Mabuti na lang at nagtanong ako sa kanya kung kilala niya ang isa pang nagtinda rin ng ice cream na maraming suki sa Quirino. Laking tuwa ko nang sabihin niyang, “tiyo ko siya” at dagdag pa niya ay sa Purok Liwayway ng San Pablo, Tacurong ito nakatira. Dagdag pa niya, nagsimula sa de-padyak na “topdown” ang kanyang tiyuhin pero nang magkaroon ng motorcycle ay binenta na lang ito sa isang naglalako ng gulay. Naalala kong may na-blog ako noong maliit na babaeng naglalako pa rin kahit padilim na taga-Purok Liwayway. Nang i-describe ko ang babae, sinabi ng kausap ko na siya nga ang nakabili ng de-padyak na “topdown”!
Kanina naman bago magtanghali ay may sinakyan akong tricycle at nagpahatid sa bahay ng isang kaibigan subalit wala ito….pinadiretso ko ang driver sa isa pang kaibigan subalit wala rin ito. Dahil ayaw kong masayang ang oras ay sinabi ko sa driver na ihatid na lang ako sa Purok Liwayway dahil gusto kong makausap yong taga-roon na gumagawa ng ice cream. Sinabi kong malapit sa eskwelahan ang bahay, ayon sa pagkasabi sa akin ng pamangkin….at ang sabi ko sa driver ay hahanapin na lang naming siya. Hindi kumibo ang driver subalit, hindi tumagal ay nagsabi ito ng, “halos wala na siyang ngipin”. Ang tinutukoy pala niya ay si Bondying na pakay ko sa Purok Liwayway. Inisip ko na lang na baka nakabili na ang driver ng ice cream sa hinahanap ko. Subalit nang narating na namin ang Purok Liwayway ay tuloy-tuloy lang kami at pagkaraan ng dalawang liko ay itinuro niya ang isang lalaki na tila may dinudurog sa container ng ice cream….yelo pala na pinapaligid niya sa bagong gawang ice cream, at ang lalaki ay mismong si Bondying na!
Nang magpakilala ako at nagsabi kung ano ang pakay ko kaya nakuha ko ang tiwala niya ay nagkuwento na siya. Hindi siya nakatapos ng elementary dahil pasaway daw siya…istambay…..bugoy. At dahil ayaw mag-aral ay hinayaan na lang ng mga magulang. Nang tumuntong siya sa gulang na 20 taon ay nakapag-asawa siya at noon siya natutong magtrabaho. Naging empleyado siya ng Presto Ice Cream sa General Santos na noon ay tinatawag na “Dadiangas”. Panakaw niyang pinag-aralan ang paggawa ng ice cream at nang makaipon ay nagpundar siya upang makagawa ng sarili niyang “home-made ice cream”. De-padyak ang una niyang ginamit na “topdown” sa paglako at nakakarating siya sa President Quirino na ang pangalan noon ay “Sambolawan”. Halos sampung kilometro ang nilalakbay niya mula sa Tacurong hanggang sa Quirino kung saan ay nagkaroon siya ng mga suking mga mag-aaral ng President Quirino Central School.
Ang nakakatuwa ay nang malaman ko mula sa mga dating mga pupils ng President Quirino Central School na ang tawag nila sa kanya ay “Boss” at kung wala daw silang pera ay niyog ang pinampapalit nila sa ice cream. Nang banggitin ko ito kay Bondying ay sinabi niya na yong iba daw ay gulay ang binibigay sa kanya kapalit ng ice cream. Sa sinabi niya ay naalala ko ang pinsan kong doktor na si Leo na ganoon din ang ugali….sa kabaitan ay hindi nagtuturing ng presyo sa mga pasyente at binibigyan din ng gulay kapalit ng kanyang panggagamot.
Mag-uusap pa sana kami ng matagal ni Bondying subalit naalala ko ang binanggit niya na ang kagagawa lang iyang “halal” ice cream ay idi-deliver niya agad sa kaibigang Muslim….at, pagkatapos ay dadalo siya sa isang reunion. Masama ang panahon kaya ayaw kong maabala pa siyang masyado kahit halata kong enjoy siya sa pag-uusap naming. Nagpasalamat ako sa kanya dahil kahit may mga kompromiso pala ay nagpaunlak siya ng halos isang oras na pag-uusap. Nangako akong babalikan ko siya.
Lima ang anak ni Bondying….ang panganay ay Assistant Principal, may dalawa pang teacher, isang nagtapos ng Information Technology, at isang nagtapos ng Crimonology. SOBRANG NAKAKABILIB ANG KUWENTO NG BUHAY NI BONDYING…. ISANG TAONG NAGING ISTAMBAY SUBALIT NAGSIKAP AT IGINAPANG ANG KAPAKANAN NG MGA ANAK KAYA NAGAWANG MAPAGTAPOS SILANG LAHAT SA KOLEHIYO.
Ang araw na ito ay isa na namang patunay na tila may gumagabay sa mga gusto kong gawin dahil sa nagtagpi-tagping pangyayari mula sa pagbili ko ng ice cream sandwich sa pamangkin ni Bondying na nagbigay sa akin ng address niya, sa nai-blog kong babaeng nagtitinda ng gulay na ang “topdown” o de-padyak na sasakyan ay unang pundar ni Bondying upang magamit sa pagtinda ng ice cream hanggang sa tricycle driver na taga-Purok Liwayway at isa pala niyang kaibigan!
Like this:
Like Loading...