Pamanang Alaala ni Dowie Ramirez
Ni Apolinario Villalobos
Isang taong may matipid na ngiti’t tinging nagtatanong
Makakagaanang loob ninuman sa unang pagkakataon
‘Yan si Dowie na sa buhay ay may simpleng pangarap –
Makitang pamilya’y masaya’t matagumpay ang mga anak.
Sumibol sa Paco, isang makasaysayang pook ng Maynila
Lumaki sa tahanang matatag na binuo ng pagmamahalan
Mga masikap na magulang, sa kanya’y hindi nagkulang
Sukdulan mang pangangailangan niya ay kanilang igapang.
Kindergarten ng parukong Peñafrancia sa Plaza de la Virgen
Una niyang niyapakan upang matutong bumasa ng abakada
Eskwelahang sa mga kabataan ng Paco’y nagdulot ng pag-asa –
Naging unang tatak sa kanyang kaisipan, kaya hindi napariwara.
Sabihin man na ang buhay noon ni Dowie ay hindi marangya
Busog naman ang kanyang puso ng mga pangaral ng ina’t ama
Kaya sa murang edad, buhay niya, sa magandang asal ay nahubog
Isang paghanda upang sa susuunging agos ng buhay ay di’ malunod.
Elementarya ng Celedonio Salvador, ang sa kanya’y tumugaygay
Sa patuloy na paghakbang sa mga landas ng masalimuot na buhay
Buhay elementarya’y nagkaroon din ng kulay, dala ng kabataan
Mga kapilyuhang sa iba’y nagpaluha, na talagang hindi maiwasan.
High school daw ang pinakamasaya at pinakamalungkot, sabi nila
Dito lalong nagkakalapit mga mag-aaral, nangangako sa isa’t isa
Kaya sa Manuel A. Roxas, kung saan siya’y nag-aral, nagtiyaga
Marami rin siyang naiwang matatamis at makukulay na mga alaala.
Bata pa lamang ay nakitaan siya ng hilig at galing sa pagbasketbol
Kaya pagtuntong ng kolehiyo, napasama sa varsity scholarship roll
Kursong pangkomersiyo ang napisil na pagsunugan ng mga kilay
Bilang paghahanda sa patuloy niyang pagtahak sa landas ng buhay.
Sa Unibersidad ng Maynila, ginugol ang mga huling taon ng pag-aaral
Sinabayan ng paglaro ng basketbol na sa pagsisikap ay naging sandalan
Sa pagsikap siya’y di nagsisi’t nakamit din ang minimithing kaalaman
Na siya niyang ginamit upang huling bahagi ng pag-aaral ay makamtan.
Ang pinakamaningning na bahagi ng ating buhay ay tungkol sa pag-ibig
Ganyan ang nangyari nang makitang muli ni Dowie ang kababatang irog –
Siya si Ma. Cristina Javier, na “Baby” ang palayaw, babaeng magiliw
Kaya’t maski musmos pa lang sila noon, si Dowie sa kanya’y aliw na aliw!
Pinagtiyap ng pagkakataon ang muli nilang pagkikita sa tagal ng panahon
Dahil naudlot ang pagsasama noong sa ika-apat na baytang sila’y naghiwalay
Lumipat ng tirahan sina Dowie, napalayo sa kanya na sa Paco pa rin nakatira
Kaya mga masasaya nilang araw, pareho nilang sa gunita na lamang inalala.
Kung sa kwento ng pelikula, ang buhay ng dalawa’y may suspense na kasama
Basketball na laro ang dahilan kung paanong silang dalawa’y muling nagpangita
Si Baby ay ‘muse” ng isang basketball team na kalaban naman ng team ni Dowie
Na talaga namang nakakabagbag damdamin at nakakakiliting isang pangyayari.
Ano pa nga ba at dahil sa basketbol, ang buhay ng dalawa’y muling nag-ugpong
Walang sinayang na panahon, si Dowie, todong panligaw ay masidhing ginawa
Kaya hindi naglaon, binigay din ni Baby ang matagal na inasam na pagsang-ayon
Na kinalaunan, sa isang di man marangyang kasalan, ang dalawa ay humantong.
Abril, ika-14 na araw nito at taong isang libo’t siyam na raan pitumpo at tatlo
Nang pagbuhulin ng dalawa ang tali na sa kanila’y animo tanikalang mag-uugnay
Dagdag pa ang sumpa na sa hirap at ginhawa, sila ay taos-pusong magsasama
Pangakong nagpatibay ng pagmamahalan at tiwala na sa harap ng Diyos itinakda.
Pitong supling, sa kanila ay ipinagkaloob ng Panginoon – mga bunga ng pag-ibig
Nauna si Alvin, sinundan ni Zerimar, ni Dovie Khristine, pati nina Arol at Gilbert
Humabol sina Giarpi at Yna Charisse upang mabuo ang pamilyang tigib ng saya
Kaya ang magsing-irog, kinakapos man kung minsan ay wala nang mahihiling pa.
Anim na malulusog namang apo ang kalaunan sa buhay nila ay nagbigay ligaya
Sina Aaron, Zherhyl, Andrei, Andrew, Aldridge, at si Zainang makulit talaga
Mga anghel sa buhay nila at animo’y mga tala sa kalawakan na kumukutitap –
Nagbibigay lakas upang sa kalagitnaan ng buhay nila ay patuloy silang magsikap.
Sa pagbalik-tanaw, siya ay ipinanganak, ika-dalawampu’t anim, Setyembre 1953
At bumalik sa Lumikha buwan ng Nobyembre, ika-siyam, at taon namang 2013
Hindi nagpabaya bilang mapagmahal na asawa at sa mga anak ay butihing ama –
Iniwan niya’y matamis na alaala sa lahat…pamanang walang katumbas na halaga!
(Si Dowie Ramirez o “DR” ay napalapit sa ibang tao dahil sa larong basketball. Dahil sa pagmamahal na ito sa naturang laro, natulungan niya ang kanyang sarili upang maipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo- isang klase ng pagsisikap na dapat tularan ng mga kabataan ngayon, upang hindi umasa na lamang sa mga magulang, lalo na sa mga nagpipilit na mairaos ang mga pang-araw araw na pangangailangan ng pamilya. Sa salitang Ingles, isa siyang “self-made man”, walang inasahan kundi ang sariling galing at kakayahan. Tulad ng ibang nag-asawa sa murang gulang, siya at si Baby ay nakaranas din ng mga hindi matawarang pagsikap upang mapanatili ang kaayusan ng kanilang tahanan sa pamamagitan ng walang sawang pagtrabaho. Mapalad siyang nakarating sa Al Khobar, KSA, at nakapagtrabaho sa loob ng tatlong taon. Si Baby naman ay natuto ng mga trabaho sa parlor tulad ng pag-manicure at pedicure, at iba pang maaaring mapagkitaan.
Noong 1983, nagtrabaho siya bilang isa sa mga kawani ni Mayor Victor Miranda. Tumagal siya dito ng anim na taon. Taong 1989 naman, kinuha siya bilang staff ni Vice-Mayor Rosette Miranda-Fernando at tumagal siya dito ng tatlong taon. Taong 1993, naging personal driver siya ni Mayor Strike Revilla, at ang pinakahuli niyang trabaho hanggang sa siya ay mamayapa ay sa opisina naman ng kasalukuyang Vice-Mayor ng City of Bacoor, si Bb. Karen Sarino – Evaristo.
Sa kagustuhan niyang makatulong sa mga kabataan, gumugol siya ng panahon upang magturo ng basketball sa Barangay Real 2 ng Lunsod ng Bacoor, lalo na sa Perpetual Village 5 kung saan siya ay madalas na tumambay. Sa kalaunan, ang mga kabataan ding ito na ang iba ngayon ay may sarili nang pamilya, ay naturuan din niyang mag – referee sa basketball. Kaya, ngayon maipagmamalaki na silang kasama sa lupon ng mga professional na mga referee sa Lunsod ng Bacoor, na kinikilala hanggang sa national level. Alaala sa kanya ng mga kabataang ito ang pangalang “D Future” para sa basketball team nila. Ang alaala’y nakatatak sa diwa at puso ng bawa’t kasapi ng D’ Future, na kanilang dadalhin…saan man sila mapunta… isang alaala na hindi kailangang itatak sa kung saan…na sa muli ay masasabing walang katumbas na halaga. Ito ay isang alaala na ituturing nilang lakas na siyang magtutulak sa kanila upang pag-ibayuhin pa ang pagsisikap para marating hangad nilang tagumpay.)
Like this:
Like Loading...