Owen Reyno S. Andrada…taga-PAL na walang pahinga

Owen Reyno S. Andrada

… taga-PAL na walang pahinga

Ni Apolinario Villalobos

 

Natapos ni Owen ang kursong Marin Engineering sa Philippine Merchant Marine Colleges (Manila) sa tulong ng trabaho bilang isa sa mga janitor ng Stella Janitorial Services at ang assignment niya ay ang Manila Domestic Station. Hindi lang paglilinis ng mga opisina at kung minsan ay pagmi-messenger bilang pakisama ang kayang ginawa, dahil tinanggap din niya ang dagdag-trabaho na “timekeeper” ng janitorial agency para sa shift niya. Tiyempong nakatapos na siya sa kanyang pag-aaral nang mapasama siya sa mga na-absorb ng Philippine Airlines noong 1989, panahon ni Joe Medrano bilang Director ng Manila Station-Domestic. Ang pag-absorb ay ibinatay sa magandang performance at ugaling mapagkatiwalaan. Dahil sa nangyari, dinoble pa ni Owen ang sipag, kaya binigyan din siya ng pagkakataong ma-expose sa ibang uri ng trabaho sa airport tulad ng clerical at pagmaneho ng mga ground equipment na ginagamit ng PAL sa operation. Ang hindi alam sa opisina ay nakakapag-sideline pa si Owen bilang “on call” driver upang magmaneho ng van kung may ihahatid o susunduin sa airport, kung day-off niya.

 

Noong 1991 ay ipinadala si Owen sa Cauayan Station, sa Isabela, at kahit hindi nabago ang kanyang position title na Station Loader ay hindi siya nagreklamo. Lalong nadagdagan pa ang kanyang trabaho nang mapasabak siya sa provincial station operation dahil pati Counter Handling ay ginawa rin niya. Noong 1994 ay inilipat siya sa Tuguegarao Station at nang sumunod na taon ay ibinalik siya sa Manila Domestic Station, at nang sumunod pang taon ay itinalaga siya sa Area Office bilang office clerk hanggang 1996, subalit hindi siya nagtagal dahil ipinadala naman siya sa Laog. Sa Laoag ay na-promote si Owen noong 1998 bilang Ticket/Freight Clerk.

 

Dahil sa sobrang sipag at madiskarte, liban pa sa palakaibigan, naging malapit siya sa may-ari ng dormitoryong tinirhan niya habang siya ay nasa Laoag. Kinausap siya ng may-ari ng dormitoryo at pinakiusapang siya ang “mag-manage” nito at ang kapalit ay 50% discount sa inuupahan niyang kuwarto. Hindi naman ito nakaapekta sa kanyang trabaho sa PAL dahil para lang siyang “tatay” na nagbabantay ng mga “anak” kung nasa bahay na siya. Ikinuwento niyang istrikto siya sa naging patakaran niya sa mga boarder dahil pinairal niya ang “segregation” ng mga basura, na siyang pinapatupad ng gobyerno ngayon…pero lumalabas naisip na niya maraming taon na ang nakalipas.

 

Noong nasa Laoag siya, taong 1998 ay nagkaroon ng strike ang mga Piloto kaya tumigil sa operation ang Philippine Airlines na nakaapekto sa mga ground personnel.

 

Noong taong 2000 ay nagbukas uli ang Philippine Airlines at na-rehire si Owen. Itinalaga siya bilang Office Clerk sa opisina ng Country Manager-Philippines na nasa ilalim ni Jing Javier. Balik-Laoag na naman siya noong 2006 at dahil sa training niya sa pagmaneho ng mga sasakyang pang-airport operation ay nabigyan siya ng pagkakataong magmaneho ng tug/tow car at iba pa, na nadagdag sa dati na niyang ginagawa tulad ng pag-check in ng mga pasahero at pagtanggap ng mga cargo, pati pa-issue ng tiket.

 

Taong 2015, dahil sa ipinakita niyang gilas ay inilipat siya sa Terminal 2 PAL Ticket Office bilang Sales and Services Agent. Hanggang ngayon ay nasa nasabing puwesto at opisina pa rin siya, subalit dahil sa kasipagan ay nagagawa pa rin niyang isingit ang pagbisita sa kanyang palayan sa Cauayan na naipundar niya noong una siyang ma-assign sa Laoag. Dahil sa ginagawa niyang pag-asikaso sa kanyang palayan ay nasunog ang kanyang balat pero hindi naman niya alintana, lalo pa at nagmukha lang siyang tunay na taga-norte.

 

Mahigit 40 na taong gulang pa lang si Owen subalit nakapagpundar na ng mga palayan, at lahat ng pagsisikap niya ay kanyang napagtagumpayan dahil sa suporta ng asawang si Nancy. Dalawa ang anak nila, sina Sheila Marie, 24 taong gulang at IT graduate; at si Hanna Camille na nag-aaral pa sa kolehiyo.

 

Magandang leksiyon si Owen sa mga nagtatrabaho ngayon na hirap magtagumpay dahil sa halip na mag-ipon at magsikap sa trabaho ay bisyo ang inaatupag tulad ng chain smoking at pag-inom ng alak tuwing walang pasok, at idagdag pa diyan ang mga luho sa katawan dahil inaasahan ang 15/30 na suweldo. Kung maraming Owen sa Pilipinas, na animo ay ay “curacha” kung kumilos dahil walang sinasayang na oras, wala sanang problema o maski papaano ay nababawasan ang problema sa unemployment.

img8357

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s