May DAP Pa rin Pala

May DAP Pa rin Pala

By Apolinario Villalobos

 

Ang sabi ng Malakanyang ay wala na raw DAP sa budget nila, subali’t mismong mga kaalyado nila ang nagsasabi na ito ay pinalitan lang ng pangalan na “Grassroots Participatory Budgeting Program”. Ang maging wa-is nga naman! Sa bagong sistema, ganoon pa rin ang magiging kalakaran, na ang mga mambabatas pa rin ang may huling desisyon kung anong proyekto ang bibigyan ng prayoridad. Kunwari lang ay sinabi nilang may partisipasyon ang “grassroots”, na ibig sabihin ay ang mga “boss”, pero hanggang rekomendasyon lang din sila dahil ang bagsak nito ay sa mga kamay pa rin ng mga ganid na mga mambabatas. Ang korapsyon ay iiral pa rin subalit namamaskarahan lang ibang mukha!

 

Bakit hindi na lang kasi ibigay ang responsibilidad sa mga ahensiyang nagpapatupad ng mga proyekto at sila ang tutukan kung maayos ang ginagawang trabaho. Bakit kasi hindi na lang palakasin ang sistema at responsibilidad ng Commission on Audit o COA, na nagrereklamo na kulang sila ng mga tao. Makailang beses nang naringgan ang COA ng dahilang kulang sila ng mga tauhan, tuwing sila ay iimbistigahan tungkol sa mga anomalya.

 

Kapag nawala na sa responsibilidad ng mga mambabatas ang ganitong “obligasyon” ay siguradong makakatutok na sila sa paggawa ng mga batas at pagrepaso upang mabago ang iba pa na hindi na tugma sa bagong panahon. Naparami nang mga batas ang outdated, at dapat nang mabago. Ang pinakamahalaga ay ang pagkakaroon na ng mga tunay at sinserong mga mambabatas na magtatrabaho na ng maayos ayon sa kanilang pinanumpaan dahil hindi na sila mag-iisip ng kung ano pa, lalo na ng kung paano silang mangurakot sa kaban ng bayan. Siguradong magtutulakan na ng tatakbo sa pulitika dahil wala nang kita, puro trabaho na lang!

 

Pati ang pagtalaga ng mga lump sum sa budget ng Malakanyang ay tila wala rin sa ayos. Dahil ang sinasabi nila ay hindi daw malalaman kung gaano kalaki ang magiging gastusin hangga’t wala pang tumatamang kalamidada, halimbawa. Sa dami ng kalamidad na tumama sa Pilipinas at nagdulot ng iba’t ibang antas ng kasiraan, imposibleng hindi matantiya ang kailangang halaga upang talagang maitalaga bilang general appropriation. Kung hindi kasi talagang natutukoy ang halaga ng budget kahit na tantiyado lamang, hindi mawawala ang pangamba na ang pondo ay maabuso dahil sa ito ay “discretionary” na ibig sabihin ay depende sa desisyon ng Pangulo. At least, kung may numero sa budget, may basehan sa pag-audit. Kung mga salita lang, ano ang aawditin? Sa kabila ng mga mga aligasyong ginamit ang nakaraang DAP upang makapamili ng boto sa pagpatalsik kay Corona at kung anu-ano pang sinasabing “goodwill” para sa mga kaalyadong mambabatas, at pati na mismong Supreme Court ay nagdesisyon na ang DAP ay unconstitutional, tila wala pa ring epekto sa Pangulo ang lahat. Tila ba nananadya pa sa pagsuwag sa Kataas-taasang Hukuman.

 

Paano niya mabawi ngayon ang tiwalang nawala sa kanya? Nakalulungkot isiping buo ang paniniwala niya na nasa panig pa rin niya ang mga taong bayan, gayong kaliwa’t kanan na ang pagtuligsa sa kanyang administrasyon. Hantaran na ang pangangantiyaw na ang ibig sabihin daw ng DAP ay “Drilon-Abad-Pnoy”. Hindi lang iisang istasyon ng radyo at commentator ang nagbo-broadcast nito. Kaylan kaya maliwanagan ng isip ang Pangulo? Nakikinig ba talaga siya sa kanyang “mga boss”?

 

 

2 thoughts on “May DAP Pa rin Pala

  1. Maraming mga bagay na akala natin ay wala na. Subalit ng mga ito ay pinalitan lamang ng pangalan. Ihalintulad natin ito sa mga kalye, pook, at iba pang lugar na akala ng mga kasalukuyang henerasyon ay wala na sapagkagat ang katawagan sa kanila’y sa mga aklat na lamang ng kasaysayan mababasa at makikita.

    Ang DAP ay isa sa mga pinakamalaking usapin sa lipunan ngayon. Sapagkat ito ay kaakibat ng mga buwis na ibinayad ng taumbayan. Kung paanong ang DAP ay naitawid sa ibang katawagan gayundin ang ibang aspeto ng mga bagay-bagay na nakakaapekto sa mga Pilipino.

    Marami pang mga mas mahahalagang usapin ang nababaon sa hukay sapagkat minamatamis ng mga kinauukulan na pag-usapan ang mga bagay na ang kanilang mga bulsa ang mas makikinabang. Hindi ba’t mas dapat na pinagtutuunan ng pansin ang lumalalang problema ng kahirapan, ang patuloy na pagdurusa ni Juan dahil sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin at bayarin.

    For so many years, every Filipino shouldered the burden or rising electricity rates. Nakakalungkot isipin na kung paanong nagtitiis ang marami sa mga Pilipino sa kahirapan, ay ganundin ang pagtitiis ng mga ito na pilit mabayaran ang serbisyong hindi naman dapat ganoon kataas ang singil. Maaaring kaya ng iba sa atin na bayaran ang buwanang bills subalit paano ang mga hindi? Paano ang kulang ang kita sa pagkain pa lamang? Hindi ba’t napapanahon na rin naman na tumayo at magkaisa ang mga Pilipino na labanan ang lalong lumolobong presyon ng kuryente.

    Tulad ng kung paanong ang DAP ay tinututulan upang hindi maabuso ng mga buwaya sa gobyerno, ang presyo ng kuryente ay dapat ring matyagan ng taumbayan upang hindi abusuhin ng iisang grupo lamang.

    Like

    • Tama ka, Dave…habang tumamatagal, lalong lumalala ang sitwasyon ng pulitika sa bansa natin. Para sa aming nagkakaedad na, ilang taon na lang, hindi na namin mararanasan, subali’t ang mga kabataan – kayo, ang kawawa dahil mamanahin ninyo ang dusang dulot nito. Kaya, maganda ang ginagawa mo na sa paraang pag-blog man lang ay nailalabas mo ang iyong hinaing upang mabasa ng iba na walang lakas ng loob na gumawa nito. Ituloy mo lang ang adboksiyang ito…salamat!

      Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s