Pilipinas: Bansa ng Mga Imbestigasyon

Pilipinas: Bansa ng Mga Imbestigasyon

…na walang katapusan

Ni Apolinario Villalobos

Sa buong mundo, ang pamahalaan ng Pilipinas na yata ang may pinakamaraming ginagawang imbestigasyon. At ang masaklap, sa loob ng isang taon, maswerte na kung may isang kaso ng korapsyon na naresolba. Ang sabi nga ng iba, malugod naman daw na tinatanggap ng iba’t ibang korte ang mga kaso, tinatatakan, at ini-eskedyul – lang. Kung matuloy man, Diyos lang ang nakakaalam!

Ang mga mambabatas, matatakaw sa publisidad. Kaya basta kasong popular sa mga tao, kahit labas na sa kanilang hurisdiksiyon, ay pinakikialaman upang mahagip lang sila ng mga TV camera at ma-interview sa radyo. Scoop kasi. Sabi ng isang komentarista sa radyo, baka gusto din nilang imbestigahan kung bakit nawalan ng ganang kumain ang aso ng isang masyadong sikat na artista…o, kung bakit naghiwalay ang dalawang sikat na artista!

Nang pumutok ang Maguindanao Massacre, hindi magkandaugaga ang mga mambabatas sa pagsawsaw. May mga nangakong hindi sila titigil hangga’t hindi naparusahan ang maysala, pati ang Presidente ay nangako ng agarang imbestigasyon upang matuldukan agad ang kaso. Nasa korte na nga ang kaso, subalit sa kabila ng mga malinaw na ebidensiya, ang mga pangunahing sangkot na mag-aamang Ampatuan, ay hindi pa rin nasisintensiyahan. Halatang dini-delay ang imbestigasyon sa pamamagitan ng mga technicalities. Ang dahilan ay hinihintay pa raw na mahuli ang iba pang mga sangkot…hanggang sa pumutok ang isyu na nagkakabayaran, kaya lalong nagkalitse-litse ang mga hearing! Samantala, ang mga kamag-anak ng mga biktima na galing pa sa malayong isla ng Mindanao ay nagkandabaon sa utang dahil sa pangangailangang pamasahe, pagkain at bayad sa mumurahing hotel sa Maynila.

Nang lusubin ni Misuari ang Zamboanga, imbistigasyon uli. Animo na-dilubyo ang siyudad. Ang mga biktima ay lupaypay na sa hirap dahil sa kawalan ng hanapbuhay pati nang maayos na tirahan. Ganoon din ang nangyari nang lusubin ng BIFF ang ilang bayan sa Mindanao…imbestigasyon din ang ginawa. Alam na pala kung saan naglulungga si Misuari ay kung bakit hindi pa rin ito masugod upang mapanagot. Alam din kung saan ang kampo ng BIFF, ay kung bakit hindi rin malusob.

Sa kaso ng MNLF, ang hawak lang ni Misuari ay isang maliit na faction nito. Ang ibang factions ay sa ilalim na ng ibang matitinong MNLF leaders, kaya hindi maaaring gawing dahilan na baka magkagulo kapag inaresto ito. Inabot tuloy ng pag-uusap para sa kasarinlan ng Bangsamoro, at gusto pa ng Kongreso imbitahin si Misuari at ang pamunuan ng BIFF, kaya gustong ipa-suspinde ang kanilang warrant of arrest! Halata ang delaying tactic na ginagawa ng Kongreso, upang bumaba man si Pnoy, hindi pa rin tapos ang usapin. At, ang kahihinatnan nito ay magdedepende sa bagong Presidente. Kawawa namang ang mga probinsiya at bayan sa Mindanao na umaasa dito.

Nagkalokohan sa mga proyekto para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. May kinalaman ito tungkol sa pagbili ng mga mahihinang klase ng materyales para sa pabahay. Pati ang mga relief goods ay nagkandabulok at pinagnanakaw….imbestigasyon uli, na wala namang kinahinatnan! Abut-abot pa ang pagdepensa ng Pangulo sa mga ahensiyang natutukoy, kaya malakas ang loob ng mga namumuno sa mga ito na magpabaya sa trabaho, dahil ni hindi man lang sila nawawarningan. Ang namumuno sa DSW, matamis ang ngiti habang ini-interview sa TV…marami na rin naman daw ang nabigyan ng relief goods!

Sa isyu ng pagmimina ng black sands at iba pang mineral ng bansa, na ginagawa ng mga banyaga…nagpa-TV rin kunwari si Secretary de Lima na nasa site pa kung saan ginagawa ang pagmimina. Ang sabi, dapat ma-imbestiga…ano ang nangyari? Wala! Kaya ang mga Tsino humahalakhak sa kasiyahan habang naghahakot ng barko-barkong itim na buhangin patungo sa kanilang bansa.

Ito na naman ngayon ang walang katapusang lifestyle check ng mga opisyal ng gobyerno. Karamihan sa mga kongresista ay malabnaw sa isyu dahil siguro alam nila na kung lalahatin sila sa imbestigasyong gagawin, isama pa ang mga senador, baka mabibilang sa mga daliri ng kamay at paa ang matitira! …lusaw ang Kongreso at Senado. Kawawa ang Pilipinas, wala na ngang pera, sarado pa ang Senado at Kongreso!

Masaklap ding isipin na ang mga dapat mag-imbestiga ay may bahid din ng korapsyon at ng pagdududa ng taong bayan. Hindi kaila sa lahat na may mga taga-BIR na nakakatikim ng suhol. Ang Commission on Audit (COA) ay nabisto na hindi pala gaanong mapagkakatiwalaan ang resulta ng kanilang mga pag-audit ng mga ahensiya ng gobyerno. Ang Ombudsman ay nababanggit na rin sa mga kahina-hinalang usapin. At kung sakali lang naman na sila ang gagawa ng lifestyle check, hindi rin pwede dahil nagrereklamo din sila sa kakulangan ng tao, kaya nga patung-patong ang mga kasong pumapasok sa kanila na nag-iipon lang ng agiw at alikabok! Kung sa kaso naman ng mga pulis na tiwali na dapat imbestigahan, hindi pwedeng ang gumawa ay ang kanilang pamunuan pati ang NAPOLCOM dahil may mga dapat palang natanggal nang mga pulis noon pa dahil sa mga krimeng nagawa nila, subali’t nagdo-duty pa rin!

Wala akong maisa-suggest na simpleng gagawin upang matuloy ang lifestyle check at iba pang imbestigasyon. Ang nasa isip ko kasi ay kumplikado dahil ang suhestiyon ko, dapat na gumawa ng lifestyle check at iba pang imbestigasyon ay isang audit firm na banyaga upang talagang neutral ang mangyayaring pag-imbestiga.

Dapat Magninay-hinay si Senador Marcos

Dapat Maghinay-hinay si Senador Marcos

Ni Apolinario Villalobos

Nagkaroon ng pagkakataong mapasentro sa limelight si Senador Marcos dahil sa usapin tungkol sa Bangsamoro. Dapat mag-ingat siya at alagaan niya itong pagkakataon upang hindi masayang at biglang maglaho nang dahil lamang sa mga sasabihin niya sa media tungkol sa kanyang ama na talaga namang kinilalang diktador noong kapanahunan nito. Tumagal ang tatay niya sa poder dahil nagdeklara ito ng Martial Law, hindi dahil marami siyang ginawang kabutihan o dahil gusto siya ng mga Pilipino – yan ang dapat niyang tandaan. Ang sobrang pagnanasa sa kapangyarihan ang nagpabulusok sa kanyang tatay na ikinasama ng imahe nito na maitatala sa kasaysayan ng Pilipinas bilang kinamumuhiang diktador.

Walang bigat ang pagiging sundalo ng kanyang ama noong WWII upang ito ay dapat na mailibing sa Libingan ng Mga Bayani o kundi man ay sa kanilang bayan pero may full military honor bilang “bayani”. Maraming sundalo noong WWII na nabigyan ng maraming medalya, hindi lang ang tatay niya. Ang ibang sundalong nabigyan ng ganitong karangalan ay nagpilit na magpakita ng karapatan hanggang sila ay mamatay. Ang dangal naman ng kanyang tatay, bilang presidente noon ng bansa ay nabahiran ng putik ng pagkasuklam ng mga Pilipino na nakapansin ng mga iregularidad sa unang termino pa lang nito, at lalong lumala noong patapos na ang kanyang ikalawang termino. At dahil ayaw nang bumitaw sa pwesto ay nagdeklara ng Martial Law na taliwas sa demokrasyang pinaglalaban ng mga Pilipino. Paano ngayon siyang ituturing na bayani, kung ang ginawa niya sa huling yugto ng kanyang panunungkulan ay hindi ayon sa adhikain ng mga Pilipino? Kaya dapat tumigil na siya sa pagturing na “bayani” ang kanyang tatay. Siguro para sa kanila bilang pamilya nito, ay okey lang, subali’t hindi para sa mga Pilipino.

Akala ni Senador Marcos ay nakakabuti ang pagpipilit niyang makasama sa usapan ng Bangsamoro sina Misuari at Umbrakato. Sa simula pa lamang ay gusto na ni Misuari ang magtiwalag sa bansa. Kaya ito naging gobernador ng ARRM noon ay dahil na rin sa kagagawan ng dating presidenteng Cory Aquino na nagpakitang gilas, in the name of reconciliation. Ang pananahimik ni Misuari sa Middle East ay binulabog ng “pakiusap” na umuwi. Ginawan ng paraan upang maging gobernador, subali’t sa kabila ng malaking pondong ibinigay dito, walang nakitang pagbabago sa mga nasasakupang bayan at probinsiya, lalo na sa Jolo na balwarte pa naman niya. Pati ibang lider ng MNLF ay lumayo sa kanya dahil hindi na nila matiis ang mga maling panukala nito. Upang makakuha uli ng atensiyon, ginulo ni Misuari ang Zamboanga…at ang sumunod ay pagpapakita na naman ng isang mukha ng kapabayaan sa panig ng gobyerno – ang paghihirap ngayon ng mga taga-Zamboanga. Si Umbrakato naman ay itinuring na noon pa man na “berdugo” dahil sa walang katuturang pananalakay sa mga bayan at pagpatay kahit na mga babae at bata. Ngayon, ano pang matinong ideya ang pipigain sa dalawa upang magamit sa usapan tungkol sa Bangsamoro?

Kung gusto ni Senador Marcos na magkaroon ng bahagi sa usapin ang MNLF, bakit hindi imbitahan ang mga namumuno sa ibang faction nito?

Paalala lang kay senador Marcos…palaging nasa huli ang pagsisisi!

Ang Pagpapa-angat sa Sarili

Ang Pagpapa-angat sa Sarili

Ni Apolinario Villalobos

Para umangat ang sarili, tatlong bagay ang dapat mangyari. Una, magtrabaho nang maayos at gumawa ng kabutihan ng buong pagpapakumbaba, at hayaan ang ibang tao ang pumuri. Pangalawa, manira ng kapwa upang magamit silang tuntungan upang umangat. At pangatlo, magyabang ng halos tungkol sa lahat ng bagay na nagawa kahi’t maliwanag na puro kasinungalingan na magsisilbing “hangin” upang magpalobo sa ulo na siya namang magbibigay ng pakiramdam na nakalutang sa alapaap.

Sa ginagawa ng kasalukuyang presidente ng Pilipinas na parang sirang plaka sa paninira sa dating presidenteng Gloria Arroyo, nangyayari sa kanya ang pangalawang nabanggit – tinutuntungan niya ang dating presidente Arroyo upang siya ay umangat. At sa ginagawa niyang parang sirang plaka pa rin sa pagbanggit ng mga proyekto na inireport sa kanya ng kanyang mga sekretaryo na animo ay “mission accomplished”, pero puro naman pala palpak, ay nangyayari sa kanya ang pangatlong nabanggit na bagay – nagyayabang ng puro kasinungalingang nagpapalobo ng kanyang ulo kaya pakiramdam niya ay isa siyang matagumpay na presidente!

Puro si Arroyo ang binabanggit niyang maraming mali na namana niya. Dapat ay banggitin rin niya ang mga kamalian ng mas naunang mga presidente, magmula kay Marcos, sa nanay niyang si Cory, si Ramos, si Estrada, at tuloy na kay Arroyo. Bukambibig kasi niya ang salitang “namana”, kaya dapat lubusin na niya ang pagngangalngal tungkol sa mga namana niyang problema. Dapat niyang isipin na ang mga problema ng bansa ngayon ay MGA NAIPONG PROBLEMA NA LALONG NADAGDAGAN NGAYONG KAPANAHUNAN NIYA!. Dito napatunayang walang bahong hindi sisingaw, at lalong bumantot ang mga kabulukan dahil sa halip na supilin niya ay binabalewala lang niya sa pamamagitan ng pagpuri pa sa mga alalay niyang may mga mali rin kaya lalong nadadagdagan ang mga problema.

Dahil sa kapabayaan niya, nalagay sa kahihiyan ang Pilipinas nang salaulain ng kanyang administrasyon ang mga donasyon mula sa ibang bansa para sa mga biktima ng typhoon Yolanda. Malinaw ang mga ebidensiyang pati mga materyales na pampagawa ng mga pansamantalang tirahan ng mga evacuees, ay pinagkitaan, subali’t wala pa rin siyang ginawang paninita sa mga ahensiyang sangkot. Hindi pinamudmod nang lubusan ang mga donasyon, sa halip ay itinago sa Cebu kaya nagkandabulukan at ninakaw pa. Kita naman sa CCTV kung sino ang nagnakaw, pero ang sekretarya niya ng DSW, nakangiti pa nang interbyuhin na parang wala lang, at ang sabi ay marami na rin naman daw ang naipamigay na! Dinagdagan pa na ang bigas daw ay nabasa lang…eh, saan hahantong ito, hindi ba sa pagkabulok?

Ang kaso ng MRT na mismong ang banyagang bidder na isa ring diplomat ang nagbunyag ng corruption, binalewala niya. Kung hindi pa pinilit ng ibang sector si Vitangcol na mag-resign, kapit tuko pa rin sana sa pwesto. Kinasuhan daw…may nangyari ba? Ngayon nakikita ang mga resulta ng kapalpakan sa MRT, na wala palang matinong maintenance at ang bidding para sa ahensiyang gagawa nito ay kaylan lang sinimulan! Samantala…ang mga commuters ay nakanganga…nagdudusa!

Sa isyu ng seguridad, maayos naman daw dahil kung ilang beses niyang pinuri-puri si Purisima na mas inaasikaso daw ang pagpapaganda….ng tirahan sa Crame! At ito namang binibiliban niyang hepe ng mga pulis, dadalawang beses lang nakitang nagsalita sa TV – malamya pa…wala man lang lakas ang mensahe na para bang nakikiusap. Ni hindi nagpapa-interview sa radyo upang malaman kung ano ba talaga ang nangyayari, kung bakit dumarami ang krimen at kung ano ang balak niya bilang hepe. Takot yatang may mga masagasaan at siya at buweltahan…ng below ng belt!

Kung ililista ang mga kapalpakan ng administrasyon, isang nobela ang mabubuo, at ang magandang titulo – “MGA HIBANG NA LASING SA KAPANGYARIHAN”….puwede rin, “ANG MGA MAKAKAPAL NA MUKHA”.