Kapos na Nga sa Murang Bigas, Nagkakalokohan Pa!

Kapos Na Nga sa Murang Bigas

Nagkakalokohan pa!

Ni Apolinario Villalobos

Nang pasyalan ko ang kaibigan ko sa isang squatters’ area, nadatnan kong nagluluto ng lugaw ang niya misis para sa kanyang pamilya – silang mag-asawa at apat na anak. Naglabas siya ng himutok sa pagsabi na ang nabibili daw nilang NFA rice ay dalawang kilo lang sa isang bilihan o at one time, dahil yon daw ang maximum na mabibili. Regulasyon daw. Kaya ang nangyayari, halimbawang nakabili sa umaga, kailangang pumila pagdating ng hapon uli – kung bukas pa ang tindahan na may NFA rice, kaya gagastos na naman ng pamasahe sa pagpunta sa palengke.

Ang mga regular rice stores na commercial rice ang binibenta at nabigyan ng lisensiyang magbenta ng NFA rice ay iisang kilo lang ang dapat ibenta, at may limitasyon din sa pagbenta – apat na sako lang daw na NFA rice sa isang araw. Sa nangyayari, wala ring silbi ang kamurahan ng NFA rice dahil ang mga mamimili, talo na sa gastos sa pamasahe at pagsayang ng panahon sa mahabang pilahan. At ang masakit pa sabi ng misis, may charge na piso ang manipis na plastic na pinambalot ng bigas kaya sa bawat kilo ay may dagdag na piso ang babayaran, bale sa isang bilihan ng dalawang kilo, dalawang piso din ang dagdag gastos. Yong ibang tiwaling regular NFA rice retailers gumagamit ng kulay brown na papel na supot at naka-tape na kaya hindi malalaman kung ang nasa loob ng supot ay may halong binlid o durog na bigas na panghayop! Malalaman na lang ng kawawang bumili pagdating sa bahay kung bubuksan ang supot. Ano pa ang gagawin niya? …alanganin namang mamamasahe ulit upang ibalik sa palengke at makikipag-away sa nagbenta!

Idagdag pa rito ang maagang pagsara ng mga tindahan na nagtitinda ng NFA rice nang maaga, na yong iba ay hindi inaabot ng tanghali, dahil ang sinasabi, ubos na raw…ganoong kita naman ang patung-patong mga sako pa ng bigas sa loob ng pwesto!

Isang araw, may pinuntahan akong dalawang palengke kung totoo ang sinabi sa akin. Umaga pa lang pumunta na ako sa isang palengke. Yong regular NFA outlet, alas otso na nang umaga, sarado pa. Naghintay ako hanggang magbukas bandang alas nuwebe ng umaga, marami na ang nag-aabang, kaya nang magbukas, medyo magulo na. Bumil rin ako kaya napatunayan ko ang dagdag na dalawang pisong halaga ng manipis at maliit na plastic na nilagyan ng nakilo nang bigas. Sa isang palengkeng binilhan ko naman, gumagamit nga ng brown na supot at nang buksan ko pagdating ng bahay, maraming durog! Iyan ang tunay na sitwasyon…wala nan gang bumabahang bigas na panlaban daw sa commercial rice upang mapilitang maibaba ang mga presyo ng mga ito, nagkakalokohan pa. Iyan ang nagpapakita ng hantad ng pagsisinungaling ng Malakanyang, Department of Agriculture at National Food Authority. Hanggang kaylan lolokohin ng mga taong ito pamahalaan ang mga kawawang Pilipino?

Sa halip na murang bigas ang bumaha, ang bumabaha ang kasinungalingang ng mga opisyal ng mga naturang ahensiya at Malakanyang. Ang pagbaha ng mga kasinungalingan nila ay unti-unting naglulunod sa mga Pilipino, na sisinghap-singhap na sa kahirapan!

 

Nakalimutan Yatang Ipa-Lifestyle Check ang Mga Binay

Nakalimutan Yatang Ipa-Lifestyle Check

Ang Mga Binay

Ni Apolinario Villalobos

Ang pinakamabilis na paraan upang malaman kung may ginawang pangungurakot ang mga Binay, ay ipa-lifestyle check silang lahat – ang Vice-President, ang senador, ang congresswoman, ang mayor ng Makati at pati na si Mrs. Binay. Ipabulatlat ang mga bank records mula noong sila ay namumuhay ng simple sa isang simple ding bahagi ng Makati. Kung may kulay ng honesty sa mga sinasabi ni Senator Nancy at Vice-President Binay na sila ay pinupulitika lamang, i-volunteer na nila ang pagsiwalat ng kanilang bank records. Isama na rin ang ang pag-imbistiga sa mga bank account ng mga taong malapit sa kanila na baka ginamit na dummy upang mapaglagakan din, na normal nang ginagawa ng mga magnanakaw sa kaban ng bayan. Subali’t bakit walang bumabanggit nito?

Marami kasi ang nagsasabi na hindi galing sa mayamang angkan ang sinuman sa mag-asawang Binay. May klinika man noon si Mrs. Binay, hindi naman siguro milyones ang kinikita nito. May negosyo sila noon pero hindi naman kalakihan. Kaya nagkagulatan kung paanong biglang yumaman ang pamilya. Noon pa man marami nang mga dating kaibigan ang Vice-President Binay dahil mula daw nang maging mayor ng Makati, halos hindi na siya matanaw dahil sa dami ng nakapaligid na mga bodyguard! Marami rin ang nagulat nang ipakita ang mansion na may elevator ni Mayor Junjun Binay, na hindi basta-basta ang halaga. Paano niyang nakayanang bilhin ito? Kung ang inaasahan lang niya ay ang legal na sweldo bilang mayor, hindi daw siya makakaipon ng napakalaking halagi para ipambili ng bahay na ang may kakayahang bumili ay multi-milyonaryo! Ganoon na ba kalaki ang perang naipon ni Mayor Junjun Binay, at kung meron man, saan ito galing?

Hindi dapat balewalain ang mga sinabi ng mga whistle blowers sa pagpagawa ng Makati City Hall II na pinagkitaan daw ng todo at kung paanong mag-distribute ng perang nakasilid sa mga bag para sa ilang miyembro ng pamilya at sa dating secretary ni Vice-President Binay.

Ang problema sa pagpa-lifestyle check ay kung mag-boomerang sa mga nag-iimbistiga, dahil alam ng lahat, na maliban kay Senador Poe, at ilang baguhan sa Kongreso, yong iba ay nabatikan na rin ng korapsyon. Kung paano silang naambunan ng grasya ay malalaman lamang ng seryosong lifestyle check ng Commission on Audit (COA).

Ang problemang malaki, pati ang COA ay may bahid na rin! Dapat siguro ay kumuha ng audit firm mula sa Hongkong tulad ng ginawa para sa MRT…na ang audit team ay galing sa Hongkong. Wala itong pinagkaiba sa paghanap ng third party upang maging tagapamagitan sa mga maseselang usapan, tulad ng nangyari sa Mindanao na may third party na kinuha. Pagbabadya na yan na dahil sa mga kahindik-hindik na nakawan sa kaban ng bayan, at kawalan ng tiwala taong bayan sa mga opisyal, pati sa mga mambabatas, baka mabuti pang magpa-administer na lang tayo temporarily sa isang banyagang bansa…o di kaya ay United Nations….wild imagination lang!

Nadadamay ni Purisima Ang Buong Kapulisan

Nadadamay ni Purisima

Ang Buong Kapulisan

Ni Apolinario Villalobos

Sa ginagawa ni Purisima na animo ay asong bahag ang buntok nagsusumiksik sa isang sulok o di kaya ay batang nanginginig sa takot na ayaw lumabas mula sa pinagtataguang kabinet, ay nadadamay niya ang buong kapulisan. Bakit ayaw niyang “lumabas” at magsalita? Baka ang sinusunod niyang prinsipyo ay “less talk, less mistake”. Baka rin kaya takot siyang may masagasaan kung magsimula siyang magsalita, at magbubunyag ng kasiraan niya, tulad ng ginagawa sa ibang mga opisyal ng gobyerno, pati na mga artista! …na puro below the belt ang mga sinasabi, at personal na sumasaklaw na sa kasarian.

May mga tao kasing makasira lang ng ibang tao, ay kung anu-ano na ang sinisiwalat, bilang ganti kapag may nabulgar naman tungkol sa kanila. Kaya ang dapat gawin ni Purisima ay mag-resign na bago umabot sa ganitong punto dahil siguradong hindi na siya makakabawi kung may magsimula nang siraan siya – dahil ibabandera sa lahat ng sulok ng bansa, pati pangalan ng pamilya ay damay! Kaliwa’t kanan na ang panawagan na mag-resign siya, subali’t pinalaki lang ng Presidente ang loob niya nang purihin pa niya ito. Dahil sa ginawang ito ng Presidente, malakas ang loob niyang bastusin ang Senate hearing na pinatawag ni Senator Poe.

Mismong mga volunteer against crime ay nagsusulong din ng panawagan na mag-resign si Purisima dahil wala namang nagawa sa mga lalo pang namamayagpag na krimen tulad ng hulidap, kidnap for ransom, drugs, na kinasasangkutan na rin ng mismong mga pulis. Bilang pag-depensa, sinabi ni Pangulong Pnoy na hindi lang naman daw ngayon may ganoong klaseng mga krimen. Huh??????!!!!!! Noon sinabi ni Pnoy na nanghuhuli naman daw ang mga pulis ng mga tiwaling pulis. Huh?????!!!!!!…eh, trabaho nilang manghuli, may sweldo sila para dito, kaya hindi sila dapat purihin sa pagtupad ng kanilang trabaho!

Kaya itinalaga si Purisima bilang chief ng PNP ay dahil INASAHAN siyang may magawa sa pagsupil ng krimen sa bansa. Pero dahil lagapak na lagapak ang pagbagsak niya sa inaasahan o expectation, dapat lang nag bumaba siya…ganoon lang! Hindi siya kawalan ng PNP dahil maraming magagaling na hindi na nga dapat i-compare sa kanya dahil wala namang batayan. Ang mga nalaktawan niya ay matatapang, may lakas ng loob, matikas kung magbitaw ng mga salitang may laman bilang babala sa mga kriminal at tiwaling pulis, at lalong higit…nirerespeto ng mga kapwa pulis, kapantay man o nasa mababang hanay! Nahawa na rin yata siya sa iba pang mga opisyal ng gobyerno na kapit-tuko sa pwesto sa kabila ng kanilang mga kapalpakan…at dinadaan na lang ang lahat sa pakapalan ng mukha!

Sabi ng isang radio broadcaster, “sayang talaga kung hindi muna niya i-enjoy ang bagong gawa na “magandang” tirahan…kaya bakit nga naman siya magre-resign?”