Pumalpak na naman si VP Binay!

Pumalpak Na Naman si VP Binay!

Ni Apolinario Villalobos

Ang pinakaaabangang talumpati ni Binay na nadeliber din niya sa wakas, hapon ng September 18, Miyerkules ay palpak!…ampaw!…kumbaga sa paputok ay supot! Akala ng mga nag-abang ay malakas na bomba ang pasasabugin niya sa talumpati niyang “punto por punto” daw na sasagot sa mga binibintang sa kanya. Maraming nagsisi kung bakit nakinig pa sila. Walang putok na narinig. Sabi ng isang kaibigan ko, malakas pa nga raw ang utot ng pusa niya! Kung baga sa mga kwento, ang mga sinabi ay puro mga title lang, walang laman o synopsis man lamang. Nasayang ang panahon ng mga taong nag-abang sa walang kwentang talumpati niya. Yong iba, nangangalahati pa lang, nagpatay na ng TV. Ang talumpati niya ay hindi pang-senado, kaya pala bantulot siyang doon ito i-deliver, kaya nagkasya na lamang siya sa harap ng kamera.

Pinagbabanggit pa niya ang mga proyekto niya sa Makati, eh, obligasyon naman niya talagang magkaroon ng mga proyekto para sa mga tao, lalo na sa mga mahihirap. Maraming lunsod at bayan na ang halos ay may mga kaparehong proyekto, maliban lang sa keyk at libreng sine para sa mga senior citizens. ANG ISYU AY HINDI MGA PROYEKTO, KUNDI ANG ALEGASYON NA MALAKI ANG MGA PORSIYENTO NIYA O NILA NA DAPAT NIYANG PATUNAYANG HINDI TOTOO!

Kung sa simpleng paghahambing sa halaga ng pera ang gagawin, ang binibintang sa kanya ay ito: Sa halaga halimbawang isang libong pisong pondo, ang ginastos niya sa mga proyekto ay tatlong daang piso lang at ang napunta sa kanya ay pitong daang piso…yan ang bintang sa kanya – NAPAKALAKI ANG NAKAMKAM NIYA! …NA, DAPAT AY PATUNAYAN NIYANG HINDI TOTOO!

Pinagyabang niyang pumunta daw siya sa norte, sa mga binagyo, upang dumamay at upang asikasuhin ang housing project daw na para sa mga nasalanta, pero namigay lang pala ng mga t-shirt na may pangalan niya. Maagang nangampanya! Bakit ngayon lang niya ginawa ang “pagdamay” sa mga nasalanta, eh…ang daming bagyo na ang dumaan at ilang libong di- hamak ang mga nasalanta na? Nagsosolisit ba siya ng awa o simpatiya dahil lubog siya na sa mga kontrobersiyang pagnanakaw ng pera ng bayan! Pero ang pinakamalinaw ay ang pangangampanya niya. Kung talagang pinangangatawan niya ang pagiging housing czar, bakit hindi niya tutukan ang mga pabahay para sa mga taga-Zamboanga at mga Tacloban na hanggang ngayon ay nasa tents at evacuation center pa rin? Pupunta pa siya sa norte eh, yong nasa Maynila lang na mga squatters na nakatira sa tabi ng mga estero, ay hindi niya maalis-alis at mailipat sa MAAYOS na resettlement areas na may mapagkikitaan, may mga poso at kuryente man lamang!

Hindi niya pwedeng ipagyabang na ang ginawa niya sa Makati ay gagawin din niya sa buong Pilipinas bilang presidente kung sakali. Dapat niyang isipin na nakaya niya dahil MALIIT LANG MAKATI, at madaling magpa-release ng pondo para sa mga proyekto kuno, lalo’t hawak niya ang konseho. Hindi pwedeng kung ano ang maisipan niyang proyekto ay agad na mai-implement dahil may involved na Senado at Kongreso. Ang proposal para sa mga proyekto ay manggagaling sa mga mambabatas at hindi sa kanya. Kung bibilhin siguro niya ang suporta ng mga mambabatas, may posibilidad, pero dahil mulat na ang mga mata ng mga Pilipino sa mga talamak na pagnanakaw ng mga opisyal sa kaban ng bayan, ang tingin sa lahat halos ng mga mambabatas ay magnanakaw. Papasok pa siya sa eksena! Kaya ang sabi ng iba, Makati pa nga lang daw ay bilyong piso na ang naiisyung nakawan, paano na kung siya na ang maging presidente? Kung ang DBM ngayon ay tuliro dahil hindi maipaliwanag ang mga nawalang pera, baka daw kung siya na ang presidente, ang uupo sa ahensiyang ito (DBM) ay magkakadaduling na sa sakit ng ulo kung paanong mag-isip ng mga dahilang “bago” sa hangarin nitong makalusot sa mga madadagdag pang mga bintang!

Ang hindi mapatawad ng mga taga-Makati sa mga ginawa niya ay ang pagtatak niya ng letrang “B” sa kabuuhan ng lunsod. Gusto daw yata niyang palabasin na kung hindi dahil sa kanya ay hindi umunlad ang Makati kaya karapatan niyang tatakan ito ng initial niya! Yong nakikita sa TV na mga suporters niya ay mga empleyado ng city hall! Mga nakinabang ng grasya galing sa kanya. Ang mga taga-Makati mismo, kung interbyuhin sa TV, puro sama ng loob ang sinasabi dahil ang inalagaan lang daw naman niya ay ang Ayala Avenue, Greenbelt Commercial Center at mga subdivision ng mga mayayaman. Ang ibang bahagi ay pinabayaan.

Finally, ang Makati, ilang oras lang, maiikot na, pero ang Pilipinas ay binubuo ng mga isla na dahil sa distansiya nila sa isa’t isa, kadalasan palpak pa nga ang koordinasyo ng mga ahensiya! Dapat gumising siya sa katotohanan na may mga dapat pa siyang sagutin na hindi niya puwedeng palusutan ng dahilang pinupulitika lamang siya! Kung nakaya niyang bilugin ang ulo ng ilang mga taga-Makati, hindi ang Pilipinas sa kabuuhan nito!

May kwento ang isang taga-Makati na isa sa dahilan ng hindi magandang pagtitinginan nila noon ng dating Mayor Yabut ay ang walang humpay niyang pagpuna sa matagal na panunungkulan nito (Yabut) bilang meyor ng Makati. Subali’t nang siya (Binay) naman ang nakatikim ng ginhawa sa malambot na upuan para sa meyor, naka-ilang term ba siya?…at hindi pa nakuntento, pinaupo din niya ang asawa niya at anak! …may anak din siya sa kongreso, pati sa senado! Noon mag-isa lang si Mayor Yabut sa pulitika, at hanggang pagka-meyor lang siya, ang mga anak naman nito ay hindi nakialam, subali’t pinuna siya ni Binay ng todo, yon pala, mas masahol pa ang ginawa nito…at balak yatang mas lalong pasasahulin pa dahil gustong hawakan ay buong Pilipinas na…na ngayon ay halos nakahandusay na sa hirap!

Opinyon lang ito ng hindi taga-Makati, pero Pilipinong nababahalang baka may mangyayaring hindi maganda sa Pilipinas! Kaya humihikayat sa kapwa Pilipino na lalo pang paigtingin ang pagmatyag!…huwag padadala sa tamis ng keyk!

Ang Pagpakumbaba ni Mayor Erap Estrada…may gagaya kaya?

Ang Pagpakumbaba ni

Mayor Erap Estrada…may gagaya kaya?

Ni Apolinario Villalobos

Ang pagtanggal ng truck ban sa Maynila ay hindi karuwagan sa panig ni Mayor Erap Estrada. Sa pagpatupad niya ng truck ban, nais lamang niyang pairalin ang batas sa loob ng lunsod ng Maynila upang mailagay sa ayos ang trapiko, na dahil sa pagkabuhol-buhol nito ay nakaapekto sa kalakaran ng negosyo at sa bandang huli, ng ekonomiya. Hindi biro ang tindi ng nagresultang trapik. Nabulabog na ang lahat ng sector ng Philippines dahil nagkaroon na rin ng matinding epekto nito sa ekonomiya ng bansa sa kabuuhan. Sa simula, nagturuan ang mga sector kung sino ang may kasalanan, hanggang sa matumbok na ang lahat pala ay nag-ugat sa pagsisikip ng mga container vans sa pantalan, may laman o wala, at isang concern na pang-nasyonal.

Malinaw na may nagpabaya na ahensiya dahil hindi nasubaybayan na mabuti ng ahensiyang nakatoka sa pantalan para sa masistemang pagpapatakbo nito. Lumutang pa ang bulung-bulungan na kaya daw hinayaang matengga ang libo-libong container van, ay dahil pinagkikitaan daw ito. Imbistigasyon na naman! …may kahahantungan kaya? ….sino ang mga kumita?

Maganda ang istratehiya ni Estrada, dahil hindi niya diretsong sinisisi ang gobyernong nasyonal, bagkus ay nagpatupad lang siyang ng batas na limitado sa Maynila. Dahil sa kawing-kawing na epekto, natumbok ang may kasalanan – ang ahensiya o mga ahensiya sa ilalim ng gobyernong nasyonal. Naipaabot niya ang kanyang mensahe, kasabay ng buong pagpakumbabang pagsuspinde ng panukala sa pagpapatupad ng truck ban. Simpleng sampal ang kanyang ginawa!

Sino kaya ang gagaya sa pagpapakumbabang ginawa ni Estrada? May magre-resign kayang mga opisyal ng gobyerno? …sila na matagal ang pinagbibitiw dahil sa pagka-inutil sa pagpapatupad ng responsibilidad?