Ang Masisipag na Biyahera ng mga Gulay at ang Matiyagang Arkabalista ng Tacurong na si Melvin Duque

Ang Masisipag na Biyahera ng mga Gulay

At ang Matiyagang Arkabalista ng Tacurong na si Melvin Duque

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa isang bahagi ng kalye na papasok sa Apilado subdivision ng Tacurong city, natagpuan ko ang isang maliit na bagsakan ng mga gulay mula sa Takub na bahagi na ng South Cotabato, isang bulubunduking barangay. Ang ibang biyahera ay mula sa Kulaman, Tantangan, Buluan, at President Quirino. Napansin ko rin sa bahaging yon ang isang taong may nakakuwentas na ID ng city government, at napag-alaman kong arkabalista pala…si Melvin Duque.

 

Maagap sa pagbigay ng tiket si Melvin pagkatapos niyang bilangin ang mga nakasakong gulay ng mga biyaherang lahat ay kilala na niya. May kasama pang ngiti kung siya ay magbigay ng tiket kaya kahit kararating lang ng mga binibigyan niya ay wala silang reklamo. Maaga pa lang ay nakaabang na si Melvin at kahit tirik na ang araw ay matiyaga pa rin siyang nag-aabang ng mga darating. Dahil walang sombrero, ang pananggalang niya sa init ng araw ay ang kanyang sweat shirt. Hindi siya umaalis sa kanyang “teritoryo” hangga’t may dumarating pang mga biyahera.

 

Maliit lang ang kinikita ng mga biyahera ayon sa isang nakausap ko. Ang ilan sa kanila ay mismong mga nagtanim ng kanilang paninda. Ang iba naman ay namamakyaw ng mga gulay mula sa mga magsasakang ayaw bumaba sa mga palengke upang magbenta. Karamihan din sa kanila ay mga babae dahil ang mga asawa daw nila ay naiiwan upang magtrabaho sa bukid.

 

Si Melvin at ang mga biyahera ay mga nakalimutan nating mga haligi ng ating ekonomiya….mga bayani. Kung walang mga biyaherang nagtitiyagang maghakot ng mga gulay sa pamilihan kahit kaunti lang ang kikitain, wala tayong mabibiling natitingi o retailed sa mga palengke. At, kung walang matiyagang arkabalista tulad ni Melvin, walang malilikon na direktang buwis ang lokal na pamahalaan upang maipatupad nito ang mga programa at may maipangsahod sa mga empleyado at opisyal ng bayan. Karapat-dapat sila sa ating paghanga at paggalang, na ang tiyaga at kasipagan ay dapat tularan.

Ryan Natividad: 14 years old Pa Lang, Factory Worker Na, Ngayon ay may Sariling Negosyo

Ryan Natividad: 14 years old Pa Lang,

Factory Worker Na, Ngayon ay may sariling Negosyo

Ni Apolinario Villalobos

 

Noon pa man ay interesado na akong magsulat tungkol sa mga naglalako ng mga gamit na naglilibot saan mang lugar dahil nagustuhan ko ang kanilang pagtitiyaga na magandang halimbawa sa iba na ang gusto ay kumita agad ng milyon-milyon sa negosyo.

 

Nang makita ko ang isang grupo na kumakain noon sa karinderya malapit sa amin, nagulat ako nang tawagin ng isa sa kanila na “boss” ang kasama nila na sa tingin ko ay parang college student lang. Nakita ko rin ang mga nilalako nilang power tools tulad ng barena. Sa kahihintay ko ng tamang panahon upang makausap ng masinsinan ang tinawag na “boss” ay saka naman sila umalis sa dating tinitirhan. Mabuti na lang at makalipas ang ilang buwan ay natiyempuhan ko ang taong gusto kong kausapin sa isang karinderya na nadaanan ko.

 

Siya si Ryan Natividad, 26 taong gulang at may isang anak na 8 taong gulang, kasal kay Sienna Javier, at sila ay taga-Bulacan. Sa katitinda ng mga power tolls ay napadako ang grupo niya sa Cavite.

 

Galing siya sa isang broken family dahil grade six pa lang daw siya ay naghiwalay na ang kanyang mga magulang at siya ay napapunta sa kalinga ng kanyang nanay. Dahil sa kahirapan ng buhay, 14 taong gulang pa lang daw siya ay napasabak na siya ng trabaho sa iba’t ibang pagawaan o factory. Hindi rin siya nakatapos ng high school, kaya nang nagkaroon ng pagkakataon kalaunan ay pinasukan na rin niya ang negosyong kalye o ambulant vending sa gulang na 19 taon. Noon niya natutunan ang pagbenta ng mga power tools at kahit papaano ay nakakapag-ipon pa siya.

 

Sa gulang na 23 taon, naisipan niyang mamuhunan upang lumaki ang kayang kita kaya humiram siya ng 30 libong piso sa kanyang nanay upang maipandagdag sa naipon na niya. Nang lumago ng kaunti ang kanyang negosyo ay kumuha na siya ng ilang tauhan. Sa loob ng tatlong taon ay nadagdagan pa ang kanyang mga kalakal kaya ngayon, ay may apat na siyang tauhan. Nakatira sila sa isang studio type na apartment sa Bacoor City at sinusuyod nila ang mga kalapit na lunsod at bayan sa paglako ng power tools.

 

Sa gulang na 26 taon, nakakabilib si Ryan dahil may sarili na siyang negosyo na nagsimula sa mahigit lang sa halagang 30 libong piso. Paano na lang kaya kung ang puhunan niya ay mahigit 100 libong piso na sa tingin ng ibag tao ay “barya lang”? Sa uri ng kanyang pagsisikap, baka hindi lang apat na tao ang kanyang natulungan!

 

May mga seafarers at OFWs na tuwing magbabakasyon ay hindi bumababa sa 50 libong piso ang cash na nahahawakan at yong iba pa nga ay mahigit 100 libong piso. Subalit sa ilang araw pa lang nilang pagbabakasyon ay ubos na dahil sa walang pakundangang paggastos. At, kung wala nang madukot ay ang mga ipinundar na gamit naman ang binibenta, hanggang bandang huli ay uutang na. Madalas pa itong nagreresulta sa away-asawa lalo pa kung maluho ang misis. Karamihan sa mga ito ay hindi nakakaisip na mumuhunan sa isang negosyo upang maaasahan kung sakaling may mangyaring hindi maganda tulad ng pagkatanggal sa trabaho, o di kaya ay upang may “mapaglibangan” man lang para sa karagdagang kita ng mister, ang misis na naiiwan sa Pilipinas.

 

Kaylan kaya mag-uugaling Ryan ang mga uri ng taong nabanggit ko?

 

Ryan Natividad 1

 

Elena Constantino: Vendor sa Luneta

Elena Constantino: Vendor sa Luneta

Ni Apolinario Villalobos

 

Nasumpungan ko ang puwesto ni Aling Elena (Constantino) isang umagang naglibot ako sa Luneta upang makita ang mga pagbabago. Madaling araw pa lang ay naglibot na ako kaya natiyempuhan ko ang mga grupo ng nagsu-zumba. Hindi lang pala isang grupo ang nagsu-zumba, kundi lima. Nandoon pa rin ang grupo ng mga Intsik na na nagta-tai chi, at ang mga grupo ng ballroom dancers.

 

Malinis na ngayon ang mga palikuran ng Luneta, hindi nangangamoy- ihi tulad noon. Limang piso ang entrance fee. Unang nagbubukas ang palikuran sa may dako ng kubo ng Security personnel. Ang iba pa ay matatagpuan sa tapat ng Manila Hotel, likod ng National Historical Institute at tapat ng Children’s Museum.

 

Dahil sa pagod ko sa kaiikot, naghanap ako ng isang tahimik na mapagpahingahan at mabibilhan din ng kape. Ang nasa isip ko ay isa sa mga “stalls” na nagtitinda ng snacks, at dito ko nakita ang puwesto ni Aling Elena. Kahit pupungas-pungas pa halos dahil kagigising lang ay ipinaghanda niya ako ng kape. Marami siyang natirang pagkain tulad ng nilagang itlog at mga sandwich. Upang mabawasan ang maraming tirang nilagang itlog ay kumain ako ng tatlo.

 

Noon pa man ay may isyu na sa mga vendor ng Luneta. Ilang beses na silang pinagbawalang magtinda sa loob, pinayagan din bandang huli, pinagbawalan uli, pinayagan na naman, etc. Kung limang beses na ay meron na sigurong ganitong parang see-saw na desisyon ang National Parks Development Committee. Sa ngayon, ang upa sa isang stall na ang sukat ay malaki lang ng kaunti sa isang ordinaryong kariton, binubungan at nilagyan ng dingding, pinto at bintana ay Php50 isang araw. Subalit sa liit ng puwesto na sasabitan ng mga chicherya, sa tantiya ko ay hindi aabot sa Php100 isang araw ang tutubuin ng nagtitinda. Kaya ang ginawa nila, pati si Aling Elena ay nagkanya-kanyang lagay ng extension na gawa sa telang habong o tarpaulin. Bawal din daw ang maglagay ng mesa at upuan, pati ang pagluto, maliban lang sa pagpapakulo ng tubig na pang-kape. Subalit tulad ng isang taong nagigipit, nagbakasakali na lang sila sa paggawa ng mga ipinagbabawal upang kumita ng maayos at masambot ang araw-araw na upa.

 

Inamin ni Aling Elena na ilang beses na rin siyang naipunan ng bayaring upa kaya lahat ng paraan ay ginawa niya upang mabayaran ang namamahalang komite sa Luneta. Ang problema niya ay kung panahon ng tag-ulan, at mga pangkaraniwang araw  mula Lunes hanggang Biyernes kung kaylan ay maswerte na raw siya kung makabenta ng limang balot ng chicherya. Ang tubo sa isang balot ng chicherya ay mula piso hanggang limang piso. Kung makabuo siya ng pambayad sa isang araw, wala na halos natitira para sa kanyang pagkain. Hindi nalalayo ang kalagayan niya sa mga nagtitinda gamit ang bilao sa bangketa ng mga palengke….gutom din, kaya wala na talagang magawa si Aling Elena kundi ang magtiyaga. Okey naman daw ang kinikitang tubo na umaabot sa Php200 isang araw kung weekend, lalo na ngayong pasko.

 

Nagulat lang ako nang sabihin niya na may isa pala siyang apo na pinapaaral sa Mindoro. Nabasa siguro niya ang isip ko kaya siya na ang nagkusang magsabi na hindi siya pinababayaan ng Diyos dahil kahit papaano ay nairaraos niya dahil mura lang ang tuition sa probinsiya at may pinagkikitaan din kahit kaunti ang apo niya na nasa first year college. Wala siyang gastos sa pamasahe dahil sa maliit na puwesto na rin siya natutulog. Ganito na raw ang buhay niya sa Manila mula pa noong 1972 pagkatapos niyang mag-asawa sa gulang na labing-pito.

 

Mahigit pitumpong taon na si Aling Elena at marami na rin daw siyang nararamdaman lalo na sa kanyang mga kasu-kasuan (joints), pero tuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa dahil baka lang daw magkasakit siya kung siya ay tumigil. Hindi rin siya kikita sa Mindoro dahil tag-gutom din daw doon at palaging binabaha ang bayan nila.

 

Upang kumita pa si Aling Elena, naka-tatlong mugs ako ng kapeng ininom at ang tatlong itlog ay dinagdagan ko pa ng dalawa, bumili rin ako ng sampung balot ng chicherya na inilagay ko sa bag para sa mga batang pupuntahan ko. Nang paalis na ako ay may dumating na babaeng may bitbit na mga nakataling tilapia, nahuli raw sa Manila Bay. Inalok si Aling Elena na umiling lang dahil nga naman ang kinita ay ang binayad ko pa lang. Dahil napansin kong nagtitinda din siya ng ulam, ako na lang ang nagbayad upang mailuto niya agad, mura lang kasi sa halagang Php60 at sabi ng nagtinda ay tumitimbang daw lahat ng isang kilo.

 

Mabuti na lang at naantala ang pag-alis ko dahil sa pagdating ng babaeng nagtinda ng tilapia. Naalala ko tuloy na kunan ng litrato si Aling Elena na nagpaunlak naman. Mula sa puwesto ni Aling Elena ay naglakad na ako patungo sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)….

IMG7217