Ang Pagkagulat ay Bahagi na ng Buhay ng mga Pilipino

ANG PAGKAGULAT AY BAHAGI

NA NG BUHAY NG MGA PILIPINO

Ni Apolinario Villalobos

 

Mahilig sa bulagaan o gulatan (surprise) ang mga Pilipino, o di kaya ay masasabing ang bulagaan ay bahagi na ng ating buhay. Ang mga sanggol na umiiyak ay ginugulat upang tumigil ito sa pagngangawa, subalit ang epekto naman ay lumalaki itong nerbiyoso. Dahil sa sobrang pakisama, pagdating ng panahon, nabibigla na lang tayo na ang pinakitaan ng mabuting pakikisama ay traidor pala o ahas, pero hindi pa rin tayo natututo. Maraming nag-akala na dahil may mga nahuhuling manggagantso o swindler ay tapos na ang problemang ito, pero nagugulat na lang tayo kapag may lumutang na panibagong “modus operandi”.

 

Bago dumating ang mga Kastila ay matiwasay ang buhay ng ating mga ninunong nakikipagkalakalan pa sa ibang lahi na dumadayo. Nang unang dumating ang mga Kastila, hindi man lang nila naisip na may intensiyon palang manakop ang mga ito dahil ang inilagay sa harap ng mga sundalo ay mga prayle (friars) na ang hawak ay krus, kaya nagkagulatan na lang nang dumagsa na ang mga Kastila at nangamkam na ng mga lupain. Ganoon din ang nangyari sa pagdating ng mga Amerikano na ang pinangbalatkayo sa intensiyong sipsipin ang likas na yaman ng bansa, ay ang edukasyon kaya may mga “Thomasites” na dumating – mga unang Amerikanong titser na sinundan bandang huli ng mga Peace Corp Volunteers. Nabulaga na lang ang mga Pilipino na ang Saligang Batas ay nasalaula o nabastos dahil sa pagpilit ng mga Amerikanong isingit ang “Parity Rights” na nagbibigay sa kanila ng pantay na karapatan sa mga Pilipino sa larangan ng paggamit ng likas na yaman at negosyo.

 

Nang mapatalsik si Marcos, umupo si Cory, isang babae at nanay, kaya inasahang “magpapalambot” ng mga patakarang ginawa ni Marcos, pero hindi binigyang pansin ang pagbalik din ng mga amuyong na mga dating kaalyado ng diktador pero nagpalit lang ng kulay dahil sa pagkatao nilang mala-hunyango (type of lizard that can change color based on the surrounding). Nagkabiglaan na lang dahil ang mga inaasahang pagbabago ay hindi natupad, lalo na ang pagbawi ng “ninakaw na yaman” ng bayan….naging obvious din ang pagdami ng mga korap dahil ang mga kalakarang ito ay lumala pa. Dahil hindi nila masikmura ang mga nangyayari, maraming mga tauhan ni Cory ang nag-resign, tanda ng pagkawala ng “Cory magic”…na ikinagulat din ng marami.

 

Nang ibenta ang mga kampo ng sundalo upang magkaroon ng pondo na magagamit sa “modernization” ng sandatahang Pilipinas, ay marami ang natuwa. Subalit makaraan ang ilang administrasyon ay nabistong ang mga armas ng mga sundalo ay antigo pa rin, ang mga biniling helicopter ay second hand pati ang mga barko, at ang nakakalungkot, halos hindi regular na nabibigyan ng supply ang mga sundalong nakikipagbakbakan sa mga rebelde at Abu Sayyaf sa kabundukan….ang mga boots nila ay nakanganga, walang matinong backpack at kapote, at ang pagkaing rasyon ay tinitipid pa! Saan napunta ang perang pinagbentahan ng kampo na ang isa ngayon ay ang maunlad na business district, ang Global City,  at ang nakatiwangwang na reclaimed area sa Paranaque ay naging isa sa maunlad at malawak na business district sa buong Asya, ang “ASEANA City”?

 

Nang tumakbo si Noynoy Aquino, malugod siyang ibinoto dahil “mukhang mabait”, isang tanda ng busilak na kalooban, subalit nagulat ang mga Pilipino dahil ang nakitang kabaitan sa kanyang pagkatao ay may ibang kahulugan pala. Sa panahon niya lalong dumami ang mga korap. Subalit dahil nag-akala ang partido niyang malakas pa ang hatak ng alaala ng kanyang mga yumaong magulang ay nagpakampanti sila.

 

Nang maghanap ng ipapalit kay Pnoy Aquino, ang gusto na ng mga Pilipino ay isang taong matapang, may sariling paninindigan, matigas, hindi malamya at malambot. Nakita nila si Duterte na maski walang pondo para sa kampanya ay nanalo – record breaker pa ang dami ng boto. Ang mga nagpakampanting Liberal Party ay nagulat sa dami ng nagpalit ng kulay na dating kaalyado nila, kaya ang mga dating kulay “dilaw”, ay naging kulay “pera” eheste, “pula” na!

 

Nang umupo si Duterte, nagkagulatan dahil ang mga Pilipinong edukado kuno at “proper” ay nakarinig ng matataginting at malulutong na pagmumura. Ang iba ay nagsisi kung bakit nila ito ibinoto, ang iba ay nagsabing, “sige na lang”, na tipikal na ugali ng isang Pilipino. Lalo silang nagulat dahil ang kamay na bakal na ginamit niya sa Davao ay ginagamit ngayon sa buong bansa kaya nalusaw ang akala ng mga walang bilib sa kanya na hindi nito kakayanin ang lawak o kabuuhan ng bansa.

 

Nagulat din ang bansa dahil sa pagkakaladkad kay de Lima sa isyu ng droga, na ang pagka-upo sa senado ay nakakagulat din. Ang hinala kasi ay nagkaroon ng dayaan upang maipuwesto si de Lima at magamit ng mga “dilaw” bilang salag (shield) o taga-harang ng mga gagawin ng bagong administrasyon laban sa mga opisyal ng nakaraan, na sangkot sa mga kaso, lalo na si Pnoy Aquino. Lalong nagkagulatan nang mabunyag na ang lawak ng saklaw ng droga ay umabot na sa mga liblib na barangay at ang itinuturong dahilan ay kapabayaan pa rin ni de Lima, at lalong nakakagulat ang sinasabing koneksiyon niya sa mga drug lords.

 

Ngayon, nadagdagan ang pagkagulat ng bansa dahil sa desisyon ng Korte Suprema na pwedeng ilibing si Marcos sa sinasabing “Libingan ng mga Bayani”…isyu na dapat ay hindi nangyari kung noon pa man ay hindi na pinabalik ang pamilya sa Pilipinas. Ang nakakagulat ay hindi man lang ito naisip ng mga laban sa kanya noon pa, na ang pwedeng gawin ay baguhin lang ang batas na sumasaklaw sa pagpapalibing ng mga labi ng kung sino sa sementeryong ito.

 

Batay sa mga ilang nailahad ko, sa palagay ko ay walang dapat mangyaring sisihan dahil sa mga  nangyayari sa atin….na kung tutuusin ay tayo rin ang may kasalanan. Dapat tanggapin ang pagkatalo kung may pinaglalaban man upang magkaroon ng pagkakaisa at makausad na. At, ang importante, itigil na ang mga rally at demonstrasyon kahit pro-Duterte pa dahil lalo lang nakakasagabal sa trapik na mala-impiyerno na!

Ang “Palusot” Tradition sa Pilipinas…dahil sa kahinaan ng mga batas

Ang “Palusot” Tradition sa Pilipinas

…dahil sa kahinaan ng mga batas

Ni Apolinario Villalobos

 

Sabay pumutok ang mga balita tungkol sa piyansang napagtagumpayan ni Janet Napoles kaya nakalaya siya, at ang pagkalugi daw ng Loyola Plans kaya ang mga nagbabayad ng plans at ang mga mga nag-mature na ay hindi nakuha. Sa kaso ni Napoles, ang mga witnesses laban sa kanya ngayon ay nangangamba sa kanilang kaligtasan at nakanganga sa kawalan dahil hindi makapaniwala…na-shock. Sa kaso ng Loyola Plans, ang mga magulang ay humahagulhol at ang iba ay malamang inatake sa puso…samantalang ang kanilang mga anak ay out-of-school ngayon dahil walang pang-tuition.

 

Ang nagagawa ng mga walang perang pambayad sa magagaling na abogado at iba pang gastusin, ay hanggang sa pagsampa na lang ng kaso. Kung suwertehin mang umusad ay sandali lang. May libreng abogado nga sa PAO subalit, paano ang pamasahe papunta sa opisina nila, ang pagkain kung abutin sa biyahe dahil sa mala-impyernong trapik, ang mga dokumentong hahagilapin at ipapa-notarize? Ito ang nakikita ng mga kriminal, tulad ng mga estapador, illegal recruiters, drug lords, at iba pang mga anay ng lipunan. Dahil sa kahirapan ng pangkaraniwang Pilipino na halos hindi makakain tatlong beses sa isang araw, ang dokumento ng mga kaso nila ay nag-iipon na lang ng alikabok sa mga korte, hanggang magkalimutan….kaya, ang mga tiwali ay lusot!!!

 

Hangga’t may nakakalusot na mga tiwali dahil sa kahinaan at pagkakaroon ng maraming butas ng mga batas , mahihirapan talagang magkaroon ng hustisya sa Pilipinas…..

 

 

Ang Kasuwapangan (Greed)

Ang Kasuwapangan (Greed)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang kasuwapangan ng tao ay umiral na bago pa man ang panahon ng Bibliya. Ang kasuwapangan ng mga tao noon ay nagbunsod sa kanila upang mangamkam ng lupain ng iba na umabot sa mga digmaan sa pagitan ng mga lahi. Pati ang pamimirata (piracy) ay umiral din sa mga bahagi ng Mediterranean, Africa, at  Europe. Ang ganitong uri ng kasuwapangan ay umiiral pa rin ngayon kaya mayroong kaguluhang nagaganap sa West Philippine Sea o South China Sea, pati na kidnap-for-ransom na hindi lang din nangyayari sa Mindanao kundi pati sa ibang bahagi ng Africa at South America.

 

Marami pang uri ng kasuwapangan ang umiiral sa mundo tulad ng mga sumusunod:

 

  • Kasuwapangan sa kaalaman. Ito ay umaabot sa pagnakaw ng kaalaman ng iba

na kung tawagin ay “plagiarism”. Ginagawa ito upang magkaroon ng diplomang hindi

pinaghirapan dahil ang mga ipinasang thesis ay kinopya lamang sa internet. Ang isa pang paraan ay pangongopya tuwing may exam dahil sa katamarang mag-aral kaya inasahan ang pinag-aralan ng iba na ang katumbas ay pera o goodtime o pagkain o pakikipagkaibigan. Ginagawa din itong pangongopya ng ilang propersyonal na manunulat upang magpa-impress sa mga mambabasa nila, o di kaya ay ng ilang mga pulitiko na ang mga kinopya ay ginagamit naman sa talumpati nila upang palabasing sila ay “matalino”. At lalong ginagawa ito ng ilang tao na ang gusto ay magkaroon ng “Masteral” o “Doctoral” pero ayaw magpakahirap.

 

  • Kasuwapangan sa karangalan. Nangyayari ito sa mga bagay na may kinalaman sa trabaho. May mga supervisor o manager sa opisina na inaako ang pinaghirapang “project study” na ginawa ng isang empleyado nila. Kahit pa sabihing kasama ang paggawa ng “project study” sa trabaho ng empleyado, dapat ay may katumbas itong dagdag sa suweldo o “commendation” man lang kung nagkaroon ng magandang resulta. Ang problema, kapag binigyan kasi ng dagdag sa suweldo o “commendation” ang naghirap na empleyado, dapat ay may dahilan, at ito ang ayaw na mangyayari ng supervisor o manager dahil gusto niyang ipabatid sa nakakataas pang amo sa opisina na siya ang gumawa ng “project study” kaya nagtagumpay sila.

 

  • Kasuwapangan ng kaibigan at kamag-anak. May mga kaibigan na ang gusto ay sila lang dapat tulungan ng mga nakakaluwag na mga kaibigan. Nagagalit sila o nagtatampo kapag nalamang may ibang tinulungan ang kanilang kaibigan. Ganito rin ang ugali ng ilang kamag-anak dahil kapag may nabalitaang tinulungan ang kamag-anak nila lalo na ibang tao ay nagagalit at nagsasabi agad ng, “mabuti pa ang ibang tao naalala, pero kami na kadugo ay hindi”. Ang isa pang malimit iparinig ng mga gahamang ito ay, “bakit sila lang?….ako, wala?” Sa totoo lang, may mga kaibigan at kamag-anak na mahilig umasa sa iba kahit na hindi naman nila kailangan ang tulong. Dahil sa ugaling nabanggit, ayaw nilang magsikap at itong ugali ang masama, hindi ang pagtulong ng nakakaluwag sa “talagang nangangailangan”.

 

  • Kasuwapangan sa physical na attention at karnal na pagnanasa. May pagkasekswal ito dahil nagreresulta sa selos sa pagitan ng mag-asawa na umaabot sa patayan. At, kung minsan ang mga walang malay na naging bunga ng pagkakasala (anak o mga anak) ay nadadamay. Sa isang banda, may kasalanan din ang isa sa mag-asawa na hindi nakapagkontrol ng kanyang kalibugan o pagnanasa kaya nagpadala sa damdamin hanggangan tuluyan siyang magtampisaw sa batis ng kasalanan. Nangyayari din ito sa mga magsyota pa lang na ang iba’y may ugaling kahit sa public area tulad ng Rizal park o bus stop ay naglalampungan….nagbabakasakali sigurong may maka-discover sa kanila upang lumabas sa independent film tungkol sa kalibugan!

 

  • Kasuwapangan sa pera dahil sa kahirapan. Ito ang dahilan kung bakit mismong mga magulang ang nagtutulak sa mga menor de edad na anak nila upang lumabas sa “cyber sex”, o di kaya ay magbugaw sa mga foreigner. Ito rin ang dahilan kung bakit 7:00AM pa lang ay may nakaistambay nang mga babae sa Avenida upang magpa-short time. Sila ang mga suwapang na ang gusto ay kumita sa pamamagitan ng “sales talk” at paghiga.

 

  • Kasuwapangan sa pera dahil nilukuban na ng demonyo ang buong katauhan. Ito ang makikita sa mga drug lord, mga drug pusher, at mga gun-for-hire na hindi alintana ang perhuwisyong dulot ng kanilang mga gawain.

 

  • Kasuwapangan ng mga pinagkatiwalaang opisyal ng gobyerno. Ito ang kasuwapangan ng mga ibinotong mga opisyal ng bayan na may kakambal pang isang kasalanan – ang pagsira sa tiwala. Bukod sa “sinuwapang” na nila ang pera ng bayan, sinira pa ng mga sagad-butong mangangamkam na mga opisyal na ito ang tiwalang ibinigay sa kanila ng mga kababayan nila.

 

  • Kasuwapangan sa halaga ng botong piso-piso. Ito ang kasuwapangan ng mga taong nagbebenta ng kanilang boto sa maliit na halaga pero ang katumbas ay pagdurusa kapag naupo na ang bumili ng kanilang boto at nangamkam sa kaban ng bayan upang maibalik ang ginastos nila sa pagbili ng mga boto, na kung tawagin ay “payback time”.

 

Hindi nawawala ang kasuwapangan sa buhay ng tao, subalit nagkakaiba sa tindi, antas o “degree”. Pati ako na nagsusulat nito ay umaaming may kasuwapangan din – sa gulay, prutas, tuyo, bagoong, panahon sa pamamasyal at pagsusulat, etc.  Mabuti na ito kaysa naman sa kasuwapangan sa salapi na idinadaan pa ng iba sa dasal kay Lord….isang napakarumal-dumal na pagnanasa!

 

 

 

Kung Babaguhin ang Ugali, Isama na rin ang Pananaw sa Buhay

Kung Babaguhin ang Ugali, Isama na rin ang Pananaw sa Buhay

Ni Apolinario Villalobos

 

Walang silbi ang pagbago ng pagkatao kung ugali lang ang magbabagong anyo, at ang pananaw sa buhay ay hindi. Ang isang halimbawa ay ang pagbago ng isang lasenggo na nabawasan nga ang pag-inom ng alak subalit hindi pa rin naniniwala sa kahalagahan ng pag-impok para sa kinabukasan….kaya kahit hindi na lasenggo, ay bulagsak pa rin sa pera. Ang ugali ng tao ay tungkol sa mga nakasanayang gawin at sabihin. Kung ang isang tao ay hindi na nga nagmumura pero mapanira pa rin ng kapwa, wala ring silbi an kanyang pagbabago.

 

May mga ugali ring mahirap baguhin dahil lulutang at lulutang ang likas na nakagawiang hindi kayang takpan ng pagpapaka-plastik o pagkukunwari. May mga taong sensitibo sa ugali ng iba kaya nararamdaman nila kung bukal sa kalooban ang sinasabi ng mga kausap nila dahil naipagkakanulo o betrayed sila ng ekspresyon ng kanilang mukha, at kahit ng simpleng galaw ng mata…sa Ingles, ito ang tinatawag na “body language”.

 

Ang paniniwala ay nagsisimula sa isip ng tao at ito ang nagpapakilos ng iba’t ibang bahagi ng katawan. Dalawang lakas ang nakakaapekta sa isip – positibo at negatibo….sa simpleng salita – mabuti at masama. Kung hindi tutugma ang ikinikilos ng isang tao sa kanyang iniisip, “nadudulas” siya sa pagsalita, na kung sa Ingles ay tinatawag na “slip of the tongue”. Ang tawag sa pilit na pagtatakip ng tunay na ugali ay pagkukunwari.

 

Upang maging kapani-paniwala ang pagbabago na ginagawa tuwing Holy Week at Bagong Taon, piliin ang mga ugaling “kayang baguhin”. Hindi kailangang mag-ambisyong maging santo o santa ang isang tao upang mabago ang masama niyang ugali. Kahit hindi siyento por siyentong mababago ang masamang ugali ng isang tao, basta aminin niyang siya ay talagang masama, ito ay katanggap-tanggap na, dahil nangangahulugang alam niya kung ano ang dapat baguhin sa kanyang pagkatao. Sa ganyang paraan, kahit papaano ay mauunawaan ang kanyang pagpipilit  kaysa naman siya ay magpaka-plastik pero madalas namang madulas!!!

Jaime Mayor…honest “kutsero” of Luneta

Jaime Mayor

…honest kutsero of Luneta

By Apolinario B Villalobos

 

At dawn, from his humble home in Caloocan

He diligently pedals his way to Luneta

The same he does when he goes home at night

But all these he does with unpretentious delight.

 

In Luneta, for years, he worked as kutsero

Guiding his tame horse, he fondly calls Rapido

Both of them braving the rain and searing sun

Even  pangs of hunger as best as they can.

 

A typical Filipino, this guy – Jaime Mayor

For earning honestly, he could not ask for more

With perpetual smile on his sun-burned face

He and Rapido, in Luneta, strollers can’t miss.

 

One day, his honesty was put to a test

When a purse was left behind by a tourist

Whom he pursued just before she was gone

And who was amazed by such an honest man.

 

Tightly he was hugged and praised to heavens

In a language that sounded strange to him

But just the same, these he took in stride

Though, his appreciation, he could not hide.

 

He said, he is proud to be a Filipino

And proud that he lives in a beautiful country

His modest knowledge of English, then…

Is always ended with –

“It’s more fun to be in the Philippines”!

Jaime Mayor 1

 

(Jaime Mayor is a driver (kutsero) of a horse-driven rig (kalesa) in Luneta (Rizal Park) of Manila. His average daily earning is Php200.00. This is carefully budgeted to suffice for the needs of his wife and four children. One day he drove around the park, four French ladies, one of whom left her purse in the back seat of the rig. After finding it, he took time in looking for the group. The ladies were surprised as they were not aware that one of them left her purse in the rig. The amazed owner of the purse gave him a tight hug. On September 13, 2012, the Rizal Park administration gave him a plaque of appreciation.

 

After three years, I finally met Jaime Mayor. On December 27, 2015, a Sunday, while I was gathering materials for blogging, I happened to talk to a rig driver if he knew Mr. Mayor. He nonchalantly pointed to the rig that just passed by. I practically ran after the rig up to its unloading station where he obliged some photo opportunities.

 

Mr. Mayor is among the rig drivers of Castillan Carriage and Tour Sevices which is based at Fort Santiago. According to Mr. Herson Magtalas, Checker/Operations Coordinator of the said agency, despite the popularity of Mr. Mayor, he remained humble as the nationwide recognition given him did not affect him a bit. He is still the same guy whom they knew – unassuming, hardworking and a man of few words. Mr. Magtalas added that the former Department of Tourism, Mr. Gordon gave him profuse praises, and the same recognition was followed by other government officials. He was also given a spot in a commercial, the earning from which helped his family a lot.)

 

Baguhin ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki

Baguhin ang mga Ugaling Hindi Maipagmamalaki

Ni Apolinario Villalobos

 

Taun-taon na lang ay may New Year’s Resolution ang bawa’t isa. Ito ang dahilan kung bakit malakas ang loob ng karamihan sa atin na lumihis ng landas mula unang araw ng Enero hanggang huling araw ng Disyembre…dahil pwede naman daw magsisi bago matapos ang taon.

 

Hindi madaling magbago ng ugaling malalim na ang pagkaugat sa ating pagkatao. Kailangan ang pambihirang disiplina upang magawa ito o di kaya ay isang milagro. Ang masisisi sa ganitong bagay ay mga magulang na nagpabaya dahil hindi nila nadisiplina ang kanilang mga anak habang maliit pa lang sila upang magkaroon ng mga ugaling maipagmamalaki. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga ugaling sumisira ng pagkatao:

 

  • Ang pagiging batugan na nagreresulta sa katamaran. Nakaugalian ng karamihan na tuwing weekend ay gumising ng tanghali. Ang dahilan ay bumabawi lang dahil buong linggo naman daw ay kayod-kalabaw sila. Dahil sa ganoong pananaw, nahawa sa ganitong ugali ang mga anak na paglaki ay magpapasa rin ng ganitong maling pananaw sa kanilang mga anak. May iba diyan na dahil sa pagkabatugan, tapos nang magluto ng tanghalian ang kapitbahay, sila ay humahagok pa rin sa pagkakatulog.

 

  • Ang pagiging abusado sa mga taong tumutulong. Dapat unawain na hindi lahat ng nakakatulong lalo na yong katamtaman lang naman ang uri ng pamumuhay ay palaging nakakaluwag. Ang mga kusa nilang naibabahagi ay ekstra lamang kaya hindi palaging meron sila nito. Ang hirap lang sa ibang naabutan minsan ng tulong, ang gusto ay araw-arawin na ito ng nakatulong, kaya kapag hindi nangyari ang inaasahan nila, sasama na ang loob. Kung ang mga mayayaman nga, maliban na lang ang may mga Foundation, ay minsanan lang kung tumulong, paano pa kaya ang mga nasa “middle class” o yong mga nasa “lower class” subalit may pambihirang ugaling matulungin?

 

  • Ang pagiging “sipsip” sa boss. May mga taong sagad-buto na yata ang pagkamakasarili kaya gumagawa ng lahat ng paraan upang umangat lang, kahit pa marami silang natatapakan o nasasagasaan. Ang mga taong ito ay yong klaseng wala naman talagang ibubuga sa trabaho kaya “sumisipsip” na lang sa boss, na halos umabot sa paghimod sa puwet nito, ma-promote lang. Unfair ito sa mga kasama nila sa trabaho na karapat-dapat umangat dahil sa talino at kakayahan.

 

  • Ang pagiging pekeng makatao at maka-Diyos. Ang isa pang tawag dito ay kaipukrituhan. Ito ang mga taong umaasa ng “bayad” o “balik” o “sukli”, kapag nag-abot ng tulong sa kapwa. Ito ang mga taong palaging may kamera kapag pumunta sa mga evacuation center o mga lugar na sinalanta ng kalamidad at may mga dala rin namang relief goods. Okey lang kung malakihang operasyon na tulad ng ginagawa ng DSW o di kaya ay mga NGOs dahil dapat may maipakita silang patunay na pinamigay nila ang mga donasyon. Subalit kung kusang “tulong-kaibigan” na hindi naman big-time o malakihan, bakit kailangan pang magkodakan? Ang mga gumagawa nito ay yong may ambisyon sa larangan ng pulitika o nangangarap na maging santo o santa.

 

  • Ang pagiging abusado sa katawan. Ang pag-aabuso sa katawan ay nagiging sanhi ng pagkasira ng kalusugan. Ang mga taong abusado sa ganitong bagay ay yong may mga bisyo na kahit alam nang nakakasama ay tuloy pa rin sila sa ginagawa. Nagpapabaya rin sila pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa tamang pagkain. Ito ang mga maaarte na ayaw kumain ng gulay halimbawa, dahil hindi nila gusto ang lasa kahit alam nilang mahalaga sa kalusugan, kaya sila ay ginagaya ng mga anak na lumaki na lang sa pagkain ng hot dog at hamburger o piniritong itlog.

 

  • Ang pagiging bulagsak sa pera. Ito yong mga taong kung gumastos ay parang wala nang susunod pang mga araw na paggagastusan, kaya kung suwelduhan sila, ang natatanggap tuwing 15/30 ay sandail lang nilang nahahawakan….ang resulta – kung may mga emergency na pangangailangan, hanggang nganga na lang sila!

 

  • Ang pagiging palamura. Ang pagmumura ay talagang masama….pagsabihan ba naman halimbawa ang isang tao ng “puta ang ina mo”, o di kaya ay “anak ka ng puta”. Dapat ay baguhin na itong ugali. Kung hindi maiiwasan, putulin na lang ang mga linya…halimbawa, sa halip na “puta ang ina mo” ay sabihin na lang na “…ina mo”, at ang “anak ka ng puta” ay “….anak ka”. Huwag murahin sa Ingles ang mga walang alam sa wikang ito…huwag gawing dahilan ang kawalang kaalaman nila sa Ingles upang paliguan sila ng mga pagmumurang tulad ng, “shit”, “damn it”, “son of a bitch”, etc., dahil baka murahin ka rin sa dialect na hindi mo alam!

 

HAPPY NEW YEAR NA LANG SA MAKAKABASA…..LALO NA ANG NATUMBOK!

Maawain, Maunawain, Mahiyain, at Mapagmalasakit ang Wikang Pilipino

Maawain, Maunawain, Mahiyain, at Mapagmalasakit

ang Wikang Filipino

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang wikang Filipino ay mayroong mga katagang “medyo” (it seems), “hindi gaano” (not much of…), at “siguro” (sort of, maybe). Ang mga katagang yan ang nagpapalambot ng kahulugan ng nga pantukoy na kataga, tulad ng “pangit”, “mapait”, “mabaho”, “masama”, atbp. Hindi maunawaan kung bakit nahihiya ang Pilipino sa diretsahang pagbigkas ng mga pantukoy na kahit masamang pakinggan ay totoo naman.

 

Kawalan ng katapatan para sa isang tao ang hindi pagsasabi ng totoo na dapat sana ay nakakatulong sa pinagsasabihan upang matutong tumanggap ng katotohanan kung napatunayan naman, at upang magbago siya kung kailangan. Sa isyu ng kagandahan o kapangitan batay sa mapagkunwaring batayan, alam naman ng lahat kung ano ang “kagandahan ng kalooban” at “panlabas na kagandahan”. Upang hindi lumabas na nagsisinungaling, huwag na lang magbanggit ng katagang “ganda” o “gwapo” kung may mga nakikinig na mga taong hindi naman talaga guwapo o maganda…huwag rin magbanggit ng katagang “pangit”, kung dudugtungan din lang ng “medyo”, at pampalubag ng kalooban na “nasa kalooban ang kagandahan ng tao”.

 

Kung talagang korap ang isang pulitiko, diretsahan nang sabihin ito. Huwang nang magpaikot-ikot pa dahil lamang nakikinabang din pala ang nagsasalita pagdating ng panahong nagkakabentahan ng boto. (Pareho lang pala sila!) Kung talagang maganda ang isang babae, sabihin din ito ng buong katapatan upang hindi mapagsabihang naiinggit lang ang nagsasalita kaya nag-aalangan siya sa pagpuri.

 

Maraming taga- media ang mahilig din sa paggamit ng “medyo” kung sila ay bumabatikos ng ibang tao, lalo na mga pulitiko. Ang nakalimutan nila ay walang “medyo” sa kasong libel, kaya gumamit man sila o hindi nito sa hindi nila mapatunayang bintang, kakasuhan pa rin sila, kaya, lubus-lubusin na nila kung matapang sila. Ang mga harap-harapan namang pinupuri na matalino, subalit mahiyain, ay namumula pang sasagot ng: “medyo lang po”. Kung sabihan namang pagbutihin pa ang ipinapakitang galing, sumasama naman ang loob dahil mahirap daw i-satisfy ang naghuhusga.

 

Kahit walang patumangga ang kurakutan sa gobyerno na nagresulta sa kahirapan ay lumalabas pa rin ang  “ medyo” tuwing may iniinterbyu. Tulad nang interbyuhin sa radyo ang isang nanay na tinanong kung nahihirapan sila sa buhay. Sinagot niya ito ng matamis na “medyo”. Ayaw niya sigurong marinig sya ng mga kapitbahay nila at malaman na talagang naghihirap ang kanyang pamilya, dahil hindi naman ito ang pinapakita niya kahit tadtad na sila ng utang. Dahil “siguro” dito, ang mga wala namang budhing pulitiko at opisyal ng gobyerno ay talagang nilubos na ang pagnanakaw…with true feelings pa…talagang wagas sa kalooban! Samantala, ang mga kinukunan naman ng retrato na mga taga- iskwater, ay pabebe pang nagpo-pose!

Ang Tao, Kalinisan, Pagkain, at Iba Pa

Ang Tao, Kalinisan, Pagkain, at Iba Pa

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi maganda sa isang tao ang sobra-sobrang pagiging malinis, kaya makakita lang ng pagala-galang inosenteng ipis ay animo naholdap na kung magsisigaw. Hindi masama ang maging malinis sa paligid, lalo na sa tahanan at katawan. Dapat lang nating alalahanin na lahat ng bagay, mabuti man, ay may limitasyon, tulad ng pag-inom ng gamot at pagkain. Ang binabakuna sa katawan ng tao upang magkaroon ito ng panlaban sa virus na nagiging sanhi ng iba’t ibang uri ng sakit ay virus din, kaya ang unang epekto nito ay pagkakaroon ng lagnat hanggang “masanay” ang katawan sa pagkakaroon nito. Ibig sabihin, may mga mikrobyo ding napapakinabangan ng tao, kahit ang mga ito ay itinuturing na marumi at salot.

 

May isa akong kaibigan na sa sobrang kalinisan sa bahay ay palaging pinapansin ang nalulugas na buhok ng kanyang misis kaya tuwing magsusuklay ito ay sinusundan niya at pinupulot ang mga buhok na nalalaglag sa sahig. Isang beses sinabihan uli niya ang kanyang misis ng, “o, marami na namang buhok ang nalugas mula sa ulo mo”. Napuno na yata ang misis kaya sinagot niya ang mister ng, “mabuti…ipunin mo para maihalo sa scrambled eggs bukas!”. Pinayuhan ko ang kaibigan ko na hindi tinatanggap sa korte ang nalulugas na buhok ng asawa na kumakalat sa sahig bilang dahilan ng annulment ng kasal, nang minsang humingi siya sa akin ng payo. Sa halip ay sinabihan ko siyang kumbinsihin ang asawang magpakalbo upang maibili niya ng maraming wig na iba’t iba ang pagkaayos at kulay para umayon sa kanyang mood! Hindi ko na nakita ang kaibigan ko… sana hindi sinaksak ng misis!

 

May mag-asawa naman akong kilala na dati ay bugnutin pero hinayaan ko na lang dahil parehong mahigit 70 na ang edad. Pero nang makita ko uli ay sila pa ang unang bumati sa akin. Nang tanungin ko kung ano ang pagbabago sa buhay nila, ang sabi nila, “hindi na kami madalas maglinis ng bahay”. Noon kasi habang naglilinis sila ng bahay ay minumura nila ang alikabok, at maghapon silang nakasimangot lalo pa at nakikita nila ang pagkakalat ng dalawang apo. Nadiskubre din nila na mula noong hindi na sila madalas maglinis, tuwing umaga ay may dalawa hanggang tatlong ipis silang nakikita na nagkikisay. Sabi ko sa kanila ay malamang na-“suffocate” o nalason ng naipong alikabok sa sahig ang mga ipis na ginagapangan nila. Dagdag- paliwanag ko pa ay, kaya siguro mas gustong manirahan ng ipis sa cabinet at mga sulok ay dahil wala halos alikabok sa mga ito. Bilang payo, sinabihan ko silang mag-ball room dancing na rin.

 

Maraming ospital na hi-tech ang naglilipana ngayon saan mang panig ng mundo, kasama na diyan ang Pilipinas at nagpapataasan pa ng singil. Dahil sa kamahalan ng kanilang singil, ang nakakakaya lang magpa-admit ay mayayaman, na ang kadalasang sakit ay sa puso, kanser at iba pang sakit na pangmayaman.  Subali’t hindi maipagkakaila na ang mga sakit na nabanggit ay nakukuha rin sa mga “maruming pagkain”. Ito yong mga pagkaing ipinagbawal na nga ng doctor ay patuloy pa ring kinakain. Alam na ng lahat kung ano ang mga “maruming” pagkain kaya kalabisan na kung babanggitin ko pa. Upang pabalik-balik sa mga doktor ang mga pasyente, siyempre dahil sa kikitain mula sa mahal na konsultasyon, sinasabihan na lang nila ang mga ito na kumain ng mga dapat ay bawal na pagkain “in moderation”, o hinay-hinay, o paunti-unti. Obviously, ay upang hindi bigla ang pag-goodbye sa mundo….at tulad ng nabanggit na, tuloy pa rin ang mahal na konsultasyon!

 

Ang industriya sa paggawa ng mga pagkaing dapat ay “moderate” lang daw kung kainin ay tuloy sa paglago at pagkita ng limpak-limpak upang  masupurtahan naman ang gobyerno sa pamamagitan ng buwis na binabayad nila. Ang ilang mababanggit na produkto ay processed foods na may salitre o preservative, maraming asin, food coloring, na tulad ng hot dog, corned beef,  bacon, ham, smoked fish, at mga inuming may kulay at artipisyal na lasa.

 

Sa puntong ito, gustong ipakita ng mga Tsino na nangunguna sila sa lahat ng bagay kaya pati ang paggawa ng nakalalasong artificial na bigas, sotanghon, alak, at pati ang itinanim na ngang bawang ay inaabunuhan din ng isang uri ng fertilizer na nakakalason sa tao, upang maging “matibay” at hindi mabulok agad sa imbakan. Ang masama lang, artificial at nilason na nga ang mga pagkain ay nakikipagsabwatan pa ang mga Tsino sa mga walang puso at konsiyensiyang mangangalakal sa Pilipinas upang maipuslit ang mga ito kaya hindi napapatawan ng karampatang buwis. Kung sa bagay, paano nga namang maipapadaan sa legal na proseso ang mga produktong bawal?  Maliban lang siyempre…. kung palulusutin naman ng mga buwaya at buwitre sa Customs!

 

Ang legal namang buwis na nalilikom ay ginagamit ng gobyerno sa mga proyektong kailangan ng bansa at mga mamamayan sa pangkalahatan. Kaya masasabing may pakinabang din pala ang paggawa ng pagkaing unti-unting pumapatay sa tao…. isang paraan nga lang ng pagsi-self annihilate o pagpapakamatay…. upang makontrol ang paglobo ng populasyon…na ang ibang paraan ay giyera, kalamidad tulad ng bagyo, baha, lindol, at matinding tag-tuyot!

 

Kung hindi dahil sa nabanggit na mga paraan, baka pati sa tuktok ng mga bulkan ay may mga condominium at subdivision dahil sa dami ng mga taong aabutin ng mahigit 100 taong gulang bago mamatay…at  baka biglang mawala ang wildlife na magiging delicacy na rin dahil sa kakulangan ng pagkain…at baka magiging bahagi na rin ng pagkain ng tao ang minatamis na mga dahon at balat ng kahoy!

 

Sa Tsina ay delicacy ang talampakan ng oso o bear. Sana ang magagaling na Tsinong chef ay makadiskubre ng masasarap na recipe para sa buwaya, buwitre, at hunyango…marami kasi nito sa Pilipinas para mapandagdag sa pagkain ng mga Pilipinong nagugutom dahil ninanakaw ng mga walang kaluluwa ang pera ng bayan!

 

Nang Dahil sa Sobrang Privacy at Kayabangan…(mga kuwentong kapupulutan ng leksiyon)

Nang Dahil sa Sobrang Privacy at Kayabangan…

(mga kuwentong kapupulutan ng leksiyon)

Ni Apolinario Villalobos

 

Mahalaga sa buhay ng tao ang pakikipagkapwa at ang pagiging simple lang sa buhay. Pwedeng ipagmalaki ang mga biyayang natamo dahil pinaghirapan pero hindi dapat ipagyabang. Ang pagmamalaki ay hindi masyadong mabigat ang dating hindi tulad ng pagyayabang kahit halos pareho lang ang ibig sabihin ng dalawang kataga.

 

Nagpapakita ng sobrang privacy ang iba kung ayaw nilang lapitan sila ng mga nagso-solicit, o ng mga namumulot ng basurang makikiinom na kumakatok sa gate, o di kaya ay mismong mga kapitbahay na feeling nila ay “poor” at hihingi lang ng walang katapusang tulong . Halos hindi din sila nakikita sa labas ng bahay, dahil wala silang pakialam sa mga kapitbahay, na okey sana kahit papaano, subalit kung haluan ng pagmamataas dahil sila ay nakakaangat sa buhay daw…iba na ang usapan. Ang isang paraan sa pagpapahiwatig na ayaw nilang maistorbo dahil hindi naman daw sila nakikialam sa iba, ay ang pagpapalakas nila ng tugtog. Kung magpa-party naman, ang mga imbitado ay mga taga-ibang lugar, puro may kotse kaya ang kahabaan ng kalye sa tapat nila ay umaapaw sa mga ito. Alam ko ito dahil kuwento ito ng isa kong kaibigan na ganito ang ugali, na nagkaroon ng mga kaibigang nakilala lang niya sa mga party kaya hindi niya gaanong alam ang mga pagkatao.

 

Ang kaibigan kong ito ay kumakagat sa mga business proposal na inaalok  sa kanya ng mga taong tingin niya ay mayaman naman. Hindi pumasok sa isip niyang siya ay ginagamit lang. At upang ipakita na kahanay siya ng mga ito sa “mataas na lipunan”, kahit walang alam sa golf ay bumili ng mga gamit upang makasabit sa paggo-golf ng mga ito. Puro naman siya sablay sa palo, kaya kadalasan ay nakaka-tatlong kape siya habang nanonood na lang. Paanong hindi sasablay ay mataas lang siya ng one foot sa mga golf clubs! Siya din ang nagkukuwento ng mga “adventure” daw niya pati ang pagsasama niya sa mga casino, sabay tawa.  Pagkatapos ng golf ay naghahatid pa siya sa dalawang kaibigang tamad magmaneho ng kotse nila, pero ang gamit naman ay kotse niya.  Hinihiraman din siya ng mga gamit na kailangan daw sa opisina. Upang ipakitang kaya niyang gumastos, bumibili pa siya ng ibang mga kailangang gamit.

 

Sa kasamaang palad, bago niya namalayan ay nalusaw na pala ang kanyang mga investment, laspag ang kotse at ang mga gamit na pinahiram para sa opisina ay hindi na naibalik. Naka-apat siya ng “business ventures” na inalok ng mga ka-golf niya, na puro nauwi sa wala. Nang mag-usap kami minsan nalaman ko na ang gusto lang sana niyang mangyari ay “makita” ng ibang tao na siya ay isang “businessman” tulad ng dalawa niyang kapitbahay na may mga puwesto sa mall…kaya ang inipong pera para sa retirement nilang mag-asawa ay halos nasaid. Ngayon ang bahay nila ay nakasangla, may sakit pa silang mag-asawa sa puso dahil sa nervous breakdown. Ang mga dating ka-sosyo at ka-golf ay halos hindi na pumapansin sa kanya. Pinaliwanagan naman daw siya, pero ang sabi ay, “…ganoon talaga sa negosyo, minsan ay sinusuwerte pero kadalasan ay bumabagsak”.  Ang kaibigan ko ay dating manager ng isang multi-national company sa Saudi….na ang kuwento ng buhay ay “from rags to riches”….na kadalasan namang nagreresulta sa pagiging social climber.

 

Yon namang isa kong kilala ay mahilig magpakita ng mga biyaya, ibig sabihin ay mayabang. Setyembre pa lang ay nagtodo na sa paglagay ng mga Christmas lights sa loob at labas ng bahay na dati na niyang ginagawa.  Kahit masikip na ang bahay, ay may Christmas tree pa rin na umabot ang taas sa kisame. Nang pumunta ako sa kanila sa Pasay isang gabi ng Oktubre, nakita kong halos naglalagablab na ang bahay nila sa dami ng Christmas bulbs. Nagpayo uli ako na baka masunog sila. Ang sagot sa akin ay hayaan na lang dahil mura lang naman daw ang pagkabili ng mga Christmas bulbs at mabuti nga dahil napapansin agad ang bahay nila.

 

Makalipas ang dalawang linggo, nang pasyalan ko uli, nagulat ako dahil mahigit kalahati ng bahay nila ay naging uling. Ang kaibigan ko naman at pamilya niya ay nakikitira na lang ngayon sa isang pinsan na binabayaran niya ng tatlong libong piso isang buwan para sa isang entresuwelo o extension ng bahay – sa isang slum area malapit sa kanila.

 

Yong isa pang kuwento ng kayabangan at sobrang privacy ay tungkol naman sa isang pamilya na feeling mayaman na, kahit hindi pa naman. Malakas magpatugtog kaya hanggang sa ikaapat na bahay mula sa kanila ay abot ang ingay na animo ay galing sa isang videoke unit. Gusto yatang ipabatid na palaging may party sa kanila. Hindi rin sila nakikisama sa mga kapitbahay.

 

Isang araw ay pinasok sila ng mga magnanakaw. Ang nakita ng isang kapitabahay ay nakaparadang mamahaling kotse at van sa labas nila at naririnig pa rin ang malakas na tugtog. Sunod na nakita naman ay tatlong lalaki na disente ang mga ayos at mukha na lumabas ng bahay at may mga bitbit na gamit.  Hindi sila pinansin ng mga kapitbahay, kahit nakailang beses sila ng hakot ng iba’t ibang gamit sa van. Bandang huli, nakita silang lumabas ng pinto na halos pasigaw pang “nagpaalam” sa kung sino man sa loob ng bahay.

 

Nalaman na lang mga kapitbahay na may nangyari palang nakawan nang dumating ang nanay ng kasambahay ng may–ari ng tinutukoy kong bahay. Pabalik-balik na pala ito at inabot na ng hapon sa katatawag sa gate pero hindi pinagbubuksan. Dahil nag-alalang baka ikinulong ng mga amo ang anak niya, tulad ng mga kuwentong napapanood sa TV, humingi ito ng tulong sa Barangay. Ang ginawa ng isang Barangay tanod ay umakyat sa pader na lampas-tao at sumilip sa bintana, pero nagulat siya dahil hindi nakakandado ang pinto nang subukan niya itong buksan. Nang pumasok siya, naghinala siya na pinagnakawan ang bahay dahil halata ang mga pinagtanggalan ng mga appliances, may mga kawad pa kasing naiwan. Ang mga miyembro naman ng pamilya na nakagapos at may mga tape sa bibig ay pinagsisiksikan na parang sardinas sa banyo. Ang anak na dalagita ay nakita sa isang kwarto at nalamang na-rape pala! Ang hinala ng mga taga-barangay ay pinalitan ng mga magnanakaw ang kandado ng gate upang hindi mabuksan ng sasaklolo kaya nai-lock nila ito nang sila ay umalis.

 

Ang hirap lang sa iba nating kapwa nilalang ng Diyos, nang magkaroon ng pera ay “feeling secured” na kaya para sa kanila ay hindi na nila kailangan ang tulong ng ibang tao. Ang dasal ko….sana ay magbago sila ngayong pasko….Amen?

Ang Pagmumura at si Duterte

Ang Pagmumura at si Duterte

Ni Apolinario Villalobos

 

Dapat mag-ingat kahit kaunti si Duterte dahil tumitindi ang smear campaign laban sa kanya. Noon ay ang patagong banat sa kanya laban sa kanyang “pambabae” daw at “salvaging”. Mabuti at siya mismo ay nagsalita na tungkol sa mga bagay na ito at umamin pa, kaya wala nang mauukilkil tungkol sa mga ito upang hantarang ibabanat sa kanya. Isa sa mga tinitingnan ngayon ng mga naninira laban sa kanya ay ang ugali niyang pagmumura. Masama mang banggitin, may ginagamit na mga taga-media ang mga kalaban niya kaya sa isang iglap, kalat agad sa buong bansa kung may masambit man siyang pagmumura. Wala tayong magagawa dahil yan ang kalakaran ng pulitika sa Pilipinas.

 

Ang malas, “tinuka” niya ang pain na tanong tungkol sa pagdating ng santo papa, sa pagsagot subalit may kasamang pagmumura. Pinagpipiyestahan ng mga maninira ang ugali niyang pagmumura at pagiging prangka. Dahil sa ginagawa niyang pagmumura ay nagiging tactless siya.

 

May mga taong naging ugali na ang pagmumura kaya automatiko ang pagsambit ng maaanghang na salita na naging bahagi ng kanyang bokabularyo. Dapat baguhin ang ganitong pag-uugali na hindi man dinidekta ng puso ay masama ang epekto lalo sa mga taong banal kuno pero mahilig namang magbanggit ng “for Christ’s sake” o “for God’s sake” na mas matinding blasphemy at laban sa isa sa mga kautusan sa Ten Commandments. Ang mga banal na ito ay nagsa-sign of the cross pa kapag nakarinig ng masama o nakakita ng masama. Bakit hindi na lang sila maglagay ng busal sa mga tenga o di kaya ay maglagay ng pantakip sa mga mata na ginagamit ng mga kutsero sa kanilang kabayo para diretso ang kanilang tingin kapag naglalakad sa kalye? Pero kung marinig lang sila kung murahin nila ang kapitbahay at kasambahay kahit pa kararating lang nila mula sa simbahan dahil dumalo sa misa……..nakuuuu!

 

Upang maipakita ko ang katapatan sa binabahagi ko tungkol sa pagmumura at upang maging makatotohanan ang mga sinasabi ko, aaminin kong nakikita ko ang sarili ko kay Duterte dahil naging bahagi na rin ng pananalita ko ang pagmumura tulad ng “tangna” na pinaiksing “putang ina”, ang “belatibay” na pinaiksing “latibay” upang hindi masyadong maanghang pakinggan, at ang pabulong na “..hit” na sana ay “shit”, pero hindi pa rin nawawala ang “yodiputa”. Tulad ni Duterte, marami rin ang nagalit at nakadanas din ako ng panlilibak dahil sa pagmumura ko. Ang masakit lang, ang iba pala sa kanila ay matindi naman palang manira ng kapwa!

 

Sa mga naging president ng Pilipinas ang kilala sa pagmumura ay si Manuel L. Quezon na ang ginagamit na kataga ay mula sa wikang Kastila…maraming nagalit sa kanya noon lalo na ang mga kasama niya sa gobyerno na karamihan ay nakatikim ng pagmumura mula sa kanya. May dati akong boss na ang ginagamit na salita ay “Jesus Christ” or “Jessezzzz” sabay hawak sa kanyang noo…at ngayon ay malamang kasama na niya dahil namayapa na siya. Yong isang kaibigan ko naman ay paborito ang “damn you” at “go to hell”, patay na rin siya at malamang ay nandoon na rin siya. Yong isa pa ay “demonyo ka” o di kaya ay “demonyo” lang kung walang kausap pero nadapa o nauntog o may nakalimutan sa bahay.

 

Ang pagmumura ay isang paraan upang lumuwag ang naninikip na dibdib ng isang taong galit. Sa halip na lakas ang gamitin niya sa pamamagitan ng pagsuntok sa kausap o manira ng anumang gamit na mahawakan ay dinadaan na lang niya sa pagmumura.  May nasimulan naman sa Japan na pantanggal ng tension na sanhi ng paninikip ng dibdib, at ito ay ang pagsigaw kahit halos namamaos na. Subalit may paraan na ngayon upang mapalitan ang ganitong uri ng paglabas ng galit, sa pamamagitan ng paghinga ng malalim o “deep breathing”. Sa kamalasan, may isa akong kaibigan na sa sobran galit ay pinilit ang sunud-sunod na deep breathing kaya hinimatay dahil na-choke…kinapos ng hangin! Ayaw kong mahimatay tulad niya.

 

Ang problema sa kultura natin na may pagka-colonial pa rin, kapag ang pagmumura ay ginawa sa English o Kastila, parang wala lang ang epekto, pero kung ang pagmumura ay ginawa na sa Pilipino, ang nakakarinig, lalo na mga banal daw ay para nang natapunan ng ipot ng pusa sa mukha. Hindi ko sinasabing hindi masama ang pagmumura. Subalit dapat ay maghinay-hinay sa paghusga sa mga taong nagmumura. Mabuti nga lumabas ang masamang salita lang mula sa kanya, hindi tulad ng ibang nagbabanal-banalan na ang masamang ugali ay nagkakaugat sa puso nila at diwa kaya habang tumagatal ay yumayabong pa. Ang pagmumura namang inilalabas ay walang pagkakataong yumabong dahil….yon nga, ibinuga na ng bibig!

 

Narinig ang tape tungkol sa pagmumura ni Duterte sa santo papa, kaya malinaw na ginawa nga niya. Isa itong maituturing na “tactlessness” o kawalan ng pasubali o ugaling bara-bara sa salitang kanto….na talagang mali. Subalit si Duterte ay kilala sa paghalo ng mga biro sa kanyang pananalita, kaya malamang, para sa kanya ay joke ang sinabi niya….pero joke na masama o hindi nararapat dahil si Francs bilang pinakamataas na lider ng simbahang Katoliko ay tinuturing na banal kay tinawag na “santo papa”.

 

Kilalal sa pagbiro ang mga Bisaya, na kahit maanghang sa pandinig ay hindi naman bukal sa kalooban ng nagsabi, tulad ng pabirong “gi-atay ka”  o “lilinti-an ka” na ang mga kahulugan ay ayaw ko na lang sabihin. Mabuti na rin ang ginawang pagpuna kay Duterte, para hindi isipin ng santo papa na tino-tolerate ng mga Pilipino ang ganitong ugali…at baka hindi na siya magsalita ng blessing sa Pilipino tuwing mamintana upang magbasbas sa mga taong nag-aabang sa kanya.

 

Pero, sa isang banda, kung papipiliin ako sa pagitan ng isang taong nagmumura subalit ang layunin ay magkaroon ng pagbabago sa isang sistema ng gobyerno na may makapal na kulapol ng korapsyon at may napatanuyan na, at sa isang taong namang dahilan ng kagutuman at kahirapan ng buong bayan dahil sa kawalan ng malasakit, kahit hindi pa nagmumura at animo ay larawan ng pagkabanal at pagka-santo na pagkukunwari lang pala….ang pipiliin ko ay ang nagmumura!

 

Ang ginawa ni Duterte kahit pa maituturing na joke ay patunay sa binitiwan niyang babala noon na kung maging presidente siya ay wala siyang sasantuhin….kaya humanda na sila!