Ang “Pagbabarya” o “Pagsusukli”
Sa Tulong na Natanggap
ni Apolinario Villalobos
May mga taong kung tumulong sa kapwa ay nagsasabi na hindi na kailangang ibalik sa kanila ang kanilang naitulong. Nakagawian namang sa pagbalik ng tulong o pagtanaw ng utang na loob, kailangang ang katumbas ay katulad ng naitulong. Kung hindi talaga maiiwasan, ang mga natulungan na hindi kayang magbalik ng katumbas ng tulong na natanggap nila ay nagsasabi na “babaryahan” o “susuklian” na lang nila, na ang ibig sabihin ay hihimayin ang halaga ng tulong sa mas maliit na katumbas na makakaya nilang ibalik. At kung hindi man maibalik sa tumulong ay maaaring ipasa naman sa iba. Ang huling nabanggit ay magandang paraan sa pagpapakalat ng adhikain ng pagtulong sa kapwa sa ano mang paraan.
May mga natulungan naman na sa halip na magpasalamat ay kinukutya pa ang uri ng tulong na ibinigay sa kanila. Tulad na lang ng nangyari sa isang basketball gym na pinuntahan ng grupo namin na boluntaryong tumulong sa mga nasalanta ng baha, kung saan ay nakarinig ako ng parunggit ng isang babaeng kasama ng mga biktima. Ang sabi niya ay may amoy ang bigas na ibinigay. Sinabi ko na ang bigas ay NFA, hindi commercial rice na karaniwang mabango. Noong minsan ding kumain ako sa isang karinderya, may mag-ina na dumating, subali’t matagal silang patingin-tingin lang sa naka-display na mga ulam. Dahil inakala kong kapos sa pambayad, inalok ko sila ng mga ulam na sa tantiya ko ay kaya pa ng natira kong pera. Nang omorder ako ng monggo at piniritong galunggong para sa kanila, sabi ng nanay, “huwag na lang, iyan din ang ulam namin kagabi, nakakasawa na”, sabay alis. Ang ulam ko naman noon ay monggo lang dahil nagtitipid ako.
Ang pinakamagandang paraan ng pagtulong sa kapwa ay ang hindi pagpapakilala ng sarili. Pagsasabihan na lang ang mga natulungan na ipasa sa iba ang tulong kung magkaroon sila ng pagkakataon. Sa pamamagitan nito ay mapipilitan ang mga natulungan na talagang sa iba ipasa ang tulong dahil hindi nga nila kilala ang nagbigay. Sa isang banda, kung ang namamagi ng tulong ay kilala nang mga grupo na ang turing sa kanila ay instrumento lamang ng mga taong gustong tumulong, kailangan ang pagpapakilala para malaman ng mga nag-ambag ng mga tulong na talagang naipamamahagi ng maayos ang ibinigay nila. Pero dapat ang ipakilala ay ang grupo, hindi ang namumunong tao o mga tao.
May mga tao namang nanunumbat kung ang mga natulungan nila ay hindi tumatanaw ng utang na loob. Ito ang ugali ng mga pulitiko na ang isang paraan ng panunumbat ay ang hindi pag-asikaso sa mga pangangailangan ng mga taong hindi bomoto sa kanila sa kabila ng pamimigay nila ng pera sa mga ito sa panahon ng kanilang pangangampanya.
Ang pinakadapat alalahanin palagi na dapat pasalamatan ng mga Romano Katoliko ayon sa kanilang paniniwala ay si Hesukristo na nagbuwis ng buhay para sa sangkatauhan. Subali’t nakakalungkot isiping may iba sa kanila na naniniwalang sa panahong ito, hindi na “uso” si Hesukristo dahil dahil meron na silang pera na magagamit pagdating ng kanilang pangangailangan. Naharangan ng kinang ng pera ang kanilang paningin kaya hindi na nila matanaw ang isa pang mahalagang pangangailangan ng tao…ang bagay na ispiritwal.