Agos ng Buhay….para kay Jose “Direk Joecar” N. Carreon

Agos ng Buhay
(para kay Jose “Direk Joecar” N. Carreon)

Ni Apolinario Villalobos

Sa pagdaloy ng agos ng buhay
Hindi tiyak kung ano ang matatangay
Maaaring ito’y mabubulasaw, umalon-alon
Dahil sa mga bato’t bumabagsak na dahon.

Ano man ang humarang sa agos
Dike man ito o saplad, akala’y maayos
Hindi tatagal sa agos, nagpipilit, umaalma
Parang taong naglalabas ng mga nadarama.

Yan ang buhay ng taong matalino
May matingkad sa pagkabusilak na puso
Tahimik man at matipid sa mga pananalita
Walang yabang, kaya mahal ng kanyang kapwa.

Buhay na payak, kanya’y nilakhan
Hinubog din sa maaliwalas na tahanan
Bihira ang ganyang taong hinog sa panahon
At, yan si “Direk Joecar”… o Jose Nadal Carreon!

(Halaw ang tula mula sa kuwento nina Gene at Maggie Asuncion…
At alay din ng “MIGHTY MITES GROUP” ng University of the Philippines High, Class ’60)

(Posted in facebook, penpowersong.wordpress.com, and penpowersong.blogspot.com)

Dr. Avelino L. Zapanta…Mananalaysay ng Lakbay-himpapawid at Kalakalan nito sa Pilipinas

Dr. Avelino L. Zapanta…

Mananalaysay ng Lakbay-Himpapawid

At Kalakalan nito sa Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

Kulang ang ibig sabihin ng titulo sa pagtukoy ng kaalaman ni Dr. Avelino L. Zapanta, at “Lino”, naman sa kanyang mga kaibigan pagdating sa kasaysayan at kalakalan ng lakbay-himpapawid sa Plipinas. Mabigat ang dating ng salitang mananalaysay o “historian” dahil sa lawak ng saklaw nito pagdating sa kultura ng isang bayan, kaya hindi ko na dinagdag pa sa titulo ang kanyang pagka- Presidente ng Philippine Airlines na tumagal ng maraming taon, at ngayon ay bilang Presidente at CEO naman ng SeaAir.

Tulad ng iba pang mga natatangi at nakaka-inspire na mga empleyado ng Philippine Airlines, nagsimula din siya sa mababang puwesto. Maganda ang animo ay pagtuntong niya sa mga baytang ng hagdan ng tagumpay upang marating ang pinakarurok na puwesto sa kumpanya, at iyan ay bilang isang Presidente. Naging Supervisor, Manager, Director, Assistant Vice-President, Vice-President, at Senior Vice-President din kasi siya ng iba’t ibang departamento ng PAL, hanggang maging Presidente. Kung baga sa prutas, siya ay hinog sa panahon. Kaya nang maging Presidente siya ng kumpanya ay alam na niya mula sa kaibuturan ng kanyang puso at isip, ang lahat ng mga bahagi ng operasyon ng Philippine Airlines, na itinuturing na flag carrier ng bansa.

Nang dumating ako sa opisina ng Marketing and Sales-Philippines na nasa Administrative Offices Building (AOB) na ngayon ay Data Center Building (DCB) na, at sa tapat ng unang Manila Domestic Airport noong kalagitnaan ng dekada sitenta, natanaw ko si Dr. Zapanta sa kanyang “cubicle” bilang manager ng Cargo Division, at subsob ang ulo sa mga ginagawa. Ang tanawing iyon ay hindi na nasundan pa dahil ipinadala ako sa Tablas station (Romblon), sa paghikayat na rin ni Gng. Mila Limgenco na Market Planning Analyst ng Luzon Sales Area, na nasa ilalim naman ni G. Federico Pabelico bilang Area Sales Director (puwesto na naging Assistant Vice-President, kalaunan).

Noong panahong nasa Tablas ako, tuluy-tuloy na pala ang paggawa ng departamentong pinasukan ko, ng mga alituntunin at mga pulisiya para ipaloob sa isang libro o manual na siyang magiging batayan ng mga desisyon na aangkop sa lahat ng sitwasyon sa pagpapatakbo ng kumpanya, gaya ng pagtawag o pagpunta sa ticket office upang magpareserba o bumili ng ticket, pag-check- in sa counter, pagpadala ng cargo, pag-arkila ng eroplano, pagdating ng pasahero sa airport ng destinasyon, pag-asikaso ng mga pasahero kung naantala ang paglipad ng eroplano dahil sa bagyo o pagkasira nito, hi-jacking, at pagtulong sa lokal na pamahalaan na may dinadayong festival tulad ng Ati-Atihan at Moriones.

Sa utay-utay na paraan, naiipon nila ang mga ideya mula sa mga empleyadong hinugot pa mula sa mga domestic stations upang makibahagi sa proyektong ito. Nang ilipat ang departamento sa 5th Floor ng Vernida Building sa Legaspi St. ng Greenbelt (Makati), lalong sumidhi ang paggawa ng mga manual. Ito ang panahong gumawa si Dr. Zapanta ng isang malaking flow chart o daloy ng mga karampatang aksyong tutugma sa mga sitwasyon, na nabanggit na. Gamit ang pinagtagpi-tagping illustration papers, ang nabuo ay animo higanteng diagram ng isang radyo na sumakop sa kabuuhan ng isang dingding ng Conference Room!

Ang mga ideya galing sa mga analysts ng Standards and Coordination Division, mga representatives ng outlying stations, Reservations Division, Cargo Division, at tinatalakay naman sa mga magdamagang miting ng komiteng pinamumunuan ni Dr. Zapanta ay pinapaloob sa mga nakalaang Manual at pinipresenta ni G. Ricardo Paloma sa management ng PAL upang maging official na mga pulisiya o alituntunin ng kumpanya. Kalaunan, ginaya ito ng Marketing and Sales –International Department na ang saklaw ay operasyon ng PAL sa ibang bansa.

Sa huling yugto ng proyekto ay napasama ako, at doon ko uli nasilayan si Dr. Zapanta. Nabigla man ako sa mga puyatang nangyari, nakisabay na lang ako. Noon ko natutuhang uminom ng kung ilang tasa ng kape upang tumagal. Subali’t iba si Dr. Zapanta, dahil pagsapit ng hatinggabi, habang kaming mahihina sa puyatan ay nagnanakaw ng ilang kisap-matang idlip, siya ay tuloy pa rin sa pagsulat, at paggising naming pupungas-pungas pa sa madaling araw, ngingitian lamang niya kami habang tuloy ang pagsulat sa malaking flow chart!

Kung sa panahon ngayon, malamang ay gumastos na ng malaki ang kumpanya sa pag-upa ng isang research outfit upang gumawa ng mga Manual, subali’t nagdesisyon si G. Ricardo Paloma, ang Regional Vice-President ng departamento na gamitin ang kaalaman ng mga empleyado, at hindi naman siya nagkamali dahil lumutang ang iba’t ibang galing ng mga ito. (Tatalakayin sa isa pang blog ang mga “unsung heroes” na ito).

Dahil sa malawak at first- hand na kaalaman ni Dr. Zapanta tungkol sa operasyon ng PAL, na nadagdagan pa ng kanyang pagsubaybay sa masiglang pagsibol ng industriya, maituturing siyang isang historian o mananalaysay nito, at isa ring airline management authority, na ang kakayahan ay hindi matatawaran. Wala nang iba pang Pilipino ang maaaring umako ng ganitong kakayahan. Ayon kay Dr. Zapanta, ang pagpapalabas niya ng kakayahang ito upang makatulong sa pagpaunlad ng PAL at ng industriya, ay hindi niya itinuturing na “sakripisyo”. Sa halip, ang mga ginawa at ginagawa pa niya ay pagpapakita niya ng pagmamahal sa larangang pinili niya at pagmamalasakit ng buong puso sa kumpanyang nagtiwala sa kanya – ang Philippine Airlines.

Wala pang gaanong naitalang kasaysayan ang industriya ng lakbay-himpapawid sa Pilipinas, maliban na lamang sa mga mangilan-ngilang impormasyong nababanggit sa mga naisulat ng mga banyaga na may kaugnayan naman sa industriya na saklaw ang buong daigdig. Ang mga librong isinulat niya na sumaklaw sa kabuuhan ng kasaysayan ng lakbay-himpapawid sa Pilipinas ay may mga pamagat na, “HISTORY OF PHILIPPINE AVIATION”, at “100 YEARS OF PHILIPPINE AVIATION, 1909-2009: A FOCUS ON AIRLINE MANAGEMENT”. Ang ikalawang libro ay mabibili sa mga outlet ng Central Book Supply, Inc., tulad ng SM Megamall (5th level, EDSA, Mandaluyong, Tel. 6381088); Ever Gotesco (Manila Plaza Mall, CM Recto Ave., Manila, Fax 7346178); Aldevinco Shopping Center (19A Building A, Roxas St., Davao City, Tel. 2241070); West Concourse (Limketkai Mall, Lapasan, Cagayan de Oro City, Tel. 8566961); at GV Building (P. del Rosario St., Cebu City, fax 2530784). Maaari ring makipag-ugnayan sa Head Office (Phoenix Building, 927 Quezon Avenue, QC, Tel. 3723550) para sa maramihang bibilhin o di kaya ay sa may-akda mismo, sa kanyang cellphone number 09178320711, email na alzapanta@yahoo.com, at facebook gamit ang buong pangalan niya.

Si Dr. Zapanta na nagtapos ng kurso sa University of the Philippines at nagtamo ng Masters of Business Administration (MBA) sa Ateneo de Manila University, sa kabuuhan ay nakagugol ng 38 na taon sa Philippine Airlines, at apat pang taon bilang Presidente at CEO ng SeaAir na ginagampanan pa rin niya hanggang sa kasalukuyan.

Hindi pa rin ganap na kuntento si Dr. Zapanta sa mga nagawa na niya, kaya tuloy pa rin siya sa pagtrabaho at pagsusulat, na malamang ay nasisingitan ng mga tula at script na pang-pelikula… na dati na niyang ginagawa noon pa mang hindi pa siya empleyado ng Philippine Airlines. Nagbabahagi din siya ng kaalaman sa tinatalakay na larangan sa pamamagitan ng pagbigay ng mga lecture sa Asian Institute of Tourism(AIT) ng University of the Philippines at sa Institute of Graduate Studies ng Philippine State College of Aeronautics (PhilsSCA) . Dapat magpasalamat ang bansa at ang sambayanang Pilipino sa naiambag na ito ng isang taga-Taytay, Rizal, na tinaguriang lalawigan din ng mga pintor, dibuhista, kompositor, at manlililok, partikular na ang bayan ng Angono.

Kristel….para kay Kristel Tejada

Ito ang isang halimbawa ng kawalan ng katotohanan sa mga pinagsasabi ng gobyerno na walang problema ang mga Pilipino pagdating sa edukasyon….

 

 

Kristel

(For Kristel Tejada)

 

By Apolinario Villalobos

 

Isang batang may payak na pangarap

Na parang bulang nawala sa isang iglap

Piniling wakasan ang mahalagang buhay

Hindi niya nakayanan ang bigat ng lumbay.

 

Sa YUPI* nag-aral SANA bilang iskolar

Kaya sa murang gulang, sipag ay pinairal

Subali’t iba kung humagupit ang kahirapan

Taglay na talino, di pinahalagahan ng paaralan.

 

Kung ituring siya ay iskolar dapat ng bayan

Subali’t ni minsan, ito’y di niya naramdaman

Sa murang gulang, laging nagtatanong, may luha

“Makapag-aral lang, bakit kailangan pang magdusa”?

 

Mga magulang, sa kanila’y di nagkulang ni minsan –

Sa kanilang magkakapatid, na nakitaan ng katalinuhan

Ang amang paminsan-minsan may naipapasadang taksi

Palaging dasal na sana malakas ang kita, may perang maiuwi.

 

Binayarang pagka-iskolar sa kabila ng kanilang kahirapan

Obligasyong ni sa hinagap ng magulang ay di tatakbuhan

Subali’t sa napakaliit na dahilang naantala ang pagbayad nila

May pinagawa pang “letter of repentance”, wala ring halaga!

 

Bakit ang isang Kristel, kailangan pang sa mundo’y mawala

Maipakita lang na nangingibabaw sa mundo, pagkagahaman sa pera?

Nasaan ang puso, pang-unawa, at damdamin ng mga taong iniluklok?

Na sana’y makakaagapay, o talaga kayang sagad sa buto na ang pagkahayok?

 

*University of the Philippines-Manila.

 

(Nayanig ang Pilipinas sa balitang may isang batang nagpatiwakal gamit ang lasong panlinis ng pilak. Hindi daw makapagpatuloy ng pag-aaral dahil walang pambayad sa matrikula. May mga nagsisi sa mga magulang na nagpabaya, may mga nagsabi na mababaw na dahilan ang pagpapakamatay. Sa banding huli, nalaman na may pambayad naman pala, nguni’t naantala lamang, subali’t hindi tinanggap ng paaralan. May nagsabi pa na nanikluhod ang ina sa Chancellor ng paaralan subalit wala ring nangyari, pati na ang pagpapasulat ng “letter of repentance” (na ewan kung ano ito, bakit hindi na lang promissory note kasi). Sa isang batang may pangarap sa buhay at alam niyang kaya niyang abutin ito dahil sa paniniwala sa taglay niyang talino, ang sama ng loob ay hindi niya kayang isigaw. Sa murang edad, siya ay hindi pa nalalantad sa masalimuot na buhay sa mundo – na kailangang maging palaban at matapang ng isang tao upang malampasan ang mga pagsubok. Sa malumanay na pananalita ng ina, mararamdaman ang kababaan niya ng loob na maaring ginamit niya sa paghubog sa kanilang mga anak, kasama na si Kristel.)