Kung Pangkaraniwang Tao…Weird, Pero Kung Sikat na Tao…Kahanga-hanga!

Kung Pangkaraniwang Tao…Weird,

Pero Kung Sikat na Tao…Kahanga-hanga!

ni Apolinario Villalobos

 

Kung ordinaryong tao ang magsuot ng damit na may butas at kupas, sinasabi ng iba na weird siya at hindi marunong mag-ayos, pero kung sikat na tao ang gumawa nito, siya ay kahanga-hanga at dapat tularan. Kung isang ordinaryong tao ang gagamit ng mga herbal alternative medicines na hindi ginagawa ng iba, ang turing sa kanya ay weird kaya hindi ginagaya, pero kung artista o sino mang sikat ang gagawa nito, mabilis pa sa alas-kwatro kung sila ay gayahin.

 

Kung ang isang pangkaraniwang tao ay naglalakad patungo sa opisina o eskwela, sinasabi ng iba na poor kasi, walang pamasahe, kawawa naman, pero kung sikat na tao ang gagawa nito…good for the health daw kaya tinutularan. Kung ordinaryong misis ang magsasalita tungkol sa buhay niya o di kaya ay tungkol sa buhay ng iba, ang tawag sa kanya ay tsismosa, pero kung kilalang tao, lalo na si Kris Aquino ang gagawa nito, tawag sa kanya ay “taklesa” o walang preno o careless lang.

 

Ganyan ang ugali ng KARAMIHANG tao, tumitingin sa panlabas na anyo ng kapwa. Para bang sinasabi nila na kung hindi simpleng shorts at t-shirt lang ang suot ay ayaw na halos pagkatiwalaan. At kadalasan din na kung walang alahas na suot, etsa puwera na siya dahil walang class. At ang pinakamatindi ay ikinahihiya pa ng mga kaanak!

 

Sa isang sosyal na kainang napuntahan ko, ang nagpa-party ay nagtalaga ng mga professional receptionists na kasama sa package ng caterer. May nakasabay akong babaeng may edad na at napaka-ordinaryo ang suot, simple lang din ang ayos, yon nga lang ay nakasapatos ng lumang klase na kulay itim, pero wala rin maski mumurahing hikaw man lang. Nagpakilala siya sa receptionist pero ang apelyido niyang binanggit ay hindi kapareho ng nagpa-party kaya may pinuntahan sa di-kalayuan, may kinausap na isang babae, sabay turo sa matandang babae, na nilapitan naman ng kinausap ng receptionist. Narinig kong tinawag na “auntie” ng lumapit ang matandang babae at halos inakay  palabas ng venue, pinaupo sa isang sofa. Nang umalis ang tumawag ng “auntie”, nilapitan ko ang matandang babae at tinanong ko kung kaanu-ano niya ang nagpa- party. Ang sagot niya ay pamangkin daw, anak ng kapatid niya, at inalagaan daw niya hanggang makaalis  papuntang Amerika noong tin-edyer pa lang. Matagal na daw silang hindi nagkita kaya nang malaman niyang nasa Maynila ito ay lumuwas pa mula sa Lemery, Batangas!

 

Bisita lang din ako sa binanggit kong party, pinilit lang akong isama ng kaibigan ko upang ipakilala sa nagpa-party at sabi sa akin ay may ipapa-edit daw na blueprint ng librong isinulat niya sa States. Hindi pa ako nakilala ng nagpa-party dahil hinintay ko pa ang kaibigan kong kaibigan niya. Naisip kong pagkakataon ko na sanang kumita ng perang pandagdag ko sa pondong iniipon ng maliit naming grupo para pambili ng mga regalo sa mga natutulog sa mga bangketa bago magpasko, kaya kahit umiiwas ako sa mga party ay pinagbigyan ko ang kaibigan ko.

 

Dahil sa pangyayari, hindi ko na lang hinintay ang kaibigan ko. Ang matandang babae naman ay nalulungkot at nahalata kong namumutla kaya tinanong ko kung kumain bago umalis ng Lemery. Sabi niya ay hindi pa…at sa oras na yon na halos ay alas dose na, talaga namang mamumutla siya. Sinubukan kong imbitahing kumain sa isang karinderyang nadaanan ko nang pumunta ako sa venue ng party, at pumayag naman siya. Sa karinderya ay sinabihan ko siya na unawain na lang ang pamangkin na talagang busy lang.  Pagkatapos naming kumain, tinanong ko siya kung may balak  pa siyang magpakita sa pamangkin niya….sabi niya ay wala na. Dahil mag-aalas dos na ng hapon, tinanong ko siya kung okey lang na ihatid ko siya sa Lemery…bahala daw ako. Dahil sa sinabi niya, dali-dali kaming kumuha ng taksi na maghahatid sa amin sa isang bus terminal sa Pasay na may mga bus na biyaheng Lemery.

 

Nasa terminal na kami ng bus sa Pasay nang tumawag ang kaibigan ko upang tanungin kung nasaan na ako. Sabi ko sa kanya, saka ko na lang siya kakausapin uli para magpaliwanag, dagdag ko pa, kausapin niya ang kaibigan niya at baka nalulungkot. Pero, sa pagkakataong yon, nagdesisyon na akong hindi ko na kakausapin ang kaibigan ng kaibigan ko na pamangkin ng babaeng bago kong kaibigan. Goodbye na lang sa kikitain sana!