Ang Tubig at Hangin

Ang Tubig at Hangin

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang tubig at hangin –

Bahagi ng buhay kung sila ay ituring.

 

Sa tubig ng sinapupunan nakalutang

Ang binhi ng buhay na sumisibol pa lamang

Na sa mundong lalabasa’y walang kamuwang-muwang.

 

Gaya ng tubig, ang hangi’y buhay din,

Nagpapatibok sa puso, nagpapapintig;

Ang sibol, nakapikit man, ito ay nakakarinig

Na animo  ay naghahanda na, paglabas niya sa daigdig.

 

Hangin ang unang malalanghap niya

Sa takdang panahong siya’y isinilang na,

At, sa kaguluhan ng mundo

Imumulat ang mga mata –

Kasabay ng malakas niyang pag-uha.

 

Sa tigang na lupa, ang tubig ay buhay

Ito’y ulang bumabagsak mula sa kalawakan

Subali’t kapag lumabis na’t hindi mapigilan

Nagiging baha, pumipinsala sa sangkatauhan

Ganoon din ang hangin na dulot ay ginhawa

Basta ang ihip, huwag lang magbago ng timpla.

 

Baha at bagyo

Dulot ng tubig at hangin sa mundo

Hindi masawata

Kaya dulot ay matinding pinsala

Subali’t sana, kahit papaano’y maiibsan

Kung napangalagaan natin ang kalikasan –

Na ating inalipusta nang walang pakundangan!

 

Ang Pagmamalasakit ay Hindi Lang Dapat Para sa Tao

Ang Pagmamalasakit

ay Hindi Lang Dapat Para sa Tao

Ni Apolinario Villalobos

Ang sabi ni Francis, ang santo papa ng mga Katoliko, dapat magmalasakit ang tao sa kanyang kapwa….maging compassionate. Sa opinion ko naman, hindi lang sa kanyang kapwa dapat magmalasakit ang isang tao. Lahat ng nilalang ng Diyos na may buhay, kahit nga ang mga walang buhay tulad ng kalupaan, kabundukan, karagatan, at mga ilog ay dapat pagmalasikatan. Kung ang may buhay ang pag-uusapan, dapat kasama ang mga halaman at mga hayop na malaking bahagi na ng buhay ng tao. Samantala, ang mga hayop na sinasabing nananakit o mababangis ay hindi papalag kung hindi sila pinapakialaman ng tao.

May mga taong mahilig mag-alaga ng mga “laruang” hayop o pet, lalo na yong may lahi,  hindi lang upang makaaliw sa kanila kundi upang maging palamuti din sa bahay. At, dahil mamahalin, ginagamit din silang palatandaan ng karangyaan ng isang tao. Nagagamit na rin sila ngayon bilang therapies o pampagaling ng sakit, lalo na ang mga psychological. Sa mga taong talagang taos sa puso ang pag-alaga, okey ito. Ang hindi tama ay ang ginagawa ng mga taong nanggagaya lamang dahil sa inggit sa ibang meron ng mga ito. Bibili sila ng mga nabanggit, subalit dahil likas na walang hilig talaga, ay napapabayaan kaya nagkakasakit hanggang mamatay.

Ang kapalaran ng mga halamang pampalamuti ay hindi nalalayo sa nabanggit na mga hayop na binili ng mga naiinggit sa kapitbahay, kaya napabayaan hanggang mamatay. May mga tao kasing dahil naiinggit sa malagong halamanan ng kapitbahay ay nagtatanim din ng mga ito sa bakuran upang mapantayan o malampasan pa ang nakikita sa kapitbahay. Subalit dahil wala rin talagang hilig sa tanim kundi naiinggit lang, ni hindi nila pinapansin ang mga halamang nagkakandalanta dahil hindi nila nadidiligan.

Ang mga kahayupan sa gubat at kalawakan ay ginagamit na target ng mga mangangaso, pampalipas ng oras lang nila, kaya maraming endangered species ang nawala na talaga. Bandang huli ay nagtuturuan ang mga NGO at pamahalaan kung saan nagkaroon ng diperensiya sa pagpapatupad ng alituntunin.

Ang ibang mga nature lovers kuno, tulad ng mga scuba divers, snorkelers, trekkers at mountaineers ay nagmamalaking mahal nila ang kalikasan. Subalit kung umakyat ng bundok ay nag-iiwan ng basura nila sa camping sites. Hindi man lang nila naisip na magbaon ng trash bags upang lagyan ng basura upang mahakot pagbaba nila, kaya maraming kabundukan sa Pilipinas, na ang mga trails ay maraming candy at biscuit wrappers, aluminum cans ng softdrinks, upos ng sigarilyo, satchet ng instant noodle, sanitary napkin at toilet paper. Ilang taon na ang nakalipas, ang Mt. Everest ay isinara ng kung ilang linggo upang malinisan ang mga trails at camping sites sa kapatagan hanggang sa tuktok na tinambakan ng mga empty oxygen canisters, mga bote, at iba pang klase ng basura.

Ang mga dalampasigan o beaches, tulad ng mga kabundukan ay nasasalaula din ng mga burarang nature lovers kuno at mga negosyante. Ang isang halimbawa ay isla ng Boracay na puno ng mga naglalakihang resorts at hotels na ang septic tanks ay tumatagas sa dagat kaya tinutubuan na ng mga lumot ang ilang dalampasigan, tanda ng pagkakaroon ng mikrobyo sa tubig-dagat. Hindi sapat ang sinasabing paghakot ng basura at sinipsip na dumi mula sa septic tanks at dinadala sa Caticlan, na ginagawa ng gobyernong lokal, dahil hindi naman perpektong nakakalinis ang mga ganitong mga paraan.

Ang mga bundok ay kinakalbo ng mga illegal loggers na ang iba ay mga gahamang opisyal ng gobyerno at ang iba naman ay dummy ng mga foreign financiers. Animo ay minamasaker nila ang mga kabundukan. Kaya tuwing tag-ulan, ang rumaragasang tubig mula sa kabundukan na nagdudulot ng baha sa kapatagan ay kulay brown o pula, na ibig sabihin, mga lupa silang hindi na napoproteksiyunan ng mga ugat ng mga kahoy o mga damo man lang. May mga yumamang iilan, subalit ang nagdusa ay libo-libong mahirap na mamamayan, at ang masakit pa, ay mga dayo ang yumaman!

Ang mga bigtime na mangingisda ay gumagamit ng makabagong mga instrumento na kumakayod sa sahig ng karagatan, kaya lahat ng madaanan ay tangay – mga korales na kung ilang milyong taon na ang gulang, mga maliliit na isda, at mga inahing isda na dapat ay mangingitlog pa lang.  Ang ilan pa ay gumagamit ng lason at dinamita, at itong mga tao ang may gana pang magtaka kung bakit nauubos ang mga isda malapit sa dalampisagan kaya wala na silang mahuli!

Ang tao pa rin, sa kagustuhang umasenso agad ay gumagamit ng makabagong teknolohiya para sa mga pagawaan. Gagamit ng langis upang magpaandar ng mga makina, at ang latak ay tinatapon sa ilog na dumadaloy hanggang sa dagat o lawa. Ganoon din ang mga nagmimina na ang latak ng kemikal na ginagamit sa paglinis ng namimina ay iniimbak sa mga reservoir subalit ang katatagan ay hindi mapagkatiwalaan, kaya pagdating ng panahon ay tumatagas rin kaya sinisipsip ng lupa na ang resulta ay pagkalason ng mga nakapaligid na bukal. Kung ipampaligo ang tubig mula sa mga ito, sakit sa balat ang dulot, lalo na kung gamitin sa pagluto na ang dulot ay tiyak namang kamatayan. Sa isang banda, ang usok mula sa mga pagawaan ay pumupunit sa kalawakan na dapat ay humahadlang sa tindi ng init ng araw na tumatama sa mundo.

Pagkagahaman at kawalan ng pagmamalasakit ang dahilan ng lahat ng mga nabanggit, at kakambal na yata ng tao. Walang mangyayari sa panandaliang pagsasantu-santohan upang makapagpakita ng pagmamalasakit dahil sinabi ng santo papa. Kailangan nating maging consistent o tuluy-tuloy sa pagpapakita ng malasakit. Paanong maisasakatuparan ito kung ang maayos na pagtapon nga lang ng basura mula sa bahay ay hindi nagagawa kaya naaanod sa mga ilog, dagat, at estero? Kaylan tayo magbabago?

Ang Tubig at Hangin

Ang Tubig at Hangin

Ni Apolinario Villalobos

Ang tubig at hangin –

Bahagi ng buhay kung sila ay ituring.

Sa tubig ng sinapupunan nakalutang

Ang binhi ng buhay na sumisibol pa lamang

Na sa mundong lalabasa’y walang kamuwang-muwang.

Gaya ng tubig, ang hangi’y buhay din,

Nagpapatibok sa puso, nagpapapintig;

Ang sibol, nakapikit man, ito ay nakakarinig

Na animo  ay naghahanda na, paglabas niya sa daigdig.

Hangin ang unang malalanghap niya

Sa takdang panahong siya’y isinilang na,

At, sa kaguluhan ng mundo

Imumulat ang mga mata

Kasabay ng malakas niyang pag-uha.

Sa tigang na lupa, ang tubig ay buhay

Ito’y ulang bumabagsak mula sa kalawakan

Subali’t kapag lumabis na’t hindi mapigilan

Nagiging baha, pumipinsala sa sangkatauhan

Ganoon din ang hangin na dulot ay ginhawa

Basta ang ihip, huwag lang magbago ng timpla.

Baha at bagyo

Dulot ng tubig at hangin sa mundo

Hindi masawata

Kaya dulot ay matinding pinsala

Subali’t sana, kahit papaano’y maiibsan

Kung napangalagaan natin ang kalikasan

Na ating inalipusta nang ganon na lamang!

Ang Ulan

Ang Ulan

Ni Apolinario Villalobos

 

Biyayang bigay ay ginhawa sa nanunuyong lalamunan

At nagpapalambot ng nagkandabiyak nang kabukiran

Pagbagsak nito sa kalupaan mula sa nalusaw na ulap

Dulot ay ginhawa’t pag-asa sa mga taong nangangarap.

 

Sa bawa’t patak ng ulan, may mga namumuong buhay

Nagkakaugat, sa lupa’y kumakapit at ayaw humiwalay

Sa pag-usbong ng mga ito’y luntiang paligid, dulot nila

Na sa iba pang nilalang sa mundo ang dulot ay ginhawa.

 

Subali’t kung minsan, kanyang pagdating ay may kasama

Hindi lang iisa, kundi dalawang masaklap na mga sakuna

Dilubyo kung ituring dahil may umiihip, malakas na hangin

At kung minsa’y baha na sa pag-agos, lahat kayang dalhin.

 

Ginagamit din kaya ito ng Diyos upang ang tao’y gisingin?

Mula sa kanyang kayabangan at sagad- butong pagkasakim?

Nararapat lang yata dahil kung wariin ay tila nakalimot siya

Sa Isang dapat ay pasalamatan…Diyos na naglalang sa kanya.   

 

 

Isang Kuwento ng Katatagan (tungkol pa rin sa bagyong yolanda)

Isang Kuwento Tungkol sa Lakas ng Kalooban

(tungkol pa rin sa bagyong Yolanda)

Ni Apolinario Villalobos

 

Isang umaga, nang ako’y bumisita sa mga kaibigan ko sa Baseco (Tondo), nagdala ako ng pandesal na binili ko sa isang maliit na panaderya malapit sa bukana ng compound. Dahil medyo malaki ang ekstrang pera na dala ko, bumili ako ng 100pesos na halagang pandesal dahil dumami na sila gawa ng mga nagdatingang mga bisita (mga evacuees) galing sa Tacloban. Pagdating ko sa bahay na tinitirhan ng dalawang pamilyang dayo, sumigaw ang pinakabunso sa mga bata, “Lola, may pa-bertdey na kayo, maraming pandesal dala ni Tito …..”(ibang pangalan ang pakilala ko sa kanila, hindi ko pwedeng sabihin). Tinawag ng isa pang bata ang ibang mga dayo sa likod lang ng tinitirhan nila upang maki-bertdey ng pandesal. Sila yong mga taga-Tacloban na pansamantalang nakikitira sa mga kamag-anak nila sa Tondo. Upang kumita, namumulot sila ng mga reject na gulay na itinapon ng mga biyahera, upang linisin at ibenta naman sa dating riles ng tren sa Divisoria, at kung tawagin nila ay “bangketa”.

Share-share na lang kami sa kape dahil kulang ang tasa at mug. Ang mabubulunan na lang ang humihigop. Ang iba ay nagkasya sa pagsawsaw ng pandesal sa mga tasa. Nagkakatuwaan ang mga bata at mga magulang na nagkwento kung paano nilang iwasan ang backhoe na siyang naglalagay ng mga basura sa malaking dump truck. Ang lolang nagbertdey nakangiti lang, habang sinasawsaw ang pandesal niya sa kape upang lumambot dahil wala siyang ngipin. Sabi niya, 92 years old na siya kaya hindi na siya sumasama sa mga namumulot ng mga reject na gulay upang ibenta. Naiiwan siya sa bahay upang magtalop na lang ng pabulok na sibuyas upang matangal ang mga sirang balat. Ang mga sibuyas  na galing China at Taiwan daw ay sako-sako kung itapon ng mga bodegero.

Maya-maya pa, dumating ang isang nanay na may dalang plastic bag, may lamang talong at petsay. Nagpabili ako ng tinging mantika, halagang 10peso panggisa. Sabi ko yong ibang talong iihaw na lang. Naggisa ng petsay at talong sa maraming sibuyas, toyo ang pampalasa. Ang mga inihaw na talong, nilamog ko pagkatapos mabalatan at ginisa sa marami ding sibuyas at tinaktakan  ng toyo, sabi ko, pwedeng palaman sa pandesal. Naalala ko kasi na kumain ako nito sa isang restaurant sa Makati, pero mas maraming spices. Itinabi ang lahat ng niluto dahil maaga pa para mananghalian.

Nang maubos ang pandesal, binati namin si lola ng happy birthday.  Dahil nasa tabi lang namin ang kalahating sakong sibuyas na kailangang talupan, naki-bonding na rin ako sa pagbalat.

Para sa pananghalian, inilabas naman ng kaibigan ko may-ari ng bahay na tinutuluyan ng isang pamilyang bisita ang anim na labong plastic bag (yong nilalagyan ng kanin at ulam sa mga karinderya) na puno ng kaning tutong na binili niya sa isang karinderya sa labasan (ni-refund ko na lang ang ginastos niya). Inilagay ang kanin sa isang maliit na plastic na palanggana at ipinwesto sa gitna ng mesang yari sa dalawang crates ng prutas. Ang mga nilutong gulay naman na nasa mga kaldero pa, inilagay din sa gitna at nilagyan ng mga sandok. Kanya-kanya kaming hawak ng pinggan habang naghihintay ng toka sa pagsandok ng pagkain. Pero ang mga bata ipinagsandok ng mga nanay, ang kay lola ako na ang naglagay ng kanin na pinili ko upang walang masyadong sumamang tutong.

 

Habang kumakain kami, may nagsimulang magbanggit na sa probinsiya, maski papaano meron sanang sariwang isda man lamang. Nagpalitan na ng kwento tungkol sa buhay nila sa probinsiya hanggang noong manalanta na ang bagyong Yolanda. Palihim kong tiningnan ang mga mukha nila…wala akong nakitang lungkot o galit.  Sabi ng isa, “walang magawa ang tao sa lakas ng Diyos”.  Totoo nga naman, isip-isip ko. Dugtong pa ng isa, “kailangang tanggapin natin dahil baka parusa upang magising tayo, at kung hindi tayo kikilos, aba eh, maninigas tayo sa guton!”. Lalong totoo nga naman isip-isip ko pa rin. Bandang huli, nagtanong ako kung sinubukan nilang lumapit sa DSW dito sa Maynila.  Walang  umimik,  pero yong iba, tiningnan ako at ngumiti lang, sabay iling. Pagkatapos kumain, iniligpit ng mga bata ang mga pinagkainan, at kami naman balik sa pagtalop ng mga bulok na sibuyas.

Bandang 3pm na ako nagpaalam upang makaiwas sa trapik dahil malayo pa ang uuwian ko. Ang pagkaalam nila sa bandang Antipolo ako umuuwi. Nangako akong babalik sa susunod na Sabado at magdadala ulit ng pandesal. Habang naglalakad ako patungo sa sakayan ng dyip, medyo napaluha lang ako ng bahagya (dahil pinipigilan ko) at ang lalamunan ko ay naninikip, nang maalala ko ang kasiyahan sa mukha ng mga kaibigan kong nagsasawsaw ng pandesal sa kape. At sa kwentuhan nang mananghalian kami, wala ni maliit na bahid man lang ng galit sa kanilang mukha habang sinasabi sa akin kung paanong ginawin sila ng kung ilang araw bago naabutan ng “tulong” – 4 na sardinas, ilang pirasong biscuit, 3 kilong bigas, 6 na pirasong instant noodles, mga nasa loob ng isang plastic bag na may tatak ng isang ahensiya ng gobyerno.  

Napahanga ako sa katatagan ng loob nila, at lakas ng pananampalataya dahil sa paniwalang makakabangon silang muli.