LAMBAYONG (tula)

LAMBAYONG

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa tunog pa lang ng pangalan kung banggitin

Exotic na ang dating, mahiwaga pa kung isipin

Sinaunang bayan na saksi sa isang kasaysayan

Ng malawak na emperyo sa ka-Mindanawan.

 

Napapaligiran ng malawak, matabang lupain

At noon ay mga gubat, maaliwalas sa paningin

Sagana sa mga hayop, sa kalawaka’y mga ibon

Subalit nawala dahil sa pagbago ng panahon.

 

Nagkanlong ng mga dumayo mula sa Visayas

Na ang pagsisikap ay nag-iwan ng mga bakas

Nagsimula sa pusod ng minahal na Lambayong

Hanggang sa New Passi, barangay ng Tacurong.

 

Mula sa Midsayap tumagos sa kanya ay daan

Tungo sa Makar, pantalang malalim ng GenSan

Nang sa bayan ng Tacurong ito’y tumagos naman

Naging highway na ito at ipinangalan kay Alunan.

 

Nadugtong siya sa Buluan sa  bahagi ng Silangan

Tumagos sa Kipolot ang matalahib na mga daan

Umabot sa Sambolawan na  ngayon ay Quirino

Sentro ng masaganang kalakalan o mga negosyo.

 

Biniyayaan siya ng mga bukal ng matamis na tubig

Nagpapawi ng uhaw at sa kapaligiran ay nagdilig

Kaya’t masaganang ani ay hindi mapapasubalian

Mula sa mga nagluluntiang palayan sa kapaligiran.

 

Hindi lang mula sa kalikasan ang kanyang yaman

Pati na rin sa masisipag, mababait na mamamayan…

Lambayong, tungo sa kaunlara’y umaarangkada

Sa bilis ng pagsulong tila wala nang hahadlang pa!

IMG_20180519_115013

 

 

 

 

Ang Lilim (Tula para sa Lenten Season)

Tula para sa Lenten Season…

 

 

Ang Lilim (Shade)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang lilim ay nagdudulot ng ginhawa

Sa katawang nanlata dahil sa init ng araw

Kasiyahang may ngiti ang sa labi ay namumutawi

Lalo na kung makakakita nito sa kainitan ng tanghali.

 

Sa ibabaw ng mundo ay marami nito –

Iba’t ibang lilim na na ating nadadanasan

Lalo na ang lilim ng tahana’t ating mga magulang

Mga lilim na sa buhay ay nagagamit na sanggalang.

 

Ngunit ang pinakamalawak na lilim

Na sa sangkatauhan ay nagbibigay-lakas

Ay sampalataya sa Panginoon na hindi matitinag

At sa tagal ng panahon ay lalo pa ring tumatatag!

 

PRAISE THE LORD!

Ang Lilim

Sa Amin…sa Mindanao

Sa Amin…sa Mindanao

Ni Apolinario Villalobos

 

Luntiang kaparangang halos walang hangganan

Kabundukang kahi’t paano’y balot pa ng kagubatan

Mga batis na animo ay musika ang paglagaslas

‘Yan ang Mindanao na ganda’y ubod ng timyas.

 

Malalagong palay, sa ihip ng hangin ay umiindayog

Mga masisiglang alagang hayop, lahat ay malulusog

Mga halamanang gulay, mayayabong ang dahon

‘Yan ang Mindanao na nabibiyayaan ng panahon.

 

Maraming katutubo, iba’t ibang makukulay na tribu

Magkakapitbahay ay mga Muslim at mga Kristiyano

Sila’y nagbibigayan, taos-pusong nagkakaunawaan

‘Yan ang Mindanao na may pangakong kaunlaran.

 

Subali’t kung ang pagkagahama’y biglang umeksena

Ang mga minimithing pangarap, lahat ay nababalewala

Kung bakit naman kasi may mga taong puso’y sakim

At mga adhikaing baluktot na dulot ay paninimdim.

 

Sa amin sa Mindanao ay masaya at may kasaganaan

Kaya dinayo ng mga tao na ang hanap ay kapayapaan

Nguni’t dahil sa damdaming sakim ng ilang hangal

Nakakabahalang ang tinatamasa ay baka ‘di tumagal!

 

 

PILIPINAS (tula)

Pilipinas

By Apolinario B Villalobos

 

 

Mga luntiang islang magkakahiwalay

Mga katutubong iba-ibang pananalita

Iyan ang Pilipinas, watak-watak sa paningin

Subali’t iisa ang adhikain, iisa ang damdamin.

 

Halos gutayin ng pabago-bagong panahon

Kasama na diyan ang mga pag-uga ng lindol

Nguni’t buong tapang na iniinda ng mga Pilipino

Animo’y kawayan, sumasaliw sa hagupit ng bagyo.

 

Mula sa Batanes, hanggang Tawi-tawi

Mga katutubo’y nagbubuklod- iisang lipi

May isang kulay, matingkad, hinog sa panahon

Nagkaisa-  magkaiba man ang damit, salita at relihiyon.

 

Mayabong na sining at mayamang kultura

Taas-noong maipamamalaki, saan mang bansa

Hindi nagpapahuli, lumalaban, hindi nagpapaiwan

Sa ano mang uri ng patas na paligsahan o tunggalian.

 

Inang Pilipinas, mahal nating bayan

Huwag nating hayaang siya’y tapak-tapakan

Huwag hayaang mayurakan, iniingatang dangal –

Nang kung sino – Pilipino man o banyagang hangal!

 

Mga Pilipino tayo, kailangang magbuklod

Nang sa unos ng buhay matatag, ating pagsugod

Walang kinikiling na pag-imbot sa puso ng bawa’t isa

Nag-uunawaan, nagkakaisa – sa buong mundo, ating ipakita.

 

Mapalad tayo sa pagkakaroon nitong bansa

Na kung wariin, mahirap pag-ugnayin at mapag-isa

Subali’t ito ang itinadhana sa atin ng Poong Maykapal

Kaya’t buong puso nating arugain ng masidhing pagmamahal.

 

(This poem is dedicated to those who exerted effort to maintain peace, unity and understanding in Mindanao –to preserve the sanctity of our heritage as one nation and one people, despite a diversity in religion.)

 

Ang Minimithing Pagbabago (Tula para kay Rodrigo Duterte at Sambayanang Pilipino)

ALAY KAY RODRIDGO DUTERTE AT SAMBAYANANG PILIPINO

 

 

ANG MINIMITHING PAGBABAGO

ni Apolinario Villalobos

 

Kay daling sambitin, katagang “pagbabago”

Marami ding kahulugan ang tukoy nito:

Ugali na maaari pang pasasamain

O kabutihan na lalo pang paiigtingin;

Di kaya’y pagbago ng tinatahak na landas

Na maaaring patungo sa magandang bukas

O di kaya ay tungo sa maahas na palanas!

 

Makakamit lang ang minimithing pagbabago

Kung may pakikipagtulungan ang mga tao

Dahil sila rin ang dahilan ng mga pagsisikap

Upang makamit ang matagal nang pangarap;

Kaliwa’t kanang batikos ay hindi inaalintana

Dahil nasimulan nang isulong ang isang panata

At paninindigan sa ngalan ng napariwarang bansa!

 

MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO AT SI DUTERTE!

 

Pilipinas

This poem is dedicated to those who are exerting effort to maintain peace, unity, and understanding among the Filipino people, as well as, the sanctity of their heritage as one nation, despite diversities in religion and culture and in the face of the current adversities.

 

Pilipinas

By Apolinario B Villalobos

 

 

Mga luntiang islang magkakahiwalay

Mga katutubong iba-ibang pananalita

Iyan ang Pilipinas, watak-watak sa paningin

Subali’t iisa ang adhikain, iisa ang damdamin.

 

Halos gutayin ng pabago-bagong panahon

Kasama na diyan ang mga pag-uga ng lindol

Nguni’t buong tapang na iniinda ng mga Pilipino

Animo’y kawayan, sumasaliw sa hagupit ng bagyo.

 

Mula sa Batanes, hanggang Tawi-tawi

Mga katutubo’y nagbubuklod- iisang lipi

May isang kulay, matingkad, hinog sa panahon

Nagkaisa-  magkaiba man ang damit, salita at relihiyon.

 

Mayabong na sining at mayamang kultura

Taas-noong maipamamalaki, saan mang bansa

Hindi nagpapahuli, lumalaban, hindi nagpapaiwan

Sa ano mang uri ng patas na paligsahan o tunggalian.

 

Inang Pilipinas, mahal nating bayan

Huwag nating hayaang siya’y tapak-tapakan

Huwag hayaang mayurakan, iniingatang dangal –

Nang kung sino – Pilipino man o banyagang hangal!

 

Mga Pilipino tayo, kailangang magbuklod

Nang sa unos ng buhay matatag, ating pagsugod

Walang kinikiling na pag-imbot sa puso ng bawa’t isa

Nag-uunawaan, nagkakaisa – sa buong mundo, ating ipakita.

 

Mapalad tayo sa pagkakaroon nitong bansa

Na kung wariin, mahirap pag-ugnayin at mapag-isa

Subali’t ito ang itinadhana sa atin ng Poong Maykapal

Kaya’t buong puso nating arugain ng masidhing pagmamahal.

 

 

Kabuluhan ng Buhay (para kay Teddy Lapuz)

Kabuluhan ng Buhay

(…para kay Teddy Lapuz)

Ni Apolinario B. Villalobos

 

Nang tayo ay ginawa ng Diyos

Mula sa lupang kanyang hinubog

Sa palad nati’y ginuhit ang kapalaran –

Nakatalagang tuparin, mula sa sinapupunan.

 

Landas ng buhay, ating tinatahak

Batbat ng pagsubok, Kanyang itinadhana

Dahil  Kanyang layunin at gustong makita

Kung bawa’t  isa, karapat-dapat sa Kanyang biyaya.

 

Bawa’t buhay ay may kabuluhan

May landas na tinatahak at sinusundan

Habang binabagtas, nakatuon tayo sa layunin –

Layuning bigay Niya, kailangang nating tuparin.

 

Lahat tayong nilalang, dapat sumunod

Ano mang sa atin, itinadhana dito sa mundo

Iyan ang kabuluhan ng buhay, guhit sa ating palad –

Na buong mapagpakumbaba, dapat nating matupad.

 

Kasiyahan ang dapat nating madama

Kung bago natin marating ang dulo ng landas

Marami tayong nagawa, kabutihan sa ating kapwa –

Kaya sa mga pagkakataon, magpasalamat tayo sa Kanya.

 

Tayo’y dapat maging handa sa paglisan –

Sa mundong ginagalawan, sa ano mang panahon

Kung narating na natin ang dulo, landas ng ating buhay

Malugod na harapin, lalo’t sa mundo’y nagkaroon ng saysay.

 

 

TONDO

TONDO

Ni Apolinario Villalobos

 

Tambakan daw ng mga patapon

Pugad ng mga kapuspalad

Hangganan ng pangarap –

Ng mga taong

Madilim ang hinaharap.

 

Marami na ang sumumpa

Na sa Tondo’y hindi babalik

Nguni’t iba ang tawag

At hila ng ugat

Pilit nagpapaliwanag.

 

Tondo, oh, bakit ba?

Naturingan ka

Na pugad ng dalamhati

Pinagkaitan ng saya

Ng ngiti at ng ganda.

 

Ang lahat ay may pagbabago

Kung may araw, mayroon ding gabi.

Kung may lamig, mayroon ding init

Tulad ng Tondo

Gumaganda, dati’y pangit.

 

Ngayon, iba na siya

Unti-unting nagbabago

Nasisinagan ng pag-asa

Na ang dulot

Ay bagong buhay

At may ligaya!

Hagdan Tungo sa Pangarap

Hagdan Tungo sa Pangarap

Ni Apolinario Villalobos

 

Pangarap –

Pangarap na hinahabi

Hinahabi at sana ay mangyari

Mangyari at matupad na mga inaasam

Inaasam at tinatanaw nang may agam-agam

Agam-agam na nagbibigay din ng mga alalahanin

Alalahaning baka hindi mapagtagumpayang mga mithiin

Mga mithiin ito na nagbibigay ng lakas at sa atin ay nagtutulak

Nagtutulak sa ating likuran at lakas na sa harap pa rin ay humahatak!

Ang Buhay sa Lansangan

Ang Buhay sa Lansangan

Ni Apolinario Villalobos

 

Kung pagmasdan silang pinagkaitan ng rangya

Di maiwasang may maramdaman tayong awa

Nakapaa at nagtutulak ng kariton kung minsan

Basang sisiw naman sila, kapag inabutan ng ulan.

 

Abala palagi sa pangangalakal o sa  pamamasura

Wala sa isip nila ang sumilong upang magpahinga

Habol ay makarami ng mga mapupulot  at maiipon

Hindi alintana pagbabadya ng masamang panahon.

 

Sa mga nadadampot na styrophor galing sa Jollibee

Bigay ay saya dahil may matitikmang tirang ispageti

Kahit iilang hibla lamang na may kulapol pang ketsap

Sa maingat na pagsubo, dama’y  abot-langit na sarap.

 

Gula-gulanit ang suot na kamiseta at nanggigitata pa

Ang damit, kung hindi masikip ay maluwag sa kanila

Kung pantalon naman, walang zipper, at butas –butas

Subali’t hindi alintana, may maisuot lang, kahi’t kupas.

 

Kapos sa mga ginhawa na dulot ay  materyal na pera

Puso namang may nakakasilaw na busilak ay meron sila

Walang hiling kundi matiwasay na umaga sa paggising –

Kahi’t mahapdi ang tiyan dahil sa gutom, di dumadaing.

 

May mga bagay, dapat nating mapulot sa mga ugali nila

Pampitik sa atin upang gumising at magbubukas ng mata

Gaya ng hindi maging sakim at mapag-imbot sa kapwa

Bagkus, maghintay at magpasalamat sa bigay na biyaya!