Pampitik lang ang Torre de Manila…marami pang dapat punahin at alalahanin sa Maynila

Pampitik lang ang Torre de Manila

…marami pang dapat punahin at alalahanin sa Maynila

Ni Apolinario Villalobos

Ang isyu ng Torre de Manila ay isang ehemplo ng kawalang pakialam ng mga taong hindi gumagawa ng mga responsibilidad nila. Ipinapakita nila ang ugaling “reactive” o pag-aksyon lamang kung may nangyari nang pinsala, sa halip na umaksyon habang maaga pa upang maiwasan ang mga problema, na kung tawagin naman ay “preventive”.

Ang National Historical Institute ay ilang metro lang ang layo mula sa ginagawang Torre de Manila. Nasa tabi lamang ito ng National Library of the Philippines. Ang National Commission on Culture and the Arts ay nasa Intramuros lang na hindi kalayuan mula dito. Ang Manila City Hall ay ganoon din. Bulag ba ang mga taong inaasahan umaksiyon noon pa mang umabot na sa kwestiyonableng taas ang gusali kaya hindi pa man tapos ay nakita na ang epekto nito sa rebulto ni Rizal, kaya tinawag na “photo bummer”? Bingi ba sila upang hindi marinig ang mga nag-iingay nang mga taong nababahala? Hindi ba sila marunong magbasa upang hindi maintindihan ang mga balita sa mga diyaryo ang tungkol dito? Kung sasabihin nilang nakagapos ang mga kamay nila dahil sa mahihinang batas na nagpo-protekta sa mga bantayog o shrines, bakit hindi sila nagpanukala ng mga ito noon pa man?

Ngayon ay nagtuturuan sila kung sino ang may kasalanan. Napag-alaman din na miyembro pala ng Knights of Rizal ang mga “matitinik” na taga-Maynila tulad ng dating mayor na si Alfredo Lim at mismong nakaupong mayor na si Erap Estrada. Marami ang nagtataka kung bakit wala silang kibo. Ngayon pa lang ay may mga lumulutang na kuwento tungkol sa pagkasangkot ng ilang kagawad ng konseho ng Maynila, at kung sa anong bagay ay hindi na kailangang sabihin pa.

Dahil sa isyu ng Torre de Manila, naungkat tuloy ang mga kwestiyon din sa pagpa-privatize ng mga palengke, na siyempre ay bentahan ng mga public facilities na ito sa mga pribadong grupo. Bakit kailangang i-privatize ganoong pinagkikitaan din naman ng local government, at nasisiguro pa ang kapakanan ng mga nagtitinda dahil napapanatili ang upang kaya nila, kaya wala silang dahilan upang magtaas ng mga presyo? Kung ang maayos na pagmintina ang hinahabol, hindi ba ito kayang gawin ng City Hall?

Noon, nagkaroon ng pagtatangka ang Manila City Halol na ilabas sa Maynila ang Manila Zoo at gawing basketball stadium ang mababakante nitong espasyo. Mabuti na lang at naagapang hindi matuloy dahil marami ang nagreklamo. Hindi malayong ang tangka ay mauulit dahil nagkakaroon na ng lakas ng loob ang mga taong nagpupursige nito. Marami na kasi ang mga naipalusot na iba pang proyekto na kung tawagin sa Ingles ay “precedent”.

Ang hindi ginagawa ng gobyernong lokal sa tulong ng MMDA ay ang paglinis ng mga maliliit na ilog at estero na ngayon ay namumuwalan ng basura at water lily. Hihintayin na naman nilang magkabahaan bago magkumahog sa pagkilos. At, kasunod ng pagkukumahog ay, tulad ng inaasahan pa rin…ang pagturuan at pagsisi na naman sa mga kawawang residente na burara daw kaya kung saan saan lang nagtatapon ng basura, ganoong hindi naman hinahakot ang basurang maayos nilang tinatapos sa mga nakatalagang lugar.

Ang Mga Kapabayaan sa Pilipinas…kabulukang nakakasulasok at nakakasuka!

Ang mga Kapabayaan sa Pilipinas

…kabulukang nakakasulasok at nakakasuka!

Ni Apolinario Villalobos

Napakaraming kapabayaan ang maibabato sa pamahalaan na nagresulta sa pagkawala ng respeto ng mga mananamantala sa gobyerno. Dahil dito, nadadamay ang kabuuhang pagkatao ng mga Pilipino na nawalan na dignidad o dangal.

Ang isang halimbawa ay ang pagpipilit ng DMCI, developer ng Torre de Manila na  ituloy ang pagpapagawa kahit may TRO na noon pa man. Mula sa apat ay naging pito, hanggang nabisto na ang gusto palang ipatayo ay isang high-rise condo na may 49 palapag. Tinagurian itong “national photo bummer” dahil kapag nagpakuha ang mga namamasyal sa Luneta ng litrato sa harap ng rebulto ni Rizal, litaw na litaw ang ginagawang gusali. Ngayon, gusto pa ng Supreme Court na bayaran ang DMCI kung mahihinto ang proyekto nila, ganoong sa simula pa lang ay alam na ng kumpanyang mali sila, at nagpapalusot lamang sa tulong ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan, lalo pa at nagsimula na pala silang magpre-selling maraming buwan na ang nakaraan. Walang ginawa ang administrasyon ni Aquino ganoong ang usapin ay isang national issue.

Dahil naman sa walang humpay na nangyayaring korapsyon sa gobyerno, ang tingin sa ating bansa ay basura na. Kahit sa kapit-bansang Malaysia ay may mga adverstisement na hindi ligtas ang manirahan at magnegosyo sa Pilipinas. Sa larangan naman ng turismo, kung ilang beses nang napasama sa listahan ng mga bansang dapat iwasan ang Pilipinas. Nasundan pa ito ng pagdagsa ng halos isandaang malalaking container vans na puno ng basura mula sa Canada. Hindi na nirerespeto ang Pilipinas dahil ang mismong namumuno ay walang political will.

Ang nasa isip ng mga banyagang gustong manamantala sa Pilipinas ay makakalusot sila basta may nakahandang milyones na panlagay sa mga opisyal. Hindi maiwasang isipin nila ito dahil may mga pruweba nang ginagaya naman ng iba, hanggang umabot sa halos wala nang katapusang pang-aabuso ang lahat. Lumalaki ang problemang kinakaharap  ng mga Pilipino dahil malalim na ang inabot ng ugat ng korapsyon sa gobyerno. Paano pang mabubunot ang ugat sa ngayon, kung mismong namumuno ay walang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang paligid?

Mismong sa loob ng bakuran ng bansa, nagkalat ang mga basura – sa kalye at mga estero, bukod pa sa paligid ng mga slum areas. May mga ahensiya ngang itinalaga pero wala namang ginagawa. Sa mga estero o daluyan ng tubig nga lang, hinahayaang kumapal ang mga basura at water liliy, kaya kapag inabutan ng malakas na ulan umaapaw ang mga ito na nagdudulot ng matinding baha. Oo nga’t may kasalanan din ang mga tao, subali’t ano ang gagawin nila kung ang basurang inilagay naman nila ng maayos sa mga pick-up points ay hindi hinahakot ng mga trak ng basura sa tamang oras?

Maliliit na mga isla at kalat-kalat na nga lang ang Pilipinas, tatambakan pa ng basura ng ibang bansa at mismong mga naninirahan, ano pa ang aasahang mangyari?…ang sagot ay dusa na idudulot ng sakit mula sa amoy ng basura, at lason na tatagas sa mga daluyan ng tubig sa ilalim ng lupa o bukal, na iniinom ng mga tao!