Ang Pagtulong sa Kapwa
Ni Apolinario Villalobos
Hindi na kailangang lumayo pa upang makatulong sa kapwa, sa makatotohanang paraan. Sa mga tinitirhang subdivision, kung minsan may mga “nangangalakal” na mga bata, ang iba nakapaa dahil ang tanging isang pares ng tsinelas ay pinag-iingatan upag magamit sa pagpasok sa eskwela. Hindi na nila kailangan pang tanungin kung gusto nila ng damit, o sapatos na pampasok sa eskwela, o ng isa pang pares ng tsinelas, o kung nakakain na. Masaya na sila kung abutan ng lumang tinapay o binalot na kaning lamig o ilang pirasong piniritong isda o ilang dakot na bigas.
May pinuntahan akong party minsan, at habang nagkakainan na ay may kumatok sa gate na mga batang “nangangalakal” upang humingi ng plastik o kung anong pambenta sa junk shop. Tinawag ng kaibigan kong maybahay ang kasambahay at nagsabing, “oh, yong nakatabi na sa tabi ng lababo, balutin mo yong iba at ibigay mo sa mga bata, siguraduhin mong may matira para sa mga aso ni Mareng……..”, na-shock ako dahil ang ibibigay pala sa mga bata ay mga itinabing pagkain para sa aso. Palagay ko hindi naman siguro panis o mga buto-buto, pero ang ituring niya ang mga bata na animo mga aso ay hindi maganda. Ano ba naman yong papasukin ang mga bata at pakainin maski sa garahe, eh di, talagang bukal sa kalooban niya ang ginawang pagtulong, hindi yong parang naghagis siya ng buto sa aso.
Kung walang nakakadayong “nangangalakal” sa ibang subdivision dahil sa umiiral na istriktong patakaran, may makikitang ganito sa labasan, nagtutulak ng kariton. Yong ibang pwedeng tulungan ay nakatira sa mga bangketa, nadadaanan ng iba sa atin at hindi binibigyan ng pansin. Ang iba namang pwedeng abutan ng tulong ay mga batang nagbebenta sa palengke upang kumita ng babaunin sa eskwela, o pambili ng mga gamit sa eskwela, o di kaya ay makatulong sa magulang. Pwede silang gawing regular na beneficiaries ng tulong.
Ang mga nakikita sa TV na kalagayan ng mga iskwater ay pangbukas lamang ng ating mga mata at isip tungkol sa talamak na kagutuman sa ating bansa. Maraming gustong tumulong subali’t hindi kasanib sa anumang grupo o NGO na tumutulong sa mga taong ito. Hindi na kailangang sumali pa sa ganitong grupo ng isang tao na may balak na tumulong sa makatotohanang paraan. Kaya ko nabanggit ang tungkol sa mga “nangangalakal” sa mga subdivision ay upang ipaliwanag na pwede namang tumulong kahi’t mag-isa, at hindi na kailangang lumayo pa upang gawin ito. Yong mag-abot ng tulong ng diretso sa mga humihingi ay sapat na kung gagawing may katapatan at bukal sa kalooban.
May mga ahensiya o non-government organization (NGO) tulad ng Red Cross at mga Foundation ng malalaking kumpanya na epektibo sa malawakang pagtulong, yong abot ang libu-libong nangangailangan, bagay na hindi kayang gawin ng ilan kahi’t na nagsisigaw ang puso nilang gawin ito. Inuulit ko ang pagtukoy sa malawakang pagtulong na hindi pwedeng gawin ng ilan lamang lalo pa ng mga nag-iisa. Isang halimbawa ay ang maliit naming grupo (apat kami) na pumipili ng ilang pamilyang matutulungan sa abot ng aming makakaya, at ang mahalaga, hindi kami nagpapakilala. Ipinapakita namin sa kanila na hindi rin kami iba sa kanila, na may mga pangangailangan din, at ang ibinabahagi namin o sini-share ay “extra” lamang naming pera. At kaya ko ibinabahagi ang karanasan namin ay upang bigyan ng ideya ang mga makakabasa na kaya rin pala nilang gawin ang ginagawa namin…wala nang tanungan pa ng kung anu-ano.
Simple lamang ang makatotohanang pagtulong sa kapwa:
-huwag mong garapalang ipakita na nakakaangat ka sa mga tinutulungan mo
-kung ang pagtulong ay ginagawa sa mga lugar na hindi ka naman kilala, huwag kang
magpakilala at magsuot ng mga simpleng damit lamang
-huwag mag-selfie kasama ang mga tinulungan mo, maski pang- souvenir
-kung sa palagay mo ay sapat na ang ibinigay mong tulong sa isang tao o pamilya,
kalimutan mo ang ginawa mo sa kanila, at maghanap ka ulit ng ibang matutulungan
Huwag maging plastik kung tutulong sa kapwa. Dapat may katatagan ang adhikaing ito sa abot ng makakaya. Hindi maambisyong kinukunan pa ng litrato upang ipagyabang sa iba. Dapat kasing- tigas ng bato ang layunin upang hindi basta-basta madudurog ng mga pangugutya dahil sa “liit” ng tulong na inaabot. Alalahanin nating ang bato ay tumatagal kaya libong taon man ang nakalipas, may mga “dokumento” pa ring inukit dito noong kahi’t hindi pa ipinanganak si Hesus, na hanggang ngayon ay buhay pa…subali’t ang plastik ay nalulusaw ng init, at lumalambot sa tagal ng panahon.
Sa mga taong talagang walang panahon, o walang kayang iabot dahil sa matindi rin nilang pangangailangan, okey na rin ang ipagdasal nila na mabigyan pa ng lakas ang mga taong gumagawa nito at sana ay dumami pa ang mga donors ng mga charitable Foundations at NGO’s.
Like this:
Like Loading...