Kabuluhan ng Buhay
(…para kay Teddy Lapuz)
Ni Apolinario B. Villalobos
Nang tayo ay ginawa ng Diyos
Mula sa lupang kanyang hinubog
Sa palad nati’y ginuhit ang kapalaran –
Nakatalagang tuparin, mula sa sinapupunan.
Landas ng buhay, ating tinatahak
Batbat ng pagsubok, Kanyang itinadhana
Dahil Kanyang layunin at gustong makita
Kung bawa’t isa, karapat-dapat sa Kanyang biyaya.
Bawa’t buhay ay may kabuluhan
May landas na tinatahak at sinusundan
Habang binabagtas, nakatuon tayo sa layunin –
Layuning bigay Niya, kailangang nating tuparin.
Lahat tayong nilalang, dapat sumunod
Ano mang sa atin, itinadhana dito sa mundo
Iyan ang kabuluhan ng buhay, guhit sa ating palad –
Na buong mapagpakumbaba, dapat nating matupad.
Kasiyahan ang dapat nating madama
Kung bago natin marating ang dulo ng landas
Marami tayong nagawa, kabutihan sa ating kapwa –
Kaya sa mga pagkakataon, magpasalamat tayo sa Kanya.
Tayo’y dapat maging handa sa paglisan –
Sa mundong ginagalawan, sa ano mang panahon
Kung narating na natin ang dulo, landas ng ating buhay
Malugod na harapin, lalo’t sa mundo’y nagkaroon ng saysay.