Ang Mga “Textbooks” na ginawang “Workbooks”…marami nang mali, isang beses lang magagamit

Ang mga “Textbooks” na ginawang “Workbooks”
…marami nang mali, isang beses lang magagamit!
Ni Apolinario Villalobos

Hindi dapat pagtakpan ng kung anong dahilan at pagkabulol sa pagpapaliwanag ang mga mali sa mga textbooks na ginawang workbooks. Isang teacher ang ininterbyu sa radyo na panay ang gamit ng “yata”, “tila nga”, “siguro” sa pagtukoy ng mga mali na nakita sa isang textbook na ginagamit sa Grade 10. Dapat kung mali…mali, hindi na dapat magpa-ikot-ikot pa. Dinagdagan pa ng kalihim ng ahensiya, na kung may mga mali man, bahala na daw ang mga teacher sa pagwasto ng mga ito bago nila ituro, dinagdagan pa ng palusot na baka draft copy lang ang tinutukoy na libro na may 1,300 mali! Ganoon lang???!!!

Inaalipin na nga halos ang mga guro na sinusuwelduhan lang ng kapiranggot, dadagdagan pa nila ng trabaho, kaya tuloy maraming teacher ang namamatay sa sakit na TB…at nalalampasan ng pagkakataong makapag-asawa! Yong mga teacher naman sa mga liblib na barangay, nag-aabuno pa para makabili lang ng mga gamit ng mga batang kung pumasok sa eskwela ay walang laman ang sikmura.

Ang pagpapalimbag ng mga libro para sa mga eskwelahang pampubliko ay ginagastusan ng milyon-milyon, kaya dapat ay maparusahan ang mga nagpabaya. Mula pa man noon sa ilalim ng administrasyon ni Gloria Arroyo hanggang sa kasalukuyan, ay palagi nang may ganitong problema, subalit walang ginagawang pagparusa sa mga sangkot – mga sindikatong nagmamadaling gumawa ng pera. Bakit tahimik ang COA sa bagay na ito? At, bakit hindi ito imbestigahan ng Kongreso at Senado, mahilig din lang silang mag-imbestiga?

May problema na nga sa K-12 program, dinagdagan pa ng mga dati nang naipon, kaya wala nang dapat asahang magagawang maayos ang kagawaran ng edukasyon, na magaling lang sa pagtatakip ng mga kamalian. Ano pa ang aasahan sa mga batang ang pagmumulan ng ituturo sa kanila ay mali? Kawawang mga kabataang Pilipino…itinuring na pag-asa ng bayan, subalit nililinlang sa halip na nililinang o dini-develop ang kanilang kaalaman!

Advertisements

Ang Kalunus-lunos na Kalagayan ng Edukasyon ng Pilipinas

Ang Kalunus-lunos na Kalagayan ng Edukasyon ng Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos

Mismong mga guro ay nagsasabi na maraming kabataan ngayong kahit umabot na sa Grade 3 ay hirap pa ring bumasa at sumulat. Nang interbyuhin ang isang mataas na opisyal ng DepEd tungkol dito, ang paliwanag niya ay: “kasi hindi sila dumaan sa prep at kinder”. Nang marinig ko ito, lumabas sa ilong ko ang kahihigop ko pa lang na kape. Kung mismong isa sa mga namumuno ng DepEd ay may ganoong kahindik-hindik na takbo ng pag-iisip ay talagang wala na ngang maaasahan sa kabuuhan nito ang sistema ng edukasyon ng bansa. Kawawa naman ang mga kabataan!

Nang tanungin naman ang bangag yatang assistant Secretary tungkol sa K to 12 na ayon sa mga teachers ay hindi pa napapaghandaang mabuti, ang sabi niya, kailangan daw talaga ito upang paggradweyt daw ng mga estudyante sa high school ay maaari na silang magtrabaho. Isa pa ring hangal na sagot, dahil kung ang college graduate nga ay hirap makahanap ng trabaho, high school graduate pa kaya? Kung ang iniisip nitong isip-tungaw na tao ay trabahong pang-construction tulad ng paghalo ng semento na isa yata sa ituturo sa K to 12, tanga talaga siya, dahil maski hindi gradweyt ng elementarya ay kaya ang ganitong trabaho. Ang isa pang ituturo yata ay trabahong pang- beauty parlor na kaya naman pag-aralan ng mga tumatambay sa parlor. At, ang isa pa rin ay pagluluto na pwede namang pag-aralan kung papasok sa mga restaurant. Bakit kailangan pang pahirapan sa gastos ang mga magulang?

Yong tungkol naman sa mga textbook na ginawa nang workbook dahil nilagyan ng mga test questions kada katapusan ng chapter, alam pala niya at alam din pala niyang hindi na magagamit ulit ang mga textbooks kaya dagdag gastos talaga para sa mga magulang. Nang tanungin kung may ginagawa ang DepEd tungkol dito, ang sagot-bangag uli ay “kasi yan na ang kalakaran ngayon”. Kung nakamamatay lang ang long distance na pagmumura, siguro ay nangisay na ang opisyal ng DepEd sa dami ng nagmumurang nakikinig sa interbyu!

Mabuti hindi tinanong ng radio announcer yong tungkol naman sa mga libro na sa dami ay halos isang maleta na kaya ini-stroller na lang ng mga bata pagpasok sa klase. Baka ang sagot niya dito ay: “mabuti yang habang bata pa lang ay marunong nang humila ng maleta, bilang paghanda sa pagpunta nila sa ibang bansa upang maging katulong o di kaya ay construction worker pagkagradweyt nila sa high school ng K to 12 program”.

Nakakagulat malamang, “normal” lang pala para sa DepEd ang daming 45-50 na mag-aaral bawat kwarto. Kaya pala, yong iba, makaupo lang ay nagdadala ng sariling plastic na upuan, yong iba naman ay nakasalampak sa sahig. At ang lalong hindi pagtatakhan ay kung bakit talaga walang natututuhan ang mga bata dahil hindi natututukan na mabuti ng mga guro….dahil sa dami nila.

Ang pera ng bayan ay binubulsa ng mga kawatan sa pamahalaan. Ang presidente ay nagrereport ng mga kaayusan na daw sa mga paaralan batay sa mga binibigay sa kanya, ngunit ang hindi niya alam, karamihan sa mga ito ay imbento lamang. Ang hindi niya pinapakinggan ay ang mga guro mismo na direktang nakakaalam ng tunay na kalagayan ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Ang malinaw, minadali niya ang pagsabatas ng K to 12 at ang pagpatupad nito upang maisama niya sa kanyang SONA, at para may masabing accomplishment pagbaba niya sa puwesto. Kung sakaling tumuluy-tuloy ang pagpatupad, madadagdag na naman ito sa habang-buhay niyang batik sa katawan, tanda ng kapalpakan niya bilang pangulo, at hindi maitatago sa likod ng isang apelyido na akala niya ay may madyik pa rin ang dating sa mga Pilipino hanggang ngayon.

Ang Guro nating Mahal

Ang Guro Nating Mahal
By Apolinario B Villalobos

Sa pagsibol ng ating kaisipan
Mula nang tumapak tayo sa unang baytang
Silang sa silid-aralan, ating nadatnan –
Itinuring na nating pangalawang magulang.

Mayroong animo’y santo sa kabaitan
Mayroon ding parang tigre sa katapangan
Mayroong malayo pa lang ika’y ngingitian
Mayroon ding nakakakilabot sa katarayan.

Sa mga mag-aaral na matigas ang ulo
Guro ang panakot sa mga pasaway na ito
Sila’y isusumbong kapag nagpatamad-tamad
Kaya susunod, dahil mataas na grade ang hangad.

Kung hindi sa guro nating mahal
Wala tayong presidente, senador, kongresman
Wala tayong doktor, enhinyero, pulis, sundalo
Wala tayong pari, madre, at iba pa, lalo na guro.

Sila ang naghuhubog ng ating kaisipan
Upang maging may pakinabang na mamamayan
Sila ang inspirasyon, tinitingala nating bantayog
Sila na ang buhay, sa mga kabataan umiinog.

Inaabot ng hatinggabi sa paghanda ng leksyon
Madaling araw gigising, sa almusal walang panahon
Halos takbuhin ang paaralan, sa kwarto’y dapat mauna
Upang sa mga mag-aaral sila’y maging halimbawa.

Sa mga liblib na paaralan may mga kuwento
Nakakadurog ng puso kung malaman ninyo
Mga kuwento ng mga gurong nagsasakripesyo
Mairaos lamang ang mga araw ng pagtuturo.

Mayroong binabawas sa kakarampot na suweldo
Pambili ng chalk, papel, lapis, at kuwaderno
Kagalakan nilang makita, saya sa mukha ng bata
Sa pagkakaroon ng gamit, di mabili dahil dukha.

Sila ang ating mga mahal na guro
Karapat-dapat mahalin, bigyan ng respeto
Kulang ang salitang “bayani” na sa kanila’y ituring
Sa sakripesyo, kahi’t kanino hindi sila maihahambing!