Ang Maging Bakwet (Tula with photos)

Ang Maging *Bakwet

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang maging bakwet ay mahirap, iba’y hindi yan alam

Buhay ay walang direksyon at sikmura ay  kumakalam

Animo mga hayop na sa kwadra ay pilit pinagkakasya

Ganitong tanawin, sa evacuation centers ay makikita.

 

Animo mga preso na sa pagkuha ng pagkain ay nakapila

Dala’y plastic na pinggan, mangkok, kung minsan ay lata

May mapaglagyan lang ng pagkaing kung iabot ay padabog –

Kung minsan, dahil sa pagod ng volunteer, pati isip ay sabog.

 

May nilalagay na mga kubetang ilang oras lang ay puno na

Kaya’t kawawa, ibang tagaktak ang pawis sa peligrong dama

Hindi alam kung saan magparaos, dahil wala man lang puno

Kaya’t ang ginagawa, kandangiwi ang mukha sa pagtalungko.

 

May mga dumadating, mga concerned daw, bitbit nama’y camera

Yon pala mga larawang “kawawa” ang dating, gustong makuha

Maibalita na sila’y nakarating sa evacuation center, may naiiyak-

Mga mapagkunwaring “maawain”, mga hangal, dapat mabuldyak!

 

Ang masakit, mga relief goods na handa na sanang  ipamudmod

Subali’t dahil wala pa si presidente o secretary, ito muna’y na-hold

Kaya’t sa ilalim ng masanting na init ng araw, lahat ay nagsitiyaga

Makakuha lang ilang pirasong noodles, bigas, tuyo, pati na delata.

 

Animo mga hayop, kung sila’y ituring sa mga masikip na bakwetan

Mga expired na pagkain, sa kanila kung ibigay, walang pakundangan

At tulad ng inaasahan, gobyernong lokal at ang ahensiyang **DSW

Nagtuturuan kung sino ang may sala, sino sa kanila ang pasimuno.

 

Pareho lang ang buhay saan mang bakwetan, saan man sa bansa

Maging sa Luzon, Visayas, o Mindanao, mga bakwet ay kaawa-awa

Ginagamit ng mga pulitiko, maski ibang grupong sabi ay relihiyoso

Mga taong ganid sa katanyagan, maitim ang budhi, walang modo!

 

(*evacuee, **Department of Social Welfare)

 

 

Joery Falloria: Surviving Typhoon Yolanda and Life’s Excruciating Challenges (…unsung hero of Philippine Airlines)

Joery Falloria: Surviving Typhoon Yolanda

And Life’s Excruciating Challenges

(…unsung hero of Philippine Airlines)

By Apolinario Villalobos

 

Just like most of Philippine Airline marketing and airport personnel, Joery started his career at the lowest rung of the airline’s corporate ladder which is his case was as a porter. Although, the trainings involved courses on cargo handling, passenger check in, basic domestic ticketing, and customer handling, the employee of “long ago” cannot say no, if he was assigned at the airport to haul carry checked-in baggage and cargoes on tow carts from the terminal to the aircraft. This was what Joery experienced when he joined the airline.

 

The kind of exposure that an employee gets has been actually designed to toughen and prepare him for more responsibilities ahead as he advances in his career. It makes the employee some kind of a well-rounded guy – an airline man who can later handle responsibilities as manager. Joery has marshaled incoming aircrafts to guide them to their slot in the tarmac, computed weights to be loaded for safe flight,  which included those of cargoes, checked-in and carry-on baggage, as well as passengers that also include the crew and paying ones.

 

Along the way, he was also trained to handle PAL customers, be they walk-ins who would like to make inquiries or purchase tickets. To cap this particular training, he was also fed with knowledge on values and attitudes to maintain the high quality of service standards that his person should exude. It was a long journey for Joery from the airport ramp as loader to his present managerial position as Head of the Tacloban Station. It was a journey beset with financial difficulty and emotional pressure. But he made it….on August 15, 2015, he was designated as Officer-In-Charge of Tacloban Station, a managerial position.

 

It was while navigating his challenging career path that he met Pomela Corni Tan who eventually became his wife, and who gave him two offspring, Anthony who is now a registered Nurse working with the Davao Doctors’ Hospital, and Mary Rose, on her second year of Veterinary Medicine course at the VISCA in Baybay City.

 

The typhoon Yolanda devastated Tacloban to the maximum, and recovery was even more challenging, as Joery and his local PAL team, worked hard to rise from such disheartening situation. To make PAL operational again, he had to coordinate with concerned government agencies and the head office in Manila for replacement of lost equipment and office supplies, as well as, reconstruct destroyed records. The story of recovery that was woven around the effort of the PAL Team, with Joery at the helm, was just one of the many that inspired many people around the world.

 

With Tacloban City propped back to normalcy, Joery resumes his overall administration of the whole Tacloban station that includes routine calls on travel agents, issuance of tickets and airport operation. His free time is spent on spiritual-related activities of the Our Lady of Lourdes Parish, being a Lay Minister. He is also an active officer of their homeowners’ association.

 

Over a simple lunch at the canteen of SSS near the PAL Administrative Offices in PNB building, he confided that he feels blessed for working with the airline. And, as the company is in its recovery stage, he has committed himself to do his best as part of the team. In a way, Joery has survived the various changes at the top management of the airline…just like the survival that he experienced when typhoon Yolanda devastated their city.

BRM Tac

Ang Department of Social Welfare…kaylan kaya magpapakatotoo?

Ang Department of Social Welfare

…kaylan kaya magpapakatotoo?

Ni Apolinario Villalobos

 

Kaylan lang ay bumulaga sa buong Pilipinas ang balita tungkol sa nadiskubreng 20 sakong relief packs na ibinaon sa isang lugar ng Dagami, Leyte na inilaan dapat sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Ang mga relief packs at sako ay may tatak ng DSW at ang masama, mag-iimbistiga daw ang ahensiya pero ang resulta ay ilalabas sa susunod na buwan!…ibig sabihin ay Enero 2016! Ganoon na ba kabagal kung kumilos ang gobyerno? Nang nakawin naman ang mga relief sa isang bodega sa Cebu noong nakaraang taon at nakunan pa ng video, inimbistigahan din daw, pero inabot na ng mahigit isang taon ay wala pa ring narinig tungkol dito. Malinaw na kaya malakas ang loob ng mga kawatan sa gobyerno ay parang may nagkukunsinti sa katiwaliang ito dahil wala man lang napaparusahan…na dapat ay saklaw ng batas tungkol sa “command responsibility”.

 

Ang pagkasinungaling ng DSW ay lumilitaw na naman dahil sa kabila ng sinasabi ng kalihim nito mismo na si Dinky Soliman na “inililigtas” lang daw nila ang mga batang kalye tuwing may darating na bisita ay malinaw na ganoon na nga….pagsisinungaling lang. Balik na naman sa mga kalye ang mga “batang hamog” sa iba’t ibang kalsada ng Maynila at namemehuwisyo ng mga motorista. At, ngayon dahil pasko, ay nakikipag-patintero pa sa mga sasakyan at humahabol sa mg bus at jeep na kanilang pinagkakarolingan. Nasaan ang katotohanan sa sinasabi ni Soliman na inililigtas ng ahensiya ang mga ito mula sa delikadong kalagayan ng mga kalsada?

 

Napaga-alaman pa na mismong mga “Street Facilitators”, mga seasonal contract workers ng DSW, na siyang naghahakot ng mga batang kalye tuwing may bisitang darating, hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng allowance sa serbisyo nila noong APEC. Ano ang ginagawa ni Soliman sa pondo ng DSW para sa mga ganitong proyekto?

 

Marami ang bumabatikos  tungkol sa napakalaking pondo ng DSW at kung anu-anong idinadahilang proyekto na kuwestiyonable naman ang relevance o katuturan. Pinagdududahan ng mga bumabatikos na baka ang malaking pondo ay gagamitin lang para sa kampanya ng mga manok ng administrasyon. Ayaw ko sanang maniwala….subalit ilang buwan na lang eleksiyon na at nagsimula na nga ang paglabasan ng mga ads ng mga kandidato na nangangailangan ng milyon-milyong pondo.

 

 

The Charisma of Pope Francis and the Euphoria of the Filipinos

The Charisma of Pope Francis

And the Euphoria of the Filipinos

By Apolinario Villalobos

The electrifying impact of Pope Francis’ historic visit to the Philippines is such that it will never be forgotten, especially, with the attestation of the Vatican’s spokesperson that it is the biggest event among the papal visits to any country. The euphoric feeling of the Filipinos borders on justifiable fanaticism. The warm reception accorded the shepherd of the Catholic Church defied the onslaught of nature when he said the Mass in Tacloban which was punctuated with incessant rain and strong wind, and in Manila which was heavily drenched with the steady bone-drenching downpour.

The bad weather did not melt the devotion of the Filipinos as they waited even for the fleeting moment to have a glance of the pope along the routes of his entourage. Wheelchaired PWDs patiently waited under the shield of thin plastic sheets. Mothers risked the health and safety of their children. And, elderlies did not utter any complaint as they waited for the pope with their wobbling legs.

For once, the rich and the poor trekked side by side, to Luneta for the concluding Mass, under the rain. The selfie addicts heeded the call not to click their camera during the Mass. The six million pilgrims gave resonating replies as one solid flock, to whatever call was made by the moderator of the occasion. For the first time, perhaps, hosts were passed on by pilgrims from the hand of the priests during the Communion. Putting to action the call of the pope for compassion, some pilgrims gave their raincoat to mothers and children.

The concluding Mass became some sort of a commitment ceremony during which Archbishop Tagle, speaking for the Filipinos, made a promise to go with him to the wherever his mission will bring him. And, in response, the pope asked the Filipinos to carry on the light of faith and devotion wherever they may go.

The pope played his role as Christ’s spokesperson during his visit, with a resounding success. He was a picture of humility since the first day of his arrival. And, his request that ceremonies do away with pomposity, was followed to the last letter. No colorful streamers from government officials and politicians that scream greetings dotted his routes. Most, importantly, the Filipinos behaved appropriately.

Francis, Santong Patron ng mga Hayop…at ang bagong santo papa

Francis, Santong Patron ng mga Hayop
…at ang bagong santo papa
Ni Apolinario Villalobos

Ang santong si Francis ay patron ng mga hayop. At, ang bagong santo papa ang unang gumamit ng pangalan niya nang mahirang ito na pinuno ng simbahang Romano Katoliko.

Nang hagupitin ng bagyong Yolanda ang Tacloban, mga karatig nitong bayan at probinsiya, isa ang bagong santo papa sa mga unang nagpadala ng pakikiramay sa mga nasalanta. Natanim sa isipan ng santo papa ang masidhing pagnanasa na makarating sa Tacloban upang personal na makiramay sa mga tao.

Sa pagdating ng bagong santo papa, dapat lahat ng mga taga-Senado at Kongreso, pati mga opisyal sa gobyerno ay dumalo sa misang pamumunuan niya ang pagganap sa Luneta, Linggo, 18 January. Sa okasyong yon kasi, maliban sa mga tao, magbabasbas din ang banal na papa ng mga hayop, upang isakatuparan ang pagka-tokayo niya sa patron ng mga ito!

Maliban sa mga una kong tinukoy na mga hayop, dapat umatend din ang mga hayop na drug lords, drug pushers, human traffickers, illegal recruiters, manggagantso, etc. Hindi nila dapat palampasin ang pagkakataong once in a lifetime na pagbasbas ng isang santo papa sa mga hayop!

Dadalo din pala ako upang makinig ng mga awit na ginawa para sa kanyang pagdating, at upang mabasbasan din…

“Bahay namin ito…”

“Bahay namin ito…”

Ni Apolinario Villalobos

Nang bumili ako ng kendi sa isang babaeng nakaupo malapit sa isang kubol na puno ng mga itinambak ng balutan, ay napatingin ako sa dalawang batang lalaki na nagsisiksikan sa kapirasong espasyo sa ilalim ng habong na nag-iisang kumot. Ang isa ay nagbabasa ng libro na pang-elementarya habang nakahiga, at ang isa naman ay nagsusulat sa isang notebook. Napansin ako ng nagsusulat na bata at walang kagatul-gatol na nagsabing “bahay namin ito…” sabay ngiti. Nang tingnan ko ang babae, bahagya itong tumango. Nang tanungin ko siya kung ano niya ang mga bata, mga anak daw niya. Ang gulang ng babae ay kalalampas pa lang sa kuwarenta at ang mga batang halos magkasunod ang gulang ay nalaman kong sampu at labindalawang taon. Nang magtanong ako kung saan ang asawa niya, sabi niya ay namatay daw sa kasagsagan ng bagyong Yolanda sa Tacloban.

Nakitira daw sila sa pinsan niya sa di-kalayuang squatter’s area subalit hindi sila tumagal dahil nalaman niyang nagtitinda pala ito ng aliw sa isang beerhouse sa Airport Road sa Baclaran at naaasiwa siya tuwing magdala ito ng kostumer sa bahay. Ganoon ang style ng pinsan niya upang ang pang-hotel ay ibigay na lang din sa kanya ng kostumer. Kahit walang mapuntahan, nag-alsa balutan sila at hinakot ang mga gamit na pansamantalang inilagak sa tabi ng pader ng isang bakanteng lote. Kalaunan, dahil talagang walang mapuntahan, sinubukan nilang maglagay ng mga habong gamit ang ilang kumot. Ang ilang araw ay naging mga linggo hanggang inabot na sila ng halos isang taon sa lugar na yon. Nagtinda siya ng sigarilyo, kendi, mga biskwit at kape sa tabi ng kanilang “bahay”. Dala ang referral para sa transfer ng mga bata, naipasok niya ang mga ito sa isang paaralan na ang layo ay pwedeng lakarin.

Nang umagang yon, nagluluto ang babae ng paksiw na dilis na sasapawan niya ng talbos ng kamote. Nakita ko sa isang tabi ang dalawang balot ng tutong na kanin, na sabi niya nabili niya sa suking karinderya, hindi rin kalayuan. Noong una ay binibigay lang daw sa kanya ang tutong, subalit nahiya na rin siya bandang huli dahil palaging nagpaparinig ang anak ng may-ari ng hindi maganda. Ang tawag pa sa kanya ay Badjao. Tiniis na lang niya at nagbayad ng limang piso bawat balot ng tutong na marami naman. May nililinis daw siyang dalawang puwesto sa talipapa at maayos naman daw ang bayad sa kanya, at kung minsan ay binibigyan siya ng tirang isda, tulad ng niluluto niyang dilis nang umagang iyon.

Sa inasal ng mga bata sa kubol ay sumagi sa isip ko ang mga kasinggulang nila na halos ayaw pumirmi sa bahay. Sa halip ay mas gusto pang magbabad sa internet shop upang maglaro. Naalala ko rin ang isang kaibigan kong madalas magreklamo dahil sa taas ng kuryente gayong hindi naman pinapatay ang TV kahit walang nanonood. Minsan pa ay muntik na silang masunog dahil sa kaburarahan niya sa pag-iwan ng plantsang hindi binunot ang kurdon sa saksakan. Naalala ko rin ang mag-asawa na madalas mag-away dahil gusto ng babae ay palitan ang kotse nila ng mas bagong modelo kahit ang ginagamit nila ay wala pang isang taong nabili. At, ang isa pang sumagi sa isip ko ay ang kuwento ng kumpare ko tungkol sa hindi pagpipirmi ng asawa niya sa bahay dahil lakwatsera. Hindi man lang daw ito nagluluto, sa halip ay bumibili lang daw ito ng pagkain nila sa karinderya.

Noong pasko, natuwa ang mga bata sa ibinigay naming ilang pirasong recycled na mga notebook, mga lapis at ballpen, mga bag na second hand, at mga t-shirt na nabili sa ukay-ukay. Ang nanay naman ay tuwang-tuwa sa body bag na noon pa niya pinangarap na magkaroon dahil sa trabaho niya. Natuwa rin siya sa thermos na pandagdag gamit sa pagtinda niya ng kape. Kahit pangako pa lang, napaiyak ang babae nang marinig na pag-iipunan namin ang pamasahe nilang mag-iina pauwi sa Tacloban kapag bakasyon na ang mga bata sa klase, sa Marso. At, dahil hindi pa pala sila nakapasyal sa Luneta, ay isinabay namin sila sa isa pang pamilya na dinala namin pagkalipas ng pasko upang makaiwas sa dagsa ng namamasyal.

Hindi na nabura sa isip ko ang may pagmamalaki ng bata sa pagsabi na bahay nila ang kubol na may kapirasong habong, kaya tuwing ako ay papasok na sa bahay ko, nagpapasalamat akong may nauuwiang tirahan na ang bubong ay yero, may mga dingding, pinto, bintana…at may kubeta!

Pagkatapos ng Hagupit ni Ruby – sisihan at turuan na naman!

Pagkatapos ng Hagupit ni Ruby –

Sisihan at Turuan na naman!

ni Apolinario Villalobos

Hindi na nawala sa kultura ng gobyerno ang magturo at manisi kung may nangyaring kalamidad. Walang katapusang sisihan ang palaging nangyayari tuwi na lang matapos humagupit ang bagyo, tulad ng nangyari pagkatapos manalanta ang bagyong Ruby. At, ang Malakanyang naman ay walang ginawa kundi ang magtakip sa mga kakulangan ng ahensiyang pumalpak, sa halip na mangako ng masusing imbestigasyon upang mabawasan ang sama ng loob ng mga tao.

Ang sabi ni Ping Lacson ay dapat daw kasuhan ang mga kontraktor na nagpasimuno sa paggawa ng mga bunkhouses na pagkatapos gastusan ng malaki ay nasira din ng bagyong Ruby dahil sa kahinaan ng mga materyales na ginamit. Mga kontraktor lang ba? Paano ang mga opisyal ng DPWH na sangkot? Paano siya mismo na siyang “czar” ng rehabilitation? May kasabihang kapag ang isang tao ay nanduro o nagturo ng isang daliri sa kanyang kapwa, ang tatlo naman niyang daliri ay nagtuturo sa kanya! Kung maaalala, si Ping Lacson ang unang nagbunyag ng anomalya tungkol sa mahihinang klaseng materyales na gagamitin sa pagpagawa ng bunkhouses. Naging sikat agad siya sa mga diyaryo, radyo at TV. Marami ang nagpasalamat dahil nagsalita siya bilang isa sa magpapatunay na may korapsyon sa gobyerno. Subalit pagkatapos niyang makipag-miting sa pangulo, biglang kumambyo ang kanyang pananalita – underdelivery lang daw ng materyales ang nangyari – walang anomalya! Ang ginawang Master Plan sa rehabilitasyon, napirmahan after one year mula nang manalanta ang bagyong Yolanda!

Mabuti na lang at maagap ang media sa pagpilit na talagang may anomalya sa pagpapagawa ng mga bunkhouses, sabay pakita sa TV ng mga yerong ginamit na animo ay karton kung tupiin ng isang matanda at pamakuang kahoy na walang anuman nang kanyang baliin. Ipinakita rin ang mga coco lumber na animo ay panggamit lang sa kulungan ng aso, sahig na yari sa plywood, at mga poste na ang sukat ay angkop lang sa kulungan ng manok. Wala yatang TV sa Malakanyang at hindi nagbabasa ng diyaryo ang mga opisyal!

Tulad ng dati, maagap sa pagsalo ang Malakanyang sa pagsabi na kahit nasira ng bagyong Ruby ang mga bunkhouses, napakinabangan din naman kahit papaano, dahil “temporary shelter” lang naman daw talaga ang mga ito. Ganoon lang????!!!!Kung ganoon kalabo ang mga sinasabi ng Malakanyang, talagang walang mangyayari sa tuwid na daan na pinagyayabang ng pangulo ng bansa, dahil nangangahulugang dahil sa kalabuan ng paligid hindi ito matatahak ng maayos, at ang matindi ay hindi pa ito mahanap kung saan ba talaga!

Hindi naipapatupad ang rehabilitation policy na dapat ay maayos na hindi hamak kaysa dati ang mga gagawin. Ngayon lang nabunyag sa publiko ang patakarang ito. Mayroon pala nito, bakit hindi pinatigil agad ang mga proyekto sa simula pa lang nang makitaan ang mga ito ng anomalya? Bakit nagbulag-bulagan ang DPWH? May natapalan bang mga mata?

Ang tanong ng marami, ay hanggang kaylan ang “temporary” na sinasabi ng Malakanyang kung hanggang ngayon ay wala pang linaw ang rehabilitation program para sa Tacloban at karatig lalawigan na sinalanta ng bagyong Yolanda, dahil kapipirma lang nito ng Pangulo? Hanggang walang linaw kung saan magkakaroon ng permanenteng tirahan ang mga sinalanta ng bagyo, sa “temporary shelter” sila titira. At dahil sa kakuparan sa pagkilos ng gobyerno, baka magka-apo na lang ang nga bakwet sa mga bunkhouses, ay hindi pa sila nakakaalis dito!

Simple lang naman kasi ang dapat sabihin ng Malakanyang dahil malinaw na nakikita ang resulta ng ginawa ng DPWH at mga kontraktor nito: “paiimbistigahan natin ito upang matukoy ang mga taong maysala”…yong lang, wala nang iba. Subalit, hindi yata kayang masabi dahil ni isa sa mga tauhan nitong lampas ulo na ang mga kaso ay kinakanlong pa rin at pilit pinagtatakpan…hanggang ngayon!

At si Ping Lacson naman, sana sa pagkakataong ito ay magpakita ng maski kapiranggot na simpatiya sa mga nasalanta ng kalamidad sa pagmamatigas na magkaroon ng masinsing imbestigasyon upang maparusahan ang maysala. Aminin din niya kung may pagkukulang siya blang “czar” na ang papel ay tagabantay, tagapuna, tagagawa ng report na kung hindi pansinin ay sa media na lang niya ipalabas, para hindi iisipin ng taong bayan na wala siyang ginagawa.

Pinalala ng Report ni Lacson Ang Sama ng Loob ng mga Taga-Tacloban

Pinalala ng Report ni Lacson

Ang Sama ng Loob ng mga taga-Tacloban

Ni Apolinario Villalobos

Nakakalula ang inireport na impormasyon tungkol sa kabuuhan ng mga donasyon ayon sa Department of Finance, na umabot sa 199.48 bilyon pesos. Maliban pa rito ang nakakalat na iba pang donasyon na hawak ng iba’t- ibang NGOs. Pinuri ng iba’t ibang international organization ang ginagawa ng pamahalaan na rehabilitasyon ng mga nasalanta – ito yong mga organisasyon na inuutangan ng Pilipinas. Maalala na sa kabila ng makatotohanang paghihirap ng Pilipinas ay pinuri pa si Pnoy ng Asian Development Bank – isa sa pinakamalaking nagpapautang sa Pilipinas. Isa lang ang pinapahiwatig ng mga papuri sa Pilipinas – pwede na namang umutang! Kaya halos wala pa ngang nararating ang rehabilitasyon ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda, at sa kabila ng hindi pa halos nagagalaw na mga donasyon, tinutulak na naman ang Pilipinas ng mga animo ay lintang nagpapautang na mga ahensiya upang lalong mabaon sa obligasyong pinansiyal ang mga Pilipino.

Ang sinasabi ni Lacson na inaadbans na alokasyon ng Tacloban mula sa Department of Budget and Management ay hindi dapat na isama sa mga donasyon na pangrehabilitasyon. Ang mga donasyon ang dapat na ginagamit at hindi ang regular na alokasyon mula sa gobyerno sa mga proyektong pangrehabilitasyon. Kung hindi makikibahagi sa mga donasyon ang Tacloban, saan gagamitin ang mga ito? Kung walang mga donasyon, may dahilan ang paggamit ng regular na budget, subalit meron nga. Bakit iniipit ng Malakanyang ang mga donasyon? Ang mababaw na sagot ng Presidente ay “nag-iingat” lang daw sila. Kaya pala inaprubahan niya ang Master Plan sa rehabilitasyon ng Tacloban na sinumiti ni Lacson, pagkalipas ng isang taon na hagupitin ito ng bagyong Yolanda! Talagang maingat!

Ang pinagmamalaki ng gobyerno na mga temporary na pabahay ay ginamitan ng mga materyales na mababa ang klase, kaya wala sa kalingkingan kung ihambing sa mga proyekto ng mga local at foreign NGOs, na permanente nang tirahan – pangmatagalan. Pinababayaran pa ng gobyerno ang “pabahay” sa loob ng limang taon, kaya sa mga interbyu, may mga taga-Samar na naglabas ng sama ng loob dahil baka hindi umabot ng dalawang taon ang bahay, gayong magbabayad sila sa loob ng limang taon!

Si Lacson ang unang nagbulgar ng katiwalian sa pagbili ng materyales ng mga temporary bunkhouses para sa mga nasalanta ng bagyo, subalit pagkalipas ng ilang araw, nakapagtatakang binawi ang report at sinabi na lang na under-delivery lang daw ang nangyari. Ibig sabihin, hindi nasunod ang mga nasa listahan, pilit pinagtatakpan ang isyu sa kalidad ng mga materials. Sa isang TV interview sa matanda na nakatanggap ng mga materyales, pinakita niya ang pagbali ng kahoy at pagtupi ng yero, nang walang kahirap-hirap!

Sa mata ng Pilipino, walang nangyari sa pagka-czar ni Lacson sa rehabilitasyon ng mga biktima ng bagyong Yolanda. Siya mismo ang umamin na limitado ang kanyang kapangyarihan na halos ay hanggang paggawa ng report lang. Dahil sa kawalan niya ng nagawa makalipas ng halos isang taon, naghanap siya ngayon ng mapapasahan ng sisi, at ang nakita ay ang mayor ng Tacloban. Paano niyang ipaliwanag ang katotohanang ang Master Plan na pinagmamalaki niya ay naaprubahan ng Presidente, pagkalipas ng isang taon mula nang manalanta ang bagyo? At, plano pa lang ang inaprubahan, na ibig sabihin, baka abutin pa ng kung ilang taon bago magkaroon ng katuparan dahil sa sobrang kabagalan ng pagkilos ng mga ahensiya ng gobyerno. At, ang pinakamasakit, sa ganoon katagal na panahon magtitiis ang mga nasalanta bago nila matamasa ang biyaya na dulot ng mga donasyon! At kapag inabot ng bagong administrasyon ang mga iniipit na donasyon…malamang na mananakaw na naman!

Para makumpleto ang pagpasa ng sisi kay Romualdez at todong makapaghugas ng mga kamay, binanggit na naman ni Lacson ang pulitika! Sa ginawa niya, ang bantayog ng kanyang imahe na nirerespeto ng maraming Pilipino dahil sa mga nakakabilib na ginawa niya noong “crime czar” siya, ay biglang gumuho!

Ang hiling ng mga taga-Tacloban nang paulit-ulit…huwag silang gamitin sa mga report na walang katotohanan. Mapagbibigyan kaya sila sa harap ng “kahalagahan” ng Tacloban bilang “model” ng isang matagumpay na rehabilitation program kuno ng gobyerno?

Isang Kuwento ng Katatagan (tungkol pa rin sa bagyong yolanda)

Isang Kuwento Tungkol sa Lakas ng Kalooban

(tungkol pa rin sa bagyong Yolanda)

Ni Apolinario Villalobos

 

Isang umaga, nang ako’y bumisita sa mga kaibigan ko sa Baseco (Tondo), nagdala ako ng pandesal na binili ko sa isang maliit na panaderya malapit sa bukana ng compound. Dahil medyo malaki ang ekstrang pera na dala ko, bumili ako ng 100pesos na halagang pandesal dahil dumami na sila gawa ng mga nagdatingang mga bisita (mga evacuees) galing sa Tacloban. Pagdating ko sa bahay na tinitirhan ng dalawang pamilyang dayo, sumigaw ang pinakabunso sa mga bata, “Lola, may pa-bertdey na kayo, maraming pandesal dala ni Tito …..”(ibang pangalan ang pakilala ko sa kanila, hindi ko pwedeng sabihin). Tinawag ng isa pang bata ang ibang mga dayo sa likod lang ng tinitirhan nila upang maki-bertdey ng pandesal. Sila yong mga taga-Tacloban na pansamantalang nakikitira sa mga kamag-anak nila sa Tondo. Upang kumita, namumulot sila ng mga reject na gulay na itinapon ng mga biyahera, upang linisin at ibenta naman sa dating riles ng tren sa Divisoria, at kung tawagin nila ay “bangketa”.

Share-share na lang kami sa kape dahil kulang ang tasa at mug. Ang mabubulunan na lang ang humihigop. Ang iba ay nagkasya sa pagsawsaw ng pandesal sa mga tasa. Nagkakatuwaan ang mga bata at mga magulang na nagkwento kung paano nilang iwasan ang backhoe na siyang naglalagay ng mga basura sa malaking dump truck. Ang lolang nagbertdey nakangiti lang, habang sinasawsaw ang pandesal niya sa kape upang lumambot dahil wala siyang ngipin. Sabi niya, 92 years old na siya kaya hindi na siya sumasama sa mga namumulot ng mga reject na gulay upang ibenta. Naiiwan siya sa bahay upang magtalop na lang ng pabulok na sibuyas upang matangal ang mga sirang balat. Ang mga sibuyas  na galing China at Taiwan daw ay sako-sako kung itapon ng mga bodegero.

Maya-maya pa, dumating ang isang nanay na may dalang plastic bag, may lamang talong at petsay. Nagpabili ako ng tinging mantika, halagang 10peso panggisa. Sabi ko yong ibang talong iihaw na lang. Naggisa ng petsay at talong sa maraming sibuyas, toyo ang pampalasa. Ang mga inihaw na talong, nilamog ko pagkatapos mabalatan at ginisa sa marami ding sibuyas at tinaktakan  ng toyo, sabi ko, pwedeng palaman sa pandesal. Naalala ko kasi na kumain ako nito sa isang restaurant sa Makati, pero mas maraming spices. Itinabi ang lahat ng niluto dahil maaga pa para mananghalian.

Nang maubos ang pandesal, binati namin si lola ng happy birthday.  Dahil nasa tabi lang namin ang kalahating sakong sibuyas na kailangang talupan, naki-bonding na rin ako sa pagbalat.

Para sa pananghalian, inilabas naman ng kaibigan ko may-ari ng bahay na tinutuluyan ng isang pamilyang bisita ang anim na labong plastic bag (yong nilalagyan ng kanin at ulam sa mga karinderya) na puno ng kaning tutong na binili niya sa isang karinderya sa labasan (ni-refund ko na lang ang ginastos niya). Inilagay ang kanin sa isang maliit na plastic na palanggana at ipinwesto sa gitna ng mesang yari sa dalawang crates ng prutas. Ang mga nilutong gulay naman na nasa mga kaldero pa, inilagay din sa gitna at nilagyan ng mga sandok. Kanya-kanya kaming hawak ng pinggan habang naghihintay ng toka sa pagsandok ng pagkain. Pero ang mga bata ipinagsandok ng mga nanay, ang kay lola ako na ang naglagay ng kanin na pinili ko upang walang masyadong sumamang tutong.

 

Habang kumakain kami, may nagsimulang magbanggit na sa probinsiya, maski papaano meron sanang sariwang isda man lamang. Nagpalitan na ng kwento tungkol sa buhay nila sa probinsiya hanggang noong manalanta na ang bagyong Yolanda. Palihim kong tiningnan ang mga mukha nila…wala akong nakitang lungkot o galit.  Sabi ng isa, “walang magawa ang tao sa lakas ng Diyos”.  Totoo nga naman, isip-isip ko. Dugtong pa ng isa, “kailangang tanggapin natin dahil baka parusa upang magising tayo, at kung hindi tayo kikilos, aba eh, maninigas tayo sa guton!”. Lalong totoo nga naman isip-isip ko pa rin. Bandang huli, nagtanong ako kung sinubukan nilang lumapit sa DSW dito sa Maynila.  Walang  umimik,  pero yong iba, tiningnan ako at ngumiti lang, sabay iling. Pagkatapos kumain, iniligpit ng mga bata ang mga pinagkainan, at kami naman balik sa pagtalop ng mga bulok na sibuyas.

Bandang 3pm na ako nagpaalam upang makaiwas sa trapik dahil malayo pa ang uuwian ko. Ang pagkaalam nila sa bandang Antipolo ako umuuwi. Nangako akong babalik sa susunod na Sabado at magdadala ulit ng pandesal. Habang naglalakad ako patungo sa sakayan ng dyip, medyo napaluha lang ako ng bahagya (dahil pinipigilan ko) at ang lalamunan ko ay naninikip, nang maalala ko ang kasiyahan sa mukha ng mga kaibigan kong nagsasawsaw ng pandesal sa kape. At sa kwentuhan nang mananghalian kami, wala ni maliit na bahid man lang ng galit sa kanilang mukha habang sinasabi sa akin kung paanong ginawin sila ng kung ilang araw bago naabutan ng “tulong” – 4 na sardinas, ilang pirasong biscuit, 3 kilong bigas, 6 na pirasong instant noodles, mga nasa loob ng isang plastic bag na may tatak ng isang ahensiya ng gobyerno.  

Napahanga ako sa katatagan ng loob nila, at lakas ng pananampalataya dahil sa paniwalang makakabangon silang muli.

 

 

 

 

Tacloban: Isang Halimbawa ng Kapabayaan

Tacloban: Isang Halimbawa ng Kapabayaan
…sino ang may sala?
Ni Apolinario Villalobos

Ilang araw pa lang matapos hagupitin ng bagyong Yolanda ang Tacloban, hindi na ito tinigilan ng intriga. Nagkaroon ng kalituhan sa kung sino ang dapat kumilos para matulungan ang mga nasalanta ng bagyo. Nagturuan at nagsisihan ang mga nasa gobyerno. Ang kawawang mga mamamayan, naiwang nakanganga, nakatunganga, gutom, at nangagatog sa ginaw. May mga dumating ngang relief goods pero pati ang mga ito ay nadamay sa intriga dahil may mga local officials daw na ayaw mamahagi sa mga kontra-partidong barangay. Umabot na sa puntong kailangang pumasok sa eksena at makialam ng mga ahensiyang taga-labas ng bansa. Meron pang mga ahensiyang donors na ayaw ipagkatiwala sa mga local na ahensiya ang pagmudmod ng mga relief goods….nakakahiya!

Pati ang pagpapatayo ng mga bunkhouses na tirahan dapat ng mga evacuees ay nakaladkad sa controversy. Ipinahayag ni Lacson noon, ang Presidential Assistant na itinalagang mag-monitor sa proyekto para sa rehabilitasyon, ang pagkadiskubre niya ng anomaly sa over-pricing ng mga materials, at pinagpyestahan naman ng media. May mga nagdatingan sa Tacloban na mga hepe ng mga ahensiyang sangkot at abut-abot ang pagdepensa nila sa mga contractors na nag-abuno pa nga daw maumpisahan lang ang proyekto. Nang ipakita sa TV ang mga ginawa, nabisto ang mga coco lumber na ginamit na pamakuan ng mga yero na sabi ng mga nakadiskubre sa anomaly ay ang pinakamanipis naman na klase. Nakita rin ang mga bakas ng tulo ng ulan na dumaloy sa mga nasabing pamakuan ng mga yero. Ang sahig ng mga bunkhouses, inaming gawa sa makapal na plywood. Ewan kung ano pa ang mga sumunod na pangyayari, dahil nang interbyuhin uli si Lacson, ang sabi niya, hindi na overpricing ang kaso kundi underdelivery at hindi pagsunod sa mga specifications. Akala niya hindi marunong umunawa ang mga Pilipino dahil kung tutuusin, wala namang pinagkaiba ang hindi pagsunod sa mga specifications sa overpricing kung ang pinagbasehan ay iisang presyo lamang o kung sa pangkalahatan ay ang napanalunang package cost sa bidding kung meron man. Domoble pa nga ang violation, dahil overpriced na, hindi pa nasunod ang mga specific na materyales kaya ang mga na-deliver ay mahihinang klase! Bakit biglang kumambyo ang tono ni Lacson? May pumuna ba sa una niyang ginawang pagpahayag tungkol sa nabunyag na anomalya? Ngayon, sinasabing pinipilit na sinusunod ang pamantayang international, tulad ng ginawa ng ibang mga bansa na naging biktima ng kalamidad. Pero, paano kung hindi nabunyag ang anomalya? Lusot sana at marami na naman ang kumita!

Sa pagkabulok ng mga pagkain na dapat ay noon pa napakinabangan ng mga biktima, itinuturo ng DSWD ang mga pamalaang lokal na siyang dapat sisihin dahil sila ang sumalo ng responsibilidad sa pagpapamudmod ng mga tulong na hinayaang mabulok. Ang sabi naman ng pamahalaang lokal walang magamit na panghakot. Lalong nagpasama sa sitwasyon ang pagpalabas pa ng ahensiya sa TV, ng katawa-tawang listahan ng ilang pirasong pagkain na nabulok, na sinalungat naman ng pamahalaang lokal na nagsabing trak-trak daw nga ang mga nabulok na pagkain dahil inabot na ng expiration date, kaya kailangang ibaon upang maiwasang makain ng mga nasalanta ng bagyo.
Mapalad akong makausap ang apat na pamilyang nakikipagsiksikan sa maliliit na inuupahang mga kwarto ng kani-kanilang kamag-anak sa Baseco compound (Tondo), ilang araw na ang nakaraan. Isa sa kanila ang bumalik sa Tacloban upang mag-check kung pwede nang umuwi doon. Nadismaya siya dahil halos wala pa ring pinagbago ang kanilang lugar (hindi sa siyudad) na hanggang ngayon daw ay wala pa ring nakatayong maayos na tirahan. Ang mga bahay nilang nagiba nandoon pa rin subali’t ang ibang mga kahoy at yero ay pinakinabangan na ng iba. Magtitiyaga daw muna silang mamulot ng mga reject na mga gulay sa Divisoria upang mabenta sa bangketa tulad ng ginagawa na ng kanilang mga kamag-anak, para makaipon ng pera bago bumalik sa Tacloban. Nang tanungin ko kung bakit hindi sila lumapit sa DSWD, iling lang at ngiti ang natanggap kong kasagutan.
Sa halip na magturuan, sana aminin na lang ng mga lokal na pamahalaan at ng ahensiyang DSWD ang kanilang kapabayaan at punan ang kakulangan sa kanilang mga serbisyo. Si Pangulong Aquino ay nagawang humingi ng paumanhin sa isang bata na taga-Tacloban nang siya ay magsalita sa isang paaralan sa Maynila. Sana ay gayahin siya ng mga taong direktang may responsibilidad at huwag nang maghugas – kamay pa. Hindi man lang naisip ng mga taong ito na bahagi ng mga tulong na pinadala sa Tacloban ay kakarampot na mga baryang dapat sana ay baon ng mga estudyante, na nagpilit pumasok maski mawalan nito, mga driver, at iba pang ang sweldo ay halos hindi magkasya sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, makatulong lang sa abot ng kanilang makakaya.
Hanggang saan tayo dadalhin ng mga ugaling turuan at hugas-kamay, na pinatindi pa ng kasakiman?