Ang Pagmamahal ng Ina sa Anak…para kay Miguel Kurt Padua

Ang Pagmamahal ng Ina sa Anak

(para kay Miguel Kurt Padua)

Ni Apolinario Villalobos

Mula sa sinapupunan niya nang ito ay sumibol

karugtong na ng kanyang buhay

ang anak na walang kamalay-malay

at sa marahang pagpintig ng puso nito

ramdam ng ina’y ligayang hindi matanto.

Nagmamahal nang walang pasubali, yan ang ina

na lahat ay gagawin para sa anak

nang ito’y lumigaya’t ‘di mapahamak

gumapang man at magtiis, o maghirap

matupad lang para sa anak, ang pangarap.

Ina lang ang kayang magtiis sa mabigat na pasakit

kakayanin ang lahat para sa anak

na sa mundo’y iniluwal na may galak

biyaya ng Diyos, sa kanya’y ipinagkaloob

kaya, pagmamahal niya’y taos, marubdob!

Ama, Ina, Anak…

Ama, Ina, Anak…

ni Apolinario Villalobos

 

Ama, haligi ng tahanan, na naging puhunan

ay dugo at pawis upang maitayo ito ng matatag;

Siya rin ang sa araw at gabi ay kumakayod

‘di makagulapay, kahi’t bumaluktot na ang likod.

 

Ina, kaagapay ng ama upang tahana’y sumaya

at lalo pang nagpapatatag nito sa lahat ng panahon;

Siyang ilaw sa lahat ng oras, nagpapaliwanag

upang walang matitisod, wala man lang mabasag.

 

Anak, bunga ng pagmamahalan ng ama’t ina

may sumpang hanggang kabilang buhay magsasama;

Bunga ng pagmamahalang lipos ng kabanalan

Na sa harap ng mga pagdududa’y hindi matatawaran.