Ang Arenolang Pitsel sa Buhay Ko

Ang Arenolang Pitsel sa Buhay Ko

Ni Apolinario Villalobos

 

Noon ay may napanood ako sa pelikula ni Dophy tungkol sa arenolang ginamit na pitsel upang timplahan ng gin, kalamansi at ice. Totoo palang nangyayari talaga dahil nadanasan ko nang pasyalan ko ang isang kaibigan sa Baseco Compound (Tondo)….umiinom pa ako noon ng alak.

 

Tuwang-tuwa ang kaibigan ko nang dumating ako na may dalang pulutang tulingan. Niluto sa gata ang tulingan upang may pang-ulam din ang mga bata. Habang nagluluto kami ay may kinuha siyang arenola….at nang mapansing gusto kong magtanong, siya na mismo ang nagsabing, “malinis ito, pare”.  Nagpabili ako ng tatlong beer grande at ice na inilagay namin sa arenola. May dumating na dalawa pa naming kaibigan, tadtad din ng mga tattoo ang mga katawan, yong isa ay Nazareno ang tattoo sa likod.

 

Dahil apat kaming uminom ng beer mula sa arenola ay hindi inabot ang laman ng kalahating oras, pero napansin kong patingin-tingin sa loob nito ang misis ng kaibigan ko at nang mapansing kaunti na lang ang laman ay kumuha siya ng tabo at doon inilipat ang laman. Dinala niya sa loob ng kuwarto ang arenola at may narinig akong sumasagitsit na tunog at isa pang tunog na parang tubig na bumabagsak….umihi pala ang misis sa arenola. Maya-maya ay lumabas at sabay sa matamis niyang ngiti sa mister ay inabot ang arenola na may takip na tuwalya. Lumabas ito at itinapon sa malapit na kanal ang laman at dumaan muna sa isang di-kalayuang gripo at binanlawan ang arenola.

 

Pagdating sa umpukan namin ay inilagay ang arenola sa gitna, sabay sabing, “o…isa pang set”, ibig sabihin ay maglalagay uli ng tatlong beer at ice sa arenola. Hindi pinag-usapan kung anong ginawa sa arenola habang nag-iinuman uli kamo. Basta nang dumating ang pinabiling beer at ice ay itinuloy namin ang inuman na naging masaya pa dahil may nahiram kaming gitara. Ang una naming kinanta ay, “May Pulis sa Ilalim ng Tulay” na itinuro ko sa kanila…maraming binanggit sa kanta tulad ng aso, PC, Navy, pati Malakanyang, kaya tuwang-tuwa sila. (Isi-share ko ang mga lyrics ng kanta sa susunod na blog).

 

Dahil ayaw nila akong pauwiin pa, ay sa bahay na rin ng kaibigan ko ako natulog….tabi-tabi kami sa sala, katabi rin si “Burdagol” na aso nila. Okey lang dahil kinabukasan ay Linggo kaya walang pasok. Yong curious kung “sino” ako sa kanila, pwedeng mag-pm.

 

 

Ang Iba’t Ibang Uri ng Kahirapan

ANG IBA’T IBANG URI NG KAHIRAPAN

Ni Apolinario Villalobos

 

Nakakakita na ngayon ng iba’t ibang uri ng kahirapan dahil sa internet. I-google search lang image of poverty o slums ay lalabas na ang mga larawan. Subalit iba ang aktuwal na nakikita…iba ang epekto. Dahil sa mga karanasan ko, masasabi ko na ang kahirapan ay mayroong iba’t ibang uri or mukha, tulad ng sumusunod:

 

  • Mga nakatira sa bangketa at kariton na palipat-lipat
  • Mga nakatira sa iskwater pero ang bahay ay pinagtagpi-tagping karton
  • Mga nangungupahan ng maliit na kuwarto
  • Mga nangupahan ng maliit na bahay pero walang permanenteng kita

 

Hindi lahat ng naghihirap ay nanlilimahid ang ayos. Kahit ang mga nakatira sa bangketa o kariton ay nagpipilit na maging malinis. Ang mga hindi naglilinis ng katawan kaya nanggigitata dahil sa animo ay “grasa” na naghalong pawis at alikabok ay ang mga nawalan ng katinuan ng pag-iisip dahil nalipasan ng gutom. Nakakabili na kasi ngayon sa ukayan ng mga damit sa halagang Php10 kaya kahit naghihirap na namamasura ay may kakayahang bumili.

 

May nai-blog ako noong mag-ina na ang nanay ay nagtitinda sa bangketa at doon na rin siya natutulog nang nakaupo. Ang anak namang dalagita na nag-aaral sa kolehiyo ay sa maliit na kuwartong inupahan nila sa di kalayuan. Sa sobrang liit ng kuwarto na 6feet by 10feet, halos mapuno na ito ng mga gamit nila. Halos hindi na rin makagalaw ang anak na babae sa loob ng kuwarto kung siya ay magbibihis. Single mom ang nanay.

 

Ang nakakabilib ay malinis ang ayos ng mag-ina, makinis ang kutis ng anak dahil alaga niya ang kaniyang katawan, lalo pa nga at siya ay estudyante, kahit wala siyang ginagamit na pampakinis ng balat. Kinunan ko sila ng retrato pati ang inuupahang maliit na kuwarto at ang puwesto nila sa bangketa.

 

Sa halip na matuwa dahil sa kuwento ng buhay nila na puno ng pagsisikap, ang isang kaibigan na nakakabasa ng blogs ko at madalas magpadala ng tulong ay nagtanong kung talaga bang naghihirap sila dahil “mukha namang maayos ang kanilang hitsura”….na ikinabigla ko dahil marami akong ini-post na larawan pati ang kuwarto at puwesto sa bangketa. Para bang hindi nag-iisip ang kaibigan ko. Ang gusto yata niya, basta mahirap, dapat ay nanlilimahid na o marumi ang katawan at yan ang dapat batayan sa pagbigay ng tulong. Ibig sabihin, kung “maayos” ang hitsura ay hindi na deserve ang tulong. Ang mga sumunod na padala ng kaibigan ko ay hindi ko na tinanggap.

 

Maraming taong tulad ng nabanggit kong kaibigan. Sila yong naghahanap ng kadamay sa kanilang pagdurusa. Dahil sila ay nalulungkot, ang gusto nila ay malungkot din ang mga kaibigan nila o ibang tao. May problema sa buhay ang kaibigan ko…iniwan ng asawa dahil sa kayabangan kaya mahilig mamintas o manglibak. Nang marinig ng asawang nilibak nito ang magulang niyang “no read, no write” iniwan siya at binitbit pa ang kanilang mga anak!

Ang Buhay sa Probinsiya at Lunsod

ANG BUHAY SA PROBINSIYA AT LUNSOD

Ni Apolinario Villalobos

 

Maski saang bansa ay may mga iskwater o mga kapus-palad na nakatira sa kung saan-saang sulok ng lunsod. Hindi naiiba ang kalagayan ng Pilipinas pagdating sa bagay na yan. Nagkaroon ng kahirapan ang bansa nang magdatingan ang mga mananakop na Kastila at Amerikano dahil sa nangyaring pangangamkam ng mga lupain at panloloko sa mga nagtatrabaho sa mga lupain ng mga mangangamkam. Ang mga nahirapan ay nagsilikasan sa lunsod dahil kung hindi man nawalan ng lupang sinasaka, ang kinita nila sa pagiging “casique” sa mga tubuhan o “kasama” o tagasaka ng mga palayan at maisan ay hindi sapat upang mabuhay ang kanilang pamilya.

 

Ngayon, sa lunsod lang ng Maynila ay tumindi ang dami ng mga walang sariling lupa at bahay, o maski lupa lang na kapiraso upang matirikan ng barung-barong. Kung hindi man pag-aari ng pamahalaan ang lupang iniiskwatan nila ay pribadong lupain naman kaya kapag sila ay pinalayas, sa bangketa ang bagsak nila. Kung hakutin man sila sa mga relocation sites na itinalaga ng gobyerno, halos impiyerno din ang kanilang kalagayan dahil bukod sa walang pasilidad tulad ng ligtas na kalsada patungo sa sakayan ng bus o jeep, wala ring tubig at kuryente. Ang nangyayari tuloy, ay binibenta ng mga na-relocate and rights sa bahay at lupa na na-award sa kanila, lalo pa at hindi naman libre ito kaya binabayaran nila buwan-buwan.

 

Ang pagpili ng kalagayan sa pagitan ng probinsiya at lunsod ay parang tinatawag sa Ingles na pagpili, “ between the devil and the deep blue sea”….demonyo at karagatang malalim, na parehong may nakaambang paghihirap at kamatayan. Halimbawa na lang, ay:

 

  • Totoong pwedeng magtanim ng gulay sa probinsiya, subalit kung ibenta naman sa palengke ay binabarat kaya sa maghapon na pagtitinda, ang kinita ay hindi pa rin sapat para sa pangangailangan ng pamilya….kung makapagbenta, pero paano kung walang nabenta?
  • Masarap pakinggan na sariwa ang gulay sa probinsiya…pero hindi naman pwedeng araw-araw na lang ay talbos ng kamote, kangkong, upo, at iba pa ang kakainin dahil kailangan din ang isda kahit daing o tuyo man lang, kahit ang karne ay isang beses sa loob ng isang taon man lang. Paano ang asin, asukal, kape, bagoong, patis, toyo, mantika at lalo na ang bigas?…paano ang pag-aaral ng mga bata?
  • Sa probinsiya pwede na maski hindi mamasahe sa pagpasok sa eskwela o trabaho kuno. Paano ang mga nakatira sa mga liblib na baryo o barangay, kaya kailangan pang tumawid ng ilang burol o ilog bago makarating sa bayan?
  • Karamihan ng mga probinsiya ay hindi na tahimik dahil napasok na rin sila ng droga na nadagdag sa problema sa NPA at pangingidnap ng Abu Sayyaf na wala nang sinasanto. Kahit mga ka-tribung Tausug sa Jolo, Basilan, at Tawi-tawi ay binibiktima na rin. Dahil diyan, hindi nakapagtataka ang pagdagsa ng mga Badjao at iba pang mga kapatid na Muslim sa mga lunsod dahil ayon sa mga nakausap ko, ginagamit daw sila ng mga kidnapper.
  • Hini nagkakalayo ang presyo ng mga bilihin ng mga prime commodities sa pagitan ng Maynila at mga probinsiya. Ang pagkakaiba ay sa sweldo dahil hindi hamak na mas maliit ang suweldo sa probinsiya samantalang mahal ang mga bilihin. Samantalang sa Maynila, mataas ang minimum wage, at napapagkasya depende sa diskarte kung mamalengke, lalo na kung pairalin ang pagtitipid o sabihin na nating pangunguripot.

 

Dahil sa mga nabanggit, pagtatakhan pa ba kung bakit maraming nagtitiyagang tumira sa mga bangketa ng Maynila, na ang mga gamit ay nasa kariton upang kung saan man sila abutin ng gabi dahil sa pamumulot ng mga mapapakinabangan sa mga basurahan, ay doon na rin matutulog? Kahit papaano, sa maghapong pamumulot, may kikitain silang hindi bababa sa isang daang piso at nadadagdagan na lang ng “pagpag” o mga napulot na itinapong tirang pagkain sa basurahan ng mga restaurant,  o mga gulay na napulot sa tambakan ng mga palengke.

 

Marami akong nakausap na nakatira sa bangketa na nagsabing kahit papaano ay naigagapang nila ang pag-aaral ng mga anak, lalo na ang mga nasa elementarya man lang….bagay na mahirap gawin kung sila ay nakatira sa kabundukan ng probinsiya o liblib na barangay sa tabing dagat.

 

Ang mga taga-Tondong kaibigan ko at mga anak nila ay gumigising ng madaling araw upang mamulot ng mga itinapong gulay sa tambakan upang ibentang pa-tumpok nang sa ganoon ay may  pambaon ang mga bata sa eskwela. Sa probinsiya lalo na ang mga liblib, walang tambakan ng mga gulay na binibenta sa talipapa o maliit na palengke, dahil karamihan sa mga ito ay halos walang laman.

 

Kung ang mga nakatira sa mga bangketa ng Maynila ay hirap dahil sa kawalan ng kubeta, ganoon din naman sa probinsiya dahil ang ginagamit ay ang malawak na paligid, yon nga lang ay may matataas na talahib o mga puno na pwedeng kublihan. Sa Maynila naman ay “flying saucer” ang sistema….babalutin at ihahagis sa Pasig river o sa natatanaw na basurahan. Noon, ang mga tarantadong nakatira naman sa tabi ng riles ng tren ay pinapabiyahe pa ang “binalot” hanggang Laguna dahil sa bubong ng tren hinahagis ito, subalit nagawan ng paraan ng PNR…ginawang paumbok o pakurbada kaya hindi na flat ang mga bubong, resulta: ang itatapon sa mga bubong ay ii-slide agad pababa at hindi na madadala ng tren sa Laguna o kung saan pa mang destinasyon.

 

Ang bentaha ng mga taga-probinsiya ay kung namatayan sila dahil maluwag ang sementeryo at kahit papaano ay pwedeng ilibing agad ang mga labi ng namatay kaya walang problema ang mga walang perang panggastos sa lamay. Sa Maynila, nagkakatarantahan kapag kapus-palad ang namatayan dahil bukod sa mahal ang pagpapalibing ay marami pang mga hinihinging pangangailangan ang gobyerno upang magawa ito. Ang masaklap lang ay ginagawang negosyo ng mga tarantado at walang konsiyensiyang namatayan ang bangkay na pinapaupahan sa mga sindikato upang gamiting dahilan ng kung ilang buwang pagpapasugal! Yong isang kabaong na nakita kong pinasugalan ng tatlong buwan ay nagkaroon na ng tagas (katas ng gamot at naagnas na bangkay) at amoy!

 

Sa panahon ngayon, ang matatakbuhan na lang ng isang taong may natitira pang pananampalataya sa Diyos ay Siya na lang….at wala nang iba.

Antonette…Nakadanas Mangalakal at Tumira sa Bangketa, ngayon ay Eskolar sa Kolehiyo

ANTONETTE…NAKADANAS MANGALAKAL AT

TUMIRA SA BANGKETA, NGAYON AY ESKOLAR SA KOLEHIYO

Ni Apolinario Villalobos

 

Si Antonette ay nag-iisang anak ni Minda na nagtitinda ng kape, tinapay at tsitserya sa bangketa malapit sa Sta. Monica St. ng Ermita na nai-blog ko two days ago. Nahiya akong tanungin noong unang nag-usap kami kung single mom si Minda pero mabuti na lang at siya mismo ang nagsabi na maliit pa si Antonette ay namatay na ang tatay nito nang magkita kami uli. Bumalik ako sa puwesto ni Minda upang maghatid ng kumot at ilang gamit. Mabuti rin at napaunlakan ang pakiusap kong makita si Antonette kaya walang kaabug-abog na sindundo siya ni Minda mula sa inuupahan nilang maliit na kuwarto.

 

Sa mabilis na pag-uusap namin ni Antonette, nalaman kong eskolar pala siya, kaya sa isang semester ay mahigit lang ng kaunti sa sampung libong piso lang binabayaran sa Universidad de Manila subalit malaki ang nagagastos pa rin sa mga project at iba pang requirements para sa kurso niyang Business Administration. Ang allowance niya sa isang araw ay 150pesos. Second year na siya at napansin ko ang hawak niyang lumang cellphone na inamin niyang ginagamit niya sa kanyang pag-research. Tulad ng ginagawa ng ibang mga kinakapus na estudyante, naghahanap siya ng libreng wifi site upang makapag-browse. Hindi nila kaya ang bayad sa internet café na ang singil ay hindi bababa sa 30pesos kada oras. Hindi ko na tinanong kung saan galing ang cellphone dahil baka isipin niyang masyado akong maurirat.

 

Nang makiusap ako kung pwede akong sumama sa kanya sa inuupahan nilang kuwarto ay malugod niya akong pinagbigyan. Mula sa puwesto ng nanay niya ay nilakad namin ang di-kalayuang kanto ng Sta. Monica at pumasok kami sa isang maliit na sidestreet. Naalala ko ang mga eskinita sa Baseco compound na pinapasok ko habang binabaybay namin ang eskinitang maputik at sa isang gilid ay mga barung-barong. Akala ko, nang pumasok kami sa isang maliit na pinto, nandoon na ang kuwarto. Ang ground floor ay marami ring maliliit na kuwarto. Pumasok pa kami sa isang maliit na pinto bago itinuro ni Antonette ang butas sa itaas na animo ay manhole lang sa laki. Ito ang “lulusutan” papunta sa “second floor”.

 

Sa tabi ng matarik o halos patayong hagdan papunta sa “second floor” ay may isa pang kuwarto na ang pinakatakip ay kurtina. Hahawiin ko sana out of curiosity kung hindi ko narinig ang, “may tao pa kuya”….CR pala! Unang “lumusot” si Antonette sa butas papunta sa “kuwarto” niya at sumunod ako. Dahil sa kalakihan ko ay halos hindi ako kasya at kinabahan pa ako dahil sa dulas ng matarik na hagdanang gawa lang sa maliliit na pinagtagpi-tagping kahoy.

 

Ang kuwarto ay talagang maliit. Kung ako siguro ang hihiga sa loob ay nakalabas ang mga paa ko sa pinto. Para lang itong malaking cabinet. Walang bintana at ang pinanggagalingan ng hangin ay isang maliit na electric fan.  Ang upa sa kuwarto ay 1,500 pesos isang buwan, libre nga lang ang tubig at ilaw kaya pinagtitiyagaan ng mag-ina. Ang nakakabahala lang ay kung magkaroon ng sunog. Siguradong lahat ng nakatira sa lugar na yon ay masasawi.

 

Nang bumalik ako kay Minda, tinanong ko siya kung bakit wala halos siyang paninda ganoong maaga pa. Wala raw siyang pambili at ayaw pa muna siyang pautangin ng Bombay at nagpaparinig pa daw ito na mahirap maningil kaya dapat ay magbayad pa daw muna siya ng balance. Nag-alala nga daw siya dahil sa sinabi ng anak na aabot na sa mahigit 600pesos ang mga kailangan para sa kanyang mga kailangan sa eskwelahan. Mabuti na lang at hindi ko pa nagastos ang 500pesos na pambili sana ng mga payong kaya inabot ko na muna sa kanya upang magamit nila. Pati ang payong na gamit ko ay iniwan ko kay Antonette dahil wala pala itong payong. Dahil kulang na ang pamasahe ko pauwi sa Cavite, pinagkasya ko ang mga barya hanggang sa Buendia (Pasay) at dahil umuulan ay patakbu-takbo ako upang makarating sa bahay ng isang kaibigan na inutangan ko ng pera para magamit sa pagbili ng mga payong sa Baclaran bago umuwi sa Cavite. Mabuti na lang at inabot ko ang kaibigan kong paalis na sana kung hindi bumagsak ang ulan. Ang mga payong ay para sa mga pinangakuan kong mga estudyante noon pa, at ang iba ay pambenta ng mag-asawang may sanggol na nakilala ko sa Luneta.

 

Babalikan ko sina Minda upang dalhin kay Antonette ang mga gamit na naitabi ko na magagamit niya tulad ng laptop bag dahil ang ginagamit niya ay maliit na backpack lang….

Ang Paglobo ng mga Lunsod sa Buong Mundo

Ang Paglobo ng mga Lunsod sa Buong Mundo

Ni Apolinario Villalobos

Sa internet ay naglipana ang mga retrato ng iba’t ibang lunsod ng mundo na puno ng nagtataasang building at squatter areas o kung sa bagong katawagan ay depressed areas. Kahit na ang mauunlad na bansa tulad ng Japan, China at Amerika ay hindi ligtas sa ganitong pangyayari – paglobo ng populasyon ng tao sa mga lunsod. Hindi na ako lalayo pa, dahil sa Manila mismo ay dati nang may mga depressed areas at nadadagdagan pa sa pag-usad ng panahon, at mga kumpol-kumpol na condo buildings.

Para sa mga sakim na local officials at pulitiko ng Pilipinas, ang tingin nila sa mga taong nakatira sa mga squatter areas ay boto, kaya sila mismo ang humaharang sa pag-relocate ng mga ito…kabawasan kasi sa boto pagdating ng eleksiyon. Ang mga sindikato naman na nagpapagalaw ng malakas pagkitaang prostitution at organized crime, minahan ang tingin nila sa mga lugar na ito, dahil dito sila kumukuha ng mga taong gagamitin upang maisakatuparan ang kanilang mga masamang layunin.

Ang ibang datihan nang nakatira sa lunsod at maayos ang pamumuhay ay nililibak ang mga taong nakatira sa mga iskwater areas, dahil pampagulo lang daw sila. Tingin nila sa mga taong nakatira sa mga lugar na ito ay magnanakaw, puta, lasenggo, sugarol, patay-gutom, parang aso’t pusa na walang alam gawin kundi magpadami ng anak….mga batik ng lipunan.

Hindi lang mga squatter areas ang dumadami, pati na rin ang mga condo building na tinitirhan ng mga may-kaya sa buhay. Ang isang lote na ang sukat ay isang libong metro kuwadrado lang ay maaaring patayuan ng isang condo building na matitirhan ng mahigit isang libong katao, kaya hindi masyadong halata ang dami nila dahil hindi pansinin, hindi tulad ng palapad or palawak na mga tirahan, na kita agad ang dami ng tao. Ang mga ganitong mga klaseng komunidad naman ay may pangangailangan ng malalim at malawak na septic tank, at kung ilang libong tangke ng malinis na tubig araw-araw.

Batay sa binanggit kong mga sitwasyon, ang limang magkakatabing condo building na umuukupa lang ng limang libong metro kuwadradong lupa, halimbawa, ay katumbas na ng isang malawak na depressed area o iskwater, o mahigit pa. Sa dami ng mga nakatira sa mga condo na nagsulputan, hindi nakapagtatakang nagkaroon ng matinding problema sa trapiko ang Manila, kung tatantiyahing ang nakatira sa bawa’t unit ay may isang sasakyan man lang. Sa mga depressed areas naman ay talamak ang nakawan ng tubig na nagiging dahilan ng pagtagas ng mga tubo. Ang pagkakabit naman ng “jumper” upang makanakaw ng kuryente ay nagiging sanhi ng sunog.

Sa pagdami ng mga itinirik na tirahan, mapa-condo building man o barung-barong, nahirapan na rin ang drainage system, na simula pa noong panahon ng mga Amerikano ay hindi halos nabago o napalakihan. Ang mga daluyan ng tubig galing sa mga building at squatter areas ay bumabagsak sa mga estero na dumidiretso naman sa malalaking ilog na napunduhan na ng makapal na burak o sediment sa tagal ng panahon kaya bumabaw. Ang pagbabaw nila ay dahilan ng pagbaha agad kung may malakas na ulan. Dagdag pa rito ang impormasyong siyentipiko, na bumababa ang lupang kinatatayuan ng Manila taun-taon.

Yan ang kalagayan ng metro Manila na bundat at halos pumutok na sa dami ng tao. Subali’t parang wala lang sa gobyerno, dahil ang pag-relocate ng mga iskwater sa mga maayos na tirahan ay hindi naman tuluy-tuloy o consistent. Magri-relocate lang ang gobyerno kung may magrereklamong may-ari ng lupa na iniskwatan, o di kaya ay kung panahon ng pagpapapogi, kung kaylan ay naglilinis kuno ng mga estero ang mga opisyal. At ang masaklap pa, pabagu-bago ang sistemang ginagamit, depende sa mga opisyal nasa poder o may hawak ng kapangyarihan.

Sa mga iskwater na napuntahan ko, kaswal kong tinanong ang mga kaibigan ko kung may balak pa silang umuwi sa pinanggalingan nilang probinsiya. Iba’t iba ang mga sagot, tulad ng: kapag may naipon nang pamasahe; ayaw na dahil wala namang mapagkikitaan sa pinanggalingan nila; ayaw dahil palaging nagkakaputukan sa pagitan ng mga sundalo at rebelde; ayaw dahil wala naman daw asenso’t nakatali sila sa utang sa may-ari ng lupang sinasaka nila; ayaw dahil mas masarap ang buhay sa lunsod – maraming mall at pasyalan. Yong mga nag-komento naman sa mga blog ko noon na may ganitong tema, sabi ng iba ay uuwi daw talaga sila pagdating ng takdang panahon at mamumuhay na lamang ng matiwasay gamit ang interes ng pera nila sa bangko. Matindi ang komento ng isang magbabasa na ano man ang mangyari ay hindi siya uuwi sa probinsiya nila, kahit sa Pilipinas man lang, at ang dahilan ay ang korap na gobyerno. Sa Amerika kasi siya nakatira ngayon at may “green card” na. Sabi ko na lang sa kanya…good luck!

A Glance at how the Impoverished Filipinos are Neglected by the Government

A  Glance at how the Impoverished Filipinos

Are Neglected by the Government

By Apolinario Villalobos

When impoverished Filipinos are born, their normal and healthy growth stops at a point where their mothers ceased to produce breast milk. Due to poverty, parents cannot afford infant milk, so they resort to feeding their babies from bottles that contain rice soup. As they are living in depressed areas crammed with makeshift homes of cardboard, scrap plywood, and leaky tin roof, children are practically exposed to the elements. Most likely, they get infected with skin diseases, their guts becoming home to parasites, and they slowly grow with weak respiratory system. Picture the impoverished children with bloated stomach, bulging eyes, and runny nose.

In a big urban area like Manila, the parents try to eke out a living from dump sites where thrown refuse sometimes yield recyclables that they collect and sell to junk shops. Some though, end up in their home to be used further. Some wake up at past midnight with their children and standby at dumping areas for reject vegetables in Divisoria to salvage what can be trimmed of unwanted parts, cleaned and sold. At six, after earning a few coins, the children go home to change their clothes for school, walking to which, they do without even a sip of warm coffee. Fathers peddle their service as stevedores, or pedal tricycles for a measly fare. And, still some brave the searing heat of the sun and sudden downpour, as they roam around the city pushing carts to collect junks from garbage bins.

In agricultural provinces, families suffer every time drought or flood occurs. Rice fields become useless so they resort to borrowing money from loan sharks. If there are pockets of forest still standing nearby, they resort to cutting of trees, even the premature ones, to be made into charcoal. As a result, they eradicate what could have been a watershed and protection of the topsoil that erodes with the onset of rain.

Those living along the seashores depend on fair weather for their fishing ventures out in the open sea, but the erratic weather system prevailing today, prevents them from doing this dangerous kind of livelihood most of the time. The worst scenarios are during the typhoon or monsoon seasons during which they have no choice but stay home. For their subsistence, they borrow from loan sharks.

It is true that the situations mentioned are similar to other impoverished countries. But what is glaring in the Philippines is the government’s neglect of the country as being agricultural. Lands are converted into quick money-making ventures such as real and industrial estates.   Also, instead of having its God-given natural endowments made use to the fullest by Filipinos themselves, these are practically offered to foreigners. The Filipinos are deprived of God-given opportunities by the very government that is supposed to protect them.

The government claims that its concerned agency, the Department of Social Welfare has programs for the impoverished families, one of which is the 4P’s, but this is shrouded with suspected corruption. Reports even prove that the program is not effective, as it just exacerbate the idleness of parents. Also, where are the social workers while children are sniffing rugby in street corners to stave off hunger? Where are the social workers while families living in carts are drenched by heavy rains?

As with the educational system, for so many years now, loopholes that have been shown by parents and concerned sectors are not plugged by the Department of Education. Today with the K-12 program, the parents are further pushed further down the mire of financial difficulty. Such ambitious program will eventually produce a new a generation of dropouts as impoverished parents can no longer afford to spend for their children’s education beyond Grade Six. The situation for inadequately- schooled Filipino children has just gotten worse than before, in which dropping out happens after graduating from high school.

The government refuses to acknowledge its inadequacies, and instead, it proudly shows a perfect image of the country that keeps its pace towards progress, which is a blatant lie!

Maynila…sa mata ng Bagong Salta

Maynila…sa mata ng bagong salta

ni Apolinario B Villalobos

Hindi ko na maalala pa

Ang ibang yugto ng aking buhay

Mula’t sapul nang ako ay lumisan

Sa aking sinilangang bayan

Kung saan ang nakagisnang pagdarahop

Ay bahagi na ng buhay

Ng mga taong kakambal ay hirap

Nguni’t hindi nagsisisihang magkakapitbahay.

Musmos na isip at murang katawan

Ang nagpati-anod sa tawag ng pangako

Kumukulo ang tiyan sa kawalan ng laman

Dahil iilang pirasong barya

Hindi magasta-gasta

Sa pag-aalala   na kapag mga ito’y nawala sa bulsa

Sa laot ng buhay na malupit pala

Ay lalo akong magmumukhang kawawa.

Puyat at pagod ay di ko inalintana

Sa pag-aakalang bukas ako’y may pera na

Kaya halos hilahin ko ang araw

Sa kanyang pagbaba doon sa kanluran

Para mapadali ang pagdatal ng kinabukasan

At mga ilang araw pa nga ang nagdaan

Narating ko ang Maynila

Lunsod ng iba’t- ibang kulay at mukha.

Hindi ko mawari ang unang naramdaman

Nang ako ay unang tumapak sa pantalan

Para pa rin akong namamalikmata

Sa aking mga narinig at nakita-

Walang kapatirang daloy ng tao

Ingay ng nagtatawanan at naglalako

Kaya’t ang dating masaya

Kagya’t na pumalit ay takot

Nabahid sa aking mukha…

Sa sarili, nasabi ko na lang –

“Ah, ito pala ang Maynila”.

(Batay sa kuwento ni Ramon na taga-Calbayog, Samar…namulot ng plastik at lata, pati tirang pagkain sa mga burgeran upang ilutong batsoy, may makain lang ang asawa at anak. Tumira sa Baseco Compound, Tondo, nguni’t bumalik sa probinsiya pagkalibing ng anak na namatay sa dengue, noong huling linggo ng Setyembre 2014.)

Lord…Help Us!

Lord…Help Us!

(a prayer of hope and remorse)

(inspired by Glace Tecson Lapuz-Fernandez)

 

By Apolinario Villalobos

 

With all the turmoil that beset our country

Nagpapataranta sa amin, kaya hindi mapakali

Lost in the murky depth of confusion, we pray

Tulong mo, Lord…dumating sana… baka sakali.

 

From the plague of diseases, killings… spare us

Sana man lang, gigising pa kami na ligtas bukas

The gnawing pain of poverty that makes us lean

Sa tulong mo, Lord…lahat ito, pilit naming titiisin.

 

From the greed of others, our rights they trample

Kaming mahihirap, nagdarahop, kanilang iniismol

They squash our precious honor and sip our blood

Tulong mo, Lord…puksain itong mga linta’t higad.

 

From the painful lashes that Mother Nature gives us

Hindi na kami makagulapay, hanap sa sugat ay lunas

We know, we erred…with regrets, we bow and pray

Tulong mo Lord…sa amin iparating…kami’y nagsisisi!

 

Lord…Help us!

 

(The inspiration to write the prayer, came when I viewed the disgusted feeling of Glace which she expressed in three words, “Lord, help us”…as a comment to the photo of contrasting houses of opportunists and informal settlers.)