Ang Pangako ni Binay tungkol sa Korapsyon at ang mga Tiwaling Mambabatas

Ang Pangako ni Binay tungkol sa Korapsyon
at ang mga Tiwaling Mambabatas
Ni Apolinario Villalobos

Pinangako ni Binay na kung maging presidente siya, ititigil niya ang korapsyon sa gobyerno. Sa sinabi ni Binay, naalala ko ang kasabihang, ang tao lamang na may alam kung paanong gawin ang isang bagay ang nakakaalam din kung paano ito makontrol o matigil. Hindi tulad ng ibang pangungurakot na diretsahan kung gawin, ang mga nangyaring katiwalian kasi sa Makati ay mistulang ginamitan ng “maskara” ng magandang layunin. Sa simula ay hindi nahalata dahil para nga naman sa mga senior citizens ang mga ito, pati na sa mga mahihirap na pasyente at mga estudyante. Subalit dahil sa kasabihan pa ring, walang naitatagong baho, sumabog ito at kumalat ang alingasaw na ikinadismaya ng mga Pilipino na nag-akalang nakakabilib ang mga pinaggagawa ng mga Binay sa Makati, na itinuring na “model city” ng bansa.

Ang nakakapag-alala lang ay kung sa halip na sawatahin ni Binay ang korapsyon kapag presidente na siya, tulad ng pangako niya…paano kung mag-iba siya ng diskarte dahil napatunayan nang pabago-bago ang takbo ng isip niya, ayon sa dating vice-Mayor niyang si Mercado na nagsasaksi sa mga kaso laban sa kanya? Hindi ito malayong mangyari dahil napatunayan ni Binay ang kahinaan ng mga batas kaya madali lang ang paggawa ng katiwalian.

Ang mga batas ng isang bansa ay ginagawa ng mga taong magaling humubog ng mga ito, lalo pa at karamihan sa kanila ay nag-aral pa ng abogasya. Subalit, sa Pilipinas iba ang layunin ng mga mambabatas – pansariling kapakanan. Sila rin kasi ang nakakaalam kung paanong paikutan ang mga kahinaan ng mga batas upang malusutan at pagkitaan ang mga ito.

Ang pinakahuling pagtatangka ng mga mambabatas upang “makaikot” sa mga batas, ay sa pamamagitan ng pagbago ng isang probiso ng Saligang Batas na sisingitan ng “unless, otherwise provided by law” na paraan daw upang hindi maabuso ang batas na may kinalaman sa pagpasok ng mga dayuhan upang mag-invest sa mga kalakalang may kinalaman sa yamang likas ng bansa. Ang mga tiwaling mambabatas ay nag-akalang hindi masasakyan ng mga Pilipino kung ano ang kahulugan ng isisingit na mga salita. Simple lang naman ang mangyayari: Kapag naisingit na ang gusto nilang linya, saka sila gagawa ng mga batas na aayon dito….na tumutumbok naman sa kanilang pansariling kapakinabangan! Kaya ang mangyayari ay katakut-takot na kurakutan…at legal pa dahil nakasaad na sa Saligang Batas!…ang tawag ko diyan, “Constitutionalized corruption”.

Naging sukdulan na rin ang pambabastos ng mga tiwaling opisyal sa mga batas ng bansa dahil sa pag-abuso naman ng “Temporary Restraining Order” o TRO. Kapag halimbawa, ay may kaso sila at kailangan silang suspendihin, tatakbo agad sa tiwali ring huwes na mag-iisyu ng TRO. Subalit kung isang ordinaryong mamamayan ang nakakasuhan, diretso siya sa kulungan.

Kung halimbawa lang naman na maging presidente si Binay, magpapang-abot sila ng mga tiwaling mambabatas na nakaluklok pa sa kanilang mga puwesto. Kapag nangyari ito, asahan na ang pagkalusaw ng ekonomiya ng Pilipinas! Dahil uso naman ang lipatan ng partido, yong mga sumisipsip kay Pnoy ay lilipat sa kanya upang tuloy pa rin ang masaya nilang pangungurakot!

Mga Produktong Siguradong Magiging Mabili sa Kasalukuyang Panahon

Mga Produktong Siguradong Magiging Mabili
Sa Kasalukuyang Panahon
Ni Apolinario Villalobos

Sa panahon ngayon, siguradong magiging mabili ang mga sumusunod na produkto kung lalagyan ng letrato ng mga opisyal ng gobyerno na ampaw ang pamumuno, o nakalbo dahil sa sobrang dunong sa pagmadyik ng budget ng bayan, o mga kapit-tuko sa pwesto sa kabila ng panawagang bumaba na sila dahil wala namang alam sa pagpapatakbo ng ahensiya, o mga kongresista na sipsip sa pangulo dahil sa maya’t mayang bonus, at mga senador na nagdudunung-dungan:

1. Toilet paper, upang maidampi sila kung saan sila nararapat.
2. Diaper, upang maitapal sila doon sa singawan ng sama ng loob.
3. Arenola o ihian, upang malunod sila sa katas ng sama ng loob.
4. Upuan – sofa, stool, at bangko, upang madanasan nilang suminghap sa hirap.
5. Basahan, dahil pareho lang sila nito na sa kalaunang gamit ay nanlilimahid.
6. Pingpong racket set, upang mapagpasa-pasahan ang nararamdamang ngitngit.
7. Sangkalan o chopping board, upang matadtad sila kahit papaano.
8. Dart board, upang mapuntirya nang tuluyan ang may sala.
9. Tsinelas at sapatos, upang maikaskas sa lupa ang kanilang mukha (mas okey kung may alipunga ang magsusuot!)
10. Sapin o cover ng kabayo sa plantsa, upang maipadama sa kanila ang init ng impyerno.
11. Kainan ng aso, swak sila ni Bantay, kasi mahilig din lang silang humimod ng amo.
12. Punasan ng paa para sa pinto o door mat, karapat-dapat lang…no questions asked.
13. Gomang proteksiyon na apakan sa banyo, upang malunod sila sa tubig na may libag.
14. Malalaking kandila, upang matuwa ang tao sa unti-unti nilang pagka-agnas.
15. Mga balat na gwantes o gloves ng baseball o softball, pati na bat o pamalo, dahil…yon na nga – dapat lang silang ihagis at paluin!
16. Mag wheels ng kotse, upang masagasaan man lang nang paulit-ulit.
17. Brief at panty, upang mailagay sila sa dapat kalagyan – mga sipsip!
18. Basketball ball at volleyball ball, upang pagsawaan silang mai-untog sa sahig na semento at mapalo ng nagngangalit na kamao.
19. Palanggana, upang malunod sa malibag na pinaglabhang tubig.
20. Lagayan ng basura o basurahan….kung saan sila angkop na angkop dahil sa baho nila!

PAHABOL: HINDI KO NILALAHAT ANG MGA SENADOR AT KONGRESISTA, PATI NA MGA OPISYAL NG PAMAHALAAN, DAHIL MAYROON PA RIN NAMANG MATITINO…YON NGA LANG, MANGILAN-NGILAN LANG.