Pagpupunyagi…kuwento ng buhay ni Elmer Festin

Pagpupunyagi

(Kuwento ng Buhay ni Elmer Festin)

By: Apolinario B Villalobos

Ang landas ng buhay na ating binabagtas

Mahirap tahakin lalo na kung tayo’y nakayapak –

Mga lubak na hindi mapansin ay ating natitisod

Matatalas na batong di maiwasan ay nayayapakan

Pati tinik ng dahong mariang sumusugat sa ating talampakan.

Ang taong hindi handa sa pagtahak nitong landas

Sa ilang hakbang pa lamang niyang magawa –

Kahihinaan na ng loob at pangangatugan na ng mga tuhod

Hindi malayong babalik sa pinanggalingan

Di kaya’y mangingipuspos at sasalampak na lamang sa daan.

May isang taong sa murang gulang ay naglakas-loob

Nagpakatatag at taimtim na nagdasal sa Panginoon

Na harinawa sa paglisan sa sinilangang Bantoon, isla ng Rombon

Patnubayan siya sa kanyang paglayag at tatahaking landas

Bigyan din ng malinaw na pag-iisip at katawang malakas.

Masakit iwanan ang isang bayang tulad ng Bantoon

Islang animo’y tuldok sa mapa ng Romblon

Di man pansinin, siya’y mahalagang itinuring

Ng mga Kastilang dumating noong unang panahon sa ating bansa

Kaya’t sa aklat ng ating kasaysayan siya’y naitala.

Ito ang kuwento ng buhay ni Elmer Festin

Isang taong may ngiting agad mapapansin

Napadpad sa Cebu kung saan siya’y nahikayat

Suungin ng buong tapang, masalimuot na buhay –

Na wala namang pag-atubili at matatag niyang hinarap.

Ilang taon din siyang dito ay nagturo

Naglinang ng dunong ng mga kabataan

Hanggang sa siya ay kawayan ng kapalaran

Na nangako sa kanyang sa dakong katimugan

Siya ay makakatamo ng pinapangarap na kasaganaan.

Dala ay kakaunting pera na sa bulsa ay kakalog-kalog

Pilit winaglit ang pag-aalala at takot sa dibdib na kakabog-kabog

Hindi rin alintana ang mga tuhod na nangangatog

Siya ay naglakas-loob na pumalaot at tumango sa tawag ng kapalaran –

Ipinasa-Diyos na lamang, magiging bunga ng kapangahasan.

Sa Notre Dame, sa Tacurong siya ay napadpad

Paaralang sa bayang ito ay pinagkakapitagan

Limang mga gusali nang panahong iyon ang kanyang nadatnan

Pinangangasiwaan ng mga pari at madre na Oblates of Mary kung tawagin

At katulad ni Elmer, pagtulong sa kapwa ang sinusunod na adhikain.

Nakitaan siya ng kakaibang sigla sa pagturo

Dahil hindi lang sa mga aklat, mga estudyante niya ay natuto

Naibahagi rin niya ang kaunti niyang kaalaman

Pati sa gymnastics na para sa mga estudyante’y bagong larangan

Kaya napasigla niya ang dati’y matamlay na kapaligiran.

Anupa’t si Elmer ay nakilala hindi lang sa loob ng Notre Dame

Dahil ang galing niya sa pagturo, sa iba ay nakatawag pansin

Kaya nang magkaroon ng Polytechnic Institute sa bayang ito

Binuksan nila para sa kanya ang kanilang pinto

Upang makibahagi sa kagalingan ng kanyang pagturo.

Sa bago niyang malawak na kapaligiran at hitik sa iba’t ibang halaman

Lalo pang sumidhi ang kanyang hangad na makahubog ng kabataan

Hindi naman nasayang ang marangal niyang adhikain

Dahil taos-pusong pasasalamat ay kanyang naramdaman at natanggap

Mula sa mga estudyanteng binigyan niya ng pag-asa ang mga hinaharap.

Natupad ang pangarap ni Elmer na maibahagi ang kanyang kaalaman

Napatunayan niya na kakapusan sa pera ay hindi hadlang

Hindi rin nasayang ang kanyang pagpunyagi magmula pa sa kanyang kabataan

Kahi’t sa pagtahak niya sa landas ng buhay siya’y nakayapak lamang

Dahil alam niyang sa dulo nito’y mayroong walang hanggang kapayapaan.

(Si Mr. Festin ang nagbigay ng pagkakataon sa may-akda upang mahasa niya ang kanyang kakayahan sa pagsulat. Hinirang siya ni Mr. Festin bilang patnugot (editor) ng “The Green Ember”, pahayagan ng high school department ng Notre of Tacurong, kahi’t siya ay nasa unang taon pa lamang. Ang tiwala at dagdag- kaalaman sa pagsulat na ibinigay sa kanya ni Mr. Festin ang naging kasangkapan niya sa pagharap sa mga pagsubok ng larangang ito. Kulang ang mga kataga ng tula upang maipadama ng may-akda ang taos-pusong pasasalamat sa taong unang nagbigay ng tiwala sa kakayahan niya sa pagsulat.)

Dahil Sa TubaW

Dahil Sa Tubaw

Ni Apolinario Villalobos

 

Noong makapasa ako sa training ng PAL pinadala agad ako sa Tablas station (Romblon) para punan ang bakanteng pwesto. Dahil nasanay na akong gumamit ng tubaw (Muslim head covering/kerchief), nagsuot pa rin ako nito papunta sa Manila Domestic Airport. Sa pilahan ng check-in counter, and sinundan ko ay isang babae na napansin kong namutla nang lumingon sa akin. Inisip ko na lang na baka excited siyang sumakay ng eroplano kaya namumutla. Pagkatapos niyang mag-check in, tiningnan pa rin ako bago siya naghanap ng mauupuan. Lalo siyang namutla nang pagkatapos kong mag-check in ay sa nag-iisang bakanteng upuan sa tabi niya ako umupo. Siksikan ang mga tao sa pre-departure area kaya no choice siya kundi umupo na lang, subali’t panay ang buntong-hininga. Sa kamalasan niya, sa likod niya ako sa pilahan naman nang tawagin ang mga pasahero upang sumakay sa eroplano.

 

Pagdating sa Tugdan airport ng Tablas, halos nasa likod niya rin ako sa pagpasok sa terminal, hinanap ko agad ang office ng supervisor upang mag-report. Nandoon din ang babae at dinig ko ang sinabi sa supervisor na, “Bien, may pasahero kayong Moro, ninenerbiyos ako… at baka….”hindi pa siya tapos magsalita, sinenyasan siya ng kausap niya upang lumingon at halos himatayin nang makita ako na nakangiti ng ubod tamis! Hindi siya nagpaalam dahil sa hiya at dali-daling umalis.

 

Nagpakilala ako sa supervisor, si Mr. Bien Alvaro at ibinigay ang letter of introduction galing sa head office. Winelkam niya ako at nahalata kong tipid ang mga salita niya. Nang ma-dispatch na ang flight, ipinakilala niya ako sa iba pang mga tauhan sa airport. Kinagabihan, pinatawag niya kaming mga regular staff at naglabas ng bote ng alak. Nagulat ang mga kasama ko dahil alam nilang hindi umiinom ang supervisor, lalo na at kilalang Protestant minister din. Pang-welcome naman daw sa akin kaya okey lang. Nagpasaring ang iba kong kasama na first time niya daw ginawa yon, dahil yong iba, wala namang pa-welcome. Sa kalagitnaan ng “party”, sabi ni Mr. Alvarao, “Bot, pakiusap lang, baka pwedeng huwag ka nang magsuot ng tubaw”. Ayon….! Kaya pala. Kaya sabi ko walang problema dahil wala namang masyadong alikabok sa lugar pwera lang kung pupunta sa airport mula sa ticket office.

 

Maliit ang mga bayan kung saan nag-opisina ang PAL. Ang inabutan ko ay ang nasa Alcantara, at ilang buwan ang nakalipas inilipat ang opisina sa Looc. Sa pangalawang araw ko sa Alcantara, sinubukan kong pumunta sa palengke pagkatapos ng flight upang “mag-explore”. Tinginan ang mga tao, iilan lang naman. Nang magmiryenda ako sa isang karinderya, hindi nakatiis ang may-ari at tinanong ako kung ako yong Moro na bagong empleyado ng PAL. Sabi ko na lang, “oo, ako yong mabait na Moro…sino ang may sabi sa yo?” Sinabi niya ang pangalan ng babaeng nakasakay ko sa eroplano. Kalat na pala ang balita…nagkaroon ng Moro sa lugar nila. Naging best friend ko ang may-ari ng karinderya, kaya tuwing kakain ako ng  paborito kong “tilik” o yong mahal kung kainin sa Japanese restaurant na sea urchin roe, ay halos umapaw ang platito.

 

Sa kapapasyal ko naman sa tabing dagat, madalas kong madaanan ang isang grupo ng matatanda na nag-iinuman ng tuba. Sa umpisa tinginan lang muna, subali’t sa kalaunan, inimbita na rin nila ako. Mga retirees pala sila, ang isa judge, ang isa doctor, ang isa ay tiyuhin ni Dorothy Joy na artistang kasabay ni Nora Aunor. Doon ko nalaman na kilala pala nila si Daisy Romualdez, artista rin kasabay naman nina Susan Roces at Amalia Fuentes, at taga- Sta. Fe na hindi kalayuang bayan. Kapatid ni Daisy Romualdez si Blanca Gomez na kasabay naman ni Rosemarie Sonora. At, kainuman ko ang tiyuhin nila! May hindi nakatiis sa kanila at nagtanong na, “ikaw ba yong naka-turban na sabi nila?” Obviously, nahiya siyang magbanggit ng “Moro”. Inulit ko na naman ang pagsang-ayon. Nakilala at naging kaibigan ko si Daisy Romualdez noong na-assign ako sa Manila dahil barkada siya ng boss kong si Archie Lacson. Pinapasyalan si Mr. Lacson ng magkabarkada na Amalia Fuentes at Daisy Romualdez, kung minsan kasama si Alma Moreno.

 

Mga ilang buwan ang lumipas, dahil pinilit kong matutuhan ng dialect nila, naging matatas ako, kaya marami sa kanila ang natuwa, pati na ang ilang mga estudyante sa Looc National High School na naging kaibigan ko. Nang magdaos ng convocation sa school nila, inimbita akong maging guest speaker. Nagpakita ako ng gilas sa pagsalita gamit ang dialect nila. Sa katatasan kong magsalita ng Loocnon, meron nang ayaw maniwala na hindi ako taga-roon, lalo na at may kamukha pa raw ako! Biniro ako ng supervisor namin na kung ilang taon na daw siya sa Tablas, maski sa maliit na umpukan hindi siya naimbitang magsalita, pero ako na ilang buwan pa lang dumating, sa national high school pa naimbitahan. Sabi ko na lang, ini-promote ko ang mga flights ng PAL. Okey rin pala ang pagkaimbita sa akin dahil kainitan noon ng information campaign ng PAL para makilala sa mga probinsiya.

 

Dahil sa tubaw, nakilala ko ang kinikilalang pamilya Solidum  na ang isa sa magkakapatid noong panahon na yon ay gobernador ng Romblon. Naging close ako sa kanila lalo na sa kanyang misis na kung tawagin ko ay “Tiya Nene”. Si Yvone Solidum na pamangkin nila ay ang kauna-unahang “Miss Aviation”, isang beauty title na noon ay kahanay ng “Miss Caltex” at “Miss Philippines”, ay naging kaibigan ko rin.

 

Kalaunan, ang babaeng nataranta at ninerbiyos nang unang makita ako sa Manila Domestic Airport ay naging foster mother ko si Mrs. Nena Gacura, ang asawa niya, foster father ko naman at kapatid ang turing sa akin ng mga anak. Subali’t ang talagang original na “adopted”  ng pamilya na mga taga-PAL ay ang mga dinatnan ko na doon na sina Celso Dapo, Sonny Santiago at Oswald Alamo.

 

Nang dahil sa tubaw, nagkaroon ako ng foster family sa Romblon, nakapagsalita bilang guest speaker sa isang convocation ng Looc National High Schook, naging barkada ng mga retirees na ang paboritong pulutan sa tuba ay nilagang kamote, napainom ang dating hindi umiinom na supervisor namin, nakilala ang kauna-unahang Miss Aviation na si Yvonne Solidum….at palaging busog sa “tilik” o sea urchin roe!