Ang Imahen ng “Lady of Guadalupe” ng Barangay Real 2 (Bacoor City, Cavite)…simbolo ng matibay na pananampalataya at pagkakaisa

Ang Imahen ng “Lady of Guadalupe”

ng Barangay Real 2 (Bacoor City, Cavite)

…simbolo ng matibay na pananampalataya at pagkakaisa

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang imahen ng Birhen ng Guadalupe ang itinuturing na isa sa mga may naipamalas na milagro sa mga mananampalatayang Kristiyano.  Ang imahen ay unang nakilala sa Guadalupe, Mexico dahil sa mga milagrong ipinamalas niya sa mga katutubo kaya ang mga Mehikanong kasama sa mga paglalayag ng mga galleon mula noong 1400s ay nagdadala nito upang maging “tagapagligtas” nila kung magkaroon sila ng sakuna sa karagatan.

 

Sa Pilipinas, ang unang nakilalang imahen ng Guadalupe ay ang nakaluklok sa Guadalupe Church, sa Guadalupe Nuevo, Makati City. Itinuturing din itong mapaghimala kaya maraming debotong dumadayo sa nasabing simbahan upang ito ay hingan ng tulong. Ang pinakapiyesta ng “Lady of Guadalupe” ay tuwing ika-12 ng Disyembre.

 

Sa Cavite, may imahen ng nasabing Birhen sa Barangay Real Dos, Bacoor City, sa maliit na subdivision ng Perpetual Village 5 at nakaluklok sa Multi-purpose Hall nito, na itinuturing nang “chapel” dahil dito rin nakaluklok ang iba pang imahen ng Birheng Maria at Hesus. Ang imahen ay donasyon ng mag-asawang Glo at Ed de Leon noong 2013 nang italaga ng parukyang San Martin de Porres ang nasabing birhen bilang patron ng nabanggit na barangay. Bukod sa imahen ng nasabing Birhen, ang mag-asawa ay nag-donate din ng imahen ng Itim na Nazareno, Christ the King, at mga gamit pang-Misa ng pari. Ang mag-asawa din ang nagpa-ayos ng mga sirang bahagi ng “chapel” at nagpalit ng pintura nito noong nabanggit na taon. Payak ang nasabing “chapel”, may kaliitan din subalit hindi hadlang ang mga kapintasang  ito upang umigting ang pananampalataya ng mga taong taga-barangay at mga karatig lugar na dumadalo sa Misa tuwing Linggo.

 

Mula nang mailuklok ang birhen sa nasabing barangay, kapansin-pansin ang pagkaroon ng dagdag sa bilang ng mga dumadalo sa Misa tuwing Linggo. Nagkaroon din ng dagdag- inspirasyon kaya lalong sumigla ang pagkilos ng mga religious crusaders ng Holy Face of Jesus na namamahala sa imahen. Ang grupong ito ang nagbubuklod sa mga mananampalatayang Katoliko na taga- loob at labas ng barangay dahil sa pinapakita ng mga miyembro na walang kapagurang pagdasal sa mga lamay sa pakiusap ng namatayan, pamumuno sa pagdasal ng novena at rosaryo sa kapilya tuwing Huwebes ng dapithapon, at pakikiisa sa mga pagtitipong ispiritwal sa parukya ng San Martin de Porres tulad ng paghahatid ng imahen ng Birheng Maria sa mga bahay na gustong magpabisita sa kanya. Ang lahat ng mga nabanggit ay ginagawa ng grupo sa ngalan ng sakripisyo dahil lahat sila ay nagkakanya-kanyang gastos kung may lakad o  tuwing may prusisyon sa parukya. Ang grupo ay pinangungunahan ngayon ni Lydia Libed, bilang Presidente. Nakikipag-ugnayan si Gng. Libed sa namumuno ng Pastoral Council ng Real Dos na si Emma Duragos, na nagsisilbi namang kinatawan ng parukya sa barangay.

 

Nakadagdag ng lakas na ispiritwal ng barangay ang chorale group ng mga kabataan at young adults na kumakanta tuwing may okasyon para sa patron at tuwing Linggo na araw ng Misa. Ang grupong ito na pinamumunuan ni Arianne Lorenzana ay madalas ding maimbita sa mga Misang idinadaos sa labas ng barangay. Ang tumatayo namang mother/adviser nila ay si Norma Besa na bukod sa nagpapakain sa mga miyembro tuwing may practice ay takbuhan din nila upang hingan ng payo. Hindi rin nagpapabaya si Norma sa pagkukusa ng tulong sa pagpalit ng mga bulaklak na alay sa patron at iba pang pangangailangan nito.

 

Umaagapay sa mga grupong nabanggit si Louie Eguia, presidente ng Perpetual Village 5 Homeowners Association, na ang pinagkakaabalahan sa kasalukuyan ay ang proyektong pagpapasemento ng harapan ng kapilya dahil sa dumadaming maninimba tuwing Linggo na umaapaw hanggang sa labas, bukod pa sa pagpapaayos ng bubong nito. Ayon kay ginoong Eguia, ang donasyon sa pagpasemento ng harapan ng kapilya ay manggagaling sa gobernador ng Cavite na si Jonvic Remulla, at ang pagpapaayos ng bubong ay manggagaling naman sa gaganaping “bingo social” na proyekto ng PV5 Homeowners Association. At tulad ng dapat asahan, ang maybahay niyang si Edna naman ang nagbibigay ng hindi matawarang suporta sa kanya sa lahat ng kanyang mga ginagawa, kasama na ang pag-follow up ng mga dokumento sa iba’t ibang opisina, para sa mga proyekto.

 

At sa abot naman ng makakaya ng Barangay Real Dos, ang Chairman nitong si ginoong BJ Aganus ay nakaalalay, mula sa pagbigay ng marshall tuwing magdaraos ng prosesyon at seguridad naman para sa iba pang mga kahalintulad na okasyon. Ang iba pang sakop ng patrong Lady of Guadalupe ng Real Dos ay ang Luzville subdivision, Silver Homes 1 and 2, at ang Arevalo Compound.

 

Ang nais kong ipakita rito ay ang maaliwalas na pakikipag-ugnayan sa isa’t isa ng mga grupo at opisyal sa Real Dos sa ngalan ng patron na “Lady of Guadalupe”, patunay na ang nagkakaroon ng pagkakaisa kung ang mga tao ay may matibay na pananampalataya na nagpapaigting ng respeto sa isa’t isa.

 

Time for Reckoning of Barangay Real 2 Council Accomplishments

TIME FOR RECKONING

OF BARANGAY REAL 2 COUNCIL ACCOMPLISHMENTS

By Apolinario Villalobos

 

Aside from being the smallest barangay of Bacoor City, this political unit is also under the administration of BJ Aganus, who at forty one is the youngest Chairman. For sure he had a hard time adjusting because he took the place of the three-termer Vill Alcantara, who also did his best during his time.

 

Nevertheless, Kapitan BJ as he is called by his constituents and his council of Kagawad was not fazed by the challenge. I was around when the steel frame of the hall’s extension was assembled to become the roof of a multi-purpose open area. Not contented, he also had the Health Center wing improved. Not long after, a fiberglass flat-bottomed boat was also procured to be used during floods, and which proved very helpful. The barangay has its share of depressed area, an informal settlement along the creek just a few meters from Luzville subdivision.

 

The tiles of the second floor of the hall, used primarily for meetings was refurbished and while this was going on, he requested from the office of Jonvic Remulla, Cavite Governor, for the concreting of the remaining portions of the Perpetual Villalge 5 streets. On the other hand, the roofed basketball court which was initiated during the time of Vill Alcantara had its final phase completed during the early few months of Kapitan BJ. To secure the area covered by the barangay, the volunteers that comprise the contingent were regularly made to undergo briefings and seminars. To further the barangay’s security effort, CCTV cameras were installed at strategic points.

 

As the multi-purpose hall of Perpetual Village 5 proved to be a distance from other subdivisions, a facility for this purposed was constructed beside the basketball court of Silver Homes 1. I was informed that the basketball court will be provided with a roof, too, so that it can be used during the rainy season and together with the one beside the barangay hall, can also be used to provide accommodation to evacuees from flood-prone areas.

 

Since his assumption of responsibilities, Kapitan BJ and his council has also organized medical missions to serve the residents of the barangay and those from the neighboring Panapaan 7 as a gesture of goodwill. Much effort for this project was exerted by kagawad Pojie Reyes whose medical related occupation, contacted friends for their services. For one thing, the barangay chairman will never be forgotten for his effort in the release of certificates of award to the residents of the Padua compound.

 

All indications point to the effort of Kapitan BJ and his council in using to the fullest whatever meager budget the barangay has been provided with.

 

 

Ika-9 ng Mayo Eleksiyon 2016…at tulong ng BJ Volunteer Team ng Real Dos (Bacoor City)

Ika-9 ng Mayo Eleksiyon 2016

…at tulong ng BJ Volunteer Team ng Real Dos (Bacoor City)

Ni Apolinario Villalobos

 

Tulad ng dati inagahan ko ang pagpunta sa presinto ng botohan para sa barangay Real Dos sa Real Elementary School, upang magmasid. Di tulad ng nakaraang mga eleksiyon na may mga upuan sa labas ng mga kuwarto, nitojg nakaraang eleksiyon ay wala ni isa mang magamit ang mga botante lalo na ang mga senior citizens. Nang magkomento ako, tiyempong may dumaang titser at nagsabing, “hindi pa ho inilalabas”. Subalit sa oras na yon, mag-aalas otso na imposible nang maglabas pa sila ng mga upuan dahil nagdadatingan na ang mga botante. Upang ma-check kung naglabas ng mga upuan, bumalik ako bandang alas-diyes…wala pa rin. Inunawa ko na lang ang mga titser na talagang hindi magkandaugaga sa pag-asikaso sa mga botante.

 

Ang masaklap ay iisang listahan lang ang inilagay sa labas ng bawat kuwarto bilang batayan ng mga botante kung saang cluster sila nakatalaga. In fairness sa mga titser, may ginawa silang numbering system pero hindi rin nasunod dahil sa biglang pagdagsa ng mga botante kaya kawawa ang volunteer na na-assign sa listahan dahil sa sabay-sabay na mga tanong.

 

Mainit sa labas ng mga presinto dahil walang tolda at marami na rin ang nairita dahil hindi makita ang pangalan nila sa listahan. Sa puntong ito, kumilos na ang mga volunteers ng Barangay Real Dos sa pamumuno ng kapitan, si BJ Aganus. Sa labas ng eswelahan na malayo sa mga presinto alinsunod sa batas ng COMELEC, nagtayo ng tolda sa bakuran ng mga Guerrero na nagpaunlak sa paggamit pati ng kuryente para sa laptop.

 

Ang mga taga-Real Dos na nalilito ay ginabayan papunta sa tolda ng Real Dos upang i-double check ang “kinaroroonan” ng kanilang pangalan sa listahan na binigay ng COMELEC. Dahil sa nangyari, hindi na nila kailangang makipagtulakan pa sa labas ng mga voting precinct ang mga botante upang malaman kung saan sila assigned. Ito ang official list na pinamahagi sa mga barangay kung saan ay nakalagay ang pangalan ng mga botante at kanilang presinto. Dahil sa ginawa nina Kapitan BJ, napabilis ang pagboto ng mga taga-Real Dos. Hindi na nila kailangan pang tumayo sa ilalim ng init ng araw habag naghihintay ng pagkakataong matanong ang COMELEC volunteer kung saang presinto nakalista ang kanilang pangalan.

 

Dahil sa ginawa nina Kapitan BJ, nabawasan ang pagkainis ng mga botante. Nagpaliwanag din ang kapitan tungkol sa inasahang dami ng mga botante na dapat ay nagpa-bio sa COMELEC pero hindi nila ginawa kaya ang inasahang numero ay hindi inabot. Dahil sa ginawa niya ay kumalma ang mga botante na kahit papaano ay naunawaan ang mga pangyayari. Nabawasan din ang galit nila sa COMELEC.

 

Malaking Sakripisyo ang Maging Chairman o Maging Iba Pang Opisyal ng Maliit na Barangay Tulad ng Real Dos (Bacoor City)

Malaking Sakripisyo ang Maging Chairman O Maging  Iba Pang Opisyal

ng Maliit na Barangay Tulad ng Real Dos (Bacoor City)

ni Apolinario Villalobos

 

Hindi nakakapagpayaman ang maging opisyal ng isang maliit na Barangay, na ang pinaka-kunsuwelo ay kasiyahan namang nararamdaman dahil sa tulong na naibibigay sa mga ka-barangay.

 

Matapat na sinabi sa akin ni Barangay Chairman BJ Aganus (Real Dos, Bacoor City) na sa wala pang dose mil niyang suweldo, ang kabuuang sampung libo lamang ang kinukubra niya. Ang butal ay “iniiwan” niya sa pondo ng Barangay upang magamit na pandagdag sa mga gastusin tulad ng para sa kuryente at iba pa na wala sa regular payroll na binadyetan, subalit kailangan upang mapaganda ang operasyon nila. Ganoon din ang ginagawa ng mga Kagawad ng Barangay na kusang nag-aambagan din sa kabila ng kaliitan ng kanilang allowance. Hindi nila alintana ang sakripisyong nabanggit dahil nababawasan naman ng suportang binibigay ng kani-kanilang pamilya sa pamamagitan ng lubus-lubusang pag-unawa.

 

Ang nanay ni Kapitan BJ na si Aling Sofie ay umaming sa kabila ng katungkulan ng kanyang anak,  silang mag-asawa ay tumutulong pa rin dito. Isang umagang napadaan ako sa bahay nina Kapitan BJ ay natiyempuhan ko si Aling Sofie na nagpaunlak sa request kong samahan ako sa kagagawa pa lang, pero kulang pa rin sa gamit, na Multi-Purpose Hall ng Real Dos. Bilang isang ina, natutuwa siya na nagkaroon ng bunga ang katututok ng kanyang anak sa City Hall, upang magkaroon ng Multi-purpose Hall ang Barangay, kaya kahit sabihin pang damay siya sa sakripisyo ng anak ay okey na rin sa kanya. Natiyempuhan din namin ang “volunteer” na si Aling Amparing na siyang naglilinis ng kapaligiran ng Multi-Purpose Hall, kasama na ang basketball court na nasa harap nito. Wala siya ni pisong kabayaran, subalit dahil nakita niya ang kabuluhan ng maliit na gusali ay hindi siya nagpatumpik-tumpik sa pagkusa ng tulong sa abot ng kanyang makakaya na paglilinis tuwing umaga.

 

Nadagdagan din ang mga street lights sa Barangay Real Dos dahil na rin sa “pangungulit” ni Kapitan BJ sa city government, kahit pa ang naging resulta ay dagdag-bayarin sa kuryente na maituturing na malaking kabawasan sa budget ng barangay. Subalit naalala ko noong nabanggit niya na mas mabuti daw na nakikita ng mga taong nagagastos sa maayos ang pera ng barangay, kaysa naman daw nakatabi lang. Ibig sabihin, hindi baleng sagad ang gastos basta napapakinabangan naman agad ng mga tao ang pinagkagastusan.

 

Ipinapakita ng Barangay Real Dos ang kahalagahan nito bilang matatag na pundasyon ng lunsod ng Bacoor sa pamamagitan ng maayos na pamamalakad. At, pinapakita ring lalo ng mga opisyal ng nasabing barangay na hindi totoong lahat ng nagsisilbi sa bayan o sa madaling salita ay mga opisyal ng gobyerno ay korap…dahil sila mismo ay abunado at naghihirap. At, alam ko ring marami pang Real Dos sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na sumasagisag sa tunay na kahulugan ng “tamang paninilbihan sa bayan”.

Magno Padua: Matatag na Ama ng Tahanan at Mapagkakatiwalaang Kaibigan

Magno Padua: Matatag na Ama ng Tahanan

At Mapagkakatiwalaang Kaibigan

Ni Apolinario Villalobos

Ang pagkatatak ng pangalang nabanggit sa titulo ay hindi na maaaring mawala sa diwa ko. Simula nang ako ay tumira sa isang bahagi ng dating Barangay Real 1, at ngayon ay Real 2 na, siya ay naging kaagapay ko bilang presidente ng aming homeowners’ association, na ang mga miyembro ay iilang pamilya lamang noong dekada otsenta. Iilang bahay pa lamang ang may kuryente at ang paligid namin ay bukid, kaya balot ng pusikit na kadiliman kung gabi.

Isa si Magno sa mga tumatanggap ng kontrata noon sa pag-ayos ng mga low-cost housing shell na ipinasa ng developer sa aming mga homeowner. Kasama ang mga kapatid na sina Budjo, Emo, at Tura, naglalatag sila ng tiles, mga kawad para sa electrical connections, at nagpipintura.

Hindi kalaunan ay inimbita niya akong mamasyal sa kanilang bahay sa “bukid” na nasa likod ng subdivision, na upang marating ay kailangang dumaan sa mga pilapil. Dahil mahilig ako sa kalikasan, napadalas ang pasyal ko sa kanila, lalo na naging malapit na rin ako sa kanyang nanay, si Inang Bidang at yumaong kapatid na si Mely. Lalo akong nawili dahil tuwing nasa kanila ako, pinagluluto nila ako ng upo na sinahugan lamang ng bawang. Sa kanila ko rin natikman ang manggang inatsara sa bawang, hugas-bigas, at asin. Ang ibang gulay na inihahanda nila para sa akin o pinapadala sa bahay ay galing naman sa taniman ng namayapa niyang kapatid na si Tomas.

Sinadya kong dalasan ang pagpasyal sa bukid upang ipakita sa mga kapitabahay ko na kailangang makisama sa mga taong nakapaligid sa amin upang hindi kami pangilagan o pag-isipan na mapangmataas.  Sa kagustuhan kong magkaroon ng magandang samahan sa pagitan namin at nina Magno, pinangunahan ko ang pagpakita ng tiwala sa pamilya at mga kapitbahay niya, na tinumbasan din nila ng kahalintulad na tiwala. Dahil dito, madalas kong sinadyang umuwi ng dis-oras ng gabi mula sa bukid upang ipakita na ligtas ang paligid namin.

Si Magno ang ang naging tulay namin sa pakikipag-ugnayan sa iba pang mga nakatira sa aming paligid na karamihan ay may kaalaman sa pag-ayos ng bahay. Dahil sa nabuong magandang samahan, sa pangunguna ni Magno, nakipag-bayanihan ang mga kapatid, kamag-anak, at kumpare niya nang gawin ang unang basketball court, multi-purpose hall, at tulay na gawa sa dalawang malaking poste ng kuryente.

Sa pakikipag-usap ko sa mga nauna sa amin at nakatira sa isang katabing subdivision, nalaman kong itinuturing pala nilang “kuya” si Magno. May nagkuwento pa na pinapasakay raw siya ni Magno sa kalabaw tuwing mamasyal siya sa bukid, na ginagawa niya tuwing hapon pagkagaling sa eskwela.  Pahingahan din daw nilang magbabarkada ang bahay nina Magno kung sila ay manghuli ng ibon, gagamba at dalag sa mababaw na ilog. Marami pa akong kuwentong narinig tungkol sa magandang pakisama sa kanila ni Magno at ng kanyang pamilya.

Hindi nakatapos sa kanyang pag-aaral si Magno dahil sa kakapusan ng pantustos, at lalong dahil kailangang pagtulungan nilang magkakapatid na linangin ang malawak na lupang kanilang sinasaka noon bilang mga “tenant” nang mamayapa na ang kanilang ama. Pagkatapos ng taniman ng palay, upang kumita ng dagdag na pantulong sa kanyang pamilya dahil siya ang panganay, namasada rin siya ng dyip.

Makulay ang buhay ni Magno, subalit naging tapat siya sa mga kinasama niya lalo na sa kanyang asawang si “Baby”. Wala siyang inilihim, kaya nitong huling mga araw ay nagkakakontakan sa isa’t isa ang kanyang mga anak. Nakita ko ang katatagan ni Magno bilang ama ng tahanan, nang panahong naghirap sila dahil sa madalang niyang trabaho at si “Baby” naman ay may diabetes at sakit sa puso. Maliban sa pag-eekstra sa pagpasada ng dyip, tumanggap din siya ng kontrata sa pagmaneho ng kotse, na nagpahina ng kanyang pulmon, subalit hindi niya pinaalam sa kanyang pamilya. Nalaman ko lang nang pinilit ko siyang magtapat nang minsang mag-usap kami dahil napansin ko ang pagkahulog ng kanyang katawan at pamumutla.

Nang pumanaw si “Baby”, lalo pang nagpakita ng katatagan si Magno sa kanyang mga anak. Pinilit niyang ipagpatuloy ang pagtanggap ng mga kontrata sa pagmaneho kahit nararamdaman niya ang patuloy na panghihina ng kanyang katawan. Ang mga anak naman niya, maliban sa bunso, ay tumigil sa pag-aaral upang magtrabaho.

Ngayon, nakakaraos ang pamilya niya kahit papaano dahil sa isang anak na nagtatrabaho sa ibang bansa. Hindi na siya pinayagan ng kanyang mga anak na magmaneho, at upang malibang ay tinuruan siyang mag-facebook ng mga ito gamit ang cellphone na bigay ng isa niyang anak. Napabuti rin ang pagpi-facebook niya dahil nakontak siya ng iba niyang kamag-anak na nasa ibang bansa at probinsiya.

Tiwala at respeto sa isa’t isa ang pundasyon ng pagiging magkaibigan namin ni Magno na bilang pinakamatanda sa kanilang angkan sa barangay ay itinuturing nilang “ama”. Dahil sa nasabing pagkilala, nilalapitan siya upang mamagitan sa mga hindi nagkakaunawaang mga kamag-anak pati mga kaibigan. At ang nakakabilib ay ang ugali niyang hindi mapang-abuso sa mga kaibigan na hindi man lang nakarinig sa kanya ng kapirasong himutok kung siya ay may problema….tanda ng katatagan ng kanyang kalooban!