Ang Mga Brodkaster sa Radyo

Ang mga Brodkaster sa Radyo
Ni Apolinario Villalobos

Kung minsan, hindi malaman kung seryoso ang ilang brodkaster sa radyo kapag tumalakay sila ng mga maseselang usapin. Kung hindi kasi nasusundan ng halakhak ay hagikhik ang kabuntot ng kanilang mga sinasabi. Hindi ko lang alam kung live ang mga hagikhik at mga halakhakan. Nakakadismaya ang ginagawa nilang ito dahil iisipin ng mga nakikinig na walang katotohanan ang kanilang sinasabi o biro lang. Kung broadcasting style man nila ang mga iyon… hindi maganda ang dating sa mga nakikinig.

Yong isang narinig ko, sa simula ng talakayan, akala ko ay ramdam na ramdam niya ang mga sinasabi laban sa mga Binay, subalit biglang narinig ang hagikhik pagkatapos niyang magsalita. Yong isa naman, akala mo ay pastor sa pagdiin ng mga sinasabi, subalit biglang may maririnig na halakhakan pagkatapos, ganoong ang pinag-uusapan ay tungkol naman sa isyu ng West Philippine Sea. Kung recording man ang hagikhik at halakhakan na pang-background lang, hindi maganda ang epekto. Mas maganda nga sana kung wala nang background kung nag-eeditorialize na sila para maliwanag na maunawaan ang kanilang mga sinasabi. Ang habol kasi ng mga nakikinig ay ang laman ng kanilang mga tinatalakay, hindi ang music o kung anumang background.

Sa mga programa namang may pagka-public service, kung magsalita na ang humihingi ng tulong lalo na sa paghanap ng mga nawawalang mahal sa buhay, nagpapa-background pa ng music na malungkot. Gusto yata ng anchor ng programa na umiyak ang mga nakikinig! Bakit kailangan pang may umiyak kung tutulong lang din naman sila? Para bang kung walang iyakan ay walang epek ang programa nila. Napaka-cheap na style!

Yong isang brodkaster pang isa, napakatapang sa pag-atake sa isang dating mayor na iniimbistigahan, subalit nang makausap na nito “on air” ang abogado ng nasabing mayor, biglang natamimi! May mga magkatandem pa na hindi nahihiyang magparinig sa mga binabanggit nilang mga tao at food establishments na hindi daw nila tatanggihan kung ano mang meryenda ang ipapadala. May mga humihingi pa ng pasalubong sa mga binabanggit pa rin nilang tutungo sa ibang bansa. Ang iba pang hinihingi “on air” ay mga libreng tiket sa concert, lalo na noong may mga laban si Pacquiao. Nawalan tuloy ng “sophistication” ang trabaho ng brodkaster dahil sa ginagawa nila.

Ang mas lalong nakakahiya ay ang naririnig “on air” na side comments nilang maaanghang tungkol sa mga mismong kasama nila. Sa ginagawa nilang ito, para bang ginagamit nilang panakot ang pagsasalita nila sa radyo dahil naririnig sila sa buong bansa o mundo, kaya hindi sila pwedeng salingin ninuman.

Ang pagiging brodkaster ay isang biyaya, dahil dekada kung minsan ang binubuno upang makapagsalita lang sa mikropono o maghatid ng balita mula sa kung saang lupalop. Dapat itong gamitin upang makatulong, hindi upang makapang-abuso ng kapwa. At dahil itinuturing silang instrumento sa pagpapalaganap ng mga impormasyon, dapat hindi nila pinaglalaruan ang mga tagapakinig, na ibig sabihin, kung seryoso ang tinatalakay, dapat seryoso rin ang kanilang paraan sa pagpapaabot ng mensahe, walang halong halakhak o biro.

Military Style na Pagbigkas ng Mga Letra at Iba Pang Napupuna sa Mga Reporters

Military Style sa Pagbigkas ng mga Letra

At Iba Pang Napupuna sa mga Reporters

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang radio ay isa sa pinakainaasahan ng mga mamamayan pagdating sa balita. At dahil tinitingala ang mga brodkaster, may pagtitiwala at respeto kung sila ay ituring. Marami ring natututuhan sa kanila ang mga nakikinig, kaya dapat silang mag-ingat dahil ang nakikinig sa kanila ay hindi lang matatanda kundi pati na mga bata.

 

Upang maiwasan ang kalituhan o pagkainis sa panig ng mga nakikinig, maaari sigurong obserbahan ng mga pamunuan ng mga istasyon kung tama ang ginagawa ng kanilang mga brodkaster- yong mga nakatalaga sa istasyon o mga anchor at yong mga nagbibigay ng ulat mula sa labas. May mga bagay kasi na kailangang dapat baguhin sa kanilang ginagawa upang sila ay lalong maging epektibong tagapamahayag.

 

Isa sa kapuna-puna ay ang pagbigkas nila ng mga letra, na sa halip na sa pamamaraang ordinaryo, ay ginagawa nila ayon sa style ng military. Halimbawa ang “A”, na binibigkas nila bilang “alpha”, ang “B” na binibigkas nilang “bravo”, ang “C” na binibigkas nilang “Charlie”, at iba pang mga letra. Ginagawa nila ito ng may kayabangan pa, na animo, pinangangalandakan na may kaalaman sila sa bagay na ito at ang iba ay wala. Hindi man lang nila naisip na ang nakikinig sa kanila ay mga walang kamuwang-muwang sa mga bagay na ito. Maraming college students ang hindi kumuha ng ROTC kaya walang alam sa ganito, yon pa kayang mga ordinaryong mamamayan na hindi man lang nakatuntong ng high school o elementarya. Ginagawa ito ng mga field reporters kapag nagbibigkas ng mga plaka ng sasakyan kung may matiyempuhan silang aksidente at nirereport nila sa kanilang istasyon, at iba pang ulat na may kasamang numero. Kung hindi maiwasang banggitin sa style ng military ang mga letra, maaari siguro nilang ulitin subalit sa ordinaryong paraan na pa-Tagalog o pa-English.

 

Minsan tuloy, sa isang dyip na nasakyan ko, narinig ang ganitong klase ng pagrerepot tungkol sa isang disgrasya at binanggit ang mga numero sa plaka ng kotse, sabi ng katabi kong matanda, “kawawa naman yong mga pasahero na sina Charlie, Delta at Omega”.

 

May mga mamamahayag din na nagrereport ng mga insidente sa kanilang istasyon, ng  mga nangyari sa mga malls o commercial establishments. Kumpleto ang report, maliban lang sa eksaktong pinangyarihan ng insidente. Binabanggit ang siyudad na halimbawa ay Pasay o Makati o Cubao, pero pagdating sa eksaktong lugar, ang sinasabi lang ay “dito sa isang malaking mall” o “dito sa isang malaking commercial establishment”. Dahil ba iniiwasan nilang malibre sa advertisement ang mall o commercial establishment kapag nabanggit, kaya ayaw nilang gawin? Paanong lilinaw ang kanilang report kung sadyang hindi nila babanggitin ang eksaktong lugar? Aba’y mabuti pa sigurong hindi na lang sila nagreport!

 

May mga reporters din na sa kagustuhang makakalap ng scoop ay namimilit ng mga impormasyon sa mga pulis subalit hindi nila iniisip na ang ginagawa nila ay maaaring maglagay sa alanganin ng imbestigasyong ginagawa o magpapahamak sa mga pulis na gumagawa ng operasyon. May mga programa din sa telebisyon na ipinapakita pa ang mga gagawin sa pag-raid halimbawa ng drug den o lugar na pinagtataguan ng mga criminal. Ang mga istratehiyang ginagamit ng pulis ay hindi dapat ipinapaalam sa publiko para hindi mabisto ng masasamang tao.

 

Ano pa nga ba’t sa ngalan ng pamamahayag, lahat na lang ay gagawin para sa pansariling kapakanan ng mga reporters, na kalimitan ay may basbas ng kanilang istasyon. Sana man lang ay magkaroon ng maski kaunting pag-iingat ang mga mamamahayag at kanilang mga istasyon upang hindi umabot sa pagsisisi o sisihan kung may pumalpak man sa pagpapalaganap ng mga balita o gagawing operasyon.