Ang Mga Taong Hindi Marunong Mangalaga ng Tulong at Mga Walang Pinag-aralan Subali’t Maayos ang Buhay

Ang Mga Taong Hindi Marunong Mangalaga ng Tulong

At Mga Walang Pinag-aralan Subalit Maayos ang Buhay

Ni Apolinario Villalobos

 

Dapat lang na hindi ibalik sa taong tumulong sa iba ang itinulong niya sa mga ito. Ibig sabihin ang tulong ay hindi dapat ituring na “utang” ng taong tinulungan. Ang dapat gawin ng isang tinulungan ay ipasa sa iba ang tulong na napakinabangan niya. Subalit iba ang usapan kapag ang tinulungan ay hindi marunong mangalaga ng itinulong sa kanya tulad ng mga sumusunod na kuwento:

 

#1…..Tungkol ito sa isa kong kaibigang seafarer, mayroon siyang malaking bahay na hinuhulugan at may dalawang anak na nag-aaral. Noon ay hindi hamak na malaki ang kita niya kung ihambing sa kinikita ng hindi sumasakay sa barko. Ang masama lang ay mayabang siya at galante tuwing magbakasyon at mahilig bumili ng mga bagay na naide-display niya upang masabing marami siyang pera. Kalimitan, makalipas ang dalawang buwang bakasyon, isa-isa na ring nawawala ang mga gamit dahil kung hindi naisanla ay naibenta…at sa akin tumatakbo upang umutang. Palagi ko siyang pinapayuhan, at oo naman siya ng oo. Ngayong nagkaedad, halos wala nang kumpanyang tumanggap sa kanya, kaya  nataranta dahil ang bahay pala ay hindi regular na nababayaran sa SSS kaya malaki ang naipong arrears. Ang anak na babae ay isang teen-aged mom dahil nabuntis high school pa lang, at ang panganay na lalaking anak ay puro tattoo ang katawan at laman ng kalye. Ang asawa naman na suki ng mga parlor ay halos walang expression ang mukha dahil kung ilang beses nang inineksiyunan ng  gamot na pampatanggal ng kulubot, kaya sa biglang tingin ay mukhang tanga. Ilang beses siyang lumapit sa akin upang umutang, subalit nagmatigas ako. Nang magalit, pinaalala ko sa kanya ang mga utang niyang niyang hindi ko nasingil dahil idinaan na lang niya sa “kalimot”.

 

#2…..Isa pa ring kaibigan ang inabutan ko ng tulong na pandagdag sa puhunan niya sa pagba-buy and sell ng mga prutas. Nang lumakas ang negosyo, biglang umarangkada sa pagbukas naman ng isang karinderya dahil naiinggit yata sa mga kaibigang may ganitong negosyo. Minalas sa mga taong tinanggap niya upang tumulong dahil puro kupit ang inabot niya. Wala pang anim na buwan, bumagsak na ang karinderya ay may utang pa siya sa inupahang puwesto. Pinahiram ko pa ng ilang beses subalit hindi pa rin natuto dahil nagbukas uli ng karinderya na talaga namang hindi niya nakokontrol ang pagpatakbo. Lumipas ang isang taon bago kami nagkita uli….balik siya sa wala. Nang subukan niyang “humiram” uli sa akin, tumanggi na akong tumulong. Tulad ng inaasahan ko, nagtampo at nagalit kaya iniwasan na ako.

 

Iba naman ang kuwento ng mga taong nakatira sa bangketa na ang ikinabubuhay ay pamumulot ng mapapakinabangang basura. Yong isang pamilya na naabutan ng pera, bumili agad ng mga scrap na kahoy, tatlong gulong na pang-kariton, mga pako at nanghiram lang ng martilyo, at tulung-tulong silang mag-asawa sa paggawa ng kariton, kaya ngayon ay lalong marami silang nahahakot na papel, lata at bote, kung ihambing noon na sako o malaking plastic bag lang ang gamit.

 

Yong isang pamilyang dating isang kariton lang ang gamit sa pamumulot ng basura, nagkaroon ng isa pa nang maabutan ng tulong, kaya tag-isa na silang mag-asawa ng itinutulak na kariton, at dahil lumaki ang kita, nakaya na nilang mangupahan ng isang maliit na kuwarto…hindi na sila nakikigamit ng kubeta ng restaurant ng Intsik, at hindi na rin natutulog sa bangketa. Nakakaipon na rin sila ng iba’t ibang gamit sa bahay na napupulot sa mga basurahan dahil naikakarga nila ang mga ito sa kariton nila upang maiuwi.

 

Yong mag-asawang matanda na sigarilyo at mga kendi lang ang dating tinitinda sa bangketa, nang abutan ng tulong, nagkaroon ng maliit na mesa, dalawang thermos para sa kape, mga biscuit, at tinapay na idinagdag sa mga itinitinda. Mayroon na rin silang picnic umbrella, pananggalang nila sa init ng araw at ulan. Nang dinagdagan ang puhunan nila, nagtinda na rin ng piniritong isda at kanin na tantiyado nilang mauubos sa maghapon, nalilibre pa ang tanghalian at hapunan nila.

 

Yong mga namumulot lang dati ng mga reject na gulay sa Divisoria, may mga kariton na rin at ang tinitinda ay mga gulay na binibili nila ng maramihan sa mga papauwi nang mga mangangalakal kaya mura nilang nakukuha…nabawasan na ang hirap nila dahil hindi na sila mangangalkal pa at maglilinis ng mga reject na gulay.

 

Kung minsan mahirap unawain ang tao. Kung sino kasi ang may kakayahang pinansiyal ay sila pa yong nagmimistulang kawawa bandang huli dahil sa pinili nilang pagpapabaya sa sarili ganoong may pinag-aralan naman sila na magsisilbi sanang gabay sa paggawa nila ng mga desisyon. At, kung sino pa yong sa tingin ng iba ay walang pag-asa sa buhay dahil mga yagit sa bangketa kung ituring – walang pinag-aralan at ni walang ekstrang damit, ay sila pang nakakaraos dahil sa pagsisikap upang mabuhay ng maayos! Ibig sabihin, hindi kailangang maging titulado ang isang tao upang makagawa ng malinaw na desisyon sa buhay!

Ang Mga Panyero, talaga…(tungkol ito sa mga abogado)

Ang Mga Panyero, talaga…

(tungkol ito sa mga abogado)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang “panyero” ay tumutukoy sa mga abogado. At unang-una, wala akong balak na sila ay libakin. Ang mga isi-share ko ay halaw lamang sa aking mga naobserbahan sa mga kaibigan kong may ganitong propesyon at sa aking pakikisalamuha sa mga umpukan na may ganitong klaseng mga propesyonal. Mahirap mag-aral ng abogasiya, kaya bilib ako sa kanila.

 

May isa akong kapatid na abogado at nakita ko kung paano siyang “magsunog ng kilay” makapagsaulo lang ng mga batas  halos gabi-gabi na lang na ginawa ng Diyos. Lalong tumindi ang kanyang pagpupuyat nang siya ay maghanda para sa tinatawag na bar exam, isang pagsusulit na kung ilang beses na ring nabahiran ng pandaraya. Isa itong prestihiyosong karera na magastos na, kailangan pa ang matalas na pag-iisip at memorya. Kapag mayroon nang lisensiya ang isang tao pagkatapos niyang makapasa sa pagsusulit, maaari na niya itong isabit sa labas ng gate, pero kung nag-aapartment lang ang bagong abogado, sa ibabaw ng pinto niya…presto! pera na, mula sa pagnonotaryo. Dahil sa nakita kong ginawa ng kapatid ko upang maging abogado, naisumpa ko ang karerang ito.

 

May mga kaibigan akong abogado na umaaming mahina sa English, kaya nagkakaroon ako ng pagkakataon na kumita rin mula sa kahinaan nilang ito, sa pamamagitan ng pag-edit ng mga ginawa nilang dokumento. Pinapalabas na lang na masyadong marami silang ginagawa, busy, wika nga, kaya kailangan nila ng tulong sa pagsulit ng mga nagawa na nilang dokumento. Meron namang iba na may mga trabaho na subali’t nagpupursiging maging abogado kaya lumalabas na sila ay mga working student. Kailagang nilang makapasa ng bar exam na siyang magiging mabigat na batayan sa kanilang promotion. Sa kanila, saludo rin ako.

 

Ang masaklap lang…may ibang abogado na nagpapagamit sa mga taong alam na nilang mali, tiwali, masama, etc.  Ito yong mga taong may kaso na saan mang anggulo titingnan ng maski  hindi nakapag-aral ay talagang nakikitaan ng kamalian. Subali’t dahil sa tukso ng limpak-limpak na salapi, may mga abogadong pikit-matang tumatanggap ng kaso nila at kinakapalan na lang ang mga mukha habang nagsisinungaling sa loob ng korte. Kung ang pagsisinungaling ay nakamamatay, marami na siguro ang bigla na lang nangisay sa loob ng korte.

 

Kunsabagay, ang simbolo nga naman ng hustisya ay babaeng may piring, eh…di ganoon na lang din ang gawin nila…piringan ang mga mata nila at depensahan ang mga taong may sala nguni’t may kakayahang magbayad. Kasama kasi sa kanilang sinumpaang pangako bilang abogado ay ipagtanggol ang kahi’t sino, na hanggang hindi napapatunayang may kasalanan ay itinuturing na inosente. Ang simbolo ng hustisya, dahil sa piring sa mga mata, ay tila ba umaasa na lang sa kung sino ang “maririnig” na magaling sa pagsasalita habang naghahabi ng mga depensa, kaya hindi pwede ang bulol na ay mahina pa ang bokabularyo. Pagdating sa mga kasuhan, ang nangyayari ay pagalingan ng abogado, maski mahal ang serbisyo.  Totoo nga siguro na may halaga ang hustisya.

 

Nakakatawa na kung minsan ang nakikita sa TV…mga abogadong nagpipilit na walang kasalanan ang kanilang kliyente, ganoong alam na ng buong bayan ang buong pangyayari. Tulad na lang ng isang abogado na diretsong nakatingin sa kamera ng TV, sabay sabi na hindi nagnakaw ng pera sa kaban ng bayan ang kanyang kliyente, ganong ang dami nang saksi ang nagdidiin. Sa isang kaso naman, maliwanag na ngang nakorner ang kanyang mga kliyente pagkatapos tugisin ng mga otoridad, pinipilit pa rin niyang sabihin na sumuko daw sila! Paanong hindi susuko ay talagang nakorner na! Si panyero talaga, oo….

 

Sa TV pa rin….mayroong nag-aabogado ng mga drug pushers at drug lords at pilit na tinatanggi ang ginagawa ng mga kliyente niya, ganoong sa kalalabas na balita ay naipakita na ng raiding team ang mga milyon-milyong halaga ng shabu na nasamsam. Nagmumukha tuloy silang tanga na ewan kung binayaran ng mga singkit na drug lords dahil wala naman silang nagawa upang mailigtas sila sa kulungan. Sabi minsan ng kumpare ko, sinabihan siya ng anak niya na ayaw na niyang maging abogado. Nang tanungin kung bakit, sabi ng bata, “sinungaling sila”. Nang tanungin uli kung ano na lang ang gusto niyang “maging” paglaki niya, sabi ng bata, “maging pari na lang dahil binibigyan ng pera ng mga tao”. Ang tinutukoy niya ay ang love offering na binigay ng mga tao sa Misa. Sinabihan ko ang kumpare ko na i-korek ang maling impresyon ng bata tungkol sa perang binibigay sa pari, dahil ang pera ay para sa simbahan at Vatican.

 

Subali’t may iba pa ring mga bata na gustong maging abogado paglaki nila, at kapag tinanong kung bakit,  dahil gusto daw nilang maging mayor, governor, o presidente. May anak ang isang kumpare ko na ganito ang ambisyon, at tuwing tanungin ang bata kung bakit niya gustong maging abogado at mayor, sinasabi niyang, “kasi maganda ang kotse ni mayor, marami pang kasamang kontrabidang may mga baril, at kung minsan magaganda ang kasama, parang mga artista…” (nakakapanood siya ng TV at hindi siya tinuruan ng kumpare ko).

 

Sa korte, may sistema o paraan para hindi mapabigat ang hatol o di kaya ay umabot na lang sa pagka-abswelto ng may sala. Sa tingin ko dito ay “sabwatan”.  Yon bang mag-uusap ang mga abogado ng magkabilang panig, para siguro sabihin ng isa sa panyero niya na talagang walang ligtas ang kliyente niya kaya magtawaran na lang at pag-usapan ang “kompromiso”. Kapag sinuwerte, napapapayag ng abogado ang kliyente niyang biktima na daanin na lang sa “maayos na paraan” upang mapababa ang ipapataw na parusa kapalit ng pera. Ibig sabihin ay may pinagalaw na pera ang panig ng maysala. Nasisilip kaya ito ng babaeng may piring ang mga mata? Bakit nagkaroon pa ng sinasabing “hustisya” kung hindi rin lang buo ang pinapataw na parusa?

 

Bilang panghuli…noong minsang dumaan ako sa kumpare ko upang kunin ang USB disk na kinapapalooban ng mga dapat kong i-edit na dokumento, nakita kong binatukan ng nakakatanda niyang anak ang nakakabata nitong kapatid kaya napaiyak at nagsumbong sa magulang. Nang tanungin ng kumpare ko ang nakakatandang anak kung totoo ang sinasabi ng nakakabata niyang kapatid, pilit itong tumanggi. Sabi ng nabatukang kapatid, “yan…yan papa, tingnan nyo, para na ring abogado ng babaeng mataba sa TV kung magsinungaling si kuya…talaga namang binatukan niya ako, eh…sinungaling si kuya…sinungaling!”

 

Hindi ko na sasabihing ang anak ng kumpare ko ay may gustong ipahiwatig tungkol sa abogado…tahasan na niyang sinabi ito…at sa gobyerno natin, marami ang ganitong klaseng tao!