Huwag Lahatin…
Ni Apolinario Villalobos
…ang mga pulis na kotong daw –
dahil ang iba naman ay mabait
matitikas na, hindi pa masungit.
…ang mga senador na corrupt daw –
dahil mayroon pang isa o dalawa
maaari pa nating bigyan ng tiwala.
…ang mga kongresman, corrupt daw –
dahil meron pa namang mga bago
wala pang sungay, di pa demonyo.
…ang mga empleyado ng gobyerno –
dahil kung may nasusuhulan man
ang iba, napapanatili ang kalinisan.
…ang mga ahente ng pekeng NGO
dahil may ilan namang nakipagtulungan
mapasingaw lang ang baho ng pamahalaan!
…ang mga pari na lumilihis sa sinumpaan
dahil karamihan naman talaga ay banal pa
maigting at matatag ang pananampalataya.
…ang mga abogadong ubod ng sinungaling
dahil may mangilan-ngilan pa namang tapat
di tulad ng iba, sa dirty money ay nabubundat.
…ang mga huwes na takam sa kinang ng salapi
dahil marami pang honest, simple lang ang buhay
‘din pansin, tukso ng lagay na sa kanila’y kumakaway!