Ang Tao Bilang Nilalang ng Diyos

ANG TAO BILANG NILALANG NG DIYOS

Ni Apolinario Villalobos

 

PAALALA: Ang blog na ito walang layuning magpasimula ng pagtatalo tungkol sa iba’t ibang paniniwala sa Diyos lalo na sa relihiyon at tradisyon, kaya WALANG KARAPATAN ANG IBANG KWESTIYUNIN ITONG MGA PANSARILI KONG PANANAW. Walang karapatang magbigay ng paalala ang mga nagmamaangan-maangang maka-Diyos daw. At, dahil wala akong binabanggit na relihiyon o tradisyon dito, ang pakiusap ko ay huwag ding magbanggit  nito ang sinumang gustong magkomento. Ituturing kong pansariling pananaw ng nagbasa ang komentong sasabihin niya, kahit hindi umaayon sa mga inilahad ko, kaya hindi ko rin dudugtungan ng tanong o komento. At, lalong ayaw kong ipilit sa iba itong mga pananaw ko.

 

  1. Ang haharap sa Diyos pagdating ng panahong mawala sa mundo ang isang tao ay ang kanyang ispiritu…HINDI ANG KANYANG KATAWANG LUPA. Pagdating ng kanyang kamatayan, HUMIHIWALAY ANG ISPIRITU SA KATAWANG LUPA. Kaya ang mahalagang gawin ng isang tao ay magpakabuti habang buhay pa upang mabawasan man lang ang kanyang mga kasalanan, nang sa ganoon, pagharap niya sa Diyos ay hindi siya mahihiya, at makaakyat siya sa langit kung meron man nito. Ang naiwang katawan na kini-cremate o nilalagay sa kabaong upang ilibing ay wala nang silbi subalit dapat respetuhin. Kahit bendisyunan o basbasan pa ito ay wala ring mangyayari kung ang iniisip ng iba ay makakatulong ang pagbendisyon upang mawala ang mga kasalanan niya, dahil ang katawan ay itinuturing bilang “lupa” na lamang, kaya sa Ingles, ang tawag sa bangkay ay “remains” – natirang bagay.

 

Sa pagkabulok ng bangkay, ito ay hahalo na sa lupa, hindi aakyat sa langit o magdudusa sa impyerno kung meron man nito. Ang Diyos naman ay maaaring “magtatanong” sa ispiritu kung ano ang pinaggagawa ng katawan niya noong buhay pa ito, at hindi magtatanong kung ang bangkay ba niya ay binendisyunan o binasbasan sa isang katedral, simbahan, kapilya, punerarya, bahay, Multi-purpose Hall, o bangketa kung saan ginawa ang lamay. Hindi magtatanong ang Diyos kung mahal ba o mura o donated ang kanyang kabaong, o di kaya ay diretsong inilibing ang kanyang bangkay, o sinunog ba, o kung marami ang nakipaglamay, o kung sino ang nagbasbas, o kung may videoke ba o nagpasugal nang gawin ang lamay upang makalikom ng pera.

 

  1. Ang mga ispiritwal na bagay ay may kaugnayan sa Diyos o pananalampalataya kaya hindi dapat ihalintulad sa mga maka-mundong gawain tulad ng pagpapatakbo ng negosyo, gobyerno, o organisasyon na magiging kadahilanan ng pagkapagod kaya kailangan ang isa o dalawang araw na day off. Hindi rin saklaw ng panahon ang mga ispiritwal na bagay kaya hindi dapat kinokontrol ng oras o araw, hindi tulad ng mga maka-mundong bagay o gawain. Ang pagpapahinga ng Diyos na sinasabi sa Bibliya tungkol sa “creation”, kung saan ay binanggit ang pagpahinga niya sa ika-pitong araw ay isang alamat o legend. Hindi ito dapat gamiting batayan upang magpahinga ng isang araw ang isang bahay-sambahan, sa pamamagitan ng pagsara ng kanilang “opisina” dahil nagagawan naman ng paraan upang maging tuloy-tuloy ang pagsilbi sa mga pangangailangang ispiritwal ng mga kasapi.

 

Kung ang namumuno sa isang bahay-sambahan ay magpupumilit ng patakaran tungkol sa araw ng pamamahinga at tatanggi sa mga suhestiyon bilang paraan kung may problema, lumalabas na siya ay makasarili o mayabang dahil gusto niyang manaig ang pansariling pamamalakad, kaya sa halip na makahikayat ng mga bagong kasapi ay magtataboy pa siya ng mga dati nang kasama…at ang gawaing nabanggit ay pagsalungat sa kagustuhan ng Diyos.

 

  1. Hindi nangangahulugang dahil namumuno na ang isang tao sa isang bahay-sambahan, ay marami na siyang alam at ang mga pinamumunuan niya ay wala o maraming hindi alam. Wala siyang karapatang kumilos na animo ay pantas sa larangan ng relihiyon, dahil ang kaibahan lang niya sa iba ay ang “diploma” lang naman mula sa eskwelahan ng pananampalataya kung saan siya kasapi. Sa makabagong panahon ngayon, marami nang paraan kung paanong mapalawak ng isang tao ang kanyang kaalaman sa anumang larangan, kasama na diyan ang tungkol sa Diyos at relihiyon, at hindi niya kailangang magkaroon ng diploma dahil dito.

 

SA MATA NG DIYOS, LAHAT NG KANYANG NILALANG AY PANTAY-PANTAY AT KUNG MAY MGA NAITALAGA MANG  “MAMUNO” KAYA KAILANGAN NILANG MAG-ARAL PA,  SILA AY HINDI DAPAT MAGYABANG DAHIL ANG MGA PINAG-ARALAN AY DAPAT GAMITIN SA TAMANG PARAAN UPANG MAKAHIKAYAT PA NG MARAMING KASAPI, AT ANG PAMUMUNO AY MAY HANGGANAN ….SA IBABAW NG MUNDO.

 

Hindi Dapat Isipin ng Ibang mga Pari na Tanga ang Lahat ng mga Katoliko

Hindi Dapat Isipin ng ibang mga Pari na Tanga

Ang Lahat ng Mga Katoliko

Ni Apolinario Villalobos

 

Akala ng ibang pari, dahil nakapag-aral sila ng mga salita ng Diyos at ng kasaysayan ng simbahang Katoliko sa loob ng kung ilang taon habang nakakulong sa seminaryo, ay sila lang ang may kaalaman sa mga ganitong bagay kaya  kung umasta sila ay aakalain mong sila lang talaga ang mga pinagpala ng Diyos dahil sa kanilang kaalaman.

 

Ang katotohanan ay marami ang tumitiwalag sa simbahang Romano Katoliko dahil naliwanagan sila pagkatapos malaman ang mga kahihiyang pilit itinatago ng Vatican, lalo na ang mga makabagong nakakadiring kasalanan ng ibang pari. Tanga ang mga paring ito kung hindi nila mauunawaan ang tulong na naibibigay ng makabagong teknolohiya sa mga Katolikong nakakakuha ng impormasyon sa internet.

 

Baka mas marami pang alam ang ibang ordinaryong Katoliko tungkol sa kasaysayan ng simbahang Romano Katoliko na hindi pa alam ng karamihan sa mga pari, kaya hindi sila dapat magyabang. Ang dapat gawin sana ng mga kaparian sa panahong ito ay magpakatotoo, magpakabait, magpakumbaba, maging tulad ni Hesus sa ugali, upang kahit papaano ay maipakita nila na ang pagkakamaling nangyari sa nakaraang panahon ay hindi na mauulit pa sa kasalukuyan. Pero ano ang kanilang ginagawa? Mas higit pang kahihiyan ang ibinibigay sa simbahang Romano Katoliko kaya ang bagong santo papa ay parang sirang plaka sa paulit-ulit nitong pagpapaalala sa kanilang mga responsibilidad at obligasyon. Kulang na lang ay murahin sila!

 

Kung may “pinapatakbo” o mina-manage na parukya ang isang pari, dapat ay magpakita ito ng propesyonalismo dahil ang isang parukya ay isang komunidad na nangangailangan din ng “proper and intelligent management”. Hindi dapat gamiting dahilan ang pagka-ispiritwal ng simbahan upang siya ay makapagdikta o magpasunod ng kanyang kagustuhan dahil gusto lang niyang maipakita na siya ang “lider”. Kung ganyan ang ugali niya, aba eh, bumabalik siya sa panahon ni Padre Damaso noong panahon ng Kastila! Wala siyang karapatang mamuno ng isang lokal na simbahang Katoliko ngayon na sirang-sira na ang reputasyon, dahil sa halip na nakakatulong siya upang makapagbago man lang kahit kapiranggot, lalo pa niyang binabahiran ng putik ang imahe nito.

 

Dapat pasalamatan ng santo papa ang mga maliliit na religious organizations sa lahat ng komunidad na siyang sumasalo at nagtatakip sa pagkakamali ng kanilang parish priest. Dahil maganda ang ipinapakita ng mga religious organizations hindi masyadong nahahalata ang mga kamalasaduhang ginagawa ng ibang parish priest. Ang mga parish priests ay napapalitan pagkalipas ng kung ilang taon, subalit ang mga religious organizations ay hindi dahil taal silang taga-komunidad kaya kung tutuusin sila ang nagbibigay ng agapay sa mga bagong naitatalagang parish priest, subali’t dahil sa kayabangan ng iba sa mga ito, kalimitan, ilang buwan pa lang pagkatapos silang maitalaga ay umaalingasaw na agad ang mabantot nilang ugali!….sila ang mga makabagong Padre Damaso!