Ang Common Sense Na Hindi naman Common

Ang Common Sense

Na Hindi naman Common

Ni Apolinario Villalobos

Hindi maintindihan kung minsan ang takbo ng isip ng tao. Kung ano ang bawal, halimbawa, ay siya niyang gustong gawin. Kung ano ang dapat gawin, ay siya namang pinakaiiwasang gawin. Ang katinuan kadalasan ay wala sa ayos, dahil ang tinatawag na common sense, na dapat ay palasak at dapat palaging nandiyan lang sa kanyang katauhan, ay siya namang palaging wala.

May isa akong kaibigan na mabilis ang pagkahulog ng katawan kaya bukod sa namumutla na ay namamayat pa, yon pala ay may diabetes at may diperensiya na ang bato o kidney. Ilang beses ko na siyang pinayuhan noon pa mang malusog pa siya, tungkol sa mga halamang gamot o mga herbal medicines. Hindi pala sinusunod ang payo ko lalo na ang mga tungkol sa pagkain at mga bawal na bisyo, kaya natuluyang gumastos sa pagpapadoktor at pagbili ng mga mahal na gamot. Isang araw ay sinabi niya na “magpapabulong” daw siya sa isang arbularyo sa isang karatig na lalawigan. Sa ganoong gamutan, binubulungan daw ng arbularyo ang bahagi ng katawang may diperensiya.

Tinapat ko siya na pang-doktor ang sakit niya dahil hindi naman siya kinukulam. Dagdag ko pa, kung ano mang gamot ang “ibubulong” ng arbularyo ay siguradong mga halaman din na alam na ng lahat, kaya walang bago sa aasahan niyang gamutan. Ayaw pa ring paawat, itinuloy ang biyahe nila ng nakilala niyang “magpapabulong” din. Nang makauwi, binalitaan ako na ganoon nga ang nangyari – sinabihan siya ng arbularyo na itigil ang mga pagkaing bawal, at ang mga halamang sinabi sa kanya ay kapareho ng mga sinabi ko na sa kanya noon pa! Nagpagod na siya, gumastos pa!

Ang isa namang kaibigan ay walang inaasahan, maliban sa pagtinda sa palengke. Dalawa ang anak na suhod ang luho tulad ng mamahaling cellphone at mga damit. Pati sa pagkain ay pihikan ang mga ito, dahil ayaw kumain ng gulay at mumurahing isda – kinunsinti kasi ng kaibigan ko, maliit pa lang sila. Nang payuhan ko ang kaibigan kong maghinay-hinay sa pagsunod sa luho ng mga anak, ang sagot niya ay “sige lang…ngayon lang naman nila matitikman, eh…”. Halos isang kahig, isang tuka ang pamumuhay nila dahil ang perang ginagamit ay regular na inuutang sa ilang tao na nagtiwala sa kanya, at pinapaikot-ikot lamang niya upang makasambot sa pagbayad. Ang maling uri ng pagpapakita ng pagmamahal na ito ang halata nang nakakasira sa pag-uugali ng mga anak niya.

Ang uri ng buhay na meron tayo sa mundo ay batay sa takbo ng ating katinuan at common sense. May tinatawag na maluhong pamumuhay, may pabayang pamumuhay, may maingat na pamumuhay, may malusog na pamumuhay…marami pang iba. Ang talino natin ay nakokontrol ng katinuan at common sense, dahil kung hindi, ang talinong ito ay hindi magagamit ng maayos. Ito ang dahilan kung bakit sa ibabaw ng mundo ay may naglilipanang kriminal at mapagsamantala, ganoong ang iba sa kanila ay nagtapos sa mga de-kalidad na mga pamantasan at kolehiyo. Yong iba sa kanilang humantong sa mga opisina ng gobyerno ay mga corrupt. Yong iba na dapat ay tagapagpatupad ng batas ay naging bayaran.

Walang katumbas na halaga ng pera ang common sense o katinuan. May mga taong matino o may common sense na makikita sa mga kabundukan at nabubuhay sa pagkaing gubat. Mayroon ding mga namumulot ng basura at natutulog sa bangketa. Talo nila ang mga may diploma o master’s degree or doctorate na ang mga tanging laman ng isip ay kung paano kumita ng pera sa anumang paraan at manglamang ng kapwa.