Bibili daw ang Pilipinas ng mga Barko…at may nanalo nang bidder, ang Japan

Bibili daw ang Pilipinas ng mga Barko
….at may nanalo nang bidder, ang Japan
Ni Apolinario Villalobos

Narinig ko ang balitang binabanggit sa titulo nitong blog habang kumakain ako ng almusal. May binanggit na bilang kung ilan, subalit nang banggitin na ang mga lugar kung saan ang mga ito ihihimpil ay muntik na akong mabulunan. Ang mga binanggit ay puro sa Luzon – Manila, La Union at Palawan. WALANG MAPUPUNTA SA VISAYAS AT MINDANAO!

Isa na namang kabobohan ng kung sinuman ang may ideya ng distribution ng mga barko na ang mga gamit daw ay para sa search and rescue, at relief operations. Sa Luzon lang ba may dapat ma-rescue at gumawa ng relief operations? Ang Mindanao, lalo na ang bandang southern part ay piniperhuwisyo ng Abu Sayyaf kidnappers na gumagamit ng kumpit…bakit hindi ito tapatan ng Coast Guard at Philippine Navy? Mahina ang control sa southern entrance/exit kaya dito dumadaan ang mga tumatakas sa batas, at paboritong lusutan ng mga kontrabando. Ang Visayas naman ay binubuo ng mga isla – malalaki at maliliit, kaya kailangan ding mayroong nakatalagang mga barko sa mga istratehikong daungan.

Natataranta ngayon ang pamahalaan dahil sa nangyayari sa West Philippine Sea na dapat siguro ay ibalik na lang sa tawag na South China Sea, malinaw na rin lang na walang magagawa ang Pilipinas sa kaswapangan ng mga lider ng Tsina. Bakit ngayon lang sila natataranta? Saan napunta ang perang galing sa pinagbentahan ng Fort Bonifacio noon pa man, na dapat sana ay para sa modernisasyon ng hukbong sandatahan ng Pilipinas? Sapat na ba ang biniling second hand na mga helicopter at mga armas, ganoong bilyones ang dapat na napunta sa proyektong ito?

Ang Pilipinas ay binubuo ng mga isla kaya ang kailangan ay mga sasakyang pandagat at panghimpapawid tulad ng helicopter man lang at mga modernong barko para sa Coast Guard at Philippine Navy. Hindi kailangan ng Pilipinas ang fighter planes dahil wala rin namang mapapala sa harap ng mga naghihigantihang ginagamit ng mga karatig-bansa lalo na ng Tsina. Ang inaasahan kasi ng Pilipinas ay ang iniiwang mga bulok na gamit-pandigma ng mga Amerikano pagkatapos ng “Balikatan exercises” taon-taon!

Nakakahiya ang Pilipinas…. dahil halos wala nang mukhang maiharap sa buong mundo lalo pa sa panahon ngayong tadtad ito ng mga problema na gawa mismo ng mga tiwaling opisyal sa pamahalaan!…at ang pinakakawawa ay ang mga Pilipino!

Magtataka pa ba tayo kung bakit gustong ihiwalay ng BIFF ang isang bahagi ng Mindanao mula sa Pilipinas? At hindi malayong mag-isip din ng ganito ang mga taga-Visayas – magkaroon man lang ng self-governing na rehiyon tulad ng nasa Cordillera at ang umiiral sa ngayon na ARMM, na kung matutuloy ay papalitan ng Bangsamoro. Pero, paano na ang sinasabi ngayon ng MNLF na gusto rin nila ng sariling rehiyon?

Kalamyaang Desisyon Para sa Kalayaan Island

Kalamyaang Desisyon Para

Sa Kalayaan Island

Ni Apolinario Villalobos

Ipinatigil ni President Pnoy ang pagpapaayos ng airstrip sa Kalayaan Island upang hindi raw maapektuhan ang kasalukuyang usapin sa West Philippine Sea. Isa na naman itong malamyang desisyon sa tingin ng maraming Pilipino. Para bang sinabi niya na itigil na muna ang improvement project para hindi masayang ang gastos kung matalo ang Pilipinas laban sa Tsina, at lisanin na natin ang isla.

Ang Kalayaan Island ay ang unang islang dinebelop ng Pilipinas bilang pinakamalaking bahura sa noon ay tinatawag na South China Sea, pero ngayon ay unofficially, tinatawag na West Philippine Sea. Bago nagkaroon ng mga istruktura ang Tsina sa isang bahura na naging siyudad na nila, may mga Pilipino nang naninirahan sa Kalayaan, hanggang lagyan ng marine outpost upang mapangalagaan ito. Ito ngayon ay may kapirasong airstrip na pansamantala, barangay, at eskwelahan.

Ang pansamantalang airstrip na dati nang nakalatag sa isla ay nararapat lamang na ayusin upang mas lalo pang mapangalagaan ang mga naninirahan doon at dapat ituring na walang kinalaman sa usapin laban sa Tsina tungkol sa West Philippine Sea. Hindi maaaring iasa na lamang sa mga maliliit na barko ng Coast Guard at airdropping ang pagdala ng mga pangangailangan ng mga tao sa isla. Hindi rin dapat limitahan sa paggamit ng helicopter ang pagtugon sa mga emergency na pangangailangan ng mga taga-Pag-asa.

Nakakatawa at nakakalungkot, na habang pinatigil ni Pnoy ang napakasimpleng proyekto para sa mga kababayan natin sa Kalayaan, masaya namang pinagpapatuloy ng Tsina ang paglagay ng mga modernong istruktura sa isa pang isla…ang pangalawa na, dahil kumpleto na yong isa, at siyudad na nga. Ang matindi ay hindi lang diretsahang paglagay ng mga istruktura ang ginagawa ng Tsina sa ikalawang bahura, tinatambakan pa ito upang maging malaking isla, at sa mga naunang nakitang retrato, animo ay may nilalatag na mahabang airstrip!

Ito ay mga nangyayari habang ang usapin ay naaalikabukan at inaagiw sa international court of justice na nakatalaga para sa mga ganitong bagay. Sa kabilang banda, hindi naman pinaniniwalaan ng Tsina ang poder ng kung anumang korte na hahawak sa usapin…yan ang tahasan at kung ilang ulit na sinabi ng Tsina sa lahat ng uri ng media – diyaryo, internet, TV, etc. Kaya, bago natin, mamalayan, abot- kamay na natin ang mga siyudad at bayan ng Tsina sa mga isla ng West Philippine Sea. Baka may balak ang gobyerno na ibenta ang rights natin sa Kalayaan Island sa Tsina upang mapatayuan nila ng mall at mga condo building na may casino…abangan!

May mga ninunong kamag-anak ang mga Aquino sa Tsina, particularly sa Guandong…binisita noon ng nanay niyang si Cory, nang mapatalsik si Marcos, at siya ay umupo bilang Presidente. Nakibahagi sa kasiyahan ang mga Tsino kaya ang tour guide namin sa Tsina noong pumunta ako kasama bilang bahagi ng isang familiarization tour group, ay nagpalit ng pangalan…ginamit niya ang Cory…kamukhang-kamukha din ng dating presidente, payat nga lang, kamag-anak siguro.