Benjamin Surbano: “Aguador” o Taga-igib sa Gulang na 61 Taon

Benjamin Surbano: “Aguador” o Taga-Igib sa Gulang na 61 Taon

Ni Apolinario Villalobos

 

Isang Linggo, mula Baseco (Tondo) ay naglakad uli ako papuntang Sta. Cruz. Binaybay ko ang kahabaan ng C.M. Recto Ave. at tulad ng nakaugalian ko, bago makarating ng Avenida ay kumanan na ako sa F. Torres upang magkape sa paborito kong kapihan sa isang bangketa. Noon ko natiyempuhan si Benjamin (Ben) Surbano na nagbababa ng konti-container na tubig para sa may-ari ng kapihan. Puting-puti na ang buhok ni Ben at inakala kong nasa gulang na siya na 70-pataas, lalo pa at ang kanyang mukha ay marami na ring gatla (wrinkles). Tinulungan ko siya sa ikalawang container dahil muntik na siyang matumba at nang makabawi ng lakas ay hinayaan ko nang ibaba niya ang ikatlo. Sa bawa’t container ay kumikita siya ng sampung piso para sa paghakot. At, nang araw na yon dahil Linggo ay iilan lang ang nagpaigib.

 

Buong linggo ang pag-igib ni Ben ng tubig para sa mga kostumer niya. Pagdating ng hapon ng Linggo ay umuuwi silang mag-asawa sa Baseco (Tondo). May tatlo silang anak na ang mga gulang ay mula 19 hanggang 12 taon, lahat ay nag-aaral, at nagdidiskarte na rin para kumita. Ang asawa naman ni Ben na si Mariel ay nagpa-parking ng mga sasakyan sa isang maikling bahagi ng Soler St., kanto ng F. Torres, na katapat ng mga tindahan ng mga pandekorasyon at pambahay na ilaw. Sa umaga ay nililinis ni Mariel ang bahaging yon ng kalye upang ipakita ang kanyang pagmamalasakit sa mga may puwesto. Kung walang nagpapa-park ng sasakyan ay nagtitiyagang magbenta si Mariel ng ilang pirasong gadgets tulad ng maliliit na ilaw na nabibili niya sa mga puwesto na rin pero may discount upang mapatungan pa niya ng tutubuin.

 

Ang isang bahagi ng sidewalk na pababang hagdan ng isang puwesto ay nagsisilbing tulugan ng mag-asawa sa gabi. Karton ang sinasahig nila sa semento at wala silang kulambo kundi iisang kumot.

 

Mayroong “sidecar” (maliit na traysikad) ang mag-asawa subalit ito ay ninakaw, apat na araw nang nakaraan. Nagising na lang daw sila na wala na ang “sidecar”. Ito sana ang dapat na ginagamit ni Ben sa pag-igib ng tubig upang hindi siya nahihirapan. Subalit dahil ninakaw, nagtitiyaga na lang siya sa hinihiram na kariton. Masuwerte kung hindi ginagamit ng may-ari ang kariton, dahil kung magkaganoon, ay hihintayin pa ni Ben na mabakante ito bago niya magamit at hindi niya alam kung anong oras sa buong maghapon kaya hindi tuloy siya nakakapag-igib ng maramihan. Nagulat ako nang sabihin ni Mariel na apat na beses na daw silang ninakawan ng “sidecar”, kaya ang mangyayari ay pag-iipunan na naman daw nila ng kung ilang taon bago makabili uli ng bago o second hand man lang.

 

Taga-Boac, Marinduque si Ben at 12 taong gulang pa lang daw siya nang makarating sa Maynila dahil sa kahirapan ng buhay sa probinsiya. Tulad ng iba pang galing sa probinsiya na nakipagsapalaran sa Maynila, nakitira din muna siya sa mga kamag-anak at dumiskarte upang kumita. Ang Baseco ay malapit sa Divisoria at basta pairalin lang ang tiyaga at kasipagan ay hindi magugutom ang isang tao, at ito ang nangyari kay Ben hanggang sa magka-pamilya. Upang maiba naman ang diskarte ay sinubukan nilang makipagsapalaran sa Sta. Cruz, kaya nauwi sa pagpa-parking ng sasakyan si Mariel at pag-iigib ng tubig si Ben. Tulad ni Ben, maliit lang din ang kinikita ni Mariel dahil umaasa lang siya sa kusang iaabot ng mga nagpapa-park, mula lima hanggang sampung piso, at pinakamalaki na ang dalawampung piso.

 

Sa kabila ng kahirapang pinagdadaanan ng mag-asawa upang kumita sa malinis na paraan ay hindi sila nakikitaan ng pagkabagot. Tulad ng ibang naging kaibigan ko na nasa parehong kalagayan, pinapahiwatig nila na ang mabuhay at magkaroon ng mga anak ay maituturing nang malaking utang na loob sa Maykapal na dapat ipagpasalamat.

 

Ang Pagpapalaganap ng Pananalig o Pananampalataya

Ang Pagpapalaganap ng Pananalig o Pananampalataya

(tungkol ito sa “chain prayer” at iba pa)

Ni Apolinario Villalobos

 

Maraming paraan ang maaaring gamitin sa pagpalaganap ng pananalig o pananamapalataya sa Diyos. Subali’t magandang gawin ito sa paraang walang karahasan o pamimilit.

 

Ang isang halimbawa ay ang ginagawa ng ISIS sa Gitnang Silangan na gumagamit ng dahas upang maisakatuparan ang hangad nilang mapalawak ang pamumuno ng “Islamic Caliphate”. Inabuso din nila ang tunay na kahulugan ng “jihad” na ginamit nilang pangbalatkayo sa pulitikal nilang layunin.

 

Ang iba naman ay gumagamit ng “literal” na kahulugan ng mga sinasabi sa Bibliya upang ipakita na malawak na ang narating sa kababasa ng nasabing libro. Hindi man lang nila naisip na ang Bibliya ay may iba’t-ibang bersiyon na ginagamit ng iba’t- iba ring relihiyon. Ang matindi pa nga ay ang sinadyang pagkaltas ng ibang bahagi ng nasabing libro upang umangkop sa layunin ng mga namumuno ng relihiyon.

 

May mga taong sumasampa sa mga bus at jeep o di kaya ay nagtitiyagang magsalita sa matataong lugar tulad ng palengke. Ang iba naman ay naghahanap ng makikinig sa kanila kaya umiistambay sa mga mall at liwasan o park tulad ng Luneta. Karamihan sa kanila ay nag-resign sa trabaho upang bigyan ng halaga ang “nararamdaman” daw nilang utos sa kanila ng Diyos, kaya ang resulta….pagtigil ng pag-aaral ng mga anak, at kagutuman ng pamilya. Ang mga nasa palengke naman ay matiyaga din, at kadalasan ay grupo sila – habang ang isa ay nagsasalita o kumakanta sa harap ng mikropono, ang mga kasama naman niya ay nakakalat hanggang sa paligid ng palengke na hindi na abot ng loud speaker, lumalapit sa mga tao habang may hawak na lagayan ng “donation”.

 

Noong wala pa ang computer, ang tawag sa daluyan ng teknolohiyang hatid ng radyo at telebisyon ay “air wave”. Ngayon naman ay may mas malawak na daluyang kung tawagin ay “cyberspace”. Kung noon ay may “air time” na binabayan ang mga maperang pastor na kung tawagin naman ay “block timer” upang magpalaganap ng mga salita ng Diyos ayon sa kanilang paniniwala, ngayon ang napakasimpleng gagawin lang ng isang tao ay magbukas ng facebook account, at presto!…mayroon na siyang venue, o outlet, o labasan ng kanyang mga saloobin.

 

Ang “facebook” naman ay para lang sana sa mga larawan ng mga magkaibigan upang maipakita nila ang  aktwal nilang hitsura o mga ginagawa lalo na ng pamilya, na maaring samahan ng maikling bagbati. Subalit dahil nakita ang lawak ng inaabot ng facebook, naisip ng mga may malakas na pananampalataya na magpalaganap ng kanilang paniniwala sa pamamagitan ng paglagay sa “frame” ng mga dasal na ginamit sa “chain” o tanikala upang marami ang marating na kaibigan. Ang nakasama ay ang “babala” o warning na kung hindi ipagpapatuloy ng nakatanggap ay may mangyayaring sakuna o kamalasan sa kanyang buhay. Ang mga may mahinang pundasyon ng pananalig ay natataranta at natatakot dahil kung minsan ang natatanggap nila ay may warning na  “dapat ay sa 50 na kaibigan” ipaabot. Kaya ang mga kawawang nakatanggap na ang kaibigan sa facebook ay wala pa ngang 10 ay  hindi na magkandaugaga sa paghanap ng iba pang tao kahit hindi gaanong kilala upang umabot lang 50 ang kanyang padadalhan! Ang iba ay hindi makatulog dahil dapat daw ay ikalat ang dasal sa loob ng 24 na oras!

 

Sa isang banda, hindi dapat ipinipilit ang pagyakap sa isang paniniwala na mula’t sapul ay ayaw ng isang tao. Hindi dapat idaan sa “chain prayer” ang pagpapalaganap ng pananalig sa Diyos, kung mismong ang nagpadala ay hindi rin gumagawa ng dapat gawin ayon sa dasal na ikinakalat niya. Paano kung ang pinadalhan ay bistado ang ugaling masama ng nagpadala? Alalahaning hindi nakokontrol ang ganitong uri ng pamamahagi o sharing at hindi maiwasang magkakabistuhan ng ugaling “plastic”. Ang mangyayari niyan, baka libakin pa ang nagpada ng “chain prayer”, ng mga pinadalhan niya dahil sa kanyang pagkukunwari. Yan ang dapat pag-ingatan sa paggamit ng “social media” tulad ng facebook.

 

At, ang pinakamahalaga….dapat alalahaning, mas malakas ang internet sa “itaas”….iba ang gusto ni Lord na mangyari, ang ipakita sa gawa at kilos ang mga Salita Niya, hindi ipakalat sa facebook na may kasamang pananakot….dahil marami nang taong pagod sa mismong pananakot ng ibang relihiyon na ang gagawa ng masama ay “mahuhulog sa nag-aapoy na impyerno”!