Ang Pagtiwala, Pag-aakala, at Pagbakasakali

ANG PAGTIWALA, PAG-AAKALA, AT PAGBAKASAKALI

Ni Apolinario Villalobos

 

 

Ilang beses na rin akong naging biktima ng mga akala ko ay mga kaibigan kaya nagtiwala ako ng lubos dahil naging palagay ang loob ko sa kanila. May mga tao palang hindi nakakapagsabi ng tunay nilang saloobin sa kanilang kaibigan nang harap-harapan,  at sa halip ay binabahagi pa sa ibang tao ang mga dapat sana ay mga ipinagkatiwala sa kanila. Sa ginagawa nila ay mistulang pinaglalaruan nila ang tiwala ng kaibigan nila. Ang mga nabibikitima ng ganitong ugali ay napapanganga na lang bandang huli, sabay tingala sa langit at tanong ng, “bakit nagkaganoon?…AKALA ko ay magkaibigan kami!”. Yan ang dakilang “AKALA” na hindi lang iilang tao ang ipinahamak!

 

May mga tao na ang habol lang sa mga kinakaibigan ay mga kapanibangang makukuha sa kanila. Sila ang tinatawag sa Ingles na “user”. Dalawang uri ang ganitong mga tao….ang isa ay yong ang gusto ay makinabang lang kaya ang tawag sa kanila ay mga “linta”, at ang isa pang uri ay yong mga nakikipag-ungguyan o nakikipagbolahanan sa kapwa upang makinabang silang pareho sa isa’t isa…sila naman ang nagbuhay sa kasabihan sa Ingles na, “scratch my back and I will scratch yours”. Ang mga taong ito ang dahilan kung bakit talamak ang korapsyon sa gobyerno. Sila ang mga anay at bukbok ng lipunan!

 

Sa isang banda, madaling magtiwala sa kapwa dahil likas na sa tao ang pagkaroon ng kagustuhang makipag-ugnayan sa iba pang bahagi ng lipunan, dahil sa kasabihang Ingles na, “no man is an island”  Ang ganitong uri ng kaugalian na may kinalaman sa tiwala ay kadalasang nasisira dahil sa epekto ng makabagong pamumuhay sa lunsod kung saan ay umiiral ang walang pakialaman. Dahil diyan, sa mga nagtatayugang residential condo buildings, ang magkakalapit-unit ay hindi nagkikibuan dahil sa kawalan ng tiwala. Ang mga nagkakabatian lang ay mga katulong at driver. Ganyan din ang nangyayari sa mga high-end na subdivision, kaya nagkakagulatan na lang kung ang isang kaptibahay pala ay big-time drug lord at meron pang laboratory sa inuupahang mansion! Okey na sana ang pagkaroon ng privacy kahit papaano dahil kailangan ito ng iba, subalit naaabuso naman at ginagamit sa masama.

 

Kung marami ang naipapahamak ng pagtitiwala, ganoon din sa maling akala. Kaya ang dalawang nabanggit ay maituturing na “magkapatid” na bahagi ng damdamin at paniniwala. Sa magsing-irog na nagpakasal agad pagkalipas ng ilang linggong ligawan, akala nila ay ganoon kadali ang pag-aasawa na ang kaakibat ay pagtitiis at matinding pang-unawa sa isa’t isa. Ang mga may maiksing pisi ng pasensiya at nag-akalang langit ang tutunguhin nila ay nadismaya nang madiskubreng impiyerno pala ang kanilang pinasok kaya biglang nagpaalam sa isa’t isa…pagkatapos ng mga naganap na suntukan, tadyakan, murahan, at sakalan.

 

Ang pagpili ng pinuno ng bansa ay nakukulayan din ng “akala” batay sa nakikitang panlabas na anyo ng mga nangangampanyang kandidato bago mag-eleksiyon. Kadalasang “llamado” ang may mala-anghel na hilatsa ng mukha, may mayuming ngiti, namumulaklak ang labi ng “po” at “opo”, plantsadong pananamit, nakakabilib na scholastic record, at galing sa pagtalumpati na animo ay contestant sa isang inter-school elocution competition. Ang mukha namang butangero ang mukha, na animo ay kargador sa palengke ang porma, nagmumura, paulit-ulit ang pagsuot ng ilang pirasong damit, at hindi gaanong swabe ang Ingles ay siyempre walang binatbat sa tingin ng mga sosyal. Subalit dahil sa kung ilang beses nang nagkamali ang mga tao sa pagpili ng may nakakabilib na panlabas na kaanyuan, wala silang magawa kundi MAGBAKASAKALI… bunsod na rin ng desperasyon.

 

Si presidente Duterte ay maituturing na bunga ng pagbabasakali ng mga Pilipino dahil sa mga kapalkapakang nangyari nang malamang ang inakala nilang WISE CHOICE sa nakaraang mga eleksiyon ay BAD CHOICE pala, pero huli na. Pinagkatiwalaan ng mga Pilipino si Duterte dahil sa pag-aakalang siya ang kasagutan sa mga problema ng bansa. Binatay ang pagbabakasakaling magagawa din nito sa buong Pilipinas, ang ginawa niya sa Davao. Tinumbasan din ni Duterte ng katapangan ang pagharap sa problema sa droga, bilang sampol, kaya tila naka-jackpot ang mga Pilipino sa kanya!

 

Siguro kung taong walang yagbols ang nanalo bilang presidente ng Pilipinas, paswit lang ni Obama, baka napaihi na siya sa pantalon o nagkanda-LBM sa nerbiyos!

 

 

 

Mga Diretsahang Usapin tungkol sa Panlabas na Kaanyuan at Imahe ng Tao

Mga Diretsahang Usapin tungkol sa

Panlabas na Kaanyuan at Imahe ng Tao

Ni Apolinario Villlalobos

Sa diretsahang salita, ang isang ugali ng ibang Pilipino ay ang pagtingin sa panlabas na kaanyuan ng kapwa. Ibig sabihin, maganda lamang ang pakisama nila sa mga kaibigang mamahalin ang kasuutan, may kotse, maganda ang bahay, at lalo na kung may mataas na katungkulan sa trabaho kaya napapakinabangan nila.

Akala ko noon ay gawa-gawang mga kuwento lamang ang naririnig ko tungkol sa mga taong retirado na dating may mataas na tungkulin sa mga kumpanya, na kung pumasyal sa dating opisina ay halos wala nang pumapansin. Karaniwan sa mga retirado ay gustong maaliwalas ang pakiramdam kaya naka-walking shorts lamang at t-shirt kung mamasyal, ibang-iba sa long-sleeved na barong tagalog o long-sleeved polo shirt with matching necktie noong nagtatrabaho pa sila. Ang pinaka-“disenteng” damit na presko para sa kanila nang mag-retire na ay maong at polo shirt lamang. Dahil sa pagbabago sa kanilang pananamit, nagbago na rin ang pagtingin sa kanila ng ibang mga dating kasama sa opisina, makita man sila sa labas o di kaya ay sa hindi nila inaasahang pagdaan sa dating opisina.

Ang isa kong nakausap namang kare-retire lang ay bumili pa ng kotse ganoong halos ay igagarahe lang pala. Ang sabi niya, mabuti daw yong may nakikita sa garahe niya para hindi isipin ng mga kapitbahay na naghihirap na siya, dahil wala na siyang trabaho. At upang ma-maintain din daw niya ang image niya bilang executive sa dating pinapasukan kung siya ay maalalang maimbitahan kung may okasyon. Bandang huli ay nagsisi lang siya nang madagdagan ang maintenance drugs niya para sa cholesterol at diabetes, kaya lumaki ang kanyang gastos lalo na at hindi naman umabot sa sampung libo ang kanyang pensiyon.

May isa namang nagkuwento na dating nagtrabaho sa sa isang airline. Proud daw sa kanya ang mga kamag-anak  at mga kaibigan niya. Subalit nang mag-resign siya, ang iba sa kanila ay umiba rin ang pagtingin sa kanya. Yong isa niyang kaibigan ay nahuli daw niya mismo sa bibig kahit pabirong sinabi nito na wala na raw siyang pakinabang. Noon kasi ay naikukuha pa niya ang pamilya ng kaibigan niya ng discounted tickets sa mga travel agents kung mag-abroad sila, at nakakagawa din daw siya ng paraan kung may problema sila sa booking upang hindi ma-bump off.

Kung lumabas ako ng bahay, mas gusto kong naka –walking shorts at nakasuot ng t-shirt dahil pawisin ako. Nang minsang may nag-text sa akin upang mag-imbita sa isang kilalang restaurant, sinabi kong hindi pwede dahil sa suot ko. Sabi niya okey lang dahil wala naman daw dress code sa nasabing restaurant, kaya pumunta na ako. Nasa restaurant na ako nang malaman kong may iba pala siyang bisita. Sa simula pa lamang, naramdaman ko na ang malabnaw na pagpansin nila sa akin dahil siguro sa suot ko, kaya animo ay tanga akong nanahimik lamang habang nag-uusap sila. Tiyempo namang  binati ako ng manager ng nasabing restaurant na natandaan pala ako nang maging resource speaker sa isang tourism seminar kung saan ay isa siyang participant. Nagulat ang lahat lalo na ang nag-imbita sa akin. Dahil narinig ko naman ang pag-uusap ng grupo na gamit ay “Barok English”, sinadya kong kausapin ang manager sa tamang English. Noon pa lang sila parang naalimpungatan, lalo na nang inimbita ako ng manager sa office niya. Iniwan ko silang nakanganga!

Ang mga leksiyon dito ay:  huwag husgahan ang kapwa batay sa panlabas niyang kasuutan at huwag ding patalo sa pangambang maliitin tayo ng ating kapwa dahil sa ating kasuutan na naaayon sa ating nararamdaman o kasalukuyang kalagayan. Ang payo ko naman sa mga mayayabang at walang utang na loob na mga “kaibigan” ay palaging isipin ang “Ginintuang Kasabihan” o Golden Rule, upang hindi bumalandra sa kanila ang ginagawa nilang hindi maganda sa kanilang kapwa…at lalong huwag gawin ang pakikipagkaibigan upang makinabang lamang!