Kasabihan ng “Matatalinong” Pilipino

Mga Kasabihan ng “ Matatalinong” Pilipino

Ni Apolinario Villalobos

 

“Patay ang evacuees kung ilang araw na hindi mabigyan ng relief goods…sorry na lang.”

 

“Dahil kontra-partido ka, manigas ka…wala kang assistance na maaasahan.”

 

“Dapat palitan ang balot ng relief goods, para masabing nagtatrabaho rin kami.”

 

“Hangga’t kayang kumita sa isang project, lubus-lubusin na…dagdagan pa…oooppssss!”

 

“Huwag pakialaman ang aking mga kaibigan na inilagay ko sa pwesto.”

 

“Tiisin ang gutom kung tumaas ang presyo ng bigas, dahil susunod ang iba….sure yan.”

 

“Hangal na mga Pilipino…gustong bigas ay libre na, mabango pa!”

 

“Kung walang kamera at reporter, walang inspeksiyon ng palengke.”

 

“Mangisay kayo sa pagkain ng bilasang isda, pati karneng bocha dahil wala kayong pera.”

 

“Eh, ano kung may amoy ang bigas…importante, kumita kami.”

 

“Tiisin ang dilim kung naputulan ng kuryente…mangutang kayo pambayad sa MERALCO.”

 

“Bahala kayong umalingasaw kung naputulan ng tubig dahil walang pambayad.”

 

“Goodbye muna…biyahe kami sa Amerika…marami yata kaming nakurakot…inggit lang kayo.”

 

“Kung kapit-tuko ako sa pwesto, gumaya na lang kayo…eyebags, gusto nyo”?

 

“Mainggit kayo sa magandang boses ko…ganda pa ng goodbye song ko.”

 

“Kung ayaw ninyo ng matuwid na daan, ang San Juanico Bridge na lang ang itutuwid ko.”

 

“Hayaan na yang mga Tsino, darating din sila sa atin ng mapayapa…ang iba nandito na nga.”

 

“Hayaang hakutin ng Tsino ang black sand, iniihian at iniiputan lang naman dito sa atin.”

 

“Maganda ang kalbong bundok, walang gubat na mapagtaguan ang mga bandido.”

 

“Ang lumalabas ng bilibid para magpa-ospital, hindi kasama sa bilang ng kakain…tipid!”

 

“Kung hindi sana nabisto, nadagdagan pera namin ngayon….kung malasin nga naman.”

 

“Kung type mo ang buhok ko, magpa-highlight ka rin.”

 

“Oh, my God, may nakapuslit na naman sa ibang bansa…saan kami nagkamali…na naman?”

 

“Hindi ako ang nagturo sa kanya…accountant ako, hindi guro…pwede ba?”

 

“Akala ko hindi kaban ng bayan ang nabuksan ko…akala ko box ng make up…’di ko kasalanan.”

 

“Wala na akong pera, pati puri, dahil ako’y minus matris at obaryu na, ‘di na ako mabubuntis.”

 

“Yong nakita nyong mga alahas, sa 168-Divisoria ko lang nabili, pero imported galing Tsina.”

 

“Hindi ninyo ako magagalaw, lahing bayani yata ako…Joke! Joke! Joke!”

 

 

Talagang Walang Koordinasyon sa Pagitan ng Mga Ahensiya

Talagang Walang Koordinasyon

Sa Pagitan ng Mga Ahensiya

Ni Apolinario Villalobos

 

Kaya madalas nagkakabulilyaso ang gobyerno ay dahil sa kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya nito. Ang isa na namang patunay ay ang pagpuslit ng ibang mga sangkot sa PDAF scam, patungo sa ibang bansa upang makaiwas sa mga asunto. Parang wala lang na sinabi noong mga taga-airport na wala naman daw silang official na listahan ng mga taong sangkot at kung sakali man, kailangan pa ring tsekin ang mga pangalan, middle name, apelyido, birthday at iba pang detalye dahil marami daw taong magkakapareho ang pangalan. Ngayon lang nila naisip ito, eh, nakapuslit na nga yong mga taong tinutukoy! Para ano pa ang gagawin nila? Para mapabalik sila kung ang mga bansang pinuntahan ay may extradition treaty? Maghihintay na naman kaya panibagong aksaya na naman ng panahon! Ang katangahan nga naman!

 

Ang hindi maintindihan ay kung bakit ang Department of Justice ay hindi nakikipag-koordinasyon sa NBI at airport upang maayos ang mga tunay na identities na palagi na lang problema kaya natatakasan ang gobyerno ng mga taong may kaso. Ito namang airport authorities dapat nagkusa na lang din ng sarili nilang aksiyon upang makatulong, dahil ang kaso ay mabigat, hindi basta-basta. Dahil sa nangyari, talagang malinaw pa sa liwanag ng araw na maraming butas ang sistema ng gobyerno. May mga standard procedures nga ang mga ahensiya pero para lang sa panloob nilang gamit, walang nakakabit na procedures para sa mga sitwasyon na may involvement ang ibang ahensiya…ibig sabihin, kanya-kanya!

 

Ang ganitong kawalan ng pakialam ng mga ahensiya sa isa’t isa ay nagpapakita lamang ng karupukan ng sistema ng gobyerno ng Pilipinas. Simple nga lang na pagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo ay nabubulilyaso pa. Mabuti na lang at may mga Foundation ng mga malalaking kumpanya tulad ng dalawang malalaking media networks na kumikilos, ang ABS-CBN at GMA7. Kung wala ang dalawa at iba pang mga ahensiya, tulad ng Red Cross at mga grupo ng iba’t ibang simbahan, ang mga nasalanta, dobleng dilubyo ang maaaring madanasan…pangalawang dilubyo ang kapabayaan ng gobyerno.

 

Ang nakakatawa, kadalasan, mismong Malakanyang ay makakaalam na lang sa pamamagitan ng TV na may ginawa na pala ang isang ahensiya, dahil nga walang koordinasyon sa kanila. Kalimitan, kapag ininterbyu ang isag namumuno sa ahensiya kung ano ang masasabi niya sa isang isyu, ang sagot: “ah, nabasa ko nga sa diyaryo na…….”. Mabuti na lang pala at may diyaryo, eh, kung wala, lalo siyang nagmukhang tanga!

 

Dahil mga “matatalino” ang mga tauhan ng pangulo sa Malakanyang, dapat maunawaan nila ang kahalagahan ng koordinasyon, pero, sa tingin ng nakararaming Pilipino, dahil sa kawalan nila ng karanasan, talagang hindi nila ito mauunawaan, kaya ang bulilyaso nila, patung-patong! Ang paborito nilang sambitin…tiis-tiis lang muna!

Ang Lugaw na May Twist

Ang Lugaw na May Twist

Ni Apolinario Villalobos

 

Dahil talagang walang mapapala sa mga tau-tauhan ng gobyerno pagdating sa mga isyung may kinalaman sa pagkain lalo na sa bigas, kailangan nang dumiskarte ang Pilipino. Hatiin ang konsumo ng kanin, at upang magawa ito, maglugaw sa halip na magsaing. Ang tamang bulto ng nalutong bigas ay lumalabas kapag ito ay nilugaw dahil sa pagkakahakab ng mga butil. Kung isasaing ang bigas, naluluto ito ng siksik. Ibig sabihin, ang katumbas ng isang cup na sinaing ay dalawang cup ng nilugaw . Kaya pala ang mga intsik na lugaw ang kinakain ay hindi matataba o obese dahil tama lang ang dami ng kaning lugaw ang pumapasok sa katawan nila, samantalang ang mga taong nasanay sa sinaing ay doble ang dami ng pumapasok sa katawan. At, kaya naman pala maraming kanin ang naaaksaya, talagang sobrang di-hamak ang naihahain sa harapan ng mga kumakain nito.

 

Ang kainaman ng lugaw kapag kinain, ay sigurado na ring may papasok sa katawan na kailangang dami ng tubig, dahil masabaw ito. At, upang lalong makatipid sa gas panluto at oras, kung gulay ang iuulam, maaari na ring isabay ang mga ito sa pagluto. Para lang nagluto ng arroz caldo pero hindi manok ang inihalo kundi mga gulay. Para hindi malamog ang mga gulay, hintaying halos malapit nang maluto ang lugaw bago ilagay ang mga gulay na ang pagkasunud-sunod sa paglagay sa lutuan ay depende sa tagal ng kanilang paglambot. Kung karne ang panghalo, unahing iluto muna ang karne upang lumambot bago ilagay ang bigas. Tantiyahin ang dami ng tubig upang hindi matuyuan. Ang isa pang pwedeng gamitin sa halip na karne ay buto-buto, dahil di-hamak na masustansiya din ito. Ang pagtimpla ay maaaring gawin habang niluluto ang lugaw na parang nagluluto ng regular na arroz caldo.

 

Ang itinuro ko sa mga kaibigan ko sa Tondong hindi makatiis na hindi kumain ng ulam na may karne, ay bumili na lang sa karinderya ng mga ito at ihalo sa lugaw na iluluto, piliin ang menudo, giniling o iba pang ulam na ang halo ay tinadtad na karne. Sa isang kilong bigas na lulugawin, ang dalawang order na menudo na binili sa karinderya ay sapat nang panghalo. Maaari rin magluto ng dinilisang lugaw. Isangag muna sa konting mantika ang dilis sa kaldero at kung luto na, haluan ng sibuyas at bawang, at isangkutsa, dagdagan ng tubig na ang dami ay panlugaw, at ihalo ang bigas. Kung halos matuyuan, dagdagan ng tubig, hanggang maluto. Ang mga lutong lugaw ay pwede rin sa mga seasoned citizens na halos hindi na makanguya ng pagkain dahil sa kawalan ng ngipin o may mahinang pustiso.

 

Sa pagluto ng lugaw, gumamit ng ordinaryong bigas na pinakamura maski ang magandang klase ng NFA rice, at para bumango, sapawan ng ilang pirasong dahon ng pandan. Dapat alalahanin ng mga kinakapos sa budget na lahat ng paraan ay dapat subukin upang makaraos. Ganito dapat ang payo, hindi tulad ng parunggit ng isang taga-Malakanyang na nagsabing ang gusto daw ng mga naghihirap na Pilipino ay bigas na libre at mabango! Ang sinabi niyang ito ay nag-ugat sa reklamo ng mga mamimili tungkol sa isang variety ng NFA rice na talaga namang amoy gamot na maaaring inisprey dito upang hindi masira ng mga kutong-bigas! Siya kaya ang hainan ng ganitong klaseng nilutong bigas? Baka itakwil niya ang kanin! Siya rin yong nagsabi ng “tiis-tiis muna”. Siya kaya ang gutumin? Matitiis kaya niya? Malamang na sa panlalambot ng kanyang mga tuhod, maski daang matuwid na sinasabi ng pinagsisilbihan niya ay hindi niya kayang bagtasin!

 

May nag-share sa akin ng isang Bisayang incantation upang matanggal ang kamalasan sa buhay na dulot ng mga taong madudunong daw, ito ay: “hawã, hawã… pesteng yawã!” (go away, go away… devil pest!). Isa itong verbal therapy…pwedeng i-chant. Pero huwag gawin habang kumakain ng lugaw na masarap na ay masustansiya pa, at baka hindi matunawan.

 

Dito Sa Aming Bansang Pilipinas

Dito sa Aming Bansang Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa aming bansa, ang mga tao ay tuliro na, nalilito sa maya’t maya ay pagdating ng kung anu-anong problema. Naturingang may gobyerno na pinamumunuan ng inasahang tao na galing sa pamilya ng marurunong at makabayan. Subali’t ayon na rin sa mga sinasabi ng karamihan sa mga Pilipino, lalo na ang mga hilahod na sa hirap, wala palang binatbat.

 

Hayagan nang nakikita ang kahinaan ng mga itinalaga ng presidente sa mga ahensiya ng pamahalaan, pero ayaw pa rin niyang tanggalin. Nakakahiyang maitala sa mga pahina ng kasaysayan ng Pilipinas na ang presyo ng bawang at luya ay umabot sa libel na halos hindi na kayanin ng Pilipino…ang pinakamurang bigas na produkto mismo ng Pilipinong magsasaka ay hindi bababa sa 40pesos ang bawa’t kilo…inasahan ang inaangkat na bigas galing sa ibang bansa na kung itinda sa mga palengke ay hanggang dalawang kilo lang bawa’t mamimili…ang langis ay maya’t maya ang pagtaas ng presyo…ang halaga ng kuryente ay halos hindi kayanin ng mga Pilipino. At, sa lahat ng iyan, ang sinasabi ng tagapagsalita ng pangulo ay tiis-tiis na lang daw muna! Iyan ang maitatala sa mga pahina ng kasaysayan ng aming bansa.

 

Puro babala ang ginagawa ng gobyerno sa mga tiwali na pinagtatawanan lamang ng mga rice hoarders at cartel ng langis. Ang mga smugglers, binalaan din…hanggang doon rin lang. Kaya dahil nakita ang kahinaan ng gobyerno nagpipiyesta ang mga magnanakaw – mga negosyante na karamihan ay mga dayuhan at mismong mga opisyal ng pamahalaan, na parehong walang konsiyensiya. Idagdag pa rito ang pag-amin ng mga ahensiya na talagang wala silang kontrol sa mga nangyayari, kaya lalong napapangisi sa pagkagahaman ang mga tiwali.

 

Sinasabing may nakumpiskang libu-libong toneladang bawang ang sisirain daw dahil hindi dumaan sa proseso upang malaman kung kontamindado o hindi ng kung anong mikrobyo kaya “sisirain” daw. Sabi yan ng tapagsalita ng gobyerno…sabi ni Juan – neknek mo! Bakit hindi na lang i-proseso kaysa dakdak sila ng dakdak. Kamala-mala mo yong mga container “nawala”, hindi mahagilap tulad ng nangyari noon sa libong toneladang bigas na smuggled na tiningga rin sa Batangas port subali’t “nawala”, hindi rin mahagilap at ang mga taong nagpabaya, hindi man lang naparasuhan.

 

Bababa rin daw ang mga nagtaasang presyo, sabi ng tagapagsalita ng Malakanyang. Baka ang tinutukoy niya ay ibang bansa, dahil dito sa Pilipinas ang mga nagtataasang presyo ay hindi na ibinababa, nakatala yan sa mga records. Ang sinasabing nagtaasang presyo ng langis hindi na bumaba…pati iba pang basic commodities. Siguro nananaginip yong nagsalita. Dito nga lang sa ating bansa nangyari ang pagbigay ng control sa mga basic commodities sa mga pribadong negosyante. Kaya 24 oras man ang mga rally at maglupasay man sila sa kalsada sa karereklamo, hindi mangyayari ang hinihinging pagbaba ng mga presyo…dito lang yan sa Pilipinas!

 

Dito sa aming bansang Pilipinas, mayroon din namang hindi nag-aalala sa gitna ng mga pangyayari. Sila yong mga Pilipino na ang pinagkitaan ay ang kahinaan ng kapwa nila Pilipino. Sila yong mga nakaupo sa gobyerno na naturingang mambabatas nguni’t puro naman pambubutas naman ang ginagawa. Sila yong malayo pa ang break ng mga session ay halos hindi na makita sa mga bulwagan ng senado at kongreso. Sila yong akala mo ay tumutulong sa mga kababayan sa pamamagitan ng sectoral projects…pinagkitaan lang pala, kaya hanggang papel lang ang inabot.

 

Dito sa aming bansa, may isang pang-Guinness Book of World Records na kuwento. Ito ay yong tungkol sa babae na hindi nakatapos ng kolehiyo pero nakakahawak sa leeg ng mga pulitiko, na nilagyan na yata niya ng tag price bawa’t isa. Magaling yata sa sales talk dahil bandang huli inamin niya na naguyo niya ang isang pulitiko upang turuan siya kung paanong masikwat ang pondo ng bayan. Magaling ding umarte…dahil pinipilit niyang palabasing wala na siyang pera kaya ang gastos sa pagtanggal ng matris at obaryo niya na wala pang 100thousand pesos ay hindi daw niya kaya! Napapaikutan ang mga imbistigador kaya yong iba pa niyang mga deposito at ari-arian ay hindi man lang nagalaw. Talagang matalino dahil nagawa pa niyang manuhol maski nasa ospital siya. Dito lang sa aming bansang Pilipinas nangyayari ang mga iyan…at marami pang ibang kabalbalan!