Ang Malasakit ng Anak sa Magulang

ANG MALASAKIT NG ANAK SA MAGULANG

Ni Apolinario Villalobos

 

Iba na talaga ang panahon ngayon. Hindi na nakasentro ang malasakit ng mga anak sa kanilang mga magulang….subalit hindi ko naman nilalahat. Marami na ang napapalingan o napapagbalingan ng kanilang malasakit at atensiyon. Kasama diyan ang mga barkada at gadgets. Kung mapagsabihan, lalayas agad at pupunta sa barkada, at kung uutusan ay nagbibingi-bingihan dahil nagko-computer o nagpi-facebook pa. Obvious na nawala ang respeto, kaya paano pa silang magkakaroon ng malasakit kahit katiting man lang sa kanilang mga magulang?

 

May mga anak na hindi man lang inisip kung may perang mahuhugot ang magulang tuwing sila ay may ipabibiling gamit upang hindi mapag-iwanan ng mga kaibigan, dahil kapag sinabihan silang walang pera ay sasama na agad ang loob. Maraming mga anak din ang walang pagkukusa sa pagtulong upang gampanan ang mga gawaing bahay. Nahihiya silang makita ng mga kaibigang nagwawalis sa bakuran o tapat ng bahay. Ayaw ding magluto o maglaba dahil mayroon naman daw perang pambayad sa kasambahay…at lalung-lalo na “nandiyan naman si mama”!

 

Maraming mga magulang na sa kagustuhang maibigay sa mga anak ang magandang kinabukasan nila, halos igapang na nila ang pagpapaaral sa mga ito, kesehodang mabaon sila sa utang. Hindi rin nila alintana kahit wala silang maitabi para sa kanilang pagtanda o retirement upang may maipambili man lang ng mga maintenance drugs o pambayad sa doktor para sa kanilang regular na check-up. Ang masaklap ay kung dumating ang panahong nakatapos na ang kanilang mga anak at biglang nag-asawa ang mga ito kaya malabo na para sa kanila ang makapagtanaw man lang ng utang na loob dahil nakakahiya sa mga asawa nila. Samantala, ang mga magulang na nagpakahirap hanggang humina ang katawan ay naiwang nakatunganga!…pero ang pinakamasaklap ay kung nag-asawa na nga ay tamad namang maghanap ng trabao at nagsusumiksik pa rin sa piling ng mga magulang na matatanda na parehong retired, at ang mga pensiyon ay kulang pa nga sa kanila.

 

Kaya ako gumawa ng blog na ito ay dahil sa napansin kong pangyayari kung paanong tratuhin ang kumpare ko ng kanyang anak na may trabaho bilang call center agent. Nang pasyalan ko siya sa Pasay ay natiyempuhan kong nasa bubong ito at naglalagay ng vulca seal sa mga butas ng yero. Ang anak namang lalaki ay nakaupo sa harap ng bahay nila at busy sa pagpi-facebook gamit ang isang tablet. Nang tawagin niya ang anak upang maghagis ng basahan sa kanya, hindi ito sumagot.  Sa halip na sundin ang utos ng ama ay padabog na pumasok sa bahay at sinabihan ang katulong na gawin ang inuutos sa kanya. Sa awa ko sa kumpare ko ay ako na ang umakyat sa hagdanan upang iabot ang basahan sa kanya.

 

Yong isa namang kuwento ay tungkol sa anak na hindi man lang binuksan ang gate para sa nanay na hindi magkandaugaga sa pagbitbit ng pinamalengke. Hindi man lang sinalubong ng anak na busy rin sa pagpi-facebook gamit ang cell phone habang nakaupo sa labas lang ng pinto ng bahay nila. Hindi rin tumulong sa nanay niya upang maipasok ang dalawang grocery bags sa loob ng bahay.

 

Yong isa pang anak ay makapal naman ang mukha sa paghingi ng kanyang mamanahin “in advance”, na para bang may ipinatago sa mga magulang!…ang panahon nga naman!

Ang Hindi Ko Makalimutang Tatay Namin

Happy Fathers’ Day!

Ang Hindi ko Makalimutang Tatay Namin
Ni Apolinario Villalobos

Simple lang ang buhay namin noon. Nagtitinda ng tuyo ang aming mga magulang hanggang sa ito ay nalugi. Bumigay ang maliit na puhunan dahil sa laki ng aming pamilya. Mula noong nasa grade one (walang pang prep noon) hanggang grade five ako, dama ko ang saya ng pamilya namin. Yon nga lang, lahat kami ay walang baon pagpasok sa eskwela.

Tuwing uuwi ang tatay namin, palagi siyang may pasalubong na saging. At kung isda namang nakatuhog sa yantok (rattan) na panali (wala pang supot noon) ang inuuwi, palagi namang tilapia na siyang pinakamura. Siya na rin ang naglilinis at nagluluto. Dahil sa kamahalan ng isdang dagat, lumaki akong hindi ko sila “nakilala” kaya hanggang ngayon ay wala ako ng sinasabing “acquired taste” para sa mga sariwang isdang dagat. Ang kilala ko lang noon na isdang dagat ay nasa lata – sardinas. Maliban sa tilapia, ang binibili ng tatay ko ay bangus na nagkakamurahan kung hapon na, pero dahil sa dami ng tinik kaya mahirap kainin, nagkasya na lamang ako sa sabaw.

Walang bisyo ang tatay namin, hindi tulad ng nanay namin na nagnganganga. Ang kinatutuwa ko pa ay ang pagtabi niya para sa akin, ng mga diyaryong pinangsapin sa mga kahon ng tuyo. Napansin kasi niya na matiyaga kong binabasa ang mga ito kahit malakas ang amoy…inuuwi ko pa at itinatago sa ilalim ng kama. Dahil sa ginagawa ko, pingot naman ang inaabot ko sa ate namin. Tumigil lamang siya sa pagbulyaw nang magwala ako dahil sinunog niya ang “collection” ko. Natakot yata nang pinagtutumba ko ang mga silya, kaya tumakgo siya sa palengke upang manghingi sa ibang nagtitinda ng tuyo…pampalit sa mga sinunog niya!

Noong hindi pa ako nag-aaral, tuwang-tuwa ang tatay ko sa mga isinusulat kong mga salita sa lupa gamit ang maliit na sanga ng kaimito, na kinokopya sa kung anumang babasahin na mahagilap ko. Ang una kong isinulat noong tatlong taon pa lang daw ako ay “Purico”, isang brand ng mantika na uso noon. Yon kasi ang gamit namin sa pagluto kaya nababasa ko ang nakasulat sa kartong pambalot. Nasundan ito ng mga pangalan ng mga kapatid ko, kaya palaging puno ng mga isinusulat ko ang lupa sa bakuran namin. Mabuti na lang at wala pa noong spray paint, dahil baka pati dingding ng bahay ay hindi ko pinalampas!

Pinagtatanggol niya ako kapag pinapagalitan ako ng nanay namin, tuwing umuwi akong maraming sugat dahil sa pag-akyat sa mga puno ng prutas ng mga kapitbahay. Dahilan niya, inuuwi ko naman daw ang mga prutas para sa mga kapatid ko. Ganoon din kapag naghahakot ako ng mga supot na plastic na napupulot ko mula sa basurahan ng isang bakery, dahil ginagamit ko ang mga ito bilang pang-cover ng libro. Dahilan niya, pati naman daw mga kapatid ko ay nakikinabang. Naigagawa ko rin kasi sila ng raincoat, mula sa mga pinagtagpi-tagping mga plastic. Ang hindi lang niya matanggap ay nang mag-uwi ako ng maliit na ahas na iniligtas ko sa pananakit ng ibang bata…noon na siya nagalit sa akin.

Noong nasa kalagitnaan ako ng grade six, nalugi ang negosyo namin. Gamit ang maliit na puhunang natira, nagtinda ng ukay-ukay ang nanay namin. Ang tatay naman namin ay naging kargador ng mga kaibigan niyang may puwesto sa palengke. Mula madaling-araw hanggang hapon siyang nakaistambay sa dati naming puwesto at naghihintay ng tawag kung may gagawin. Ganoon siya katiyaga. Kung minsan dinadalhan ko siya ng tanghalian. Ganoon pa man, hindi ko narinig na nagreklamo ng pananakit ng katawan ang tatay namin.

Nang panahong nangangargador siya, napadalas ang pakisama niya sa mga kumpareng nagbigay ng trabaho sa kanya, kaya natuto siyang uminom ng alak. Hindi kalaunan, dahil sa kahinaan ng katawan, bumigay ang kanyang atay dahil sa kanser. Mula noon, nagtiyaga na lamang siya sa pagdungaw mula sa bintana habang minamasdan akong nagwawalis sa aming bakuran at nagsusulat sa lupa. Pumanaw siya noong nasa kalagitnaan ako ng Grade Six.

Sa kanya ko natutunan ang ugaling hindi pagpili ng gawain, basta marangal. Nalaman ko sa isang matandang kamag-anak na naging kaminero o basurero din pala siya noong nanliligaw pa lang siya sa nanay namin, kaya pala galit sa kanya ang ibang tiyuhin namin sa ina. Palagi niyang sinasabi na ang kita ay nakakatulong kaya hindi dapat ikalungkot kung ito ay maliit. Nakakatulong din ang kasiyahan sa ginagawa upang matanggap ng lubos ang isang gawain, ano man kababa ito… ganyan daw dapat ang panuntunan sa buhay.

Hindi nakatapos ng elementarya ang tatay namin, subalit pinagmamalaki namin siya. Ang turing ko sa kanya ay higit pa sa isang doktor o abogado, o sa isang Presidente man ng kung anong bansa pero tanga naman, o Bise-presidente ng kung anong bansa din, pero kurakot naman!

Sa panahon ngayon, lalong umigting ang respeto at pagmamahal ko sa tatay namin. Hindi ko siya ipagpapalit sa ibang tatay ngayon na mayaman nga at kilala sa lipunan, subalit ang pangalan ay kakambal naman ng kahihiyan…walang maski kapirasong dangal!

Ang Tungkulin at Responsibilidad

Ang Tungkulin at Responsibilidad
Ni Apolinario Villalobos

Ang tungkulin ay hindi na dapat inuutos pa at ang responsibilidad ay may kaakibat na pananagutan sa lahat ng ginagawa ng isang tao. Bilang isang matalinong nilalang, alam ng bawa’t tao na kasama ang dalawa sa anumang pinasukan at inako niya.

Sa isang trabahong pinasukan halimbawa, alam ng isang tao kung ano ang mga dapat asahan sa kanya kaya may tungkulin siyang tuparin ang mga ito. Nakapatong sa kanyang balikat ang pagpapatupad ng mga ito sa abot ng kanyang makakaya, subalit kung siya ay mabigo, dapat siyang managot – yan ang responsibilidad.

Sa ibang bansang Asyano tulad ng Korea at Japan, ang dalawang nabanggit ay itinuturing na mitsa ng buhay at ang katumbas ay kahihiyan. Kapag nabigo sa mga ito ang mga tao doon, itinutulak sila ng kahihiyan upang wakasan na ang kanilang buhay. Para sa kanila, ang kabiguan sa mga ganoong bagay ay duming didikit sa kanilang pagkatao habang buhay at ang makakapaghugas lamang ay kamatayan.

Sa Pilipinas, iba ang kalakaran at nangyayari, lalo na sa gobyerno. Kung may mga palpak na pangyayari, lahat ng sangkot ay nagtuturuan. Mayroon pang mga walang takot sa pagbanggit sa Diyos na saksi daw nila sa pagsabi nilang wala silang kasalanan. Pati ang kalikasan ay binabanggit, kaya tamaan man daw sila ng kidlat, talagang wala silang bahid ng kasalanan. Mabuti na lang at wala sa mga “matatalinong” ito ang nagdidiin ng kanilang sinabi ng, “peks man”!

Ang mga halimbawa ng mga problema na idinaan sa turuan ay ang Mamasapano Massacre, usad-pagong na pag-rehabilitate ng mga biktima ng typhoon Yolanda, nakawan sa kaban ng bayan, ang pinagkakaguluhang West Philippine Sea, ang nawawalang pondo ng Malampaya, ang mga problema sa LRT at MRT, at mga sunog na ang pinakahuli ay nangyari sa Valenzuela (Bulacan), sa Gentex na pagawaan ng tsinelas. Lahat ng mga sangkot na tao at ahensiya ay ayaw umamin ng kasalanan. Matindi talaga ang sakit ng Pilipino na “feeling linis syndrome” o FLD!

Sa mga pangyayaring nabanggit, malinaw na walang maayos na koordinasyon na pinapatupad. Ang mga ahensiya at mga tao sa likod nila ay nagkukumahog upang makakuha ng credit kung sakaling tagumpay ang mga ginagawa nila, subalit, mabilis ding mambato ng sisi sa iba kung sila ay nabigo.

Sa isang banda naman, ang presidente ng Pilipinas ngayon ay walang humpay ang pagbato ng sisi sa nakaraang administrasyon dahil sa mga kapalpakang dinadanas ng kanyang pamumuno, ganoong ang problema niya ay ang mga taong itinalaga niya sa puwesto, na ang iba ay matagal nang dapat niyang tinanggal subalit hindi niya ginawa.

Sa panahon ngayon, maraming mga magulang ang hindi nakakatupad ng kanilang mga tungkulin sa kanilang mga anak na lumalaking suwail. Ang sinisisi nila ay ang mga makabagong teknolohiya kaya nagkaroon ng internet, at mga barkada ng kanilang mga anak. Yong ibang magulang naman, taon-taon ay naglilipat ng anak sa iba’t ibang eskwelahan dahil palpak daw ang mga titser. Kung tumingin lamang sa salamin ang mga magulang, makikita nila ang kanilang pagkakamali dahil dapat ay sa tahanan nagsisimula ang paghubog ng kabataan. Ang eskwelahan at mga titser ay tumutulong lamang.

Marami na kasing magulang ngayon na mas gusto pang makipagsosyalan sa mga kumare o umatend ng ballroom dancing, makipag-inuman sa mga kabarkada, makipag-shooting, makipag-weekend motoring, atbp., kaysa makipag-bonding sa mga anak. Ang dinadahilan nila ay ang kapaguran sa paglilinis ng bahay, pagluluto, paglalaba, pagpasok sa trabaho, overtime sa office, atbp – kaya kailangan nilang magpahinga naman! Kung hindi ba naman sila nuknok ng ka…ngahan!… papasok-pasok sila sa ganoong sitwasyon, pagkatapos ay sisisihin ang pagod! Kung honest sila, dapat ay sisihin din nila ang libog ng katawan! Sa ginagawa nila, mga anak nila ang kawawa!

Dapat isipin ng isang tao kung kaya niya ang mga tungkulin at responsibilidad sa papasukan niyang sitwasyon. Ang kailangan niya ay katapatan sa sarili, hindi ang nagpapalakas ng loob na, “bahala na”.

Ang Aming Nanay….

Ang Aming Nanay…
Ni Apolinario Villalobos

Nakagisnan ko na ang bisyo ng aming nanay na pagnganga. Sa gulang niyang wala pang limampu, naipanganak niya kaming labing-isang magkakapatid, subalit siyam lamang ang buhay. Bihira siyang magsalita, at sa kanilang dalawa ng aming tatay siya ang taga-disiplina sa amin. Sa aking paningin, siya ay matapang at napatunayan ito nang minsang sugurin niya ang puwesto ng larong “pool”, yong parang bilyar, subalit flat na bilog na kahoy ang tinutumbok ng tako. May nagsumbong kasing naglalaro doon ang isa kong kuya sa halip na pumasok sa eskwela. Pagpasok daw niya ay kumuha agad siya ng tako at hinataw ang kuya ko, at nang mabali ito, kumuha pa raw ng isa at iwinasiwas sa ibang mga nandoon na hindi alam kung saan susuling, habang minumura ang may-ari ng puwesto. Pinasara daw niya ang puwesto subalit sa awa sa may-ari ay pinabuksan din makalipas ang ilang araw.

Ang una naming pagtatalo na umabot sa pagpingot niya sa magkabila kong tenga ay nang tumanggi akong magsuot ng ukay-ukay na long sleeves at puting polo shirt, na dahil may pagka-synthetic ang material ay mainit sa katawan. Ayaw ko ring isuot ang malaking sapatos at maluwag na pantalon ng kuya ko. Ang okasyon ay ang pag-akyat ko sa stage upang masabitan ng ribbon na pang-third honor noong ako ay grade three. Pinagyabang niya ako sa mga bumabati sa kanya, na ikinainis ko rin, dapat daw kasi ay first honor ako, pero dahil kamag-anak namin ang teacher, binigay na lang sa akin ang third honor para walang masabi ang ibang magulang.

Nang malugi ang negosyo naming tuyo at daing, nagtinda siya ng ukay-ukay na ang tawag noon ay “relip” mula sa salitang “relief” dahil nga naman ang mga damit ay “relief goods” na donasyon galing Amerika at unang ibinagsak noon ng mga tiwaling negosyante sa palengke ng Bambang sa Sta. Cruz, Manila. Kumalat ito hanggang Baguio na nadagdagan ng mga surplus galing naman sa Subic (Olongapo) at Clark (Pampanga). Ang mga artista at singer noon ay may mga suking tindero at tindera na alam ang mga style na gusto nila, kaya kung may bubuksang mga bundle, inuuna nilang pinipili ang para sa mga ito. Ang nanay ko naman ay sa Bambang lang kumukuha dahil nandoon ang suki niyang puwedeng utangan.

Dahil sa negosyo naming ukay-ukay, lahat ng damit namin ay galing na dito. Pinagtitiyagaan niyang i-alter ang mga damit upang magkasya sa amin. May mga suki siya na pinapatawag sa akin tuwing may bagong bundle siyang bubuksan upang una silang makapamili, at ang matira ay binebenta sa palengke at idinadayo pa sa mga tiyangge ng ibang bayan. Gumigising siya at ang kuya kong hinataw niya ng tako, madaling araw pa lang upang umabot sa trak na naghahakot ng mga “volantero”, tawag sa mga dumadayo sa tiyangge ng ibang bayan. Hindi ko sila nakitang humigop man lang ng kape bago umalis, dala ang malalaking sako ng ukay-ukay. Sumasabay sa kanila ang tatay namin sa pag-alis ng bahay upang mag-abang sa palengke ng mga kalakal na kanyang mahahakot bilang kargador, na naging trabaho niya nang malugi ang negosyo namin.

Dahil sa laki ng pamilya namin, kahit anong sipag ng aming magulang ay hirap kaming makaangat sa buhay. Ang unang bumigay ay ang aming tatay na dahil siguro sa sama ng loob ay natutong uminom na nagpadali sa kanyang buhay, kaya namatay sa sakit na kanser sa atay.
Sa kabila ng lahat hindi pa rin sumuko ang aming nanay na tumira sa bukid upang makasama sa mga kamag-anak na nagsasaka, kaya napasabak naman siya sa pagtanim ng palay, mais, at pag-ani na rin ng mga ito. Nagbukas din siya ng maliit na tindahan na ang mga paninda ay pinapautang niya at ang bayad ay mais o palay, hindi pera. Ganoon ka-diskarte ang aming nanay. Tuwing Sabado naman ay binibisita ko siya at dahil kapos sa pamasahe, sinasabayan ko ang ang pagsikat ng araw kung lakarin ko ang ilang kilometrong layo mula sa aming bayan, hanggang sa bukid na tinitirhan niya. Lakad din ang ginagawa ko kung ako ay uuwi na sa bayan, madaling araw pa lang ng Lunes upang maghanda sa pagpasok sa eskwela.

Noon ko napansin ang madalas na pagtali ng nanay namin ng malaking panyo sa kanyang sikmura. Akala ko ay normal lang yon tuwing umaga. May iniinda na pala siyang sakit na nagpapahirap sa kanya dahil sa kirot na naging sanhi pa ng kanyang pagsusuka kung minsan. Dahil sa kakapusan ng pera, sa arbularyo siya dinadala ng mga kapatid ko kung atakehin siya ng sakit.

Isang hapong umuwi ako mula sa eskwela, sinalubong ako ng kalaro kong kapitbahay namin na nagsabing kailangan ko raw magmadali upang “umabot pa ako”. Hindi ko siya naintindihan, subalit pagdating ko sa amin, nagulat ako dahil maraming tao, yon pala, kararating lang ng kapatid ko kasama ang bangkay ng aming nanay na natuluyan habang ginagamot ng arbularyo. Nasa kalagitnaan ako ng first year high school noon, at wala pang isang taon ang nakalipas nang mamatay ang aming tatay. Namatay ang nanay namin sa sakit na kanser sa matris.

Bilang paggunita sa Buwan ng mga Ina, itong payak na pag-alala lamang ang kaya kong magawa dahil hindi ko naman kayang ibalik ang kanyang buhay upang maski papaano sana ay maipatikim ko sa kanya bilang ganti, ang ginhawang bunga ng kanyang pagsisikap katuwang ang aming tatay.

Sa isang banda, ang panawagan ko naman sa mga mambabasa na may mga magulang pa, kahit tatay o nanay man lang…mahalin ninyo sila….dahil sila ang bukod-tanging kayamanan sa ating buhay na walang katumbas…o di man, ay buhay lamang natin ang katumbas. Kung hindi dahil sa kanila, wala tayo sa mundong ito….

Prayer for ALL Mothers…

Happy Mothers’ Month/2015

Prayer for ALL Mothers…
By Apolinario Villalobos

Most Benevolent Creator of all things in the vastness of the universe
and controller of their destiny,
To you we pray…

For all the mothers that You brought forth on the face of the earth –
They that walk the ground, crawl and slither, swim in the ocean
and slice the air with their flight,
Grant that they be safe and healthy at all times
that they can give warmth and milk to their offspring,
Grant that they be well-concealed and distanced
from the sight and reach of predators,
Grant that they be spared
from hunger and thirst
that their offspring can suckle from them the juice of life
though trickles they may be
that they live on to gasp for breath;
For those whose offspring came out of brittle eggs,
Grant that their wings be strong
to protect their brood from the whipping wind,
from incessant patter of rain and scorching heat;
Grant that their mates fly home safe
with worms and morsels in their beak
for the helpless and fragile chicks in their nest;
We thank You Lord, for the life that you gave,
We thank, too, the mothers for their love
and warm care that they give
even in the face of death….

Amen!

Sa Pagsalpukan ng Iresponsableng Magulang at Suwail na Anak

Sa Pagsalpukan ng Iresponsableng Magulang
At Suwail na Anak….
Ni Apolinario Villalobos

Pangalawang beses na itong pagsabi ko na swertihan ang pagkakaroon ng mapagmahal at responsableng magulang, o anak na mabait at hindi makasarili, ibig sabihin ay uliran at hindi suwail. Hindi na kailangang magtaas ng kilay ang mga magulang at anak sa pagbasa ng titulo dahil talaga din namang hindi lahat ng magulang ay 100% na responsable, ganoon din ang mga anak na hindi lahat 100% ay uliran. Ang blog na ito ay tungkol sa Pilipinong pamilya lamang.

Batay sa kultura ng Pilipino ang mga magulang ay inaasahang mapagmahal at responsable upang maging matatag ang tahanan. Ang mga anak naman ay inaasahang maging huwaran sa pagsunod sa magulang, kaya dapat ay mabait at hindi makasarili.

Subali’t sa panahon ngayon, hindi na ito kadalasang nangyayari dahil sa dami ng impluwensiyang nasasagap ng pamilyang Pilipino. May nababasang balita tungkol sa magulang na nagbubugaw ng anak o nagsasalang dito sa sex video upang pagkitaan. May mga kuwento rin tungkol sa mga anak na sa murang gulang ay sumasagot sa magulang o di naman kaya ay nagmumura pa. May mga magulang na nagtatapon ng anak sa basurahan o nagpa-flush ng bago pa lamang panganak o fetus, sa inuduro. Meron ding mga anak na nang magkaroon ng sariling pamilya, ang sariling magulang ay hinayaan na lang na lumaboy sa kalye at mamulot ng basura upang mabuhay.

May mga responsableng magulang na kahit anong gawin upang mahubog sa kabutihan ang anak, talagang walang kinahihinatnan ang pagod dahil malakas ang pagkontra sa kanila. Kung lumaki na ang mga anak na suwail ay halos sipain pa sila ng mga ito palabas ng bahay. Sa ganitong sitwasyon, ang magulang na hindi nakakatiis ay nagiging kawawa kapag matanda na dahil hindi makakaasang aalagaan sila ng kanilang anak. May mga nakausap akong matatandang namumulot ng basura upang mabuhay dahil sa kamalasan nilang pagkaroon ng mga anak na suwail, kaya nagtitiis na lamang sila sa pagtira sa bangketa.

May mga anak din na uliran sa kabaitan, subali’t ang mga magulang naman ay iresponsable at gumon sa mga bisyo, kaya pati sila ay naipapahamak. Sa pamilyang ito nagkakaroon ng bugawan ng anak upang kumita ang magulang. Sa mga ganitong sitwasyon, kadalasan, ang mga anak na hindi makatiis ay naglalayas na lamang at nakikisasama sa ibang bata na may kahalintulad na kuwento ng buhay. Sila ang mga nagugumon sa pagsinghot ng rugby, at kalaunan ay natututong magbenta ng sarili o magnakaw upang mabuhay.

Ang matinding sitwasyon ay kung parehong may mga kasalanan ang mga magulang at anak tulad ng nakita ko sa isang pamilya sa isang barangay na madalas kong pasyalan. Ang mga anak ay puro batugan. Paggising, ay cellphone agad ang inaatupag. Nagsilakihan silang ni hindi nakahawak ng walis nang may kusa, dahil kailangang utusan pa ng magulang, at sumunod man ay animo nilamukos ang mukha dahil sa pagsimangot. Ang mga magulang naman ay masosyal at ayaw patalo sa mga kapitbahay pagdating sa mga kagamitan, dahil ayaw paawat sa pagbili ng mga gamit, kahit hindi kailangan. Dahil sa pagsalpukan ng hindi kagandahang ugali ng pamilya, umaga pa lang ay nabubulahaw na ang malalapit na kapitbahay dahil sa kanilang pagsasagutan.

Ang basag na relasyon ng magulang at anak ang isa sa mga dahilan kung bakit ang lipunan ay tuluy-tuloy sa pagbulusok, habang nawawalan ng kabuluhan. Hindi lahat ng Pilipino ay may iisang pananaw at panuntunan sa buhay. Ang iba, kahit walang laman ang tiyan ay okey na, makapagsamba man lang. Subalit may iba ring dahil sa gutom ay nawawala sa sarili kaya hindi lang pamilya ang nabubulyawan, kundi pati na ang Diyos ay pinagdududahan na rin. Idagdag pa dito ang mga impluwensiya ng teknologhiya at ibang kultura, at lalo na ang kapabayaan ng pamahalaan, kaya kung wawariin ay halos wala nang masusulingan ang Pilipino.

Sa puntong ito dapat ipasok ang pakikialam sa ating kapwa nang may kabuluhan. Ang pakikialam ay hindi lamang pagpayo kung ano ang tama, kundi ang pagpapakita sa pamamagitan ng kinikilos natin na maaaring tularan. Ang isa pa ay ang pakikialam sa pamamagitan ng tulong na abot-kaya. Huwag nang hangaring makatulong ng malaki kung ang kaya ay para sa isa, dalawa o tatlo lang…dahil kabawasan din sila kahit papaano, sa hanay ng mga nangangailangan.

Torments in Life

Torments in Life

By Apolinario Villalobos

 

Life may not a bed of roses

As I may say

Love may make it vibrant

But, till when?

It’s one big question often asked

That can torment on sleepless nights

As the fickle heart can sometimes

Make its beating mean for someone else

Despite the promise, that’s sworn for years.

 

Offspring are parent’s hope

So, they say

Strength for aging moms and dads

But, are they?

It’s one big question often asked

That can torment on sleepless nights

As the growing youth can sometimes

Forget the nine months spent in womb

And their parents’ toil, till they have grown.

 

 

 

For My Dear Mother …poem for Mother’s Day

Poem for Mother’s Day May 11, 2014

 

FOR  MY DEAR MOTHER…

By Apolinario Villalobos

 

Just like the rays of the sun that burst forth

To flood the earth with warmth and light

Stringing the world with threads of life

You, with that warm smile and twinkling eyes

Makes me feel like there’s no darkness

And gloomy twilight

That dims the sight.

 

That radiant face just glow

Thanks to the womb that nurtured you.

 

You once told me:

“In this world, roads are strewn with rocks and thorns

Clear skies may suddenly turn dark

To let go of torrential downpour

That could wash down your enthusiasm desire

Leaving you, chilling in the mired.

 

But if you will just set your eyes

Beyond the horizon

Where there are clearer skies

Your hopes won’t go to waste my child

Especially, if you just let God

Be your guide.”

 

Now I know….I love you mother!

Marianne

Marianne

By Apolinario Villalobos

 

 

A diminutive girl, she is –

With a sweet smile and angelic face

Marianne struck me

When one day in a mall lounge

She walked in with confidence

Strode to the restroom

With a dust pan and a broom

While giving those in the lounge

A warm smile –

That brightened the room.

When I called her as she came out

She did not acknowledge

Instead, walked out of the lounge

But after an hour was back

This time throwing me a glance

And I think, it was done by chance.

So I beckoned to her

And as she approached me

She held her plastic- covered ID

Instead of speaking, she gestured

Pointing at her left ear and lips

She slightly shook her head,

Only then I knew –

Marianne is mute and deaf!

Marianne is a janitress of the mall

And for months, honestly worked

Earning precious pesos for a living

To support herself, parents and sibling.