Ang Bumatikos sa Maling Ginawa ay Hindi Pagiging Abnormal

Ang Bumatikos sa Maling Ginawa ay Hindi

Pagiging Abnormal

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi abnormal ang mga taong bumabatikos kay Pacquiao. Kung hindi normal ang pagbatikos kay Pacquiao dahil kinumpara niya sa hayop at mas masahol pa nga daw ang ginagawa ng mga bakla at tomboy, ibig sabihin ba ay abnormal ang decision ng NIKE na sipain siya?…abnormal ba ang mga sinasabi ngayon ng mga respetadong international at local sports analysts na mali ang ginawa niya na malinaw na isang “discrimination”? Abnormal ba ang ginagawa ng mga brodkaster at mga bloggers na tumatawag ng kanyang pansin dahil sa “karumal-dumal” at hindi “makatao” niyang ginawa? Para na rin niyang sinabi na dahil “straight” kuno siya, sigurado nang ligtas siya pagdating ng araw ng paghukom. Paanong mangyayari yon ganoong hindi siya naniniwalang NAKIKITA NG DIYOS ANG LAHAT, dahil tulad ni Binay, naniniwala din siyang HANGGA’T HINDI NAPAPATUNAYAN NG KORTE (NG TAO) ANG KASALANAN NG ISANG TAO, ITO AY  INOSENTE!….YAN ANG NAKAKAPANINDIG-BALAHIBONG PANANAW DAHIL HINDI NIYA INISIP NA ALAM NG DIYOS ANG LAHAT NG NANGYAYARI SA MUNDO!

 

Ang batayan niya sa kanyang mga sinasabi ay ang Bibliya at sa isang bahagi pa niyan ay nandoon ang mga batas PARA SA MGA ISRAELITA LANG NA IBINIGAY NG DIYOS NILA SA KANILA LANG. Nandoon ang mga batas na ginagamit ngayon ng ISIS. Nagbabasa ako ng Bibliya at namimik-ap ng mga ideya na maaari kong magamit, pero hindi ako panatiko at literal na nagpapatupad ng LAHAT  ng nababasa ko. Para sa akin ay tama lang na tandaan for information,  kung ano ang mga nabasa pero ang ipatupad ang mga hindi na applicable o angkop sa kasalukuyang panahon ay ang dapat ituring na ABNORMAL.

 

Halimbawa ng abnormal na pagpaniwala sa lahat ng sinasabi sa Bibliya ay ang sinabing, huwag mag-alala dahil Diyos na ang bahala sa iyo….na isang malaking kamalian. Dapat tayo ay magsikap pa rin, dahil kung hindi dapat mag-alala ang tao, magiging tamad na siya at aasa na lang sa biyaya. Sa Gitnang Silangan, may mga nagpapairal pa ng batas ng Bibliya na kailangang batuhin hanggang mamatay ang isang nagtaksil sa asawa, putulan ng ari ang isang nanggahasa, putulan ng kamay ang isang nagnakaw, etc.  Marami pang ganyang sinasabi sa Bibliya na literal na pinaniniwalaan ng mga “panatiko”. Sa Pilipinas ay maraming ganyang uri ng panatiko! Kaya mag -ingat tayo sa mga taong utak-ipis na mga ito! Ang masama lang ay baka makarating sila sa Kongreso at Senado….gagawa ng mga batas na “karumal-dumal”.

 

Walang kwestiyong magaling sa boksing si Pacquiao, subalit minsan na ring nakalog ang utak dahil sa sobrang self-confidence. Itong sobrang self-confidence na dinagdagan pa ng mga sulsol na gusto lang siyang lokohin ang humihila kay Pacquiao pababa.

 

Napatunayan na sa napakaraming pagkakataon ang pagiging bulag sa katotohanan ng mga taong nalasing sa tagumpay at karangalan kaya nag-akalang si SUPERMAN sila. Taliwas yan sa inakala kong okey si Pacquiao noon na padasal-dasal pa hawak ang rosaryong bigay ng nanay niya bago sumabak sa suntukan sa ibabaw ng ring. Bandang huli, nawala ang rosaryo, pumasok sa pulitika at nagpalit ng religion. Ano ang nangyari?….ang unti-unti niyang pagbagsak!

 

Ngayon, umabot sa sukdulan ang pagbago ng ugali ni Pacquiao dahil akala niya ay isa rin siyang “huwes” ng Diyos na dapat humusga sa ibang taong masahol pa daw sa hayop ang ginagawa! Ang ginagawa ni Pacquiao na paghuwes-huwesan ay panggagaya sa mga tunay na huwes noong panahon ng Bibliya, silang mga itinalaga ng Diyos dahil wala pang namumunong hari sa mga Israelita.

 

Upang makakita ng mga naghuhuwes-huwesan, pumunta lang sa tapat ng Quiapo church ngayong Holy Week at maraming makikita doon. Noong nakaraang taon, ang mga nakita ko ay mga may mahabang balbas at pilit na magmukhang si Hesus, may isa pang nakaupo sa “trono” , nakasuot ng puting damit upang magmukhang “diyos ama” at napapaligiran ng mga “disipulo” na ang isa ay umaarteng nagta-trance, pero nang sigawan ko ay “nagising”!

 

Marami na akong ginawang blog para kay Pacquiao, kasama na ang isang tula. Kahit nagsisimula pa lang siya sa boksing ay marami na siyang inaning tagumpay sa Pilipinas. Subalit sa kalaunan, nagmistula siyang gumuhong bantayog sa aking pananaw….ginagawa rin pala niya ang mga ginagawa ng mga nalalasing sa tagumpay.

Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay Pagdating sa Katiwalian….nakakabahalang isipin!

Magkapareho ang Pananaw ni Pacquiao at Binay

Pagdating sa Katiwalian…nakakabahalang isipin!

Ni Apolinario Villalobos

 

Umaayon si Pacquiao sa pananaw ni Binay na walang katotohanan ang mga ibinebentang sa kanyang katiwalian hangga’t hindi napapatunayan. Papaanong mapatunayan ni Binay na wala siyang kasalanan kung hindi naman siya umaatend ng mga hearing? Paano niyang mapatunayan na hindi galing sa nakaw ang yaman nila kung palaging idinadahilan niya ang “immunity” ng kanyang posisyon upang hindi siya mapuwersang dumalo sa mga hearing?

 

Nakakabahala ang ganitong pananaw dahil nagpapahiwatig ito na walang kasalanan ang isang nagnakaw kahit may mga ebidensiya pero hindi napatunayan sa husgado dahil sa galing ng kanyang abogado. Ang ganitong pananaw ay nagsasalamin ng hindi mapapagkatiwalaan sistema ng hustisya na pinapagalaw ng mga abogadong “matatalino” at ang serbisyo ay mayayaman lang ang may kakayahang umupa. Dahil diyan, maraming mga inosenteng mahirap na walang pambayad ng magaling na abogado ang  nabubulok sa bilangguan.

 

Palaging may karugtong na “Diyos” at pa-English pang deklarasyon ng kanyang “faith” kuno tuwing magsalita si Pacquiao upang ipabatid na siya ay maka-Diyos, kaya tingin niya sa kanyang sarili ay isang mabuting tao. Nakakapanindig- balahibo ang ginagawa niyang pagmamalaki….kahindik-hindik, at isang karumal-dumal na kayabangan! Hindi dahil dasal siya nang dasal o di kaya ay panay ang pagbasa ng Bibliya ay mabuting tao na siya. Paano ang mga walang Bibliya dahil walang pambili? Sila ba, tulad ng mga bakla at tomboy, ay mas masahol din sa hayop dahil walang na-memorize na salita ng Diyos tulad niya?

 

Paano naging mabuti ang isang tao na nagsasabing inosente siya hangga’t hindi napapatunayan sa korte ang mga kasalanan niya, kahit sa kaibuturan ng kanyang diwa ay alam niyang may kasalanan talaga siya? Ang ganitong pananaw ay nagpapahiwatig ng karumal-dumal na kawalan ng konsiyensiya ng isang tao dahil kahit alam niyang may kasalanan siya pero kaya niyang kumuha ng isang matalino at magaling na mga abogado ay siguradong absuwelto siya.

 

Kung mananalo si Binay bilang presidente at si Pacquiao ay senador, hindi na mawawalan ng pangungurakot sa gobyerno dahil ang kasalanang ito ay kailangang patunayan PA sa korte, ayon sa kanilang pananaw. Hindi man sila ang gumawa ay gagawin ng iba dahil kaya nilang umupa ng magaling na abogado kahit mahal ang serbisyo. Yan ang sagot sa tanong kung kaylan pa may napatunayang nangurakot na malalaking opisyal sa matataas na puwesto ng gobyerno. Samantala ang mga kaso man lang ng mga kinurakot na pork barrel sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay wala pa ring linaw hanggang ngayon.

 

Nakakatakot isipin na nabubuhay tayo ngayon sa panahong naglipana ang mga taong walang konsiyensiya. Silang tingin sa sarili ay maka-Diyos at hindi asal-hayop dahil panay ang basa ng Bibliya, pagdasal, at pag-attend ng prayer meetings, kaya mga “Kristiyano” kuno…ganoong ang nasa isip pala ay inosente sila sa mga kasalanang ginawa dahil hindi napatunayan sa korte!

Isang Sulyap Kay Manny Pacquiao Bilang Kongresista

Isang Sulyap Kay Manny Pacquiao
Bilang Kongresista
Ni Apolinario Villalobos

Bilib ako kay Pacquiao – bilang boksingero, pero wala pa siyang napatunayan bilang kongresista. Ang pinakahuling pangarap niya bilang coach ng isang basketball team para sa PBA ay nalusaw nang ma-eliminate ang grupo. Hindi rin kinakagat ng publiko ang kanyang pagkanta, pati ang pag-host sa TV na hindi rin tumagal. Dapat maliwanagan si Pacquiao na ang bawa’t tao ay may nakalaang papel sa mundo, isang papel kung saan ang pagkatao niya ay talagang itinugma ng Diyos.

Dahil sa pinanggalingang kahirapan, parang gustong patunayan ni Pacquiao na lahat ay posible kung pagsisikapan. Tama siya. Subalit iba ang posibleng nagawa sa magagawang angkop na ayon sa inaasahan. Hindi yan nalalayo sa isang tao na gustong patunayang kaya niyang maipasa ang pagsusulit ng abogasya, na nagawa naman niya. Subalit hanggang doon lang siya, kung sa pagka-abogado niya ay hindi naman pala siya epektibo, dahil lahat ng hawakan niyang kaso ay puro talo.

Masigasig si Pacquiao at walang kapaguran kung mag-ensayo. Malakas siyang sumuntok at magaling ang mga istratehiya batay sa istratehiya ng mga kalaban. Ang mga ito ay katangian ng isang magaling na boksingero, kaya lumutang siya sa larangang ito. Subalit bilang kongresista ay wala pa siyang ginawa upang patunayan na epektibo siyang representative na dapat ay gumagawa ng lahat para sa ikauunlad ng kanyang mga kalalawigan dahil na rin sad alas ng kanyang pagliban. Madali sa kanya ang humugot ng pera mula sa kanyang bulsa kung kailangan. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi ng ibang mahal niya ang kanyang mga kalalawigan. Subalit ito ay panandaliang konsuwelo lamang. Paano kung hindi na siya ang kongresista? Iba ang mga batas na naipasa at naitala nang panghabang buhay para sa kapakanan ng isang lalawigan.

Naging popular siya dahil sa kanyang pera…bilyonaryo siya, at sa kultura ng Pilipino, isa ito sa mga katangian upang makilala. Ang mga sinasabing batas daw na siya ang author ay hindi maikakailang gawa ng kanyang matitinik na mga tauhan sa opisina. May nagagamit siyang pera para kumuha ng magagaling na researchers at writers. Ganito naman ang mga kalakaran kahit saang opisina. May alam nga akong mga “kolumnista” sa magazines at diyaryo pero may mga “ghost writers” na ginagamit. Marami ring mga mambabatas na kahit simpleng talumpati ay pinapagawa pa sa mga “ghost writers”… panukala pa kaya? Kaya walang dapat pagtakhan kung may mga mambabatas na akala natin ay magaling subalit umaasa lang pala sa matitinik na ghost writers at researchers. Alam ko yan, dahil nadanasan ko ang ganyang trabaho.

Nagbitaw pa si Pacquiao ng paghanga kay Jejomar Binay na sa tingin niya ay karapat-dapat daw na maging presidente ng Pilipinas kaya siniguro niya ang kanyang suporta para dito sa 2016. Malinaw namang ginawa niya ito bunsod ng sama ng loob niya sa administrasyon dahil sa isyu ng tamang buwis na pilit pinababayaran sa kanya ng BIR. Alam ng mga Pilipino kung hanggang saan umabot ang ginawa ni Binay sa pagkamal ng salapi na kwestiyonable. Sa pinapahiwatig niyang suporta sa isang taong tingin ng mga Pilipino ay nangamkam ng pera ng bayan, pati ang kanyang reputasyon ay nalagay sa balag ng alinganin. Paano na ang pinipilit niyang pagpapakita ng isa pa niyang katauhan bilang “pastor”.

Bayani si Pacquiao dahil nagbigay siya ng karangalan sa Pilipinas ng hindi matawarang dangal, subalit sa larangan ng boksing lamang. Malaking kaibahan ang mga responsibilidad ng isang manlalaro sa isang mambabatas. Hindi rin magandang dahilan bilang pagsuporta sa kanya, na sabihing mabuti nga siya at ang kinita niyang limpak-limpak na pera ay galing sa boksing, hindi tulad ng sa maraming pulitiko na ninakaw sa kaban ng bayan. Hindi yan ang isyu…kundi ang tungkulin niya bilang kongresista na ang kaakibat ay tiwala ng mga kalalawigan niyang bumoto sa kanya. At nakadikit din dito ang reputasyon ng buong kamara na dapat ay inuupuan ng mga maaasahang mambatatas.

Matalino si Pacquiao at may pag-iisip ng isang negosyante. Naisip niyang sa pagboboksing ay malaking pera ang malilikom niya para sa mga darating pang mga araw lalo na kung magretiro na siya sa lahat ng pinagkakaabalahan niya. Sa puntong ito, kahit alam niyang may dapat siyang importanteng gampanan bilang kongresista ay pinipilit pa rin niyang paibabawin ang kanyang pagkaboksingero na maswete namang sinuportuhan ng mga kasama niya sa kamara, kahit kapalit nito ay mga pagliban niya. Ginagamit din kasi siya ng mga kaalyado niya dahil sa katanyagan niya.

Isang halimbawa si Pacquiao na pumasok sa pulitika gamit ang katanyagan. Kung ang iba ay ginamit ang pagka-artista, siya naman ay gumamit ng pagiging kampeon sa boksing. Samantalang ang iba naman ay ginamit ang pangalan ng angkan na nakalista sa kasaysayan ng bansa bilang mga tanyag na mambabatas. Ang mga Pilipino ay mahilig sa katanyagan. Ito ang dahilan kung bakit magulo ang pulitika sa Pilipinas, kaya hindi na dapat pang magtanong ang mga Pilipino kung bakit animo ay pusali ang kalagayan ng bansa dahil sa mga tiwaling nakaupo sa gobyerno. Pulitika ang dahilan kung bakit naghihirap ang Pilipinas at mga Pilipino noon pa man, lalo na ngayon. Kaya ang malaking katanungan ay….sino ang may kasalanan?

Sa isyu tungkol kay Pacquiao, dapat lang siyang mag-resign, o kung hindi man ay magbakasyon, at hindi lumiban lang, upang hindi lalabas na niloloko niya ang taong bayan na tuloy pa rin ang pasweldo sa kanya tuwing may workout o laban siya. Huwag siyang mag-alala dahil barya lang naman ang suweldo niya bilang kongresista kung ihambing sa mga kinikita niya sa boksing. Ang tawag sa gagawin niya kung sakaling maliwanagan siya ay….delikadesa, common sense, o sense of fairness.

Kung katanyagan ang pagbabatayan sa pagbigay ng espesyal na konsiderasyon sa isang Pilipino dahil namumukod-tangi siya, dapat ang mga nagbigay ng karangalan sa bansa na tulad ni Lea Salonga, Charise Pempengco, mga beauty title holders, at iba pa ay dapat libre sa buwis at bigyan din ng iba pang pribiliheyo.

Walang dapat alalahanin si Pacquiao dahil para sa mga Pilipino ay bayani talaga siya sa larangan ng palaro…pero, magbayad din siya ng tamang buwis upang masabi niyang nakikinabang ang bansa sa kanya. Subalit ang pinakamalungkot ay ang malinaw na paggamit sa kanyang katanyagan ng mga mapagsamantala sa gobyerno…isang hudyat na talagang mahihirapang makaahon ang Pilipinas sa pagkalugmok dahil sa kultura ng Pilipinong pagmamahal sa katanyagan!